Manghawakan sa Pananampalataya at sa Isang Mabuting Budhi
Mga Tampok Mula sa Unang Timoteo
HUMIGIT-kumulang taóng 56 C.E., ang matatanda sa kongregasyon sa Efeso ay pinaalalahanan ni apostol Pablo na “mga ganid na lobo” ang babangon sa gitna nila at “magsasalita ng mga bagay na masama upang makaakit ng mga alagad nila.” (Gawa 20:29, 30) Sa loob ng ilang taon, ang turo ng mga apostata ay naging lubhang malala kung kaya’t ipinayo ni Pablo kay Timoteo na magsagawa ng espirituwal na pakikipagbaka sa loob ng kongregasyon upang maingatan ang pagkadalisay nito at matulungan ang mga kapananampalataya na manatili sa pananamplataya. Iyan ay isang pangunahing dahilan kung bakit isinulat ni Pablo ang kaniyang unang liham kay Timoteo buhat sa Macedonia humigit-kumulang 61-64 C.E.
Si Timoteo ay tinuruan ng mga gawain ng isang matanda, ng bigay-Diyos na dako ng mga babae, ng kuwalipikasyon ng matatanda at ministeryal na mga lingkod, at iba pang mga bagay-bagay. Ang gayong turo ay mapapakinabangan din sa ngayon.
Payo Tungkol sa Pananampalataya
Sinimulan ni Pablo ang kaniyang payo na manghawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi. (1:1-20) Kaniyang hinimok si Timoteo na manatili sa Efeso at “iniutos sa mga iba na huwag magturo ng naiibang doktrina.” Si Pablo ay nagpasalamat dahil sa ministeryong iniatas sa kaniya, kinilala niya na siya’y kumilos sa kawalang-alam at kulang ng pananampalataya nang kaniyang pag-usigin ang mga tagasunod ni Jesus. Kay Timoteo ay ipinayo ng apostol na patuloy na magsagawa ng espirituwal na pakikidigma, “na nanghahawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi” at huwag tumulad sa mga taong “nakaranas ng pagkabagbag tungkol sa kanilang pananampalataya.”
Payo Tungkol sa Pagsamba
Pagkatapos, si Pablo ay nagbigay ng payo bilang “isang guro sa mga bansa sa pananampalataya at katotohanan.” (2:1-15) Dapat ipanalangin ang mga nasa matataas na tungkulin upang ang mga Kristiyano ay makapamuhay nang mapayapa. Kalooban ng Diyos na lahat ng uring mga tao ay maligtas, at ang isang mahalagang turo ay na “ibinigay [ni Kristo] ang kaniyang sarili na isang katumbas na hain para sa lahat.” Ipinakita ni Pablo na ang isang babae ay dapat gumayak nang may kahinhinan at hindi dapat humawak ng kapangyarihan sa isang lalaki. Ang kongregasyon ay kailangang organisadong mabuti. (3:1-16) Kaya ibinigay ni Pablo ang mga kuwalipikasyon ng mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod. Buhat sa mga bagay na isinulat ng apostol, malalaman ni Timoteo kung papaano siya dapat gumawi sa kongregasyon, “isang haligi at suhay ng katotohanan.”
Si Timoteo ay binigyan ni Pablo ng personal na payo upang tulungan siya na mag-ingat laban sa bulaang turo. (4:1-16) Sa huling mga panahon may mga hihiwalay sa pananampalataya. Subalit sa pamamagitan ng patuloy na pag-iingat sa kaniyang sarili at sa kaniyang turo, ‘ililigtas [ni Timoteo] ang kaniyang sarili at yaong mga makikinig sa kaniya.’
Si Timoteo ay tumanggap rin ng payo sa pakikitungo sa mga indibiduwal, mga bata at matatanda. (5:1-25) Halimbawa, nararapat na paglaanan ang nakatatandang mga biyuda na may mainam na reputasyon bilang Kristiyano. Imbis na maghatid-dumapit, ang nakababatang mga biyuda ay dapat na magsipag-asawa at magsipag-anak. Ang nakatatandang mga lalaki na nangangasiwa sa isang mainam na paraan ay kailangang kilalanin na karapat-dapat sa ibayong karangalan.
Maka-Diyos na Debosyon na May Kalakip na Kasiyahan sa Sarili
Winakasan ang liham ni Pablo ng tungkol sa payo ng maka-Diyos na debosyon. (6:1-21) “Ang maka-Diyos na debosyon na may kalakip na kasiyahan sa sarili” ay malaking kapakinabangan, ngunit ang pagkadesididong yumaman ay humahantong sa kapahamakan at pagkapariwara. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na makipagbaka nang mainam na pakikipagbaka ng pananampalataya at ‘kumapit nang mahigpit sa buhay na walang-hanggan.’ Upang makapanghawakan sa tunay na buhay na iyan, ang mayayaman ay kailangang “maglagak ng kanilang pag-asa, hindi sa walang kasiguruhang kayamanan, kundi sa Diyos.”
[Kahon/Larawan sa pahina 30]
Naligtas sa Pamamagitan ng Pag-aanak: Ang tinatalakay ni Pablo ay hindi kaligtasan tungo sa buhay na walang-hanggan kundi ang tumpak na bahaging ginagampanan ng isang maka-Diyos na babae nang siya’y sumulat: “Siya ay maliligtas sa pamamagitan ng pag-aanak, kung mamamalagi sila sa pananampalataya at pag-ibig at pagpapakabanal na may katinuan ng isip.” (1 Timoteo 2:11-15) Sa pamamagitan ng pag-aanak, at pag-aasikaso sa kaniyang mga anak, at pamamanihala sa isang sambahayan, ang isang babae ay “maliligtas” buhat sa pagiging isang walang-silbing tsismosa at mapanghimasok sa buhay ng mga ibang tao. (1 Timoteo 5:11-15) Ang kaniyang mga gawain sa tahanan ay magsisilbing kapupunan sa kaniyang paglilingkod kay Jehova. Mangyari pa, lahat ng Kristiyano ay dapat magpakaingat tungkol sa kanilang asal at gamiting may katalinuhan ang kanilang panahon.—Efeso 5:15, 16.