Parangalan si Jehova—Bakit at Papaano?
“Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.”—1 SAMUEL 2:30.
1. Sino ang mga pinagkakalooban ng bantog sa daigdig na mga Nobel prize, at papaano minamalas ng marami ang mga gantimpalang ito?
SA BAWAT taon apat na institusyon sa Scandinavia ang nagkakaloob ng mga Nobel prize sa mga taong ‘nakagawa ng pinakamalaking kabutihan sa sangkatauhan noong nakalipas na taon.’ Ang mga gantimpala ay ibinibigay para sa mga pambihirang nagawa sa anim na iba’t ibang larangan ng pagsisikap. Ang isang Nobel prize ay itinuturing ng marami na pinakadakilang karangalan na maaaring maipagkaloob sa sinumang tao.
2. Sino ang nakaliligtaan ng mga nagkakaloob ng mga Nobel prize, at bakit Siya ang lalong higit na karapat-dapat parangalan?
2 Bagaman walang anumang masama sa pagpaparangal sa karapat-dapat na mga tao, yaon bang mga nagkakaloob ng mga parangal na ito ay nakaiisip man lamang na parangalan ang pinakadakilang Tagapagpala sa sangkatauhan? Ang Tagapagpalang iyan ay siyang nagkaloob ng di-mabilang na mga pagpapala sa sangkatauhan mula’t sapol na kaniyang lalangin ang unang lalaki at babae mga 6,000 taon na ngayon ang nakalipas. Ang kadalasa’y hindi pagpaparangal sa kaniya ay marahil nagpapagunita sa atin ng mga salita ni Elihu, ang kaibigan ng sinaunang si Job, na nakapuna ng ganito: “Ngunit walang nagsasabing, ‘Nasaan ang Diyos na aking Dakilang Manlilikha, na Siyang nagbibigay ng awit kung gabi?’ ” (Job 35:10) Ang ating dakilang Tagapagpala ay patuloy na gumagawa ng ‘kabutihan, nagbibigay ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana, at ang mga puso ay pinupunong lubusan ng pagkain at ng katuwaan.’ (Gawa 14:16, 17; Mateo 5:45) Tunay na si Jehova ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog.”—Santiago 1:17.
Kung Ano ang Kahulugan ng Parangalan
3. Ano ang pangunahing mga salitang Hebreo at Griego na isinasaling “parangalan,” at anu-ano ang kanilang kahulugan?
3 Ang pangunahing salitang Hebreo para sa parangalan, na ka·vohdhʹ, ay literal na nangangahulugang “kabigatan.” Kaya ang isang pinararangalan ay itinuturing na bigatin, kahanga-hanga, o hindi basta-basta. May kaugnayan dito, ang salitang Hebreong ito, na ka·vohdhʹ, ay kalimitan isinasalin din sa Kasulatang Hebreo na “kaluwalhatian,” na nagpapakita pa rin kung gaano kabigat o gaano kaimportante itinuturing ang isa na pinararangalan. Ang isa pang salitang Hebreo, na yeqarʹ, isinaling “parangalan” sa Kasulatan, ay isinasalin ding “mamahalin” at “mamahaling mga bagay.” Kaya sa Kasulatang Hebreo, ang salitang parangalan ay may kaugnayan sa kaluwalhatian at pagkamamahalin. Ang salitang Griego na isinaling “parangalan” sa Bibliya ay ti·meʹ, at ito rin ay nagbibigay ng diwa ng pagtatangi, pagpapahalaga, pagkamamahalin.
4, 5. (a) Ano ba ang kahulugan ng pagpaparangal sa isang indibiduwal? (b) Anong kalagayan na inilalahad sa Esther 6:1-9 ang nagpapakita kung ano ang kasangkot sa pagpaparangal?
4 Samakatuwid pinararangalan ng isa ang sinuman sa pamamagitan ng pagpapakita sa sinumang iyon ng matinding paggalang at pagtatangi. Bilang halimbawa, isaalang-alang ang kalagayan na inilalahad ng Bibliya tungkol sa tapat na Judiong si Mardocheo. Minsan ibinunyag ni Mardocheo ang isang pakana laban sa buhay ni Haring Assuero ng sinaunang Persya. Nang malaunan, isang gabi na hindi makatulog ang hari, ang ginawa ni Mardocheo ay itinawag-pansin sa hari. Kaya tinanong niya ang kaniyang mga utusan: “Anong pagpaparangal at dakilang bagay ang ginawa kay Mardocheo ukol dito?” Sumagot sila: “Wala pa pong nagagawa para sa kaniya.” Anong lungkot nga! Iniligtas ni Mardocheo ang buhay ng hari gayunman ang hari ay hindi nagpakita ng pagpapahalaga.—Esther 6:1-3.
5 Kaya, sa tamang panahon, itinanong ni Assuero sa kaniyang pangunahing ministro, si Haman, kung papaano pinakamagaling na mapararangalan ang isa na kinalugdan ng hari. Agad na nangatuwiran si Haman sa kaniyang puso: “Kanino pa malulugod ang hari na parangalan kundi sa akin?” Kaya sinabi ni Haman, na ang taong iyon ay dapat bihisan ng “kasuotang-hari” at sumakay sa “isang kabayo na sinasakyan ng hari.” Siya’y nagtapos: “Kanilang pasasakayin siya sa kabayo sa plasa ng lunsod, at kanilang itatanyag sa unahan niya, ‘Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng Hari.’ ” (Esther 6:4-9) Ang isang pinararangalan nang gayon ay lubhang pahahalagahan ng lahat ng mamamayan.
Kung Bakit Karapat-dapat Parangalan si Jehova
6. (a) Sino higit sa lahat ang karapat-dapat parangalan natin? (b) Bakit ang salitang “dakila” ay angkop na kumakapit kay Jehova?
6 Sa buong kasaysayan ay may mga taong pinarangalan, bagaman hindi karapat-dapat. (Gawa 12:21-23) Gayunman sino higit sa lahat ang karapat-dapat parangalan? Mangyari pa, ang Diyos na Jehova! Siya’y karapat-dapat parangalan natin sapagkat siya ay talagang dakila. Malimit na ang terminong “dakila” ay ikinakapit sa kaniya. Siya ang Dakilang Isa, ang Dakilang Maykapal, ang Dakilang Maylikha, ang Dakilang Hari, ang Dakilang Instruktor, ang Dakilang Panginoon. (Awit 48:2; Eclesiastes 12:1; Isaias 30:20; 42:5; 54:5; Oseas 12:14) Siya na dakila ay maharlika, marangal, mataas, mahal, tanyag, at kasindak-sindak. Si Jehova ay hindi maihahambing kaninuman, siya’y walang kapantay, siya’y hindi malalampasan ninuman. Siya mismo ang nagpapatotoo sa bagay na iyan, na nagsasabi: “Kanino ninyo ako itutulad o ipaparis o iwawangis upang kami ay maging magkahawig?”—Isaias 46:5.
7. Sa humigit-kumulang ilang iba’t ibang paraan masasabing ang Diyos na Jehova ay kakaiba, at bakit masasabi na siya ay walang-katulad kung sa kapangyarihan?
7 Ang Diyos na Jehova ay walang katulad sa humigit-kumulang pitong iba’t ibang paraan, na nagbibigay ng espesipikong mga dahilan upang parangalan siya. Una sa lahat, karapat-dapat ang Diyos na Jehova sa pinakadakilang parangal sapagkat siya’y walang katulad sa kapangyarihan. Ang Panginoong Jehova ang Pansansinukob na Soberano—siya ay kataas-taasan. Siya ang ating Hukom, Tagapagbigay-batas, at Hari. Lahat sa langit at sa lupa ay mananagot sa Kaniya; gayunman siya ay hindi mananagot kaninuman. Angkop na kumakapit sa kaniya ang mga salitang “dakila, makapangyarihan at kasindak-sindak.”—Deuteronomio 10:17; Isaias 33:22; Daniel 4:35.
8. Bakit masasabi na si Jehova ay walang-katulad (a) kung tungkol sa kaniyang posisyon? (b) kung tungkol sa kaniyang walang-hanggang pag-iral?
8 Ikalawa, ang Diyos na Jehova ay karapat-dapat sa pinakadakilang parangal sapagkat siya ay walang katulad kung tungkol sa kaniyang posisyon. Siya ang “Mataas at Matayog na Isa,” ang Kataas-taasan. Siya ay matayog na di-hamak sa lahat ng kaniyang makalupang mga nilalang! (Isaias 40:15; 57:15; Awit 83:18) Ikatlo, ang Diyos na Jehova ay dapat parangalan higit sa lahat sapagkat siya ay walang makakatulad kung tungkol sa kaniyang walang-hanggang pag-iral. Siya lamang ang walang pasimula, sapagkat mula sa walang hanggan hanggang sa walang-hanggan.—Awit 90:2; 1 Timoteo 1:17.
9. Sa anong paraan walang-katulad si Jehova (a) kung tungkol sa kaniyang kaluwalhatian? (b) kung tungkol sa kaniyang pangunahing mga katangian?
9 Ikaapat, ang Diyos na Jehova ay karapat-dapat sa pinakadakilang parangal dahilan sa kadakilaan ng kaniyang personal na kaluwalhatian. Siya “ang Ama ng makalangit na liwanag.” Siya’y totoong maningning bilang persona kung kaya’t walang tao na maaaring tumingin sa kaniya at mabuhay pa. Tunay na siya ay kasindak-sindak. (Santiago 1:17; Exodo 33:22; Awit 24:10) Ikalima, utang natin sa Diyos na Jehova ang pinakadakilang pagpaparangal dahilan sa kaniyang kamangha-manghang mga katangian. Siya’y makapangyarihan-sa-lahat, walang-hanggan ang kapangyarihan; siya’y marunong-sa-lahat, walang-hanggan sa karunungan; siya’y lubus-lubusang sakdal sa katarungan; at siya ang mismong sagisag ng pag-ibig.—Job 37:23; Kawikaan 3:19; Daniel 4:37; 1 Juan 4:8.
10. Sa anong paraan walang kaparis si Jehova (a) kung tungkol sa mga gawang paglalang at mga pag-aari? (b) kung tungkol sa kaniyang pangalan at kabantugan?
10 Ikaanim, ang Diyos na Jehova ay karapat-dapat sa pinakadakilang posibleng pagpaparangal dahilan sa kaniyang dakilang mga gawang paglalang. Bilang ang Maylikha ng lahat ng bagay sa langit at sa lupa, siya rin ang Dakilang May-ari ng lahat ng bagay. Mababasa natin sa Awit 89:11: “Iyo ang langit, ang lupa ay iyo rin.” Ikapito, si Jehova na ating Diyos ay karapat-dapat parangalan higit kaysa kaninuman sapagkat siya’y walang katulad, walang kaparis kung tungkol sa kaniyang pangalan at kabantugan. Siya lamang ang may pangalang Jehova, na nangangahulugang “Kaniyang Pinapangyayaring Maganap.”—Tingnan ang Genesis 2:4, talababa.
Kung Papaano Pararangalan si Jehova
11. (a) Ano ang ilan sa mga paraan na ating mapararangalan si Jehova? (b) Papaano natin maipakikita na talagang pinararangalan natin si Jehova sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kaniya?
11 Dahilan sa lahat ng mga katangian ni Jehova, papaano natin mapararangalan siya? Gaya ng makikita natin, mapararangalan natin siya sa pamamagitan ng pagpapakitang siya’y ating kinatatakutan at iginagalang, ng pagsunod sa kaniya, ng pagkilala sa kaniya sa lahat ng ating lakad, pagbibigay ng mga kaloob, pagtulad sa kaniya, at pananalangin sa kaniya. Atin ding mapararangalan siya sa pamamagitan ng paglalagak ng pananampalataya sa kaniya, pagtitiwala sa kaniya anuman ang mangyari. “Tumiwala kay Jehova nang iyong buong puso,” ang payo sa atin. Kaya ating pinararangalan ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng lubusang paniniwala sa kaniyang sinabi. Halimbawa, kaniyang sinasabi: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo. Huwag kang magmasid sa palibot [sa takot], sapagkat ako ang iyong Diyos. Palalakasin kita. Talagang tutulungan kita.” (Kawikaan 3:5; Isaias 41:10) Ang hindi pagtitiwala sa kaniya nang lubusan ay hindi pagpaparangal sa kaniya.
12. Sa pagpaparangal kay Jehova, anong bahagi ang ginaganap ng pagsunod at pagkatakot?
12 Ang isang lubhang kaugnay na paraan na ating pinararangalan ang Diyos na Jehova ay sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. At mahalaga sa pagsunod ang maka-Diyos na pagkatakot, oo, pagkatakot na hindi makalugod sa Diyos. Ang nagpapakita ng kaugnayan ng pagkatakot at pagsunod ay ang mga salita ni Jehova kay Abraham pagkatapos na si Abraham ay masunuring nagtangkang ihandog si Isaac, na kaniyang anak. “Ngayon batid ko na ikaw ay may takot sa Diyos,” ang sabi ni Jehova. (Genesis 22:12) Nang tinatalakay kung ano ang utang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ipinakita rin ni apostol Pablo na ang pagsunod at pagpaparangal ay magkasama. (Efeso 6:1-3) Samakatuwid sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, na hindi naman mabigat, ating pinararangalan si Jehova. Walang bahagya mang pag-aalinlangan, ang hindi pagsunod sa Diyos na Jehova ay hindi pagpaparangal sa kaniya.—1 Juan 5:3.
13. Dahilan sa pagpaparangal sa Diyos ay anong kaisipan ang tataglayin natin tungkol sa ating mga gawain at mga plano?
13 Isa pa, ating madudulutan ng nauukol na karangalan ang Diyos na Jehova sa pakikinig sa payo sa Kawikaan 3:6: “Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad [oo, tanggapin mo siya], at kaniyang itutuwid ang iyong mga landas.” Ang alagad na si Santiago ay nagbibigay sa atin ng mabuting payo tungkol dito. Sa halip na kumilos nang may pagtitiwala sa sarili sa araw-araw, na ang ating sariling mga kakayahan ang pinagtitiwalaan, ang dapat nating sabihin ay: “Kung loloobin ni Jehova, tayo’y mabubuhay at gagawin din natin ito o iyan.” (Santiago 4:15) Noong mga taóng nakalipas ay kaugalian ng International Bible Students na sa anumang pangungusap tungkol sa hinaharap ay isinususog nila ang daglat na D.V., na kumakatawan sa Deo volente, na ang ibig sabihin ay “kung loloobin ng Diyos.”
14. (a) Anong saloobin tungkol sa ating mga pagsisikap ang dapat nating taglayin kung ibig nating parangalan ang Diyos? (b) Anong saloobin ang makikita may kaugnayan sa paglalathala ng Watch Tower Society ng literatura?
14 Atin ding pinararangalan ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang mapagpakumbabang saloobin, na ang Diyos ang binibigyan ng kapurihan sa anumang mga tagumpay na ating tinatamasa. Si apostol Pablo ay may wastong pagkakilala tungkol sa kaniyang ministeryo na ganito: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupa’t walang anuman ang nagtatanim ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.” (1 Corinto 3:6, 7) Tunay naman, ang pinagkakaabalahan ni Pablo ay ang pagdadala ng kaukulang karangalan sa Diyos, hindi sa kaniyang sarili o sa kaninumang tao. Kaya naman, sa ngayon, ang mga publikasyon ng Watch Tower Society ay hindi naglalathala ng pangalan ng mga sumulat nito, at iniiwasan ng mga sumulat ang ipaalám na sila ang sumulat. Sa ganitong paraan, ang pansin ay napapatutok sa impormasyon, na dinisenyo upang magparangal kay Jehova, at hindi sa kaninumang tao.
15. Anong karanasan ang nagpapakita na mahirap maunawaan ng ibang mga tao ang kapakumbabaan ng mga Saksi ni Jehova?
15 Ang patakarang ito na pagtututok ng pansin kay Jehova, sa gayo’y pinararangalan siya, ay pinagtatakhan ng iba. Mga ilang taon na ngayon ang nakaraan, nang nagkakabit ng isang sound system para sa isang pangmadlang pahayag sa Central Park ng New York City, ang mga Saksi ay nagpapatugtog ng isa sa mga tapes ng Kingdom Melodies upang subukin ang sound system. Isang bihis na bihis na mag-asawa ang nagtanong sa isa sa mga Saksi kung ano ang musika. Sa pag-aakala na ang mag-asawa ay mga Saksi, siya’y sumagot: “Iyon ay ang Kingdom Melodies No. 4.” “Oo, pero sino ang kompositor ng musikang iyan?” ang tanong nila. Ang Saksi ay tumugon: “Ah, hindi nakalagay ang pangalan ng kompositor.” Ang mag-asawa ay tumugon: “Ang mga taong kompositor ng ganiyang klase ng musika ay hindi gagawin iyan nang hindi ipinalalagay ang kanilang pangalan.” Ang Saksi ay tumugon: “Pero ang mga Saksi ni Jehova po ay hindi ganoon.” Oo, gayon ang ginagawa nila upang lahat ng karangalan ay matungo sa Diyos na Jehova!
16. Sa anong iba’t ibang paraan magagamit natin ang ating mga tinig upang magparangal sa Diyos na Jehova?
16 Ang isa pang paraan na mapararangalan si Jehova ay sa pamamagitan ng paggamit ng ating mga labi upang magpatotoo tungkol sa kaniya. Kung talagang ibig nating maparangalan siya, tayo’y magiging sadyang maingat sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay at ng anumang mga ibang paraan na maaari nating gamitin, hindi kinaliligtaan ang mga pagkakataon na magpatotoo sa impormal na paraan. (Juan 4:6-26; Gawa 5:42; 20:20) Bukod dito, tayo ay may mga pagkakataon na parangalan ang ating Diyos ng ating mga tinig sa ating mga pulong sa kongregasyon, kapuwa sa pamamagitan ng mga pagkukomento at ng taus-pusong pag-awit ng ating mga awiting pang-Kaharian. (Hebreo 2:12; 10:24, 25) Sa ating araw-araw na mga pag-uusap, atin ding mapararangalan ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng ating mga labi. Sa kaunting pagsisikap, ang pag-uusap ay maaaring maneobrahin tungo sa mga bagay na magpapatibay sa espirituwalidad, at ito’y magdadala ng karangalan sa Diyos na Jehova.—Awit 145:2.
17. (a) Ano ang kaugnayan ng tamang asal sa ating pagpaparangal kay Jehova? (b) Ano ang epekto ng maling asal?
17 Bagaman magaling na parangalan ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng ating mga labi, kailangan din na parangalan siya sa pamamagitan ng ating asal. Pinagwikaan ni Jesus yaong mga taong, bagaman nagpaparangal sa Diyos ng kanilang mga labi, ang mga puso naman ay malayo sa kaniya. (Marcos 7:6) Ang maling asal ay hindi makapagpaparangal sa Diyos na Jehova. Halimbawa, sa Roma 2:23, 24, ating mababasa: “Ikaw, na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa Kautusan ay niwawalan mo ba ng kapurihan ang Diyos? Sapagkat ‘ang pangalan ng Diyos ay nilalapastangan ng dahil sa inyo na mga tao sa gitna ng mga bansa.’ ” Noong nakalipas na mga taon libu-libo ang natitiwalag buhat sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova. Malamang, lalong marami na nahulog sa pagsunod sa maling asal ang hindi natiwalag dahil sa nagpakita sila ng tunay na pagsisisi. Lahat ng mga taong ito ay maaaring nagparangal kay Jehova ng kanilang mga labi, ngunit hindi nila ginawa ang gayon sa pamamagitan ng kanilang asal.
18. (a) Anong pananagutan ang kailangang gampanan ng mga ibang lubhang pinagpala kung ibig nilang magpakita ng kaukulang pagpaparangal kay Jehova? (b) Papaanong ang kalagayan ng ilang mga saserdote noong kaarawan ni Malakias ay halimbawa ng pangangailangang tayo’y mabahala?
18 Ang mga naglilingkod sa iba’t ibang pitak ng paglilingkuran—maging sa Bethel, sa gawaing paglalakbay o misyonero, o bilang mga payunir—ay lubhang pinagpala dahilan sa kanilang mga pagkakataon na makibahagi sa pagpaparangal kay Jehova. May obligasyon sila na gawin ang pinakamagaling na magagawa nila sa anumang gawain na iniatas sa kanila, bilang ‘tapat sa kakaunti at gayundin sa marami.’ (Lucas 16:10) Sa ilang paraan ang kanilang marangal na posisyon ay ipinaghalimbawa, bagaman hindi tipo ng mga saserdote at mga Levita sa sinaunang Israel. Gayunman, dahilan sa kapabayaan ng ilang saserdote noong kaarawan ni Malakias, sinabi sa kanila ni Jehova: “Kung ako’y isang ama, nasaan ang aking dangal? At kung ako’y isang dakilang panginoon, nasaan ang pagkatakot sa akin?” (Malakias 1:6) Ang pangalan ng Diyos ay hinahamak ng mga saserdoteng iyon dahil sa paghahandog nila ng bulag, pilay, at may sakit na mga hayop bilang mga hain. Kung yaong mga may pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod sa ngayon ay hindi magsisikap na gawin ang pinakamagaling na magagawa nila, sila lalo na ang karapat-dapat na pagwikaan ng Diyos na Jehova gaya ng mga saserdoteng iyon. Sila’y hindi makapagpaparangal sa Diyos.
19. (a) Gaya ng makikita sa Kawikaan 3:9, ano ang isang karagdagang paraan ng pagpaparangal kay Jehova? (b) Ano ang isa pang mahalagang paraan ng pagpaparangal kay Jehova?
19 Ang isa pang paraan na mapararangalan natin ang Diyos na Jehova ay sa pamamagitan ng pag-abuloy ng salapi sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na kaniyang iniutos. “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahalagang mga ari-arian at ng mga unang bunga ng lahat mong ani,” ang payo sa atin. (Kawikaan 3:9) Ang pribilehiyo ng gayong pag-aabuloy ay isang pagkakataon upang parangalan ang Diyos na Jehova na hindi dapat kaligtaan ng isa. Atin ding mapararangalan ang Diyos na Jehova sa ating mga panalangin, na pinupuri at pinasasalamatan siya. (1 Cronica 29:10-13) Sa katunayan, dahilan sa lumalapit tayo sa kaniya nang may pagpapakumbaba at nang may matinding paggalang, ang atin mismong paglapit sa Diyos sa panalangin ay nagpaparangal sa kaniya.
20. (a) Sino karaniwan na ang pinararangalan ng mga tao ng daigdig, at papaano? (b) Sa pamamagitan ng pagsunod sa anong utos mapararangalan pa natin si Jehova?
20 Sa ngayon maraming tao, ang mga kabataan lalo na, ang nagpaparangal sa mga hinahangaan nila sa pamamagitan ng pagtulad sa mga ito—ginagaya ang kanilang pagsasalita at kumikilos na katulad nila. Malimit ang mga taong kanilang tinutularan ay mga bayani sa daigdig ng isports o mga bituin sa tanghalan. Kabaligtaran nito, bilang mga Kristiyano, dapat nating parangalan ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagsisikap na tularan siya. Si apostol Pablo ay nagpayo na gawin natin iyon, na isinulat: “Maging tagatulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal, at patuloy na lumakad sa pag-ibig.” (Efeso 5:1, 2) Oo, sa pagsisikap na tularan si Jehova, ating pinararangalan siya.
21. (a) Ano ang magsasangkap sa atin na luwalhatiin at parangalan si Jehova? (b) Ano ang mga gantimpalang ibinibigay ni Jehova sa mga nagpaparangal sa kaniya?
21 Tunay, maraming paraan na maaari at dapat na luwalhatiin at parangalan ang Diyos. Huwag nating kalilimutan na sa pamamagitan ng palagiang pag-aaral ng kaniyang Salita at ng lalong higit na pagkakilala sa kaniya, lalo nating mapararangalan siya. Ano ba ang mga gantimpala sa paggawa ng gayon? “Yaong mga nagpaparangal sa akin,” ang sabi ni Jehova, “ay aking pararangalin.” (1 Samuel 2:30) Balang araw pararangalin ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng buhay na walang-hanggan sa kaligayahan, maging sa langit man bilang mga tagapamahala na kasama ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, o sa lupang Paraiso.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino sa pangkalahatan ang pinararangalan ng mga tao, at sino ang karaniwang nakakaligtaan nilang parangalan?
◻ Ano ang kahulugan ng pagpaparangal sa sinuman, at anu-ano ang mga paraan upang magawa ito?
◻ Ano ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang Diyos na Jehova ay karapat-dapat parangalan?
◻ Ano ang ilan sa mga paraan upang maparangalan natin si Jehova?
◻ Sa anu-anong paraan ginagantimpalaan ni Jehova ang mga nagpaparangal sa kaniya?