Ang Dakilang Isyu—Ano Iyon?
ANO ba ang dakilang isyu na nakaharap sa bawat isa sa atin? Iyon ba ay umaangat na mga karagatan at kakatuwang lagay ng panahon na ang sanhi ay ang pag-init ng globo? Iyon ba ay ang pagnipis ng sapin ng ozone, na humahantong sa mapanganib na pagkahantad sa nakapipinsalang mga sinag na ultraviolet ng araw? Iyon ba ay ang nagpuputok na dami ng tao, na lalo pang nagpapalubha sa ibang mga suliranin ng mundo, tulad baga ng karalitaan at krimen? O iyon ba ay yaong panganib na malipol ang di-mabilang na angaw-angaw sa isang digmaang nuklear, na ang sinumang makaligtas sa pagkatupok ay sa bandang huli mamamatay rin dahil sa sukdulang kahirapan buhat sa ginaw, gutom, o radyasyon?
Pagkatapos talakayin ito at ang iba pang isyu, noong 1989 ang lathalaing Scientific American ay nagtapos: “Ang posibilidad ng digmaang nuklear ay tiyak na siyang pinakagrabeng potensiyal na panganib sa . . . kaligtasan.” Kung gayon, ang digmaang nuklear ba ang dakilang isyu na nakaharap sa atin?
Ang Dakilang Isyu
Sa pagbabago ng mga kalagayang pulitikal sapol noong 1989, ang digmaang nuklear ay tila malayong mangyari. Gayumpaman, habang may mga armas nuklear, ang mga iyan ay nagsisilbing isang malubhang banta sa sangkatauhan. Sa kabila nito, ang impormasyon sa 1990 Britannica Book of the Year ay tumutukoy ng isa pang maselan na bagay. Sang-ayon sa reperensiyang aklat na ito, mahigit na 230 milyon ng mga tao sa mundo ay mga ateista. Ang iba pang mga reperensiya ay nagpapakita na karagdagang angaw-angaw pa rin ang naiimpluwensiyahan ng mga pilosopyang Silanganin na nagbibigay-daan sa paniwala na walang Maylikha. Bukod dito, samantalang daan-daang milyon ang naniniwala sa isang Maylikha, ang kanilang mga ideya tungkol sa kaniya ay totoong nagkakaiba-iba. At sa maraming kaso, ang kanilang mga ikinikilos ay nagdadala ng malaking upasala sa Isa na kanilang inaangking sinasamba.—2 Pedro 2:1, 2.
Kung may Diyos—at tunay naman na mayroon nga—tiyak na ang pinakamahalagang isyu ngayon ay tungkol sa kaniya. Bakit niya nilikha ang tao? Ano ang ating pananagutan sa kaniya? Papaano siya naaapektuhan ng ginagawa ng taong pagpapahamak sa lupa? At papaano siya tutugon sa hamon na ipinahihiwatig ng pagtanggi ng totoong napakarami na maniwala sa kaniya o pasakop sa kaniyang kalooban? Sa katunayan, ang dakilang isyu na nakaharap sa bawat isa sa atin ay kung atin bagang tinatanggap o tinatanggihan ang soberanya ng Diyos, “na ang tanging pangalan ay JEHOVA.”—Awit 83:18, King James Version.
Ang Pinagmulan ng Sansinukob
Mangyari pa, sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos, ang ating pananagutan sa kaniya ay hindi isang suliranin. Subalit sinuman na taimtim na nagmamasid sa disenyo at sa kagandahan ng ating makalupang tahanan ay mapipilitang aminin na mayroon ngang isang dakilang Disenyador. Totoo naman na sa pagsisikap na ipaliwanag ang sangkalikasan na nakapalibot sa atin, karamihan ng mga siyentipiko ay hindi nagbibigay-pansin sa Diyos. Halimbawa, marami ang nagsasabi na ang sansinukob ay lumawak hanggang sa kasalukuyang laki buhat sa pasimula’y isang napakaliit na tuldok na maliit pa kaysa ulo ng isang aspile, at nangyari ito sa “natural” na paraan, di-sinasadya, nang hindi na kailangan ang isang Maylikha. Gayunman, pagkatapos ipaliwanag ang isang palasak na bagong teorya sa kung papaano nagsimula ang sansinukob, inamin ng pisisistang si Hanbury Brown, sa kaniyang aklat na The Wisdom of Science: “Sa karamihan ng tao, sa palagay ko, iyan ay waring katulad lamang ng isang pagsasalamangka imbis na isang paliwanag.” Si Propesor Brown ay nagtatapos sa pagsasabing “ang pinagmulan at layunin ng sanlibutan” ay “mga dakilang misteryo” na waring hindi malulutas ng siyensiya.
Naipakita ng mga siyentipiko na ang materya at enerhiya ay lubhang magkaugnay at na ang materya ay maaaring maikumberte sa enerhiya at ang enerhiya sa materya. Gaya ng makikita sa mga pagsabog nuklear, ang kaunting materya ay katumbas ng napakaraming enerhiya. Kung gayon, saan nanggaling ang lahat ng enerhiya na katumbas ng 100,000 milyong bituin sa ating galaxy, pati na rin ang mahigit na 1,000 milyon na mga galaxy na bumubuo sa nakikitang sansinukob?
Sinasabi ng Bibliya: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.” Sino ba ang Isang iyan? Sa Bibliya nakasulat ang kasagutan: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian.”—Isaias 40:26; 42:5, 8.
Ang haka-haka na sumipot nang di-sinasadya ang lupa at pati natitirang bahagi ng sansinukob ay nag-aalis ng kaluwalhatian na nauukol sa Maylikha, ang Diyos na Jehova. (Apocalipsis 4:11) Inaalis din nito ang isang matinding motibo na kumilos nang may kaugnayan sa lupa sa matalinong paraan. Kung alam ng mga tao na sila’y mananagot sa Diyos ukol sa kanilang ginagawa sa kaniyang paglalang, posible na sila’y magiging lalong maingat sa mga bagay na gaya halimbawa ng polusyon, pagkasira ng sapin na ozone, at pag-init ng globo.
Ang Pinagmulan ng Buhay
Isaalang-alang din ang katanungan: Papaano nagsimula ang buhay? Ang mga tao ay tinuruan na sumipot ang buhay nang walang kinalaman ang Diyos. Subalit ito’y salungat sa isang matatag na prinsipyo ng siyensiya. Dati ay may paniwala na nanggaling ang mga uwang sa dumi ng baka, ang mga uod ay sa bulok na karne, at ang mga daga ay sa putik. Kahit na noong nakalipas na siglo, itinuro ng mga siyentipiko na ang mga mikroorganismo ay galing sa walang-buhay na materya. Subalit ang mga ideya na gaya ng mga ito ay pinabulaanan ni Redi, Pasteur, at iba pang mga siyentipiko. Ang The World Book Encyclopedia (1990 edisyon) ay nagsasabi: “Pagkatapos ng mga eksperimento ni Pasteur, tinanggap ng karamihan ng mga biyologo ang ideya na lahat ng buhay ay galing sa umiiral na buhay.”
Subalit, ang teorya ng mga siyentipiko ay nasa malaon nang panahong lumipas, ang mga bagay-bagay ay naiiba. Kanilang sinasabi na ang unang isang-selulang mga organismo ay sumipot nang di-sinasadya galing sa isang walang-buhay na timpladang kanilang tinatawag na isang sinaunang sopas, na may taglay na mga kemikal na kailangan sa buhay. “Pagkakataon, at pagkakataon lamang, ang maylikha nitong lahat, mula sa sinaunang sopas hangang sa tao,” ang pahayag ni Christian de Duve sa A Guided Tour of the Living Cell.
Tungkol sa Diyos, sinasabi ng Bibliya: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Ang pangungusap na ito ay tunay na kasuwato ng mga bagay na nasaksihan na—na ang buhay ay maaaring manggaling lamang sa dati nang umiiral na buhay. Gayunman, yamang ang siyensiyang uso ngayon ay may paniwalang isa sa pinakamahalagang regalo ng Diyos, ang buhay, ay nangyari lamang nang di-sinasadya, maraming tao ang hindi naniniwalang sila’y may pananagutan sa Diyos tungkol sa kung papaano nila ginagamit ang kanilang buhay. Kaya naman, kanilang sinusuway ang mga kautusan ng Diyos, pinagsasamantalahan ang isa’t isa, kanilang ninanakawan ang isa’t isa, nagpapatayan, at gumugugol ng napakaraming salapi, panahon, at talino sa pagdidisenyo ng pamatay at pamuksang mga armas na lubhang kakila-kilabot sa bisa na pumatay.
Paglutas sa Isyu
Bukod sa mga ateista at mga modernista, di-mabilang na mga iba pa ang nagtatatuwa sa pagkasoberano ng Diyos. Napakarami sa ngayon ang nag-aangking naniniwala sa Diyos, at mahigit na 1,700 milyon ang nag-aangking mga Kristiyano. Sa loob ng daan-daang taon ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hayagang pumuri sa Diyos sa kanilang mga serbisyo. Subalit saan talagang naninindigan tungkol sa pagkasoberano ng Diyos ang karanmihan ng 1,700 milyong kataong iyan?
Kapuwa ang mga indibiduwal at mga bansa ay nagpakita ng kanilang hindi pagpapahalaga rito sa kanilang pagsuway sa espesipikong mga utos ng Diyos. Ang mga bansang nag-aangking Kristiyano ay patuloy na gumagawa ng walang-pakundangang mga karahasan, kasali na ang dalawang pinakamatitinding digmaan sa kasaysayan ng sangkatauhan—at “Kristiyanong” mga klerigo sa magkabilang panig ang nagbasbas sa mga digmaang iyon! Sa pamamagitan ng gayong pagpapaimbabaw, sila’y maling-maling kumatawan sa Diyos. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sila’y hayagang nagpapanggap na nakikilala nila ang Diyos, ngunit ikinakaila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”—Tito 1:16.
Subalit, ang Diyos ay “hindi makapagkakaila ng kaniyang sarili.” (2 Timoteo 2:13) Ang panahon ay darating na kaniyang lulutasin ang lahat ng bahagi ng isyung ito ng kaniyang soberanya kasuwato ng kaniyang sariling ipinahayag na layunin: “Kailangang maalaman nila na ako’y si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Subalit bakit napakatagal na panahon ang kinailangan niya? Papaano sa wakas malulutas ang isyu? At papaano ka makagagawa ng tamang mga pasiya sa pinakamahalagang bagay na ito?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover background: U.S. Naval Observatory photo
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Background: U.S. Naval Observatory photo