Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 4/1 p. 4-7
  • Malapit Na ba Ito Kaysa Inyong Akala?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ba Ito Kaysa Inyong Akala?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lahat ba ng Bagay ay Nagpapatuloy “Mula sa Pasimula ng Paglalang”?
  • Isang Kabuuang Tanda na Maraming Bahagi
    Gumising!—1993
  • “Ang Katapusan ng Sanlibutan” ay Malapit Na!
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Isang Hula sa Bibliya na Nakita Ninyong Natupad
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Kung Papaano Natin Nalalaman na Tayo’y Nasa “mga Huling Araw”
    Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 4/1 p. 4-7

Malapit Na ba Ito Kaysa Inyong Akala?

TATLONG araw bago siya namatay, si Jesus ay totoong abala sa mga gawain sa Jerusalem, isang araw na naging pinakamahalaga para sa mga Kristiyanong nabubuhay ngayon. Siya’y nagturo sa templo, kaniyang tinanggihan ang maraming nanlalansing katanungan na iniharap ng mga Judiong pinunong relihiyoso upang masilo siya. Sa katapus-tapusan, ang mga eskriba at Fariseo ay pinagwikaan niya nang masakit at nagpakitang sila’y mga mapagpaimbabaw at mga ulupong na tutungo sa Gehenna.​—Mateo, kabanata 22, 23.

Samantalang siya’y paalis na sa lugar ng templo, isa sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya: “Guro, narito! anong uri ng mga bato at anong uri ng mga gusali!” Si Jesus, palibhasa’y hindi napahanga ay nagsabi sa kaniya: “Iyo bang nakikita ang dakilang mga gusaling ito? Sa anumang paraan ay walang maiiwan ditong bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.” (Marcos 13:1, 2) Nang magkagayo’y nilisan ni Jesus ang templo sa huling pagkakataon, bumaba siya sa Libis ng Kidron, tumawid, at umakyat sa tagiliran ng Bundok ng Olibo.

Samantalang siya’y nakaupo roon sa bundok habang tinatamaan ng silahis ng lumulubog na araw sa dapithapon, abot-tanaw ang templo sa Bundok Moria sa kabila pa roon ng libis, sina Pedro, Santiago, Juan, at Andres ay palihim na lumapit sa kaniya. Hindi nila malimutan ang mga sinabi niya tungkol sa pagbagsak ng templo. Sila’y nagtanong: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3; Marcos 13:3, 4) Ang sagot niya sa kanilang katanungan ng hapon na iyon sa Bundok ng Olibo ay totoong mahalaga sa atin. Maiiwasan natin ang paghihintay nang napakatagal bago pag-isipan ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”

Dalawang bahagi ang kanilang tanong. Ang isang bahagi ay tungkol sa wakas ng templo at ng sistemang Judio; yaon namang isa ay tungkol sa panghinaharap na pagkanaririto ni Jesus bilang Hari at sa katapusan ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Ang mga tanong na ito ay kapuwa nasaklaw sa kasagutang ibinigay ni Jesus, ayon sa Mateo 24 at 25, Marcos 13, at Lucas 21. (Tingnan din ang Apocalipsis 6:1-8.) Tungkol sa katapusan ng kasalukuyang sanlibutan, o sistema ng mga bagay, binanggit ni Jesus ang maraming pangyayari na, kung pagsasama-samahin, magiging isang tanda na maraming bahagi at pagkakakilanlan sa mga huling araw. Ang maraming-bahaging tanda bang iyan ay natutupad? Ipinakikita ba niyan na tayo’y nasa mga huling araw na tinukoy sa Bibliya? Ang katuparan ba niyan ay nagbababala sa atin na malapit na pala ito kaysa akala natin?

Ang isang bahagi ng maraming-bahaging tanda na ibinigay ni Jesus ay: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Noong 1914, ang Digmaang Pandaigdig I ay nagsimula. Ang mga Saksi ni Jehova nang dekadang iyan ay kaagad naging alerto. At bakit? Noong Disyembre 1879, mga 35 taon ang nakalipas, sinabi ng magasing Watch Tower, salig sa kronolohiya ng Bibliya, na ang 1914 ay magiging isang palaikitang taon sa kasaysayan ng tao. Ang digmaan kayang ito, ang unang digmaan na talagang pambuong-daigdig, na sa wakas kinasangkutan ng 28 bansa at 14 na milyong katao ang nasawi, ay pasimula ng mga pangyayaring katuparan ng ibinigay ni Jesus na maraming-bahaging tanda ng kawakasan? Ang mga ibang bahagi ba ng tanda ay kasunod?

Sa “isang pahayag ni Jesu-Kristo,” ang ganito ring pagdanak ng dugo ay inihula. Dito isang mapulang kabayo at ang nakasakay rito ay “nag-aalis ng kapayapaan sa lupa.” (Apocalipsis 1:1; 6:4) Tunay na nangyari iyan mula 1914 hanggang 1918. At ang Digmaang Pandaigdig I ay pasimula lamang. Noong 1939, sumunod ang Digmaang Pandaigdig II. Limampu’t siyam na bansa ang napasangkot sa labanang iyon, at mga 50 milyong katao ang nasawi. Sa loob ng 45 taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, mahigit na 125 digmaan ang naganap, pumatay ng higit na 20 milyong katao.

Ang isa pang bahagi ng tanda ay: “Magkakaroon ng kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) Nagkaroon ng malaganap na taggutom sa panahon ng Digmaang Pandaigdig I at pagkatapos. Ayon sa isang ulat, nagkaroon ng mahigit na 60 malalaking taggutom sapol noong 1914, na kumitil ng maraming milyun-milyong buhay. Gayundin, kahit na ngayon 40,000 bata ang namamatay araw-araw sa malnutrisyon at mga sakit na maaari namang maiwasan.

“Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Ang mga ito’y yumanig sa lupa pagkatapos na magsimula ang Digmaang Pandaigdig I. Isang lindol noong 1915 ang kumitil ng 32,610 buhay sa Italya; sa isa pang lindol noong 1920 ay 200,000 ang nasawi sa Tsina; noong 1923 sa Hapon, 99,300 ang namatay; noong 1935 doon sa ngayo’y Pakistan, 25,000 ang nasawi; noong 1939 sa Turkey, 32,700 ang nangamatay; noong 1970 sa Peru, 66,800 ang nasawi; noong 1976 sa Tsina, 240,000 (sabi ng iba’y 800,000) ang nangamatay; noong 1988 sa Armenia, 25,000 ang nawalan ng buhay. Tunay, nagkaroon na nga ng malalakas na lindol sapol noong 1914!

“Sa iba’t ibang dako ay magkakasalot.” (Lucas 21:11) Noong 1918 at 1919, mga 1,000,000,000 katao ang nagkasakit ng trangkaso Espanyola, at mahigit na 20,000,000 ang nangamatay. Subalit pasimula lamang iyon. Sa nagpapaunlad na daigdig, ang malarya, lagnat-susô, river blindness, malalang pagkasira ng tiyan, at iba pang mga sakit ang patuloy na pumipinsala at pumapatay ng daan-daang milyon. Bukod dito, ang sakit sa puso at kanser ay pumupúti ng milyun-milyon pang mga buhay. Mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik ay nananalanta sa sangkatauhan. Ang kinatatakutan ng marami sa ngayon ay ang nakamamatay na salot ng AIDS, tinataya na nagkakaroon ng isang bagong biktima tuwing isang minuto, anupa’t walang nakikitang lunas sa hinaharap.

“Paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Ang katampalasanan ay walang patumangga sapol noong 1914, at sa ngayon ito ay halos sasabog na lamang. Mga patayan, panggagahasa, pagnanakaw, mga kaguluhan na likha ng mga barkadahan​—ang mga ito ang mga paulong-balita ng pahayagan at ng pagbabalita ng radyo at ng telebisyon. Walang lubay ang walang kadahi-dahilang karahasan na hindi masupil. Sa Estados Unidos, isang kriminal ang sunud-sunod na nagpaputok ng kaniyang riple nang may isang daang ulit sa isang pulutong ng mga batang mag-aarál​—5 ang patay, 29 ang sugatan. Sa Inglatera isang taong baliw ang pumatay ng 16 katao sa pamamagitan ng isang AK-47 ripleng ginagamit sa pamamaril. Sa Canada isang lalaking napopoot sa mga babae ang naparoon sa Unibersidad ng Montreal at pumatay ng 14 sa kanila. Ang gayong mga tao ay mistulang mga lobo, leon, mababangis na hayop, walang katuwirang mga hayop na inianak upang hulihin at puksain.​—Ihambing ang Ezekiel 22:27; Zefanias 3:3; 2 Pedro 2:12.

“Ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:26) Di-pa natatagalan pagkatapos na sumabog ang unang bomba atomika, ang siyentipiko atomikong si Harold C. Urey ay nagsabi tungkol sa hinaharap: “Tayo’y kakain sa takot, matutulog sa takot, mamumuhay sa takot, at mamamatay sa takot.” Sa takot sa digmaang nuklear ay napadagdag pa ang takot sa krimen, kagutom, walang kapanatagang ekonomiya, pagguho ng moral, pagkabulok ng pamilya, polusyon ng lupa. Sa katunayan, ang masasamang panahon na ipinaparada sa harap natin ng araw-araw na mga pahayagan at mga pagbabalita ng telebisyon ay nagkakalat ng takot sa lahat ng dako.

Si apostol Pablo ay sumulat din tungkol sa mga kalagayang iiral sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Ang pagbabasa ng kaniyang mga salita ay gaya ng pagbabasa ng mga balita sa maghapon. “Ngunit alamin mo ito,” isinulat niya, “na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakuwil ang kapangyarihan niyaon; at sa mga ito ay lumayo ka.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Lahat ba ng Bagay ay Nagpapatuloy “Mula sa Pasimula ng Paglalang”?

Si apostol Pedro ay humula ng isa pang bahagi ng tanda ng mga huling araw: “Sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kani-kanilang pita at magsasabi: ‘Nasaan ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.’ ”​—2 Pedro 3:3, 4.

Sa ngayon, pagka ang paksa ng mga huling araw ay napaharap, maraming tao ang tumutupad sa hula ni Pedro sa pamamagitan ng panunuya at pagsasabi: ‘Oh, lahat ng bagay na iyan ay nangyari na noong nakaraan. Iyon ay kasaysayan na nauulit lamang.’ Kaya hindi na nila pinapansin ang mga babala at sila’y nagpapatuloy “ayon sa ibig nila.” Iyon ay “ayon sa kanilang nais” na kanilang ipinagwalang-bahala ang katuparan ng mga hula na buong-linaw na nagpapakilala sa mga huling araw.​—2 Pedro 3:5.

Gayunman, ang iba’t ibang bahagi ng maraming-bahaging tanda na inihula ni Jesus ay ngayon lamang sama-samang natutupad sa loob ng isang maikling yugto ng panahon taglay ang tindi at malawakang mga resulta. (Repasuhin, halimbawa, ang Mateo 24:3-12; Marcos 13:3-8; Lucas 21:10, 11, 25, 26.) At nais naming itawag-pansin sa inyo lalung-lalo na ang isa pang inihulang bahagi ng tanda ng mga huling araw, na inilarawan sa Apocalipsis.

Buklatin natin ang Apocalipsis 11:18. Sinasabi nito na pagka nagsimula nang maghari ang Kaharian ni Kristo at ang mga bansa ay nagagalit at sumapit na ang panahon para sa paghuhukom, kung magkagayo’y “ipapahamak [ni Jehova] ang mga nagpapahamak sa lupa.” Hindi baga ang kapaligiran sa ngayon ay ipinapahamak ng polusyon? Totoo, sa tuwina’y sinasamantala ng mga tao ang kayamanan ng lupa upang sila’y magpayaman. Subalit sa paggawa ng gayon, kailanman ay hindi sila napasa-kalagayan na wasakin ito bilang isang planetang tirahan. Ngayon, dahilan sa teknolohiya sa siyensiya na napaunlad sapol noong 1914, ang mga tao ay mayroon na ng ganiyang kapangyarihan, at sa masakim na pag-aagawan sa kayamanan, tunay na kanilang ipinapahamak ang lupa, dinurumhan ang kapaligiran at isinasapanganib ang kakayahan ng lupa na makasustine sa buhay.

Ang isang masakim, materyalistikong lipunan ang ngayo’y gumagawa nito nang may nakababahalang kabilisan. Narito ang ilan sa mga pinsalang resulta nito: pag-ulan ng asido, pag-init ng mundo, mga butas sa sapin ng ozone, katakut-takot na basura, mga tambakan ng nakalalasong mga bagay, mapanganib na mga herbicides at pesticides, basurang nuklear, mga ligwak ng langis, itinapong mga dumi sa imburnal, panganib na malipol ang mga ilang klase ng hayop, patay na mga loók, maruming tubig sa ilalim ng lupa, ipinariwarang mga gubat, lupa na may polusyon, nawalang pang-ibabaw na lupa, at asó na sanhi ng kapinsalaan sa mga punungkahoy at mga kinakaing pananim at gayundin sa kalusugan ng tao.

Si Propesor Barry Commoner ay nagsasabi: “Ako’y naniniwala na ang patuloy na pagpaparumi sa lupa, kung hindi masusupil, ay sa wakas sisira sa planetang ito bilang isang angkop na dakong mapamumuhayan ng tao. . . . Ang suliraning ito ay hindi dahil sa kawalang-alam sa siyensiya, kundi sa sinasadyang kasakiman.” Ang aklat na State of the World 1987 ay nagsasabi sa pahina 5: “Ang antas ng mga gawain ng tao ay nagsimulang maging banta sa mismong lupa bilang isang tirahan.” Isang pangunahing serye para sa pangmadlang telebisyon na isinahimpapawid sa Estados Unidos noong 1990 ang pinamagatang “Pag-uunahan Upang Mailigtas ang Planeta.”

Ang tao ay hindi kailanman hihinto ng pagpaparumi; ang Diyos ang magpapahinto pagka kaniyang winasak na ang mga nagwawasak sa lupa. Ang Diyos at ang kaniyang makalangit na Mariskál de Kampo, si Kristo Jesus, ang gagawa nito sa pamamagitan ng pagpaparusa sa materyalistikong mga bansa sa pangwakas na digmaan ng Armagedon.​—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21.

Sa katapus-tapusan, pansinin ang sumusunod na mahalagang bahagi ng hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Ang mabuting balitang ito ay nagsasabing ang Kaharian ng Diyos ay nagpupunò na ngayon sa mga langit at kaylapit-lapit nang kumilos upang lipulin ang balakyot na sistemang ito at isauli sa lupa ang Paraiso. Ang ebanghelyo ay naipangaral noong una subalit hindi sa buong tinatahanang lupa. Gayunman, magbuhat noong 1914, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa na ng ganiyan, sa kabila ng pag-uusig na inihula ni Jesus​—mga pagbabawal ng gobyerno, mga pang-uumog, pagbibilanggo, pagpapahirap, at maraming mga namamatay.

Noong 1919 may 4,000 Saksi ni Jehova na nangangaral ng mabuting balitang ito. Sila’y patuloy na dumarami, kung kaya’t noong nakaraang taon mahigit na 4,000,000 ang nangangaral sa 212 lupain, sa mga 200 wika, namamahagi ng daan-daang milyong Bibliya, aklat, at mga magasin, nagsasagawa ng angaw-angaw na pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng mga tao, at nagdaraos ng mga kombensiyon sa malalaking istadiyum sa lahat ng panig ng daigdig. Ang ganitong napakalawak na pangangaral ng ebanghelyo ay hindi ginawa bago pa noong 1914. Ang pagkagawa nito sa lawak na gaya ng nagawa ngayon ay nangailangan ng paggamit ng modernong mabibilis na mga palimbagan, ng mga pasilidad sa paglalakbay, ng mga computer, ng mga makinang fax, at gayundin ng mga pasilidad sa paghahatid ng mga kargamento at sa komunikasyon na maaaring magamit sa ating kapanahunan.

Ang Jerusalem noong kaarawan ni Jeremias ay binigyang-babala tungkol sa napipintong pagkapuksa nito; ang mga naninirahan doon ay nanuya lamang, ngunit iyon ay malapit na pala kaysa kanilang akala. Sa ngayon, gumagawa ng isang lalong malawak na pagbababala tungkol sa pagkapuksang idudulot ng Armagedon, kasama ang labis-labis na sumusuportang ebidensiya. (Apocalipsis 14:6, 7, 17-20) Angaw-angaw ang hindi nakikinig. Subalit ang panahon ay paubos na; ito’y malapit na kaysa kanilang akala. Malapit na nga ba ito kaysa inyong akala?

[Larawan sa pahina 7]

Noong kaarawan ni Jeremias iyon ay malapit na kaysa kanilang akala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share