Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 4/1 p. 16-19
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Praktikal na Instrumento
  • Saligan ng mga Pag-aaral sa Bibliya
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Pag-aalok ng Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Pagpapasimula ng mga Pag-aaral na Ginagamit Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Ang Pangangailangan na Hanapin ng Tao ang Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 4/1 p. 16-19

Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos

BAKIT nga ba tayo, bilang mga Saksi ni Jehova, ay binigyan ng “dalisay na wika”? Tiyak, hindi upang ingatan natin para sa ating sarili lamang. At hindi rin naman upang tayo’y makapagtamasa ng maginhawang istilo ng pamumuhay na kahalintulad ng magaan, nakikipagkompromisong pagkilos ng Sangkakristiyanuhan. Bagkus, iyon ay upang ‘lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang maglingkod sa kaniya nang balikatan.’ (Zefanias 3:9) Oo, ang dalisay na wika ay may kalakip na pagkilos kasama ng milyun-milyon ng ating Kristiyanong mga kapatid​—buhat sa lahat ng lahi, bansa, at wika​—​na buong-katapatang nangangaral ng mabuting balita bago sumapit ang wakas.​—Marcos 13:10; Roma 13:11; Apocalipsis 14:6, 7.

Sa ating pangangaral ngayon kung minsan ay napapaharap sa atin ang pambihirang mga hamon. Bakit nga ganiyan? Sa ika-20 siglong ito, karamihan ng mga tao ay naglilipatan dahil sa mga digmaan, paniniil, kahirapan sa kabuhayan, at sa iba pang dahilan. Kaya naman, mga tao na iba’t iba ang wika at mga relihiyon ang umangkin ng ibang mga kultura bukod sa taglay nila. Sa gayon, malalaking komunidad ng mga Hindu, Buddhista, at Muslim ang nagsilipat sa Kanlurang daigdig. Samantalang ating ipinamamahagi ang dalisay na wika sa bahay-bahay, nakikilala natin ang mga taong ito. Kung minsan ay nalilito tayo sapagkat bahagyang-bahagya ang alam natin tungkol sa kanilang kinaroroonang relihiyon. Ano kaya ang magagawa natin tungkol diyan?​—Ihambing ang Gawa 2:5-11.

Papaano ba natin ibinabahagi ang katotohanan sa isang Muslim o sa isang Judio? Papaano sila nagkakaiba sa isa’t isa? Ano bang talaga ang pinaniniwalaan ng isang Hindu? Bakit ang mga Sikh ay nakasuot ng turban? Ano ba ang kanilang banal na aklat? Papaanong ang Buddhista ay naiiba sa isang Hindu? Ano ang paniwala ng mga Shintoistang Hapones? Ang mga Intsik bang Taoista o Confucianista ay naniniwala sa Diyos?a Papaanong ang isang Orthodoksong Judio ay naiiba sa isang Repormadong Judio o isang Konserbatibong Judio? Upang ating maabot ang lubhang nagkakaiba-ibang mga taong ito, una muna’y kailangang maunawaan natin ang kanilang punto-de-vista at pagkatapos ay malalaman natin kung papaano aakayin sila sa isang may kabaitan at mataktikang paraan sa tunay na Diyos, si Jehova.​—Gawa 17:22, 23; 1 Corinto 9:19-23; Colosas 4:6.

Upang tulungan tayo na magkaroon ng isang lalong malinaw na unawa sa iba pang mga relihiyon, sa kanilang mga turo, at sa kanilang kasaysayan, ang Watch Tower Society ay naglabas sa palibot ng daigdig nang ginaganap ang 1990 “Dalisay na Wika” na mga Kombensiyon ng isang bagong publikasyon na pinamagatang Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. Taglay ang instrumentong ito, tayo’y lalong mahusay na makapangangaral sa mga tao sa daigdig ng mga di-Kristiyano gayundin sa Sangkakristiyanuhan.

Isang Praktikal na Instrumento

Ang 384-na-pahinang aklat na ito ay may 16 na kabanata na naglalahad ng kasaysayan ng paghahanap ng tao sa Diyos noong nakalipas na anim na libong taon. Sinasagot nito ang daan-daang tanong tungkol sa mga relihiyon ng daigdig. Narito ang isang halimbawa ng ilan sa mga ito: Anong mga salik ang kadalasan ay nagpapakilala kung ano ang relihiyon ng isang tao? Bakit hindi masama na suriin ang mga ibang relihiyon? Sa anu-ano nagkakahawig ang Romano Katolisismo at ang Buddhismo? Sa maraming relihiyon ano ang bahaging ginagampanan ng mga alamat? Bakit maraming tao ang naniniwala sa madyik, espiritismo, at astrolohiya? Bakit ang mga Hindu ay napakaraming mga diyos at mga diyosa? Papaanong ang mga Sikh ay naiiba sa mga Hindu? Sino si Buddha, at ano ba ang kaniyang itinuro? Bakit ang Shinto sa kalakhang bahagi ay isang relihiyong Hapones? Bakit ang mga Judio ay may isang di-nasusulat at gayundin isang nasusulat na kautusan? Papaano natin malalaman na si Kristo ay hindi isang alamat? Papaanong ang Koran ay naiiba sa Bibliya? Bakit sinasabi ng mga Katoliko na si Pedro ay siyang unang papa? Bakit ang paring Katolikong si Luther ay humiwalay sa Iglesiya Katolika Romana?

Ang mga tanong ay halos walang katapusan, at sa aklat na ito makukuha ang mga sagot upang lalong maging epektibo ang pangangaral natin sa mga tao na may sarisaring relihiyon. Kinikilala ng aklat na maraming tao ang may sariling relihiyon at na ang relihiyon ay isang bagay na totoong personal. Gayunman, sa pahina 8, sinasabi nito: “Halos mula sa pagsilang ang relihiyoso o moral na ideya ay itinatanim sa ating isipan ng ating mga magulang at kamag-anak sa ating isipan. Bunga nito, karaniwan na nating sinusunod ang relihiyon ng ating mga magulang at ninuno.” Iyan ay nangangahulugan na “sa maraming pagkakataon iba ang pumili ng ating relihiyon. Malimit ito ay salig sa kung saan at kung kailan tayo isinilang.”​—Ihambing ang Filipos 3:4-6.

Pagkatapos ay ibinabangon ng aklat ang lohikong tanong. “Makatuwiran kayang ipalagay na ang relihiyong namana sa oras ng pagsilang ay siya na ngang buong katotohanan?” Sa gayon, ang bawat tao ay hinihimok na suriin ang ibang relihiyon taglay ang isang bukás na isipan. Gaya ng sinasabi sa pahina 10: “Ang pag-unawa sa pangmalas ng iba ay maaaring umakay sa higit na makahulugang pakikipagtalastasan at pag-uusap sa pagitan ng mga taong iba’t iba ang pananampalataya.” Ito’y nagpapatuloy pa: “Totoo, maaaring hindi magkasundo ang mga tao sa kanilang relihiyosong paniniwala, subalit walang dahilan na mapoot sa isa dahil lamang sa siya’y may naiibang pangmalas.”​—Mateo 5:43, 44.

Ang isang mahalagang tanong na bumabangon sa buong aklat ay, Ang tao ba ay may kaluluwang di-namamatay na patuloy na nabubuhay pagkamatay niya at nagpapatuloy sa kabilang buhay? Sa iba’t ibang anyo, halos bawat relihiyon ay nagtuturo ng ganiyang ideya. Gaya ng sinasabi ng Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos (pahina 52): “Sa paghahanap sa Diyos, ang tao’y nangapa sa dilim at napadala sa guniguni ng kawalang-kamatayan. . . . Ang paniwala sa kaluluwang hindi namamatay o mga kahawig nito ay namana natin sa paglipas ng libu-libong taon.” Ang iba pang mga tanong ay: Mayroon bang dako na tulad ng impiyerno na kung saan pinahihirapan ang mga kaluluwa? Ano ang tunay na pag-asa para sa mga nangamatay. Mayroon bang iisang Diyos, o may maraming diyos?​—Genesis 2:7; Ezekiel 18:4.

Saligan ng mga Pag-aaral sa Bibliya

Batay humigit-kumulang sa panahon ng kanilang paglitaw sa sanlibutan, tinatalakay ng aklat ang pag-unlad ng mga pangunahing relihiyon ng sangkatauhan​—Hinduismo, Buddhismo, Taoismo, Confucianismo, Shinto, Judaismo, Kristiyanismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam. Sa bawat kabanata ang banal na mga aklat ng mga relihiyong ito ay sinisipi kung kaya’t sinumang taimtim na naniniwala ay maaaring magsuri ng mga sinipi para sa kaniyang sarili. Sa kabanata tungkol sa Islam, tatlong iba’t ibang saling Ingles ng Koran ang ginamit. Ang pinakahuling salin ng Jewish Publication Society na Tanakh​—A New Translation of the Holy Scriptures ay sinipi sa kabanata tungkol sa Judaismo.​—Ihambing ang Gawa 17:28; Tito 1:12.

Ano naman ang para sa ateista at sa agnostiko? Ang kabanata 14 ay may kinalaman sa makabagong di-paniniwala sa Diyos at kung bakit alam ng mga Saksi ni Jehova na umiiral ang Diyos. Sa bawat kabanata, ang mambabasa ay inaakay sa Bibliya. Sa gayon, sa paggamit ng aklat na ito na, Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, tayo’y higit na nasasangkapan na magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tao sa anumang relihiyon o sa mga nag-aangking walang relihiyon. Ang bawat relihiyon ay tinatrato nito nang may pagpipitagan at taktika, ngunit nagbabangon ito ng mga tanong na makaaakay sa isang tao kay Jehova at sa katotohanan. Para sa mga taong taimtim na humahanap sa Diyos, ang aklat na ito ay isang tunay na pagpapala.​—Awit 83:18; Juan 8:31, 32; 2 Timoteo 3:16, 17.

Nakapagtuturong mga kahon ang makikita sa bawat kabanata. Halimbawa, sa mga pahina 226 at 227, may isang kahon tungkol sa “Judaismo​—Isang Relihiyon na Maraming Tinig” na nagpapaliwanag ng mga pangunahing dibisyon na matatagpuan sa relihiyong Judio. Sa ilalim ng “Hinduismo​—Paghahanap ng Kalayaan,” may isang kahon sa mga pahina 116 at 117, “Hinduismo​—Ilang mga Diyos at mga Diyosa.” Dito’y itinala ang ilan lamang sa mahigit na 330 milyong diyos na sinasamba ng mga Hindu. Ang mga Buddhista ba ay naniniwala sa Diyos ayon sa pagkaunawa ng Kanlurang daigdig sa terminong iyan? Ang kahon na “Ang Buddhismo at ang Diyos” sa pahina 145 ay sumasagot sa tanong na iyan. Ang aklat ay mayroon ding isang praktikal na indise para sa mabilisang paghanap ng anumang may kaugnayan sa mga pangunahing tema. Ang bibliyograpiya ng pangunahing mga pinagkunan na ginamit sa pananaliksik ay isang basehan din naman para sa higit pang pagbabasa kung ibig mo ng higit pang detalye.

Ang aklat ay may mahigit na 200 larawan at mga ilustrasyon, ngunit ang mga iyon ay hindi inilagay roon upang magsilbing pampaganda lamang. Ang bawat ilustrasyon ay may puntong nagtuturo na higit pang nagpapaliwanag sa tinatalakay na relihiyon. Halimbawa, sa pahina 238 ay may sunud-sunod na mga larawan na nagpapakita ng ilang talinghaga na itinuro ni Jesus. Sa ibang lugar naman, may sunud-sunod na limang larawan na nagpapakita rin ng iba’t ibang aspeto ng ministeryo ni Kristo​—ang kaniyang mga himala, ang kaniyang pagbabagong-anyo, ang kaniyang sakripisyong kamatayan, at ang kaniyang pag-uutos sa kaniyang mga alagad na mangaral sa buong sanlibutan.

Sa pahina 289 ay may sunud-sunod na larawan na pupukaw ng interes ng mga Muslim. Ang tumutunghay ay dinadala nito sa Mecca, sa pagkalaki-laking mosque na kung saan naroroon ang Kaaba at pagkatapos ay sa aktuwal na batong itim na sinasamba ng mga Muslim. Ang sarisaring pagsamba ng Buddhismo ay nakalarawan sa pahina 157. Ang mga Hindu ay nagiging interesadong tumunghay sa mga larawan ng kanilang popular na mga diyos na si Ganesa at si Krishna sa pahina 96 at 117.

Kuwalipikadong mga ministrong Kristiyano sa buong daigdig ang kinunsulta ukol sa isang natatanging paraan ng pag-alam sa bawat pangunahing relihiyon. Halimbawa, mahalagang materyal ang nanggaling sa Israel para sa mga kabanata tungkol sa Judaismo at sa relihiyong Baha’i. Mga Saksi sa mga bansang Muslim ang maingat na sumuri sa mga nilalaman ng kabanata tungkol sa Islam. Kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa mga Hindu, Sikh, at Jain ang nanggaling sa India. Siniguro ng mga ministro sa Silangan na ang kabanata tungkol sa Shinto ay wasto, at sila’y nagbigay rin naman ng mga payo tungkol sa Buddhismo, Taoismo, at Confucianismo.

Dahilan sa maingat na pagsaklaw ng aklat sa bawat relihiyon, yaong mga mayroon nito sa kanilang wika ay makapagsisimula rin ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kabanatang angkop sa relihiyong taglay ng bawat isa. Pagkatapos ay baka nais nilang magpatuloy hanggang sa kabanatang tungkol sa pagbangon ng sinaunang Kristiyanismo at sa mga dahilan ng paniniwala na si Kristo ay tunay na Kinatawan ng Diyos, ang isang ginagamit upang ang tao ay mailapit sa Diyos. May mga kabanata na nagpapaliwanag kung papaano naganap ang apostasya, na ang resulta’y ang maraming bahagi at mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Ang huling dalawang kabanata ay tungkol sa kung papaano naibalik na sa mga huling araw na ito ang tunay na pagsamba at kung ano ang mangyayari sa malapit na hinaharap sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas. Pagkatapos niyan, ang bagong sanlibutan at ang pag-asa sa pagkabuhay-muli na ibinibigay ng Bibliya ay itinatampok.​—Juan 5:28, 29; 12:44-46; 14:6; Apocalipsis 21:1-4.

Tunay na ito ay isang aklat na dapat tumulong sa marami sa buong sanlibutan upang mapalapit sa Diyos, gaya ng sinabi ni Santiago sa kabanata 4 ng kaniyang liham, Sant 4 talatang 8: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.” Oo, gaya ng sabi ni Isaias: “Hanapin ninyo, ninyong mga tao, si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit.”​—Isaias 55:6; Juan 6:44, 65.

Harinawang lahat tayo’y patuloy na bumaling sa tamang direksiyon, tungo sa Soberanong Panginoon ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. At sa tulong ng aklat na ito, Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, tulungan natin ang libu-libo pa na sumamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Harinawang tayo’y magtiyaga sa paghanap sa mga humahanap ng katotohanan at ibalita sa kanila ang tungkol sa Diyos ng katotohanan, sapagkat, tunay nga, siya’y masusumpungan!

[Talababa]

a Ang “Taoista” ay binibigkas na dow-ista; kagaya ng now ang tunog.

[Mga larawan sa pahina 17]

Hinahanap ng tao ang Diyos sa maraming paraan

[Larawan]

Ang taimtim na mga Katoliko ay kay Maria bumabaling

[Larawan]

Sinasamba naman ng mga Hindu ang ilog Ganges

[Credit Line]

Harry Burdich, Transglobe Agency, Hamburg

[Larawan]

Ang ilang taimtim na mga Judio ay nagsusuot ng mga pilakterya

[Credit Line]

GPO, Jerusalem

[Larawan]

Ang peregrinong mga lalaking Muslim ay nagpupunta sa Mecca

[Credit Line]

Camerapix

[Larawan]

Marami ang sumasamba kay Buddha

[Mga larawan sa pahina 18]

Si Jesus ay gumamit ng mga talinghaga upang tulungan ang mga tao na masumpungan ang tunay na Diyos

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share