Pagkuwenta sa Magagasta sa Paglipat sa Mayamang Bansa
ISANG karaniwang tanawin sa mga konsulada sa buong umuunlad na daigdig: isang silid na hintayan na punung-punô ng mga tao na ninenerbiyos habang naghihintay na sila’y kapanayamin. Batay sa maikli ngunit mahalagang diskusyong iyon, doon ibabatay kung sila’y makakakuha ng visa sa isang industriyalisadong bansa sa Kanluran. Marami ang naniniwala na ito ang magiging tiket nila tungo sa kaunlaran. “May apat na taóng ako’y nagpapagal sa trabaho, at hindi man lamang ako nakabili ng isang radyo,” ang reklamo ng isang kabataang taga-Kanlurang Aprika. “Kung ako’y nasa Inglatera o sa Estados Unidos, ngayon ay mayroon na sana akong kotse at sariling bahay.”
Hindi mahirap maunawaan kung bakit marami sa maralita, nagpapaunlad na mga bansa ang may ganiyang hinaing. Para sa kanila, mahirap na makakita ng trabaho, at maliit ang sahod. Ang implasyon ang umaagnas sa mga naiimpok na pera. Mahirap makakuha ng bahay at ito’y siksik na siksik sa mga naninirahan. Ang damit na suot ng mga tao ay yaong pinagsawaan na ng mga nasa bansang mayayaman. Naiisip ng marami na sila’y nakalublob sa mistulang kumunoy kung kabuhayan ang pag-uusapan.
At anong siglang kumakaway ang mayamang Kanluran! Ang sabi ng isang kabataang lalaki sa Sierra Leone: “Ang iba na nagpunta sa ibayong dagat ay nagbalik at ikinukuwento sa amin ang mga kuwentong nagbibigay sa amin ng lakas ng loob na pumunta at obserbahan ang industriyalisadong mga bansa para sa aming sarili. Sinasabi nila na ikaw ay kailangang magtrabaho nang puspusan, subalit ikaw ay kumikita nang malaki na makasusuporta sa iyong sarili at makabibili pa ng mga ilang luho, tulad halimbawa ng isang kotse. At kung ikaw ay babalik dito na may taglay na mga dalawang libong dolyar, ikaw ay makapagtatatag ng isang negosyo at makapag-aasawa.”
Hindi katakataka, ang ibang mga lingkod ng Diyos ay nangangatuwiran din nang ganiyan. Isang sister na taga-Aprika ang nagsabi: “Kaming mga kabataan sa organisasyon ng Diyos ay nakikinig sa mga usap-usapan tungkol sa kung papaanong napapabuti naman ang mga iba na nangingibang-bayan. Kaya minsan ay tinatanong ko ang aking sarili, ‘Kumusta naman ako? Bakit ba ako naghihirap dito? Dapat ba akong mangibang-bayan o dapat akong dito na lamang mamalagi?’ ”
Kung ikaw ay sa isang bansang dukha namumuhay, baka pag-iisipan mo rin kung ang paglipat ay magpapahusay sa uri ng iyong buhay. Gayunman, ang paglipat sa isang lupaing banyaga ay isang napakalaking gawain, isang hakbang na magastos at seryoso. Baka kailangang matuto ka ng isang bagong wika, mag-aral ng mga bagong trabaho, na ibinabagay ang sarili sa isang bagong kultura, nagtitiis sa mga pagkamuhi ng marami laban sa mga banyaga, at natututo ng isang buong bagong paraan ng pamumuhay. Gayunman, maraming Kristiyano ang nanagumpay at kanilang pinatunayang sila’y tunay na maipagmamalaki ng mga kongregasyon sa kanilang bagong bansang tirahan, nagsisilbing ulirang mga mamamahayag, payunir, matatanda, at ministeryal na mga lingkod.
Gayunman, hindi lahat ay napabuti nang gayon. Ang mga kagipitan at mga kaigtingan na kaakibat ng pangingibang-bayan ay nagbunga ng espirituwal na pagkapariwara para sa iba. Maliwanag, kung gayon, na ang gayong paglipat ay hindi dapat gawin nang hindi muna pinag-iisipan nang seryoso, kasabay ng panalangin. Ang Bibliya’y nagpapayo sa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa iyong sariling mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Oo, nais mong matiyak na ikaw ay kumikilos na kasuwato ng kalooban ni Jehova. (Santiago 4:13-15) At si Jesus ay nagbigay ng ilang praktikal na payo upang tulungan ka na gawin ito nang kaniyang himukin ang kaniyang mga tagapakinig na ‘kuwentahin ang magagastos.’ (Lucas 14:28) Kasali na rito hindi lamang ang pagsasaalang-alang ng salaping magagastos. Ito’y nangangahulugan ng pagsasaalang-alang ng posibleng espirituwal na magagastos kung mangingibang-bayan.
Ang mga Katunayan ng Pamumuhay sa Ibang Bayan
Bago lumipat saanman, ikaw ay dapat may isang mabuti, makatotohanang ideya ng maaasahan mo kung ikaw ay naroroon na. Kung maaari, dumalaw kang patiuna at tingnan mo kung ano ang mga kalagayan doon. Sapagkat kung hindi, ikaw ay aasa sa impormasyon na nakuha mo lamang sa iba. Ang babala ng Bibliya: “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita, ngunit ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.”—Kawikaan 14:15.
Ang iba ay kumuha ng lahat ng kanilang impormasyon tungkol sa buhay sa mga bansang Kanluran buhat sa mga palabas sa sine at sa telebisyon. Sa ganoo’y naniniwala sila na lahat doon ay mayayaman, nagmamaneho ng isang bagong kotse, at naninirahan sa isang maluhong tahanan. Ngunit, ang katunayan ay may malaking pagkakaiba. Maraming mayayamang bansa ang may nakababahalang antas ng karalitaan, dami ng mga walang tahanan, at walang hanapbuhay. At marami sa pinakamaralitang mga residente ay mga baguhang dayuhan. Ganito ang paliwanag ng isang konsul sa embahada ng E.U. sa isang bansang maralita: “Hindi lamang natatalos ng mga tao kung gaano kahirap ang mamuhay sa Amerika. Ang iba’y sumusulat sa kanilang mga kamag-anak na nagsasabi na napakahusay ang kanilang pamumuhay—sila’y nakabili ng dalawang kotse at isang bahay—pero ang totoo sila’y talagang nagpupunyagi.”
Nahahawig diyan ang kalagayan saanman. Si Mr. Sahr Sorie ay isang edukador na Kanluraning Aprikano na nakapanirahan at nag-aral sa London. Sinabi niya: “Hindi madali ang mula sa Aprika ay lumipat at manirahan sa Inglatera. Napakaraming dayuhan dito ang namumuhay sa sukdulang karalitaan. Makikita mo ang mga guhit ng kahirapan sa kanilang mga mukha. Ang iba ay nahihirapan na makatipon ng 20 pence upang makatawag sa telepono. Kadalasa’y marami ang nagsasama-sama sa isang kuwarto, na ang tanging naroroon ay isang maliit na heater na pampainit sa kanila. Mabababang uri ng trabaho ang kanilang nakukuha, at magkatrabaho man ay hindi sapat ang kita upang matustusan ang kanilang mga gastusin. Ang mga taong umaalis sa Aprika upang makaiwas sa karalitaan ay kadalasan lalong naghihikahos sa miserableng mga tirahan sa Europa.”
Ang kagipitan sa pananalapi na kasama ng pakikipagpunyaging mapatatag sa isang bagong bansa ay dagling iinis sa espirituwalidad ng isa. (Mateo 13:22) Totoo, ang puspusang paggawa ay pinapupurihan sa Bibliya. (Kawikaan 10:4; 13:4) Subalit marami na nangingibang-bayan ang napipilitang kumuha ng dalawa o tatlong trabaho upang matupad ang kanilang mga tunguhin sa pananalapi—o kahit na lamang upang may maipangtawid-buhay. Kaunti o walang panahon na natitira upang itaguyod ang pagsamba sa Diyos. Napapabayaan ang mga pulong Kristiyano, pag-aaral sa Bibliya, at ang pamamahagi sa iba ng katotohanan sa Bibliya. Ang mga salita ni Jesu-Kristo ay nagkakaroon ng malungkot na katuparan: “Kayo’y hindi makapagpapaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mateo 6:24.
Mga Panggigipit sa Moral
Kailangan ding isaalang-alang mo ang mga kalagayan sa moral ng iyong pupuntahang bagong bansa. Sinasabi ng Bibliya na pinili ni Lot na mamuhay sa Purok ng Jordan. Buhat sa isang pangmalas na nakahilig sa materyal, ang kaniyang pasiya ay waring matalino nga, sapagkat “iyon ay isang magaling na patubigan . . . gaya ng halamanan ni Jehova.” (Genesis 13:10) Datapuwat, ang mga bagong kapitbahay ni Lot ay “pusakal na mga makasalanan laban kay Jehova”—seksuwal na mga taong liko! (Genesis 13:13) Kaya naman, “ang matuwid na taong iyan sa kaniyang nakita at narinig samantalang namamayang kasama nila ay sa araw-araw lubhang nahahapis ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang laban sa kautusan.”—2 Pedro 2:8.
Sa katulad na paraan, sa ngayon ang paglipat sa Kanluran ay baka maghantad sa iyo at sa iyong pamilya sa mga panggigipit at mga tukso sa moral na lalong matitindi kaysa naroon sa iyong sariling bansa. Isa pa, ang mga taong nakatatanda ay baka hindi iginagalang na gaya ng paggalang sa kanila sa sariling bayan. Baka hindi pinahahalagahan doon ang paggalang sa mga magulang. Ang mga kapitbahay ay baka hindi gaanong interesado sa isa’t isa. Papaano kaya makaaapekto sa iyo at sa iyong pamilya ang gayong mga panggigipit? Ito ay dapat mapag-isipan kasabay ng panalangin.
Mga Magulang na Nangibang Bayan
May mga magulang naman na nagpasiyang lisanin ang kanilang pami-pamilya at mangibang-bayan na sila lamang. Ang kanilang balak ay saka na lamang ipakuha ang kanilang pamilya pagka sila’y may matatag nang kalagayan o makauwi na taglay ang maraming salapi. Ang ganiyan bang kaayusan ay matalino?
Ang mga magulang ay inuobligahan ng Kasulatan na maglaan sa materyal na pangangailangan ng kanilang pami-pamilya, at sa ilang sukdulang mga kaso, ang isang magulang ay baka walang gaanong magagawa kundi ang mangibang-bayan upang makatustos sa pamilya. (1 Timoteo 5:8) Magkagayon man, ang mga magulang ay obligado rin na mangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kayo, mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Epektibo bang magagawa ito ng isang ama kung siya ay malayo sa kaniyang pamilya sa loob ng mga buwan o mga taon? Malamang na hindi. Kaya kailangang isaalang-alang mo kung ang anumang materyal na pakinabang na matatamo ay sulit kung ihahambing sa mawawala sa iyo kung iiwanan mo ang iyong mga anak. Isa pa, malimit na napatutunayan ng mga dayuhan na hindi naman laging madali ang makatagpo ng kanilang “suwerte” gaya ng kanilang akala. Kung hindi kayang bayaran ng dayuhan ang gastos ng pamilya sa paglipat, ang paghihiwalay ay baka bumilang pa ng mga taon. Sa kabilang panig, ito ay baka lumikha ng malulubhang panganib sa moral. (Ihambing ang 1 Corinto 7:1-5.) Nakalulungkot sabihin, ang iba na nasa gayong mahigpit na pagsubok ay napadala sa seksuwal na imoralidad.
Nagtitiwala sa mga Paglalaan ng Diyos
Sa patuloy na pag-urong ng kabuhayan ng daigdig, makabubuting tandaan na ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat mangamba na sila’y pababayaan. Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabi, ‘Ano ang aming kakanin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming daramtin?’ Sapagkat ang lahat ng ito ay siyang mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa. Sapagkat talastas ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:31-33.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagtataguyod ng kapakanan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Sa maraming dukhang mga bansa, may malaking pangangailangan ng mga mángangarál ng Kaharian. Lalo nang kinakailangan ang maygulang na matatanda at ministeryal na mga lingkod. Imbis na pumaroon sa isang bansa na maunlad ang kabuhayan na kung saan ay hindi naman gaanong malaki ang pangangailangan, marami ang nagpasiya na manatili sa kanilang sariling bansa. Gaano ang kanilang napakinabang?
Si Alethia, isang taga-Kanlurang Aprika na nasa buong-panahong paglilingkod nang may 30 taon sa kaniyang sariling bansa, ay nagsabi: “Ako’y nagkaroon ng pagkakataon na manirahan sa ibang bansa. Ang dahilan kung bakit inayawan ko ito ay ang ibig ko’y makasama ang aking sariling mga kababayan at mga kamag-anak. Naliligayahan akong tulungan silang matuto ng katotohanan upang aming sama-samang mapaglingkuran si Jehova. Ako’y hindi nanghinayang kahit na sa isang bagay sa pamamalagi ko rito, at hindi ko pinagsisisihan ang anuman.”
Si Winifred ay namumuhay sa isa ring bansa sa Aprika. Ang pisikal na ayos ng buhay roon ay itinuturing na isa sa pinakamababa sa daigdig. Subalit pagkalipas ng 42 taon sa buong-panahong paglilingkurang payunir, sinabi niya: “Hindi laging madali na mag-intindi ng ikabubuhay. Pinahihirap ni Satanas ang mga bagay-bagay, subalit si Jehova sa tuwina ay naglaan sa akin at pinangalagaan niya ang aking mga pangangailangan.”
Noong sinaunang panahon si Abraham ay “lubusang kumbinsido na ang ipinangako [ng Diyos] ay kaniya rin namang magagawa.” (Roma 4:21) Ikaw ba ay kumbinsido rin na matutupad ni Jehova ang kaniyang pangako at pangangalagaan ka niya kung ang mga kapakanan ng Kaharian ang uunahin mo sa iyong buhay? Ikaw ba ay sumasang-ayon sa isinulat ng salmista: “Ang kautusan ng bibig [ng Diyos] ay mabuti para sa akin, higit sa libu-libong putol ng ginto at pilak”? (Awit 119:72) O kailangan kaya na ikapit mo nang lalo pang puspusan ang payo ni apostol Pablo? Sa 1 Timoteo 6:8, siya’y sumulat: “Kung tayo’y may pagkain at pananamit, tayo’y makukuntento na sa mga bagay na ito.” Hindi kaya ang matalinong dapat gawin ay, hindi ang humanap ng mga bagong kapaligiran, kundi ang makinabang na lubusan sa iyong kasalukuyang mga kalagayan?
Ang mga kalagayan ng kabuhayan sa maraming bansa ay maaaring maging sanhi ng matitinding hirap sa mga Kristiyano. Sa gayon, kung pagkatapos na isaalang-alang ang lahat ng salik na kasangkot, ipinasiya ng isang pamilya na mangibang-bayan, walang dahilan na sila’y pintasan ng iba. (Galacia 6:5) Yaong mga maiiwan ay maaaring patuloy na humingi ng tulong ni Jehova sa pagtitiis sa mga kahirapan na idinudulot ng sistemang ito, samantalang sila’y nagagalak sa espirituwal na mga pagpapala na ibinibigay sa kanila ng Diyos. Tandaan, hindi na magtatagal at ang mga pang-aapi at mga kasamaan ng sanlibutang ito ay maaalis sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Kung magkagayo’y matutupad ang isinulat ng salmista: “Binubuksan mo [Jehova] ang iyong kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay.”—Awit 145:16.