Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 4/15 p. 10-11
  • Mga “Dead Sea Scroll”—Ang Mahalagang mga Tuklas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga “Dead Sea Scroll”—Ang Mahalagang mga Tuklas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Malaking Kayamanan
  • Iba Pang Mahahalagang Manuskrito
  • Mga “Dead Sea Scroll”—Walang-Katulad na Kayamanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Dead Sea Scroll
    Glosari
  • Ang “Awit sa Karagatan”—Isang Manuskritong Nagdurugtong sa Dalawang Yugto sa Kasaysayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Ang Dead Sea Scrolls—Bakit Ka Dapat Maging Interesado sa mga Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 4/15 p. 10-11

Mga “Dead Sea Scroll”​—Ang Mahalagang mga Tuklas

MGA 24 na kilometro sa timog-silangan ng Jerusalem, ang Wadi En-Nar, isang ilang, tuyot na ilog ay tumatakbong pasilangan hanggang sa Dagat na Patay. Isang baku-bakong hanay ng mga talampas ang matatanaw sa gawing likod ng kapatagan na nasa baybaying-dagat. Sa kapatagang ito, kung mga araw ng tag-init at mga gabing malalamig kung taglagas, nag-aalaga ng kanilang mga kawan ng tupa at mga kambing ang Ta‘amireh Bedouino.

Noong taóng 1947, habang nag-aalaga ng mga kawan, isang kabataang pastol na Bedouino ang naghagis ng bato sa isang munting butas sa gumuguho nang ibabaw ng isang talampas. Siya’y nagulat sa ingay na likha niyaon, maliwanag na iyon ay gawa ng pagkabasag ng isang tapayan. Siya’y tumakas dahil sa takot, subalit makalipas ang dalawang araw siya’y bumalik at umakyat sa taas na mga 100 metro upang pumasok sa isang mas malaki, mas mataas na butas. Sa pagkahirati ng kaniyang mga mata sa kadiliman, kaniyang nakita ang sampung matataas na tapayan na nakahilera sa mga tabi ng yungib, at isang bunton ng nabasag na mga palayok sa gitna ng bumagsak na mga bato ang nakakalat sa sahig.

Karamihan ng tapayan ay walang laman, subalit isa ang may tatlong balumbon, dalawa roon ang nababalot ng tela. Ang mga manuskrito ay kaniyang dinala muli sa kampo ng Bedouino at iniwan doon nang mga isang buwan, nakabitin sa isang bag sa tukod ng isang tolda. Sa wakas, ang mga balumbon ay kinuha ng ilang Bedouino upang dalhin sa Bethlehem para alamin kung gaano maibebenta ang mga ito. Ang mga Bedouino ay may kagaspangang tinanggihan ng isang monasteryo, sinabihan na ang mga balumbon ay walang halaga. Isa pang pinagbebentahan nito ang nagsabi na ang mga manuskrito’y hindi mahalaga sa mga arkeologo, at siya’y naghinala na ang mga ito ay ninakaw sa isang sinagoga ng mga Judio. Anong laki ng kaniyang pagkakamali! Sa wakas, sa pamamagitan ng isang sapaterong Siryano na nagsilbing ahente, natiyak ang tunay na halaga ng mga iyon. Di-nagtagal, ang iba pang mga manuskrito ay tinaya ang halaga.

Ang ilan sa mga sinaunang kasulatang ito ay nagbukas ng isang buong bagong unawa sa gawain ng mga grupong relihiyosong Judio tungkol sa panahon ni Kristo. Subalit isang manuskrito ng Bibliya ng hula ni Isaias ang pumukaw ng pananabik ng daigdig. Bakit?

Ang Malaking Kayamanan

Ang orihinal ng bagong katutuklas na balumbon ng Isaias ay mga 7.5 metro ang haba. Ito’y binubuo ng 17 pilyego ng maingat ang pagkahandang balat ng hayop, halos kasing-inam ng pergamino. May 54 na tudling na sa katamtaman ay may 30 linya ang bawat isa, ito’y maingat na ginuhitan. Sa mga linyang ito isinulat ng sanáy na mga manunulat ang mga letrang teksto, isinulat sa mga parapo.​—Tingnan ang larawan.

Ang balumbon ay hindi nirolyo sa mga piraso ng kahoy, at ito’y mas matingkad ang kulay sa gitna na kung saan maraming kamay ang humawak dito sa pagbabasa. Ito ay gamit na gamit na, makikitang dumaan na ito sa mahusay na pagkumpuni at pagpapatibay. Ito’y naingatang mabuti dahilan sa maingat na pagkapaloob nito sa isang tapayang mahigpit ang pagkatakip. Gaano ngang kahalaga ito sa iskolar ng Bibliya, at, pati na rin, sa ating lahat?

Ang manuskritong ito ni propeta Isaias ay mga isang libong taon ang tanda kaysa anumang ibang natitira pang kopya, subalit ang mga nilalaman nito ay hindi gaanong naiiba. Ang sabi ni Propesor Millar Burrows, na editor ng tekstong inilathala noong 1950: “Ang teksto ng Isaias sa manuskritong ito, na may mahalagang mga pagkakaiba sa pagbaybay at balarila at maraming pagkakaiba sa mga pagbasa ng humigit-kumulang na interes at importansiya, ay tunay na yaong malawakang iniharap noong bandang huli sa MT [Masoretikong Tekstong Hebreo].”a Kapansin-pansin din ang walang-pagbabagong paggamit nito ng tetragrammaton, יהוה, ang banal na pangalan ng Diyos, na Jehova, sa Hebreo.

Iba Pang Mahahalagang Manuskrito

Ang banal na pangalan ay lumilitaw rin sa isa pang manuskrito na nanggaling sa yungib ding ito, na ngayo’y kilala bilang Yungib 1. Sa isang komentaryo sa aklat ng Habacuc, ang Tetragrammaton ay lumilitaw nang makaapat na ulit sa mga letrang paleo-Hebreo, isang mas matandang istilo na kakaiba sa lalong kilalang kuwadradong mga letrang Hebreo.​—Tingnan ang talababa sa Habacuc 1:9, Reference Bible.

Sa yungib ay nakuha ang mga bahagi ng isa pang balumbon ng Isaias, may kasamang mga piraso ng katad buhat sa aklat ng Daniel sa Bibliya. Sa isa sa mga ito ay naingatan ang pagbabago mula sa Hebreo tungo sa Aramaiko sa Daniel 2:4, tulad ng masusumpungan sa mga manuskrito isang libong taon ang nakalipas.

Mga maliliit na bahagi ng mga balumbon na naingatang mabuti ang ngayo’y naka-exhibit sa Jerusalem, sa museo na kilala sa tawag na Bahay-Sambahan ng Aklat. Ang museong ito ay nasa ilalim ng lupa, kaya sa inyong pagdalaw roon, naguguniguni ninyo na kayo’y pumapasok sa isang yungib. Ang bandang itaas ng museo ay kahugis ng tapayan na kinatuklasan ng Dead Sea Scroll ng Isaias. Gayunman, ang nakikita ninyo ay isa lamang kopya ng manuskrito ni Isaias. Ang mahalagang orihinal ay nakatagong mainam sa kalapit na bodega.

[Talababa]

a Ang ilan sa lalong mahalagang pagbasa nito ay makikita sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References sa Isaias 11:1; 12:2; 14:4; 15:2; 18:2; 30:19; 37:20, 28; 40:6; 48:19; 51:19; 56:5; 60:21. Ang balumbon ay tinutukoy sa talababa bilang 1QIsa.

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

Kagandahang-loob ng The British Museum

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Israel Antiquities Authority; The Shrine of the Book, Israel Museum, D. Samuel at Jeanne H. Gotesman Center for Biblical Manuscripts

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share