Kapana-panabik na mga Pangitain na Nagpapatibay ng Pananampalataya
Mga Tampok Mula sa Apocalipsis
ANG lingkod ni Jehova na si Juan ay nasa maliit na isla ng Patmos, sa dakong kanlurang baybayin ng Asia Minor. Doon, napagmasdan ng matanda nang apostol na ito ang kagila-gilalas na mga bagay—simboliko, kadalasa’y nakasisindak, at totoong makahulugan nga! Nasumpungan niya na siya’y nasa araw ng Panginoon, na sumasaklaw mula sa pagkaluklok ni Jesus noong 1914 hanggang sa dulo ng Kaniyang Milenyong Paghahari. Bagaman nakikita ni Juan ang mga pangyayaring magaganap sa pinakamadilim na panahon sa sangkatauhan, kayningning ng kaniyang natatanaw sa hinaharap sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo! Kay-inam na mga pagpapala ang tatamasahin ng masunuring sangkatauhan sa panahong iyon!
Isinulat ni Juan ang mga pangitaing ito sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Naisulat humigit-kumulang noong 96 C.E., ito’y nakapagpapatibay ng ating pananampalataya sa Diyos ng mga hula, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Si Kristo ay Nagbibigay ng Maibiging Payo
Sa pasimula ng kapahayagan mula sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay makikita ang mga liham sa pitong kongregasyon ng mga kasamang tagapagmana ni Jesus sa Kaharian. (1:1–3:22) Sa kabuuan, ang mga liham ay nagbibigay ng komendasyon, tinutukoy ang suliranin, naglalaan ng pagtutuwid at/o pampatibay-loob, at bumabanggit ng mga pagpapala na resulta ng tapat na pagsunod. Bagaman ang mga taga-Efeso ay nakapagtitiis, kanilang iniwan ang pag-ibig na taglay nila noong una. Ang mayaman sa espirituwal na kongregasyon ng Smirna ay pinasisigla na manatiling tapat sa gitna ng kapighatian. Ang pag-uusig ay hindi nanaig sa kongregasyon ng Pergamo, ngunit kaniyang pinahintulutan ang sektaryanismo. Sa kabila ng lumalagong gawain ng mga Kristiyano sa Tiatira, doon ay umiiral ang impluwensiyang maka-Jesebel. Ang kongregasyon sa Sardis ay nangangailangang gumising sa espirituwal, ang Filadelfia naman ay hinimok na manghawakan sa kung ano ang mayroon na siya, at ang malahiningang mga taga-Laodicea ay nangangailangan ng espirituwal na pagpapagaling.
Kayhusay ng mga salita ng pagsasanay para sa panghinaharap na mga makalangit na hari—sa katunayan, sa lahat ng mga Kristiyano! Halimbawa, mayroon ba sa atin na naging malahininga? Kung gayon, kailangang kumilos! Maging gaya ng nakarerepreskong isang basong malamig na tubig kung mainit ang araw ngunit magpasimulang magpamalas din ng mainit na sigasig kay Jehova at sa paglilingkuran sa kaniya.—Ihambing ang Mateo 11:28, 29; Juan 2:17.
Binuksan ng Kordero ang Isang Balumbon
Si Jehova ay sumunod na namasdan sa kaniyang trono sa taglay na karilagan. (4:1–5:14) Siya ay napalilibutan ng 24 na matatanda at apat na nilalang na buháy. Isang balumbon na tinatakan ng pitong tatak ay nasa kaniyang kamay. Sino ang makapagbubukas ng balumbon? Bueno, ang Kordero, si Jesu-kristo, ang karapat-dapat na gumawa niyaon!
Dramatikong mga pangyayari ang napalantad habang binubuksan ng Kordero ang anim sa mga tatak. (6:1–7:17) Sa pagbubukas ng unang tatak, si Kristo ay makikitang nakasakay sa isang maputing kabayo, tumatanggap ng isang korona (noong 1914), at humayong nagtatagumpay. Habang tatlo pang tatak ang binubuksan, ang ibang mangangabayo ay nagdadala ng digmaan, gutom, at kamatayan sa sangkatauhan. Sa pagbubukas ng ikalimang tatak, yaong mga naging martir para kay Kristo ay sumisigaw upang ipaghiganti ang kanilang dugo, at binigyan ang bawat isa sa kanila ng “isang maputing balabal,” na nangangahulugan ng isang matuwid na katayuan na may kinalaman sa kanilang pagkabuhay-muli upang maging walang-kamatayang mga espiritung nilalang taglay ang maharlikang mga pribilehiyo. (Ihambing ang Apocalipsis 3:5; 4:4.) Sa pagbubukas ng ikaanim na tatak, ang araw ng galit ng Diyos at ng Kordero ay inihahayag sa pamamagitan ng isang lindol. Ngunit “ang apat na hangin ng lupa,” na sumasagisag sa hatol na pagpuksa, ay pinipigilan hanggang ang 144,000 alipin ng Diyos ay matatakan. Pagka sila ay pinahiran na ng espiritu ng Diyos at inampon bilang kaniyang espirituwal na mga anak, sila ay tatanggap ng isang patiunang patotoo—isang tatak, o pangako—ng kanilang makalangit na mana. Pagkatapos lamang ng pagsubok saka magiging permanente ang pagkatatak. (Roma 8:15-17; 2 Corinto 1:21, 22) At kaylaki ng panggigilalas ni Juan nang kaniyang makita ang “isang malaking pulutong” na nanggaling sa lahat ng bansa—isang lubhang karamihan na taglay ang pag-asa ng isang walang-hanggang buhay sa isang makalupang paraiso! Sila’y lumalabas sa “malaking kapighatian,” isang panahon ng walang-katulad na paghihirap para sa sangkatauhan.
Kasindak-sindak na mga pangyayari ang naganap nang ang ikapitong tatak ay buksan! (8:1–11:14) Ang kalahating oras na katahimikan, upang marinig ang panalangin ng mga banal, ay sinundan ng paghahagis sa lupa ng apoy mula sa dambana. Pagkatapos ay pitong anghel ang naghandang humihip ng mga pakakak na nagbabalita ng mga salot sa Sangkakristiyanuhan mula sa Diyos. Ang mga pakakak ay hinihipan sa buong panahon ng kawakasan hanggang sa malaking kapighatian. Apat na pakakak ang naghuhudyat ng mga salot sa lupa, dagat, mga bukal ng tubig, at sa araw, buwan, at mga bituin. Ang paghihip sa ikalima ay tumawag ng mga balang na lumalarawan sa mistulang mga kuyog ng pinahirang mga Kristiyano na nakikipagbaka mula 1919 patuloy. Sa pagtunog ng ikaanim na pakakak, isang pagsalakay ng hukbong nangangabayo ang nagaganap. Sa katuparan, ang mga pinahiran, na lalong tumibay nang samahan ng “malaking pulutong” mula noong 1935, ay naghahayag ng mga mensaheng hatol na nagpapahirap sa relihiyosong mga lider ng Sangkakristiyanuhan.
Pagkatapos, si Juan ay kumain ng isang maliit na balumbon, na nagpapakitang tinatanggap ng mga pinahiran ang kanilang atas at na sila’y kumukuha ng pampalakas mula sa bahagi ng Salita ng Diyos na may pananalita ng mga banal na kahatulan na kanilang inihahayag laban sa Sangkakristiyanuhan. Ang apostol ay inutusang sukatin ang templong santuwaryo, na lumalarawan sa tiyak na katuparan ng mga layunin ni Jehova may kinalaman sa kaayusan sa templo at ang mga pamantayan ay dapat masunod ng mga kaugnay roon. Pagkatapos, ang “dalawang saksi” na pinahiran ng Diyos, na nadaramtan ng magaspang na káyo, ay nagsipanghula, pinaslang, ngunit muling ibinangon. Ito ay tumutukoy sa 1918-19, nang ang kanilang gawaing pangangaral ay halos napatay ng mga kaaway, ngunit ang mga lingkod ni Jehova ay makahimalang binuhay ukol sa kanilang ministeryo.
Ang Kaharian ay Isinilang!
Ang pagtunog ng ikapitong pakakak ay nag-aanunsiyo ng pagsilang ng Kaharian. (11:15–12:17) Sa langit, isang simbolikong babae (ang makalangit na organisasyon ni Jehovang Diyos) ay nagsilang ng sanggol na lalaki (ang Kaharian ng Diyos na si Kristo ang Hari), ngunit ang dragon (si Satanas) ay nabigo sa pagtatangkang sakmalin iyon. Sa sukdulan ng digmaan sa langit matapos isilang ang Kaharian noong 1914, ang ginawa ng matagumpay na si Miguel [si Jesu-Kristo] ay ibulid sa lupa ang dragon at ang kaniyang mga anghel. Doon ang dragon ay nagpatuloy sa pakikidigma laban sa pinahirang nalabing binhi ng makalangit na babae.
Sumunod na nakita ni Juan ay isang mabangis na hayop na iginawa ng karumal-dumal na larawan.(13:1-18) Itong pitong-ulo, sampung-sungay na makapulitikang mabangis na hayop ay umaahon mula sa “dagat,” ang maligalig na masa ng Sangkakristiyanuhan na kung saan bumubukal ang gawang-taong pamahalaan. (Ihambing ang Daniel 7:2-8; 8:3-8, 20-25.) Kanino nagmumula ang autoridad ng simbolikong hayop na ito? Aba, walang iba kundi kay Satanas, ang dragon! At gunigunihin mo! Sa pulitikal na dambuhalang ito, ang isang hayop na may dalawang sungay (ang Pandaigdig na Kapangyarihang Anglo-Amerikano) ay makikitang gumagawa ng isang “larawan,” na tanyag sa ngayon bilang ang Nagkakaisang mga Bansa. Marami ang pinipilit na sumamba sa mabangis na hayop na ito at tanggapin ang “tanda” nito sa pamamagitan ng paggawa ayon sa pamamaraan nito at pagpapahintulot na maghari ito sa kanilang buhay. Ngunit may katatagang iwinawaksi ng mga Saksi ni Jehova ang maka-demonyong tanda ng mabangis na hayop!
Kumikilos ang mga Lingkod ni Jehova
Iba’t ibang mga lingkod ni Jehova ang makikitang kumikilos habang ang pitong mangkok ng kaniyang galit ay ibinubuhos. (14:1–16:21) Pakinggan! Sa makalangit na Bundok Sion, ay naririnig ni Juan ang 144,000 na nangag-aawitan ng waring isang bagong awit. Isang anghel na lumilipad sa gitna ng langit ang may walang-hanggang mabuting balita na ihahayag sa mga naninirahan sa lupa. Ano ang ipinakikita nito? Na ang mga Saksi ni Jehova ay may tulong ng mga anghel sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian.
Anong laking pagkamangha ni Juan nang kaniyang makita na ang ubasan ng lupa ay ginagapas at ang buu-buong mga bansa ay nadudurog habang ang pisaan ng ubas ng galit ng Diyos ay niyuyurakan. (Ihambing ang Isaias 63:3-6; Joel 3:12-14) Sa utos ni Jehova, pitong anghel ang sumunod na nagbuhos ng pitong mangkok ng galit ng Diyos. Ang lupa, ang dagat, ang mga bukal ng tubig, gayundin ang araw, ang trono ng mabangis na hayop, at ang Ilog Eufrates, ay nangaapektuhan nang ibuhos ang unang anim na mangkok. Gunigunihin ang naging damdamin ni Juan nang kaniyang malaman na ang makademonyong propaganda ang tumitipon sa mga hari sa digmaan ng Diyos ng Har-Magedon. At ang naging resulta ay pagkawasak nang ang ikapitong mangkok ay ibinuhos sa hangin.
Dalawang Makasagisag na Babae
Tiyak, tuwang-tuwa si Juan nang masaksihan ang wakas ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at mamasdan ang nakagagalak na mga pangyayari na kasunod ng kaniyang pagkawasak. (17:1–19:10) Samantalang lasing sa dugo ng mga banal, siya ay makikitang nakasakay sa isang kulay-pulang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay [ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa). Ah, ngunit anong laki ng pagkawasak na kaniyang daranasin pagka ang mga sungay ay bumaling na sa kaniya!
Makalangit na mga tinig ang maririnig na pumupuri kay Jah dahilan sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila. At anong lakas ng ugong ng papuri ang nag-aanunsiyo ng kasal ng Kordero at ng kaniyang nobya, ang binuhay-na-muling mga pinahiran!
Si Kristo ay Magtatagumpay at Maghahari
Ang sumunod na nakita ni Juan ay ang Hari ng mga hari samantalang nangunguna sa makalangit na hukbo sa pagwawasak sa sistema ng mga bagay ni Satanas. (19:11-21) Oo, si Jesus, “Ang Salita ng Diyos,” ay nakikipagdigma sa mga bansa. Nakikita ng apostol ang mabangis na hayop (pulitikal na organisasyon ni Satanas) at ang bulaang propeta (ang Pandaigdig na Kapangyarihang Anglo-Amerikano) na ibinubulid sa “dagat-dagatang apoy,” na sumasagisag sa lubos, walang-hanggang pagkawasak.
Ano ang kasunod? Bueno, minamasdan ni Juan ang pagbubulid sa kalaliman kay Satanas. Doon ay sumunod ang pangitain sa hinaharap sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, na sa panahong iyon si Jesus at ang binuhay-na-muling mga kasama niyang maghahari ay hahatol sa sangkatauhan, na ang mga masunurin ay uunlad tungo sa kasakdalan. (20:1-10) Panahon na ngayon para sa katapusang pagsubok. Pagkatapos pakawalan buhat sa kalaliman, ililigaw ni Satanas ang pinasakdal na sangkatauhan, ngunit pagkawasak ang tatapos sa mga gawain ng lahat ng mga demonyo at mga taong rebelde sa Diyos.
Sa pagbabalik-tanaw sa panahon, kaylaking pagkamangha ni Juan nang kaniyang makita ang lahat ng nangamatay, sa Hades (pangkaraniwang libingan ng tao), at sa dagat na binubuhay-muli at hinahatulan sa harapan ng Diyos, na nakaupo sa isang dakilang maputing trono! (20:11-15) At kaylaking kaginhawahan ang tatamasahin ng mga matuwid pagka ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy, upang hindi na muling umangkin ng mga biktima!
Habang ang pangitain ni Juan ay sumasapit na sa wakas, kaniyang nakikita ang Bagong Jerusalem. (21:1–22:21) Ang pamahalaang lunsod na iyon ay bumababa mula sa langit at nagdudulot ng liwanag sa mga bansa. Umaagos mula sa Bagong Jerusalem ay “isang ilog ng tubig ng buhay,” na lumalarawan sa maka-Kasulatang mga katotohanan at sa bawat bigay-Diyos na paglalaan salig sa haing handog ni Jesus ukol sa pagpapagaling buhat sa kasalanan at kamatayan sa mga taong masunurin at sa pagkakaloob sa kanila ng buhay na walang-hanggan. (Juan 1:29; 17:3; 1 Juan 2:1, 2) Sa magkabilang pampang ng ilog na ito, nakikita ni Juan ang mga punungkahoy na may mga dahong nakapagpapagaling, na lumalarawan sa bahagi ng paglalaan ni Jehova para sa pagkakaloob ng buhay na walang-hanggan sa masunuring sangkatauhan. Ang mga pansarang mensahe buhat sa Diyos at kay Kristo ay sinusundan ng isang paanyaya. Kayganda-gandang marinig ang paanyaya ng espiritu at ng nobya sa lahat ng nauuhaw na ‘halika, kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay’! At habang ating binabasa ang pangwakas na mga salita ng Apocalipsis, walang-alinlangang taglay din natin ang silakbo ng damdaming naibulalas ni Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
Manatiling Gising: Kalakip sa mga makahulang salita hinggil sa digmaan ng Diyos ng Har–Magedon (Armagedon), ay binabanggit: “Narito! Ako [si Jesu-Kristo] ay pumaparito na gaya ng magnanakaw. Maligaya siyang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang panlabas na mga kasuotan, upang huwag siyang lumakad na hubad at makita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.” (Apocalipsis 16:15) Ito’y maaaring may kinalaman sa mga tungkulin ng isang tagapangasiwa, o pinuno, ng templo sa Jerusalem. Sa panahon ng pagbabantay, siya ay lumiligid sa templo upang tingnan kung ang mga bantay na Levita ay gising o natutulog sa kanilang puwesto. Sinumang bantay na masumpungang natutulog ay hinahampas ng patpat, at ang kaniyang panlabas na kasuotan ay baka sunugin bilang kahiya-hiyang parusa. Ngayong ang Armagedon ay pagkalapit-lapit na, ang pinahirang nalabi ng “makaharing saserdote,” o “espirituwal na bahay,” ay determinadong manatiling gising sa espirituwal. Kailangang gayundin ang kanilang mga kasama, ang “malaking pulutong,” na may makalupang pag-asa, dahil sa sila rin ay nagsasagawa ng banal na paglilingkuran sa Diyos sa templo. (1 Pedro 2:5, 9; Apocalipsis 7:9-17) Higit na kailangang maging mapagbantay ang mga Kristiyanong tagapangasiwa laban sa paglago ng mga masasamang kalagayan sa loob ng kongregasyon. Dahil sa pananatili nilang gising, ang lahat ng tapat na mga mananamba sa espirituwal na templo ng Diyos ay nag-iingat ng kanilang “panlabas na kasuotan,” na nagpapakilala sa kanilang marangal na paglilingkuran bilang mga Saksi ni Jehova.