Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 5/15 p. 10-15
  • Pag-isipan ang mga Halimbawa ng Pagtitiis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-isipan ang mga Halimbawa ng Pagtitiis
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matiisin Alang-alang sa Kaniyang Pangalan
  • Pagtitiis Alang-alang sa mga Tao
  • Ang Halimbawa ni Jesus ng Pagtitiis
  • Iba Pang mga Halimbawa ng Pagtitiis
  • Pag-isipan ang Halimbawa ni Pablo
  • Si Jehova ay Isang Diyos na May Mahabang Pagtitiis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • ‘Damtan ang Inyong Sarili ng Mahabang Pagtitiis’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Maging Matiisin sa Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mahabang Pagtitiis
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 5/15 p. 10-15

Pag-isipan ang mga Halimbawa ng Pagtitiis

“Ang Diyos . . . ay naging totoong matiisin sa mga sisidlan ng galit na karapat-dapat sa pagkapuksa.”​—ROMA 9:22.

1. (a) Papaano nagsisilbing kapakinabangan sa atin ang kinasihang Salita ng Diyos? (b) May kaugnayan dito, bakit isinasaalang-alang dito ang katangian na pagtitiis?

ANG Diyos na Jehova, ang Maylikha sa atin, ang nagbigay sa atin ng kaniyang kinasihang Salita, ang Banal na Bibliya. Ito’y nagsisilbing ‘ilawan sa ating paa at liwanag sa ating landas.’ (Awit 119:105) Ang Salita ng Diyos ay tumutulong din sa atin upang maging “lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Ang isang paraan na sa ganoo’y sinasangkapan tayo nito ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng maiinam na halimbawa ng pagtitiis. Ang katangiang ito ay isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos at kailangan natin upang makalugod sa Diyos at makasundo ang ating mga kapuwa-tao.​—Galacia 5:22, 23.

2. Ano ang kahulugan ng salitang Griegong isinaling “pagtitiis,” at sino ang pangunahing nagpapakita ng katangiang ito?

2 Ang salitang Griego na isinaling “pagtitiis” ay literal na nangangahulugang “kahabaan ng espiritu.” Ang kahulugan ng pagtitiis ay “ang katangian ng pagpipigil sa sarili sa harap ng nakagagalit na pangyayari na anupa’t hindi gumaganti ng padalus-dalos o agad nagpaparusa.” (Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, ni W. E. Vine, Tomo 3, pahina 12) Ang ibig sabihin ng pagtitiis ay ang magpigil sa sarili at maging mabagal sa pagkagalit. At sino baga ang pangunahin sa mga mabagal sa pagkagalit, na nagpapakita ng pagkamatiisin? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova. Kaya, sa Exodo 34:6, mababasa natin na si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” Sa katunayan, walong beses pa sa Kasulatan, si Jehova ay tinutukoy na “mabagal sa pagkagalit.”​—Bilang 14:18; Nehemias 9:17; Awit 86:15; 103:8; 145:8; Joel 2:13; Jonas 4:2; Nahum 1:3.

3. Anong mga katangian ang dahilan ng pagiging matiisin ni Jehova?

3 Ang pagiging matiisin, o mabagal sa pagkagalit, ang maaasahan natin sa Diyos na Jehova, sapagkat siya’y walang-hanggan ang kapangyarihan at karunungan, sakdal sa katarungan, at ang mismong sagisag ng pag-ibig. (Deuteronomio 32:4; Job 12:13; Isaias 40:26; 1 Juan 4:8) Kontrolado niya ang kaniyang mga katangian, at sa lahat ng panahon ay pinamamalagi niyang nasa sakdal na pagkatimbang-timbang. Ano ba ang isinisiwalat ng kaniyang Salita tungkol sa kung bakit at papaano niya ipinakikita ang pagkamatiisin sa di-sakdal na mga tao?

Matiisin Alang-alang sa Kaniyang Pangalan

4. Sa anong mabubuting dahilan naging matiisin ang Diyos sa mga makasalanan?

4 Bakit matiisin si Jehova? Bakit hindi niya karakaraka pinarurusahan ang mga makasalanan? Hindi dahilan sa pagwawalang-bahala o kakulangan ng sigasig sa katuwiran. Kundi sa mabubuting dahilan kung kaya si Jehova ay mabagal sa pagkagalit at hindi karakaraka nagpaparusa sa mga tao. Ang isang dahilan ay upang maipakilala ang kaniyang pangalan. Ang isa pang dahilan ay sapagkat panahon ang kailangan upang malutas ang mga isyu ng pagkasoberano ng Diyos at ang katapatan o integridad ng tao, na ibinangon ng paghihimagsik sa Eden. Ang isa pa ring dahilan sa pagiging matiisin ng Diyos ay sapagkat nagbibigay ito sa mga nagkakasala ng pagkakataon na ituwid ang kanilang mga lakad.

5, 6. Bakit naging matiisin si Jehova may kaugnayan sa paghihimagsik ng tao?

5 Si Jehova ay naging matiisin sa pakikitungo sa unang mag-asawa sa halamanan ng Eden. Nang kanilang suwayin ang kaniyang utos na huwag kakain ng bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, maaaring karakaraka’y pinatay niya sila at ang nagkasalang anghel na dumaya kay Eva. Tiyak na nalapastangan ang pagkamatuwid at ang katarungan ni Jehova, anupa’t siya’y nagalit sa tatlong rebelde. Siya’y may lubos na karapatan kung sakali mang kaniyang pinatay sila karakaraka. Ang Diyos ay nagbabala sa unang tao, si Adan: “At sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Noong mismong araw na nagkasala si Adan, ang Diyos ay humingi ng paliwanag tungkol sa pagsuway na iyon at naggawad ng hatol na kamatayan. Batay sa inihatol, si Adan at si Eva ay namatay nang araw na iyon. Gayunman, ang ating matiising Maylikha ay pumayag na mabuhay pa si Adan nang 930 taon.​—Genesis 5:5.

6 Ang Diyos ay may mabubuting dahilan sa pagiging matiisin, o mabagal sa pagkagalit, kung ibabatay sa kasong ito. Kung kaniyang pinatay kaagad ang mga rebeldeng iyon, ito’y hindi magiging kasagutan sa lubusang pangungutya ng Diyablo na ang Diyos na Jehova ay hindi karapat-dapat sambahin, at na siya’y hindi maaaring magkaroon ng mga lingkod na tao na mananatiling tapat sa kaniya anuman ang mga kalagayan. Isa pa, ang mga katanungan na tulad nito ay mananatiling di-nasasagot: Sino ba ang masisisi sa pagkakasala ni Adan at ni Eva? Sila ba’y nilalang ni Jehova na sa simula pa’y napakahina ang moral kung kaya’t hindi nila napaglabanan ang tukso at pagkatapos ay pinarusahan sila dahilan sa hindi nila ginawa iyon? Ang sagot sa lahat na ito ay maliwanag na makikita buhat sa pag-uulat ng aklat ng Job, kabanata 1 at 2. Sa pamamagitan ng pagpapahintulot na dumami ang mga tao, hinayaan ni Jehova na ang mga tao ay magkaroon ng pagkakataon na patunayang kasinungalingan ang mga paratang ni Satanas.

7. Bakit hindi pinuksa agad ni Jehova si Faraon?

7 Nang malapit na malapit nang ang kaniyang bayan, ang mga Israelita, ay palayain ni Jehova buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, minsan pang pinatunayan niya na siya’y matiisin. Maaari sanang pinuksa agad ni Jehova si Faraon at ang kaniyang mga hukbong pandigma. Gayunman, sa halip na gawin ito, ang Diyos ay naging matiisin sa kanila nang sandaling panahon. Sa anong mabubuting dahilan? Bueno, habang lumalakad ang panahon, si Faraon ay lalong naging matigas sa kaniyang pagtangging payagan na ang mga Israelita’y lumisan sa Ehipto bilang malayang bayan ni Jehova. Sa ganoo’y ipinakita niya na siya’y isang ‘sisidlan ng galit,’ na karapat-dapat puksain dahil sa paglaban kay Jehova. (Roma 9:14-24) Subalit, may lalong mahalagang dahilan kung bakit ang Diyos ay matiisin sa ganitong kaso. Sa pamamagitan ni Moises, sinabi niya kay Faraon: “Ngayo’y iniunat ko na sana ang aking kamay upang salutin kita at ang iyong bayan at upang malipol ka na sa lupa. Subalit, ang totoo, dahil dito ay pinamalagi pa kitang buháy, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan at upang ang aking pangalan ay maihayag sa buong lupa.”​—Exodo 9:15, 16.

8. Sa anong dahilan hindi pinuksa ng Diyos ang mapaghimagsik na mga Israelita sa ilang?

8 Ang pagkamatiisin ni Jehova ay ipinakita rin ukol sa mabubuting dahilan nang ang mga Israelita ay nasa ilang. Kaylaking pagsubok ang ginawa nila sa pagkamatiisin ng Diyos nang kanilang sambahin ang gintong baka at nang hindi pagsampalataya nang bumalik ang sampung espiya na may masamang balita! Sila’y hindi nilipol ng Diyos bilang kaniyang bayan yamang kasangkot ang kaniyang pangalan at karangalan. Oo, si Jehova ay naging matiisin alang-alang sa kaniyang pangalan.​—Exodo 32:10-14; Bilang 14:11-20.

Pagtitiis Alang-alang sa mga Tao

9. Bakit naging matiisin si Jehova noong mga kaarawan ni Noe?

9 Si Jehova ay naging matiisin alang-alang sa tao mula’t sapol nang ipahamak ni Adan ang lahat ng kaniyang magiging supling, dinulutan sila ng malaking kaapihan sa pamamagitan ng pagkakasala. Ang pagkamatiisin ng Diyos ang nagpapangyari na ang kamaliang iyon ay maituwid sa bagay na nagbigay siya ng panahon upang ang nagsising mga tao ay makipagkasundo sa kaniya. (Roma 5:8-10) Ang Diyos na Jehova ay naging matiisin din sa mga tao noong kaarawan ni Noe. Nang panahong iyon, “nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi.” (Genesis 6:5) Bagaman noon pa’y maaari sanang nilipol na ng Diyos ang lahi ng tao nang kaniyang makita ang ganitong kalagayan, kaniyang ipinahayag na tatapusin niya ang ganitong kalagayan hindi matatapos ang 120 taon. (Genesis 6:3) Ang ganitong pagpapakita ng pagkamatiisin ay nagbigay ng panahon upang si Noe ay magkaanak ng tatlong lalaki, magsilaki at magsipag-asawa ang mga ito, at ang pamilyang iyon ay makapagtayo ng daong para sa ikaliligtas ng kanilang mga kaluluwa at para maingatan ang mga nilalang na hayop. Sa ganitong paraan ay naging posible na matupad ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa.

10, 11. Bakit naging totoong matiisin si Jehova sa bansang Israel?

10 Ang isa pang kahulugan ng pagkamatiisin ay kumakapit lalung-lalo na sa mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan. Ito “ang matiyagang pagbabata ng masama o pampagalit, lakip ang pagtangging mawalan ng pag-asa na bumuti pa ang nasirang ugnayan.” (Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 262; lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.) Ito’y tumutukoy ng isa pang karagdagang dahilan kung bakit ang Diyos ay matiisin sa mga Israelita. Sila’y paulit-ulit na tumalikod kay Jehova at napasailalim ng pagkaalipin sa mga bansang Gentil. Gayunman, siya’y naging matiisin sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga Israelita at pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magsisi.​—Hukom 2:16-20.

11 Ang kanilang mga sakop ay inakay ng karamihan ng mga hari ng Israel sa di-tunay na pagsamba. Ang bansa ba ay itinakuwil agad ng Diyos? Hindi, hindi siya dagling nawalan ng pag-asa na bubuti pa ang nasirang ugnayan. Sa halip, si Jehova ay mabagal sa pagkagalit. Samantalang nagpapakita ng pagkamatiisin, sila ay paulit-ulit na binigyan ng Diyos ng pagkakataon na magsisi. Ating mababasa sa 2 Cronica 36:15, 16: “Si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno ay patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, anupa’t paulit-ulit na nagsugo, sapagkat siya’y nahabag sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanang-dako. Ngunit kanilang patuloy na tinutuya ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang poot ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagamutan.”

12. Anong patotoo ang ibinibigay ng Kasulatang Griegong Kristiyano tungkol sa kung bakit matiisin si Jehova?

12 Ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay nagpapatotoo rin sa pagiging matiisin ni Jehova na tulungan ang kaniyang nagkakasalang bayan. Halimbawa, si apostol Pablo ay may tanong sa sumasalansang na mga Kristiyano: “Hinahamak mo baga ang kayamanan ng kaniyang kagandahang-loob at pagbabata at pagkamatiisin, sapagkat hindi mo nalalaman na ang kagandahang-loob ng Diyos ang nagsisikap na akayin ka sa pagsisisi?” (Roma 2:4) Ganiyan din ang buod ng mga salita ni Pedro: “Hindi mabagal si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, gaya ng pagkamabagal na palagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya ibig na ang sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya’y magsisi ang lahat.” (2 Pedro 3:9) Angkop na angkop, sa atin ay sinasabi na “ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay pagliligtas.” (2 Pedro 3:15) Samakatuwid, ating nakikita na si Jehova ay matiisin, hindi dahilan sa sentimiyento o pagkamaluwag, kundi dahilan sa ang kaniyang pangalan at mga layunin ay kasangkot at siya’y maawain at maibigin.

Ang Halimbawa ni Jesus ng Pagtitiis

13. Ano ang patotoo ng Kasulatan na si Jesu-Kristo ay matiisin?

13 Pangalawa lamang sa halimbawa ng pagkamatiisin na ipinakita ng Diyos ay yaong sa kaniyang Anak, ang Mesiyas, si Jesu-Kristo. Siya’y isang mainam na halimbawa ng pagpipigil-sa-sarili na hindi padalus-dalos na gumaganti sa kabila ng nakagagalit na kalagayan.a Ang Mesiyas ay magiging matiisin gaya ng inihula ni propeta Isaias sa mga salitang ito: “Siya’y totoong napighati, at siya’y nagdalamhati; gayunma’y hindi niya ibinuka ang kaniyang bibig. Siya’y gaya ng isang tupa na dinadala sa patayan; at gaya ng isang tupang naging mistulang pipi sa harap ng mga manggugupit sa kaniya, hindi rin niya ibinuka ang kaniyang bibig.” (Isaias 53:7) Nagpapatotoo ng ganiyan ding katotohanan ang sinabi ni Pedro: “Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol ng matuwid.” (1 Pedro 2:23) Tiyak naman na naging isang mahigpit na pagsubok kay Jesus ang iginawi ng kaniyang mga alagad sa kanilang paulit-ulit na pagtatalu-talo sa kung sino ang pinakadakila sa kanila! Gayunman, ang kaniyang pagtitiis at pagtitiyaga ng pakikitungo sa kanila ay pagkalaki-laki!​—Marcos 9:34; Lucas 9:46; 22:24.

14. Ang halimbawa ni Jesus ng pagiging matiisin ay dapat umakay sa atin sa paggawa ng ano?

14 Dapat natin sundin ang halimbawa ni Jesus sa pagiging matiisin. Sumulat si Pablo: “Takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos. Oo, pag-isipan ninyong maingat yaong nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling kapakanan, upang huwag kayong manghimagod at manlupaypay sa inyong mga kaluluwa.”​—Hebreo 12:1-3.

15. Papaano natin nalalaman na si Jesus ay matiisin at nagtiis na kusa ng mga pagsubok?

15 Si Jesus ay matiisin at nagtiis na kusa ng mga pagsubok gaya ng makikita sa saloobin na kaniyang ipinakita nang siya’y dinarakip na. Pagkatapos pagwikaan si Pedro dahilan sa paggamit ng tabak upang ipagtanggol ang kaniyang Panginoon, sinabi ni Jesus: “Inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama upang padalhan ako sa mga sandaling ito ng mahigit sa labindalawang pulutong na mga anghel? Kung gayon, papaano nga matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ganito kailangang mangyari iyon?”​—Mateo 26:51-54; Juan 18:10, 11.

Iba Pang mga Halimbawa ng Pagtitiis

16. Papaano ipinakikita ng Kasulatan na ang anak ni Jacob na si Jose ay matiisin?

16 Kahit na ang di-sakdal, makasalanang mga tao ay makapagpapakita ng pagkamatiisin. Sa Kasulatang Hebreo ay may mga halimbawa ng matiyagang pagtitiis ng mga kaapihan ng mga taong di-sakdal. Halimbawa, nariyan si Jose, ang anak ng patriarkang Hebreo na si Jacob. Kaniyang matiyagang tiniis ang mga pang-aapi sa kaniya ng kaniyang mga kapatid sa ama at ng asawang babae ni Potifar! (Genesis 37:18-28; 39:1-20) Ang mga pagsubok na ito ay hindi pinayagan ni Jose na magbigay sa kaniya ng sama ng loob. Ito’y mahahalata nang kaniyang sabihin sa kaniyang mga kapatid: “Huwag kayong magdalamhati at magalit sa inyong sarili dahil sa inyo akong ipinagbili rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo upang magligtas ng buhay.” (Genesis 45:4, 5) Anong inam na halimbawa ng pagtitiis ang ipinakita ni Jose!

17, 18. Anong patotoo ng pagkamatiisin ang makikita sa kaso ni David?

17 Si David ay isa pang halimbawa ng isang tapat na lingkod ni Jehova na matiyagang nagtiis ng mga kaapihan, nagpapatunay ng pagkamatiisin. Tinugis na gaya ng isang aso ng naninibughong si Haring Saul, sa dalawang pagkakataon ay gumanti na sana si David sa pamamagitan ng pagpaslang sa kaniya. (1 Samuel 24:1-22; 26:1-25) Subalit si David ay naghintay sa Diyos, gaya ng makikita buhat sa kaniyang mga salita kay Abisai: “Si Jehova ang siyang mananakit [kay Saul]; o darating ang kaniyang kaarawan at siya’y mamamatay, o lulusong sa labanan, at siya’y tiyak na mamamatay. Sa ganang akin, sa paningin ni Jehova ay hindi maubos-isipin na ang aking kamay ay iunat ko laban sa pinahiran ni Jehova!” (1 Samuel 26:10, 11) Oo, nasa kapangyarihan ni David na wakasan ang pagtugis sa kaniya ni Saul. Imbis na gawin iyon, ang minabuti ni David ay maging matiisin.

18 Isaalang-alang din ang nangyari nang si Haring David ay tumatakas buhat sa kaniyang taksil na anak, si Absalom. Si Semei, isang Benjaminita na kabilang sa sambahayan ni Saul, ay nambato kay David at siya’y isinumpa, na ang sigaw: “Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na lalaking nagkasala sa dugo at lalaking walang-kabuluhan!” Ang nais ni Abisai ay ipapatay si Semei, subalit si David ay tumangging maghiganti. Imbis na gawin iyan, siya ay nagpakita na naman ng katangiang pagkamatiisin.​—2 Samuel 16:5-13.

Pag-isipan ang Halimbawa ni Pablo

19, 20. Papaano ipinakita ni apostol Pablo na siya’y matiisin?

19 Sa Kasulatang Griegong Kristiyano, tayo’y may isa pang mainam na halimbawa ng pagkamatiisin sa bahagi ng isang taong di-sakdal​—si apostol Pablo. Siya’y nagpakita ng matiyagang pagbabata, pagkamatiisin, may kaugnayan sa kaniyang relihiyosong mga kaaway at sa mga taong nagpapanggap na mga Kristiyano. Oo, si Pablo’y naging matiisin bagaman ang ilan na nasa kongregasyon sa Corinto ay nagsabi: “Ang kaniyang mga sulat ay malaman at mabisa, datapuwat ang kaniya mismong pagkatao ay mahina at ang kaniyang pagsasalita ay kadusta-dusta.”​—2 Corinto 10:10; 11:5, 6, 22-33.

20 Samakatuwid, may mabuting dahilan si Pablo ng pagsasabi sa mga taga-Corinto: “Sa lahat ng paraan ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga kahirapan, sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga pagpapagal, sa mga pagpupuyat, sa kagutuman, sa kalinisan, sa kaalaman, sa matiyagang pagtitiis, sa kabaitan, sa banal na espiritu, sa pag-ibig na walang paimbabaw.” (2 Corinto 6:4-6) Sa isang katulad na diwa, ang apostol ay sumulat sa kaniyang kamanggagawa na si Timoteo: “Sinunod mong lagi ang aking turo, landasin sa buhay, layunin, pananampalataya, pagtitiis, pag-ibig, pagbabata, mga pag-uusig, paghihirap, . . . ngunit sa lahat na ito ay iniligtas ako ng Panginoon.” (2 Timoteo 3:10, 11) Anong inam na halimbawa ang ipinakita para sa atin ni apostol Pablo sa pagiging matiisin!

21. Papaano makatutulong sa atin ang sumusunod na artikulo?

21 Maliwanag, sa Kasulatan ay maraming maiinam na halimbawa ng pagtitiis. Si Jehova at ang kaniyang sinisintang Anak ang mga pangunahing halimbawa. Subalit kaylaking pampatibay-loob na tandaang ang katangiang ito’y ipinakita ng di-sakdal na mga tao, tulad baga ni Jose, David, at ni apostol Pablo! Ang susunod na artikulo ang tutulong sa atin na tularan ang gayong maiinam na halimbawa.

[Talababa]

a Ang pagiging matiisin ay hindi lamang nangangahulugan ng mahabang pagtitiis. Kung ang isang taong nagdurusa nang matagal ay nabigo o sumamâ ang loob dahilan sa hindi makapaghiganti, siya’y hindi magiging matiisin.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Ano ba ang kahulugan ng pagiging matiisin?

◻ Si Jehova ay naging matiisin unang-una sa anong mga dahilan?

◻ Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jesus na siya’y matiisin?

◻ Ano ang patotoo sa Kasulatan na ang di-sakdal na mga tao ay maaari ring maging matiisin?

[Mga larawan sa pahina 10]

Si Jose, Jesus, David, Pablo, at Job ay mga halimbawa ng pagkamatiisin

[Larawan sa pahina 13]

Si Jesus ay naging matiisin sa kaniyang mga alagad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share