Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa Mateo 10:21, tayo ba’y binababalaan ni Jesus na maraming kapatid sa kongregasyon ang magbabangon laban sa kanilang espirituwal na mga kapatid?
Hindi, hindi iyan ang punto ng pagbababala ni Jesus, na nagsasabi: “At, ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila’y ipapapatay.”—Mateo 10:21.
Ipinakikita ng konteksto na sinabi ito ni Jesus sa 12 apostol samantalang sila’y sinusugo niya sa isang kampanya ng pangangaral sa Israel. Ang karamihan ng kaniyang sinabi ay pangunahing makabuluhan sa mga apostol. Halimbawa, sinabi niya na sila’y binigyan ng kapangyarihan na magsagawa ng mga kahima-himalang mga pagpapagaling, ng pagpapalabas ng mga masasamang espiritu, at maging ng pagbuhay sa mga patay. (Mateo 10:1, 8; 11:1) Pinatutunayan ng kasaysayan na hindi lahat ng Kristiyano ay tumanggap ng gayong kahima-himalang kapangyarihan, nagpapatunay na dito ang kinakausap ni Jesus ay isang tiyakang grupo ng mga tagapakinig—ang kaniyang mga apostol.
Subalit, ang ilan sa sinabi ni Jesus ay kapit hindi lamang sa kampanyang pangangaral ng mga apostol. Kaniyang sinabihan sila: “Magpakaingat kayo sa mga tao; . . . kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mateo 10:17, 18) Sa paglalakbay na iyon, ang 12 ay malamang na napaharap sa pagsalansang, subalit walang patotoo na sila’y dinala “sa harap ng mga gobernador at mga hari” upang magbigay ng patotoo sa “mga bansa.”a Noong bandang huling mga taon, ang mga apostol ay humarap sa mga pinuno, tulad baga sa mga Haring Herodes Agripa I at II, Sergio Paulo, Galyo, at maging kay Emperador Nero. (Gawa 12:1, 2; 13:6, 7; 18:12; 25:8-12, 21; 26:1-3) Kaya ang mga salita ni Jesus ay nagkaroon ng ilang katuparan noong bandang huli na.
Ang payo ni Jesus ay nagpatuloy sa pagbababala: “Ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan.” Ang tinutukoy niya ay hindi espirituwal na mga kapatid gaya rin ng hindi sa espirituwal na mga ama o mga anak sa kaniyang susunod ng mga salita sa Mat 10 talatang 21: “[Ibibigay] ng ama ang kaniyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila’y ipapapatay.” Ang ibig sabihin ni Jesus ay na kapopootan o sasalungatin maging ng mga kamag-anak ang mga apostol.—Mateo 10:35, 36.
Ang mga apostol ay mangangailangan ng pagtitiis sa pangangampanyang iyon sa pangangaral. Si Jesus ay nagpatuloy pa: “Kayo’y magiging tampulan ng poot ng lahat ng tao dahil sa aking pangalan; ngunit ang magtiis hanggang wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 10:22.
Ang ibang sinabi ni Jesus ng pagkakataong iyon ay kumakapit sa atin bilang mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ang idiniriin sa ating pangangaral ay ang Kaharian. Ating ginaganap ang ating ministeryo nang walang bayad at hinahanap natin ang mga taong interesado sa mensahe o karapat-dapat dito. Angkop naman na mag-ingat. Maraming mananalansang. Kung minsan ang mga kamag-anak, kapitbahay, o mga kasama sa trabaho ay nagiging sanhi ng matitinding problema, lalo na para sa mga taimtim na nagsisimulang lumakad sa landas ng tunay na pagka-Kristiyano. Inulit ni Jesus ang isang babala tungkol sa gayong pananalansang nang inilalarawan “ang tanda” ng kaniyang presensiya. (Mateo 24:3, 9, 10; Lucas 21:16, 17) Kaniya ring muling binanggit ang ating pangangailangan na ‘magtiis hanggang sa wakas upang maligtas.’ Oo, tayo’y kailangang magtiis hanggang sa katapusan ng ating kasalukuyang buhay o hanggang ang sistemang ito ng mga bagay ay matapos at tayo’y makapasok sa bagong sanlibutan.—Mateo 24:13.
[Talababa]
a Sa mga ibang salin ito ay “ang mga pagano” (The Jerusalem Bible), “ang mga Gentil” (New International Version at mga bersiyon ni Moffatt at Lamsa), at “ang di-relihiyoso” (The New English Bible).