Ang Bibliya—Talaga Bang Ito’y Banal?
ILANG tao ngayon ang naniniwala na ang Bibliya ay banal, Salita ng Diyos? Sa panahong ito ng kawalang-pananampalataya, marami ang naniniwalang ito’y lipas na sa panahon at wala nang kaugnayan sa ngayon, nag-aalinlangan na ito’y talaga ngang banal. Maging ang iba sa mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan ay nagtuturo na ang Bibliya ay pulos alamat at mga katha-katha. Kanilang pinag-aalinlanganan ‘kung ang biblikal na interpretasyon ng kasaysayan ay dapat paniwalaan ng isang taong intelihente.’—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, Tomo 2, pahina 611.
Prominenteng mga iskolar ang naghahasik ng mga binhi ng pag-aalinlangan tungkol sa kung wasto nga bang tukuyin ang Bibliya bilang ang Salita ng Diyos. Isa ang nagsabi na “kung nais ng isa na gamitin ang Salita-ng-Diyos na uri ng wika, ang tumpak na termino para sa Bibliya ay Salita ng Israel, Salita ng ilang pangunahing sinaunang mga Kristiyano.” (The Bible in the Modern World, ni James Barr) Ano ang inyong paniwala? Ang Bibliya ba ay Salita ng Diyos? Talaga bang ito’y banal?
Sino ang Sumulat sa Bibliya?
Ang manunulat ng Genesis, na unang aklat ng Bibliya, ayon sa tradisyon ay si Moises, isang Hebreo na nabuhay mga 3,500 taon na ngayon ang lumipas. Sang-ayon sa Bibliya mismo, mga 40 tao buhat sa iba’t ibang kalagayan ng buhay ang nakibahagi sa pagsulat ng natitirang bahagi ng Kasulatan, na ang resulta’y ang kalipunan ng 66 na mga aklat, o mga subdibisyon, ng Bibliya. Gayunman, hindi itinuring ng mga taong ito na sila ang talagang mga autor ng Bibliya. Isang manunulat ang nagsabi: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Isa pa ang sumulat tungkol sa mga manunulat ng Bibliya: “Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila’y inaakay ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:21.
Dahil dito ang mga manunulat ay nasa kalagayan ng pagiging mga tagasulat, o mga kalihim, kontrolado, o inaakay, ng Diyos. Sang-ayon sa Bibliya, ang manunulat ay kadalasan pinapayagang pumili ng kaniyang sariling pananalita sa pagpapahayag ng kinasihang impormasyon. (Habacuc 2:2) Kaya naman may maraming istilo ng pagsulat sa buong Bibliya. Subalit ang pagsulat ay laging ginagabayan ng Diyos.
Inaamin natin, ang pag-aangkin ng mga manunulat na ito na sila’y kinasihan ng Diyos ay hindi sa ganang sarili’y patotoo na ang Bibliya’y siyang banal na mensahe ng Maylikha sa sangkatauhan. Gayumpaman, malinaw na makikita kung ang Kataas-taasan nga ang Autor ng Bibliya o hindi kung maingat at walang pagtatangi na susuriin ang aklat mismo. Pinatutunayan ba ng Bibliya na ang Diyos nga ang autor nito? Oo, talaga bang masasabi natin nang may pagtitiwala na ang Bibliya ay banal?