Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 6/1 p. 8-9
  • Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kaparehong Materyal
  • Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Pagbubukas ng Daan Pabalik sa Paraiso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Lumuluwalhati sa Diyos ang Paraisong Naisauli
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Ibabalik ni Jesus ang Paraiso at Tatapusin ang Kaniyang Atas
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 6/1 p. 8-9

Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus

Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos

PAGKA si Satanas at ang kaniyang likong sanlibutan ay inalis na ng Mandirigmang-Haring si Jesu-Kristo, kaylaki ng dahilan na ipagsaya iyan! Ang mapayapang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus ay nagsisimula sa wakas!

Sa ilalim ng patnubay ni Jesus at ng kaniyang kasamang mga hari, ang mga nakaligtas sa Armagedon ay maglilinis ng mga kagibaan na iniwan ng matuwid na digmaang iyan. Malamang, ang mga nakaligtas dito sa lupa ay mag-aanak din sa loob ng isang panahon, at ang mga ito ay makikibahagi sa nakalulugod na gawaing paghahanda sa lupa upang maging isang maningning na tulad-parkeng halamanan.

Sa takdang panahon ang di-mabilang na milyun-milyon ay bubuhayin ni Jesus buhat sa kanilang libingan upang tamasahin ang maligayang buhay sa magandang Paraisong ito. Kaniyang gagawin ito bilang katuparan ng kaniyang ibinigay na katiyakan: “Ang oras ay dumarating na lahat ng mga nasa alaalang libingan ay . . . magsisilabas.”

Kabilang sa mga bubuhayin ni Jesus ay ang dating manlalabag-batas na namatay katabi niya sa pahirapang tulos. Alalahanin na pinangakuan siya ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Hindi, ang taong iyon ay hindi dadalhin sa langit upang maging isang hari kasama ni Jesus, ni magiging isang tao muli si Jesus at mamumuhay sa lupang Paraiso kasama niya. Kundi, si Jesus ay makakasama ng dating manlalabag-batas sa diwa na Kaniyang bubuhayin ito sa Paraiso at kaniyang ilalaan ang mga pangangailangan nito, kapuwa pisikal at espirituwal, gaya ng isinalarawan sa pahinang ito.

Pag-isipan iyon! Sa ilalim ng maibiging pangangalaga ni Jesus, ang buong sangkatauhan​—ang mga nakaligtas sa Armagedon, ang kanilang mga supling, at ang libu-libong milyong binuhay-muling mga patay na sumusunod sa kaniya​—​ay susulong tungo sa kasakdalan ng pagkatao. Si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang maharlikang Anak, si Jesu-Kristo, ay tatahan sa gitna ng sangkatauhan, ayon sa diwang espirituwal. “At,” gaya ng narinig ni Juan na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” Walang tao sa lupa ang maghihirap o magkakasakit.

Sa may katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, ang kalagayan ay magiging kagayang-kagaya ng pinanukala ng Diyos noong una nang kaniyang sabihin sa unang mag-asawa, si Adan at si Eva, na magpakarami at punuin ang lupa. Oo, ang lupa ay mapupuno ng isang matuwid na lahi ng sakdal na mga tao. Ito’y dahilan sa ang bisa ng haing pantubos na inihandog ni Jesus ay ikinakapit na sa lahat. Wala na ang kamatayan dahilan sa kasalanan ni Adan!

Sa gayon, sa panahong iyon ay natapos na ni Jesus ang lahat ng hinihiling sa kaniya ni Jehova. Samakatuwid, sa katapusan ng sanlibong taon, ang Kaharian at ang pinasakdal na sangkatauhan ay kaniyang ililipat na sa kapamahalaan ng kaniyang Ama. Pagkatapos ay pakakawalan na ng Diyos si Satanas at ang kaniyang mga demonyo buhat sa kalaliman ng tulad-kamatayang pagkagapos. Sa anong layunin?

Bueno, sa may katapusan ng sanlibong taon, karamihan ng mga nabubuhay sa Paraiso ay mga taong binuhay-muli na hindi pa kailanman nasusubok ang kanilang pananampalataya. Bago namatay, hindi nila kailanman naalaman ang mga pangako ng Diyos kung kaya hindi sila makapagpakita ng pananampalataya sa mga iyon. Ngayon, pagkatapos buhayin at turuan ng mga katotohanan sa Bibliya, naging madali para sa kanila sa Paraiso, walang anumang pananalansang, na maglingkod sa Diyos. Subalit kung si Satanas ay bigyan ng pagkakataon na subuking pahintuin sila sa pagpapatuloy ng paglilingkod sa Diyos, sila ba’y magpapatunay na tapat sa ilalim ng pagsubok? Upang masagot ang tanong na ito, si Satanas ay pakakawalan.

Isiniwalat kay Juan na pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, si Satanas ay magpapatunay na nagtagumpay sa pagtatalikod sa paglilingkod sa Diyos ng walang-bilang na dami ng mga tao. Subalit pagkatapos, pagka natapos na ang huling pagsubok, si Satanas, ang kaniyang mga demonyo at lahat ng mga nailigaw niya ay pupuksain magpakailanman. Sa kabilang panig, ang lubusang nasubok, tapat na mga nakaligtas ay magpapatuloy na mabuhay upang tamasahin ang mga pagpapala ng kanilang makalangit na Ama sa buong panahong walang-hanggan.

Maliwanag, si Jesus ay gumanap, at patuloy na gaganap, ng mahalagang bahagi sa pagsasakatuparan ng maluwalhating mga layunin ng Diyos. Kaydaki-dakilang kinabukasan ang maaari nating tamasahin bunga ng lahat ng kaniyang nagawa bilang dakilang Hari ng Diyos sa langit! Gayunman, hindi natin malilimot ang lahat ng kaniyang ginawa samantalang siya’y isang tao.

Kusang-loob na naparito si Jesus sa lupa at tinuruan tayo tungkol sa kaniyang Ama. Sa kabila pa nito ay nakita sa kaniya ang mahalagang mga katangian ng Diyos. Napupukaw ang ating mga puso pagka ating isinaalang-alang ang kaniyang pagkadaki-dakilang mga katangian ng tibay ng loob at pagkalalaki, ang kaniyang walang-kapantay na karunungan, ang kaniyang pinakamahusay na kakayahan bilang isang tagapagturo, ang kaniyang walang-takot na pangunguna, at ang kaniyang malumanay na kaawaan at damdamin ng pakikiramay sa iba. Pagka ating ginunita kung papaano siya dumanas ng di-mailarawang pagdurusa sa kaniyang paghahandog ng pantubos, na ito lamang ang makapagdudulot sa atin ng buhay, tunay na ang ating mga puso ay mapupukaw na lubusang pahalagahan siya!

Totoo naman, anong pagkadaki-dakilang tao ang ating nakilala sa pag-aaral na ito ng buhay ni Jesus! Ang kaniyang kadakilaan ay maliwanag na makikita at lubus-lubusan. Tayo’y napupukaw na ulitin ang sinabi ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Narito! Ang tao!”

Sa pamamagitan ng pagtanggap natin ng inilaang haing pantubos na inihandog niya, ang pabigat na kasalanan at kamatayan na minana kay Adan ay maaaring maalis sa atin, at si Jesus ay maaaring maging ating “Walang-Hanggang Ama.” Lahat ng magkakamit ng buhay na walang-hanggan ay kailangang kumuha ng kaalaman hindi lamang tungkol sa Diyos kundi pati sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Inaasahan namin na ang inyong pagbabasa at pag-aaral ng seryeng ito ng mga artikulo sa buhay at ministeryo ni Jesus ay makatutulong sa inyo na kumuha ng gayong nagbibigay-buhay na kaalaman! 1 Juan 2:17; 1:7; Juan 5:28, 29; 3:16; 17:3; 19:5; Lucas 23:43; Genesis 1:28; 1 Corinto 15:24-28; Apocalipsis 20:1-3, 6-10; 21:3, 4; Isaias 9:6.

◆ Ano ang magiging maligayang pribilehiyo ng mga makaliligtas sa Armagedon pati na ng kanilang mga anak?

◆ Sino bukod sa mga makaliligtas sa Armagedon at sa kanilang mga anak ang magtatamasa ng maligayang buhay sa Paraiso, at sa anong diwa makakasama nila si Jesus?

◆ Ano ang magiging kalagayan sa katapusan ng sanlibong taon, at ano ang gagawin ni Jesus sa panahong iyon?

◆ Bakit si Satanas ay pakakawalan buhat sa kalaliman, at ano sa wakas ang mangyayari sa kaniya at sa lahat ng sumunod sa kaniya?

◆ Papaano magiging ating “Walang-Hanggang Ama” si Jesus?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share