Ang Kanilang Kanlungan—Isang Kasinungalingan!
“Ating ginawang kanlungan ang kasinungalingan at sa kabulaanan tayo nagkubli.”—ISAIAS 28:15.
1, 2. (a) Aling organisasyon sa ngayon ang dapat magbigay-pansin sa nangyari sa sinaunang kaharian ng Juda? (b) Ano ang maling pinagtiwalaan ng Juda?
ANG mga salita bang iyan ay kumakapit sa Sangkakristiyanuhan ngayon gaya rin ng pagkakapit niyan sa sinaunang dalawang-tribong kaharian ng Juda? Tiyak, kumakapit nga! At ang kahalintulad na iyan ay nagbabadya ng kapahamakan para sa modernong Sangkakristiyanuhan. Ito’y nangangahulugan na hindi na magtatagal at mapapahamak ang apostatang relihiyosong organisasyong iyan.
2 Nasa gawing hilaga ng Juda ang sampung-tribong kaharian ng Israel. Nang ang Israel ay magpatunay na di-tapat, siya’y pinahintulutan ni Jehova na masupil ng Asirya noong 740 B.C.E. Ang kaniyang kapatid na kaharian, ang Juda, ay nakasaksi sa kapahamakang ito ngunit malinaw na inakala niyang ang gayong bagay ay hindi kailanman mangyayari sa kaniya. ‘Aba,’ ang kaniyang mga lider ay nangalandakan pa, ‘hindi ba ang templo ni Jehova ay nasa Jerusalem? Hindi ba tayo ang sinang-ayunang bayan ng Diyos? Hindi ba ang ating mga saserdote at mga propeta ay nagsasalita sa ngalan ni Jehova?’ (Ihambing ang Jeremias 7:4, 8-11.) Ang relihiyosong mga lider na iyon ay may pagtitiwala na sila’y ligtas. Subalit sila’y nagkamali! Sila’y di-tapat na gaya ng kanilang mga kalahi sa gawing hilaga. Kaya, ang nangyari sa Samaria ay mangyayari rin naman sa Jerusalem.
3. Bakit may tiwala sa hinaharap ang Sangkakristiyanuhan, ngunit may mabuting dahilan ba ang kaniyang pagtitiwala?
3 Sa katulad na paraan, ang Sangkakristiyanuhan ay nag-aangkin na siya’y may natatanging kaugnayan sa Diyos. ‘Aba,’ ang kaniyang pagmamalaki, ‘tayo’y may napakaraming libu-libong simbahan at isang propesyonal na klero, gayundin daan-daang milyon ang ating mga miyembro. Atin din ang Bibliya, at ginagamit natin ang pangalan ni Jesus sa ating pagsamba. Tunay, tayo’y may pagsang-ayon ng Diyos!’ Subalit ang nangyari sa sinaunang Jerusalem ay nagsisilbing isang mahigpit na babala. Sa kabila ng kamakailang pambihirang pangyayaring makapulitika, batid natin na si Jehova’y kaylapit-lapit nang kumilos nang may katiyakan laban sa Sangkakristiyanuhan at lahat ng iba pang mga huwad na relihiyon.
“Nakipagtipan sa Kamatayan”
4. Anong tipan ang inisip ng Juda na kaniyang ginawa?
4 Noong sinaunang panahon, ang di-tapat na Jerusalem ay tumanggap ng maraming babala sa pamamagitan ng tunay na mga propeta ng Diyos, subalit siya’y hindi naniwala sa mga iyon. Sa halip, kaniyang ipinagmalaki na ang kamatayan ay hindi magbabagsak sa kaniya sa Sheol, ang libingan, gaya ng pagbabagsak niyaon sa hilagang kaharian ng Israel. Si Isaias na propeta ay kinasihan na sabihin sa Juda: “Kaya dinggin ninyo ang salita ni Jehova, ninyong mga mayayabang, ninyong mga pinuno ng bayang ito na nasa Jerusalem: Sapagkat inyong sinabi: ‘Tayo’y nakipagtipan sa Kamatayan; at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; ang dumaragsang biglang-biglang baha, sakaling dumaan iyon, ay hindi darating sa atin sapagkat ating ginawang kanlungan ang kasinungalingan at sa kabulaanan tayo nagkubli.’ ”—Isaias 28:14, 15.
5. (a) Ano ang ipinalalagay ng Juda na pakikipagtipan sa kamatayan? (b) Anong babala na ibinigay kay Haring Asa ang nakalimutan ng Juda?
5 Oo, ang mga pinuno sa Jerusalem ay nag-akala na sila’y may pakikipagkasundo, wika nga, sa kamatayan at sa Sheol upang ang kanilang lunsod ay maingatan. Subalit ang ipinalalagay bang tipan ng Jerusalem sa kamatayan ay nangangahulugan na siya’y nagsisi sa kaniyang mga kasalanan at ngayo’y may tiwala kay Jehova ukol sa kaligtasan? (Jeremias 8:6, 7) Hindi nga! Bagkus, siya’y bumaling sa makapulitikang mga pinunong tao para humingi ng tulong sa kanila. Subalit ang kaniyang pagtitiwala sa makasanlibutang mga kaalyada ay isang panlilinlang, isang kasinungalingan. Ang mga makasanlibutang kaniyang pinagtiwalaan ay hindi nakapagligtas sa kaniya. At yamang kaniyang iniwan si Jehova, iniwan naman ni Jehova ang Jerusalem. Nangyari ang gaya ng ibinabala ni propeta Azarias kay Haring Asa: “Si Jehova ay sumasainyo habang pinatutunayan ninyong kayo ay sumasakaniya; at kung inyong hahanapin siya, kaniyang hahayaang siya’y masumpungan ninyo, ngunit kung inyong iiwanan siya kaniyang iiwanan kayo.”—2 Cronica 15:2.
6, 7. Anong mga hakbang ang ginawa ng Juda upang matiyak ang kaniyang katiwasayan, subalit ano ang resulta sa wakas?
6 Palibhasa’y nagtitiwala sa kanilang makapulitikang mga alyansa, ang mga lider ng Jerusalem ay may kasiguruhan na walang “dumaragsang biglang-biglang baha” ng lumulusob na mga hukbo ang makararating sa kanila upang gambalain ang kanilang kapayapaan at katiwasayan. Nang pagbantaan ng magkaalyadang Israel at Sirya, ang Juda ay bumaling sa Asirya para humingi ng tulong. (2 Hari 16:5-9) Nang magtagal, nang nanganganib sa mga hukbong militar ng Babilonya, siya’y dumulog sa Ehipto upang humingi ng tulong at si Faraon naman ay tumugon, nagpadala ng isang hukbo na tutulong.—Jeremias 37:5-8; Ezekiel 17:11-15.
7 Subalit ang mga hukbo ng Babilonya ay totoong malalakas, at kinailangan na umurong ang mga tropa ng Ehipto. Ang pagtitiwala ng Jerusalem sa Ehipto ay napatunayang isang pagkakamali, at noong 607 B.C.E., siya’y pinabayaan ni Jehova upang dumanas ng pagkawasak na Kaniyang inihula. Kaya ang mga pinuno at mga saserdote ng Jerusalem ay nagkamali! Ang kanilang pagtitiwala sa makasanlibutang mga alyansa para sa kapayapaan at katiwasayan ay isang “kasinungalingan” na tinangay ng biglang-biglang baha ng mga hukbong Babilonya.
Pagtanggi sa “Batong Subók”
8. Papaano kumuha ang Sangkakristiyanuhan ng paninindigan na kagayang-kagaya niyaong sa sinaunang Juda?
8 Mayroon bang kahalintulad na kalagayan sa ngayon? Oo, mayroon. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nag-iisip din na walang sakunang aabot sa kanila. Sa katunayan, kanilang sinasabi ang gaya ng inihula ni Isaias: “Tayo’y nakipagtipan sa Kamatayan; at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; ang dumaragsang biglang-biglang baha, sakaling dumaan, ay hindi darating sa atin, sapagkat ating ginawang kanlungan ang kasinungalingan at sa kabulaanan tayo nagkubli.” (Isaias 28:15) Katulad ng sinaunang Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan ay sa makasanlibutang mga kaalyada umaasa ng katiwasayan, at ang kaniyang klero’y tumatangging kumanlong kay Jehova. Aba, ni hindi man lamang nila ginagamit ang kaniyang pangalan, at kanilang tinutuya at pinag-uusig ang mga taong nagpaparangal sa pangalang iyan. Ang ginawa ng klero ng Sangkakristiyanuhan ay iyon mismong ginawa ng Judiong mga punong saserdote noong unang siglo nang kanilang tanggihan si Kristo. Sa katunayan, kanilang sinabi, “Wala kaming hari kundi si Cesar.”—Juan 19:15.
9. (a) Sino ang nagbibigay-babala sa Sangkakristiyanuhan ngayon sa katulad na paraan ng pagbibigay-babala ni Isaias sa Juda? (b) Kanino dapat bumaling ang Sangkakristiyanuhan?
9 Ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagbababala na isang baha ng mamumuksang mga hukbo ang kaylapit-lapit nang dumagsa sa Sangkakristiyanuhan. Bukod diyan, sila’y nakaturo sa tunay na dakong kanlungan buhat sa bahang iyan. Kanilang sinisipi ang Isaias 28:16, na nagsasabi: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito, aking inilalagay sa Sheol na pinaka-patibayan ang isang bato, isang batong subók, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan. Ang sumasampalataya ay hindi maliligalig.’ ” Sino ang “mahalagang batong panulok” na ito? Ang mga salitang ito ay sinipi ni apostol Pedro at ikinapit kay Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:6) Kung ang Sangkakristiyanuhan ay humanap ng pakikipagpayapaan sa Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, disin sana’y naiwasan niya ang dumarating na biglang-biglang baha.—Ihambing ang Lucas 19:42-44.
10. Sa anu-ano napasangkot ang Sangkakristiyanuhan?
10 Gayunman, hindi gayon ang ginawa niya. Sa halip, sa kaniyang paghahanap ng kapayapaan at katiwasayan, siya’y nagpasok ng kaniyang sarili sa pakikialam sa makapulitikang mga pinuno ng mga bansa—ito’y sa kabila ng babala ng Bibliya na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos. (Santiago 4:4) Isa pa, kaniyang matinding itinaguyod ang Liga ng mga Bansa noong 1919 bilang pinakamagaling na pag-asa ng tao sa kapayapaan. Sapol noong 1945 kaniyang inilagak ang kaniyang pag-asa sa Nagkakaisang mga Bansa (UN). (Ihambing ang Apocalipsis 17:3, 11.) Gaano kalawak ang kaniyang pagkasangkot sa organisasyong ito?
11. Anu-anong relihiyon ang may mga kinatawan sa UN?
11 Ang isang kamakailang aklat ay nagbibigay ng isang ideya nang sabihin: “Hindi kukulangin sa dalawampu’t apat na organisasyong Katoliko ang may kinatawan sa UN. Marami sa mga lider relihiyoso ng daigdig ang nakadalaw na sa internasyonal na organisasyon. Ang hindi malilimutan ay ang mga pagdalaw ng Kaniyang Kabanalan Papa Paulo VI sa panahon ng General Assembly noong 1965 at ni Papa Juan Paulo II noong 1979. Maraming relihiyon ang may pantanging mga orasyon, mga panalangin, himno at mga serbisyo para sa United Nations (Nagkakaisang mga Bansa). Ang pinakamahalagang mga halimbawa ay yaong sa mga relihiyong Katoliko, Unitarian-Universalist, Baptist at Bahai.”
Walang Kabuluhang mga Pag-asa sa Kapayapaan
12, 13. Sa kabila ng malaganap na mga pag-asa na ang kapayapaan ay maaaring makamtan na, bakit ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitiwala na totoo ang kanilang mga babala?
12 Isa sa pinakamakapangyarihang mga lider sa pulitika ang nagpahayag ng mga pag-asa ng marami nang kaniyang sabihin: “Ang salinlahing ito ng mga tao sa lupa ay maaaring makasaksi ng pagdating ng isang di-masasalungat na panahon ng kapayapaan sa kasaysayan ng sibilisasyon.” Tama ba siya? Ang mga pangyayari ba kamakailan ay nangangahulugan na ang mga babalang ibinigay ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa pagsasakatuparan ni Jehova ng hatol sa mga bansa ay hindi magkakatotoo? Mali ba ang mga Saksi ni Jehova?
13 Hindi, sila’y hindi nagkamali. Batid nila na sila’y nagsasabi ng katotohanan sapagkat ang kanilang pagtitiwala ay inilalagak nila kay Jehova at sa Bibliya, na siyang sariling Salita ng Diyos na katotohanan. Ang Tito 1:2 ay nagsasabi: “Ang Diyos ay . . . hindi maaaring magsinungaling.” Kaya sila’y may lubusang pagtitiwala na pagka sinasabi ng isang hula sa Bibliya na mangyayari ang isang bagay, tiyak na iyon ay mangyayari nga. Si Jehova mismo ang nagsasabi: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Ito’y hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko.”—Isaias 55:11.
14, 15. (a) Ano ang inihahayag ng mga pinuno ng Juda bago nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.? (b) Ano ang ibinabala ni Pablo na ipahahayag bago dumating sa sanlibutang ito ang biglaang pagkapuksa? (c) Ano ang maaaring asahan sa sukdulan ng pagpapahayag na inihula sa 1 Tesalonica 5:3?
14 Noong mga taon bago niwasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., iniulat ni Jeremias na ang mga pinuno ay sumisigaw, “May kapayapaan! May kapayapaan!” (Jeremias 8:11) Gayunman, iyon ay kabulaanan. Ang Jerusalem ay pinuksa bilang katuparan ng kinasihang mga babala ng tunay na mga propeta ni Jehova. Si apostol Pablo ay nagbabala na isang bagay na nahahawig dito ang mangyayari sa ating kaarawan. Kaniyang sinabi na ang mga tao ay sisigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Ngunit pagkatapos, sinabi niya, “ang biglaang pagkapuksa” ay “biglang-biglang darating sa kanila.”—1 Tesalonica 5:3.
15 Samantalang tayo’y papasók sa dekada ng 1990, ang mga pahayagan at mga magasin sa lahat ng dako ay nagsasabi na ang Cold War ay tapos na at na ang pandaigdig na kapayapaan ay natatanaw na sa wakas. Subalit sa di-kawasa isang talagang digmaan ang sumiklab sa Gitnang Silangan. Gayunman, sa malao’t madali ang kalagayan ng daigdig ay patungo sa punto na kung saan ang sigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” na inihula sa 1 Tesalonica 5:2, 3 ay aabot sa sukdulan. Samantalang ang ating mga pag-asa ay matatag na nakalagak sa Salita ng Diyos, batid natin na, pagsapit ng sukdulang iyan, ang mga hatol ng Diyos ay isasakatuparan nang buong bilis at nang walang pagkabisala. Walang tagpi-tagping kapayapaan at mga pagpapahayag ng katiwasayan ang dapat mag-udyok sa atin na isiping ang pagkapuksa na ibinabala ng Diyos ay hindi darating. Ang mga hatol ng Diyos ay di-mababago ang pagkasulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang Sangkakristiyanuhan, kasama na ang lahat ng iba pang huwad na relihiyon, ay pupuksain. At pagkatapos ang mga hatol ni Jehova ng pagpuksa ay isasakatuparan sa natitira pang bahagi ng sanlibutan ni Satanas. (2 Tesalonica 1:6-8; 2:8; Apocalipsis 18:21; 19:19-21) Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitiwala na tutuparin ni Jehova ang kaniyang salita, sila’y patuloy na laging nakabantay sa ilalim ng patnubay ng uring tapat at matalinong alipin at maingat na nagmamasid sa kaganapan ng mga pangyayari sa daigdig. (Mateo 24:45-47) Tunay, walang mga pagsisikap ng tao tungkol sa kapayapaan ang dapat magsilid sa ating isip na abandonado na ni Jehova ang kaniyang layunin na pangyarihin ang isang biglang-biglang baha ng pagkawasak sa kargado-ng-kasalanang Sangkakristiyanuhan.
‘Ang Diyos ang Aming Kanlungan’
16, 17. Papaano tumutugon ang mga Saksi ni Jehova kung ang iba ay magalit sa pagiging prangka ng kanilang mensahe?
16 Ang iba ay baka magalit sa pagiging prangka ng mga Saksi ni Jehova sa paghahayag nito. Gayunman, kapag kanilang sinasabi na ang mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan ay nagkakanlong sa isang sistema ng kasinungalingan, kanila lamang inihahayag ang sinasabi ng Bibliya. Pagka kanilang sinasabi na karapat-dapat parusahan ang Sangkakristiyanuhan sapagkat siya’y naging isang bahagi ng sanlibutan, kanilang iniuulat lamang ang sinasabi mismo ng Diyos sa Bibliya. (Filipos 3:18, 19) Isa pa, dahilan sa inilalagak ng Sangkakristiyanuhan ang kaniyang pagtitiwala sa mga panukalang mungkahi ng sanlibutang ito, kaniya ngang aktuwal na sinusuportahan ang diyos ng sanlibutang ito, si Satanas na Diyablo, na ayon sa sinabi ni Jesus ay isang ama ng kasinungalingan.—Juan 8:44; 2 Corinto 4:4.
17 Samakatuwid, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapahayag: “Kung para sa amin, hindi namin inirerekomenda ang walang-kabuluhang mga pag-asa ng pandaigdig na kapayapaan dahilan sa nagbabagong tanawin ng kalagayang makapulitika. Sa halip, aming ipinahahayag ang mga salita ng salmista: “Ang Diyos ay kanlungan sa atin. . . . Ang mga anak ng makalupang tao ay isang hinga lamang, ang mga anak ng tao ay isang kasinungalingan. Kung ilalagay sa timbangan pagsama-samahin man sila ay magaang pa kaysa isang hinga.” (Awit 62:8, 9) Ang mga panukala ng tao upang itaguyod at mailigtas ang Sangkakristiyanuhan at ang natitirang bahagi ng sistemang ito ng mga bagay ay isang kasinungalingan, isang kabulaanan! Lahat nito pagsama-samahin man ay wala ng katiting mang kapangyarihan na mahadlangan ang mga layunin ni Jehova sapagkat katulad lamang ito ng isang buga ng mainit na hinga!
18. Anong babala ng salmista ang angkop sa ngayon?
18 Ang mga Saksi ni Jehova ay sumisipi rin ng Awit 33, talatang 17 hanggang 19, na nagsasabi: “Ang kabayo [ng Ehipto, na sumasagisag sa digmaan] ay isang panlilinlang na hindi makapagliligtas, at hindi niya maililigtas ang sinuman sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang lakas. Narito! Ang mata ni Jehova ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang maibiging-awa, upang iligtas ang kanilang kaluluwa sa kamatayan mismo, at upang ingatan silang buháy sa kagutom.” Sa ngayon, ang mga tunay na Kristiyano ay nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang makalangit na Kaharian, ang tanging kaayusan na makapagdudulot ng permanenteng kapayapaan.
Ang Sangkakristiyanuhan ay “Isang Dakong Yuyurakan”
19. Bakit ang pag-asa sa makapulitikang mga organisasyon upang magdala ng pandaigdig na kapayapaan ay isang maling pangarap?
19 Ang pagtitiwala sa anumang gawang-taong panghalili sa Kaharian ng Diyos ay gumagawa sa panghaliling iyon na maging isang imahen, isang bagay na sinasamba. (Apocalipsis 13:14, 15) Sa gayon, ang paghimok na umasa sa pulitikal na mga institusyon, tulad halimbawa ng Nagkakaisang mga Bansa, ukol sa kapayapaan at katiwasayan ay isang maling pangarap, isang kasinungalingan. Tungkol sa gayong mga bagay na pinaglalagakan ng walang kabuluhang pag-asa, sinasabi ni Jeremias: “Ang kaniyang imaheng binubo ay isang kasinungalingan, at hindi humihinga ang mga yaon. Sila’y walang kabuluhan, gawang karayaan. Sa panahon na sila’y pag-ukulan ng pansin sila ay malilipol.” (Jeremias 10:14, 15) Samakatuwid ang mga pandigmang-kabayo ng antitipikong Ehipto, samakatuwid nga, ang panghukbo, makapulitikang lakas ng mga bansa sa ngayon, ay hindi makapagbibigay ng kanlungan sa relihiyosong lupaing nasasakupan ng Sangkakristiyanuhan sa araw ng kaniyang kagipitan. Ang alyansa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa pakikiugnay sa sanlibutang ito ay tiyak na hindi magliligtas sa kanila.
20, 21. (a) Ano ang nangyari sa Liga ng mga Bansa, at bakit ang Nagkakaisang mga Bansa ay bigo rin? (b) Papaano ipinakita ni Isaias na ang mga alyansa ng pakikipagkasunduan sa sanlibutan ay hindi magliligtas sa kaniya?
20 Ang Sangkakristiyanuhan ay naglagak ng kaniyang pag-asa sa Liga ng mga Bansa, subalit ito’y bumagsak kahit hindi pa dumarating ang Armagedon. Ngayon ang kaniyang itinataguyod naman ay ang Nagkakaisang mga Bansa. Subalit hindi na magtatagal at iyon ay haharap sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat,” at hindi iyon makaliligtas. (Apocalipsis 16:14) Kahit na ang isang muling binuhay na UN ay hindi makapagdadala kailanman ng kapayapaan at katiwasayan. Ipinakikita ng makahulang Salita ng Diyos na ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa at ang mga miyembrong bansa nito ay “makikipagbaka sa Kordero [si Kristo na nasa kapangyarihan ng Kaharian], ngunit, dahilan sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, sila’y dadaigin ng Kordero.” —Apocalipsis 17:14.
21 May pagtitiwalang sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang Sangkakristiyanuhan ay hindi maililigtas ng kaniyang pinasukang mga alyansa sa sanlibutan ni Satanas. At sa kanilang pagsasabi nito, kanila lamang itinatawag-pansin ang sinasabi mismo ng Bibliya. Sa Isaias 28:17, 18 ay sinisipi si Jehova na nagsasabi: “Gagawin kong katarungan ang pinaka-pising panukat at katuwiran ang pinaka-pabato; at papalisin ng graniso ang kanlungan ng kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang-dako. At ang inyong tipan sa Kamatayan ay mapaparam, at ang inyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi. Ang dumaragsang biglaang baha, pagka daraan upang maglampasan—ikaw man ay magiging isang dakong yuyurakan niyaon.”
22. Pagka ang sakdal na katarungan ay ikinapit sa Sangkakristiyanuhan, ano ang magiging resulta?
22 Pagka isinakatuparan na ang pasiyang inihatol ni Jehova, iyon ay magiging ayon sa sakdal na katarungan. At ang saligan ng pagtitiwala ng Sangkakristiyanuhan, ang kaniyang “tipan sa Kamatayan,” ay lubusang tatangayin na para bang tinangay iyon ng isang dumaragsang biglaang baha. Si Isaias ay nagpapatuloy pa ng pagsasabi: “Tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi; at mangyayari na ang balita ay magiging dahilan upang mangilabot ang iba sa kanilang narinig.” (Isaias 28:19) At totoong kakila-kilabot nga para sa mga magmamasid na masaksihan ang buong lakas ng kahatulan ni Jehova! Magiging totoong kakila-kilabot para sa klero ng Sangkakristiyanuhan at sa kanilang mga tagasunod na malaman, bagaman huling-huli na, na sila’y sa kasinungalingan nagtiwala!
Ang Pangalan ni Jehova’y “Isang Matibay na Moog”
23, 24. Sa halip na humanap ng katiwasayan sa sanlibutang ito, ano ang gagawin ng mga Saksi ni Jehova?
23 Ngunit kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova? Kahit na sa harap ng pambansang pagkapoot at pag-uusig sa kanila, sila’y nagpapatuloy pa rin na hiwalay sa sanlibutan. Kailanman ay hindi nila kinalilimutan ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko naman na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Sa buong kahabaan ng mga huling araw na ito, ang kanilang pagtitiwala ay inilagak nila sa Kaharian ni Jehova, hindi sa mga panukala ng tao. Kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mangingilabot sa kapahamakang sasapit sa Sangkakristiyanuhan. Gaya ng inihula ni Isaias: “Ang sumasampalataya ay hindi maliligalig.”—Isaias 28:16.
24 Ang Kawikaan 18:10 ay nagsasabi: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.” Kaya inaanyayahan namin ang lahat ng tulad-tupang mga tao na manganlong kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo. Bilang isang dakong kublihan, si Jehova ay hindi sinungaling! Ang kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo ay hindi kabulaanan! Ang kanlungan ng Sangkakristiyanuhan ay isang kasinungalingan, ngunit ang kanlungan ng mga tunay na Kristiyano ay ang katotohanan.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Papaano nagkanlong sa isang kasinungalingan ang sinaunang Juda?
◻ Sa anong paraan sinubok ng Sangkakristiyanuhan na ikubli ang kaniyang sarili sa kabulaanan?
◻ Papaano nagbabala si Isaias laban sa Juda, at papaanong ang mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng isang nakakatulad na babala sa ngayon?
◻ Papaano mapatutunayan ng Sangkakristiyanuhan na ang kaniyang pinagtiwalaan ay mali?
◻ Kakaiba sa Sangkakristiyanuhan, ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova?
[Kahon sa pahina 17]
MGA DAKILANG PAG-ASA NA IPINAHAYAG UKOL SA NAGKAKAISANG MGA BANSA
“Sa unang pagkakataon magbuhat ng Digmaang Pandaigdig II ngayon lamang nagkakaisa ang pandaigdig na komunidad. Ang pangunguna ng Nagkakaisang mga Bansa (UN), na dati’y isa lamang mithiin na inaasahan, ay nagpapatunay ngayon ng pangitain ng mga tagapagtatag nito. . . . Samakatuwid ay maaaring samantalahin ng daigdig ang pagkakataong ito upang tupdin ang malaon nang pangako na isang bagong pandaigdig na kaayusan.”—Pahayag ni Pangulong Bush ng Estados Unidos sa kaniyang mensaheng State of the Union sa bansang iyan, Enero 29, 1991