Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
“Piliin mo ang buhay . . . sa pamamagitan ng pakikinig sa tinig [ng Diyos] . . . , sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”—DEUTERONOMIO 30:19, 20.
1. Papaanong ang mga tunay na Kristiyano ay natatangi sa kanilang paggalang sa buhay?
MARAMING tao ang nagsasabi na kanilang iginagalang ang buhay, na ang ibinibigay na patotoo ay ang kanilang pagkakilala sa parusang bitay, aborsiyon, o pangangaso. Gayunman, may isang natatanging paraan na doo’y nagpapakita ng paggalang sa buhay ang mga tunay na Kristiyano. Ang Awit 36:9 ay nagsasabi: “Nasa iyo [Diyos] ang bukal ng buhay.” Palibhasa’y isang kaloob buhat sa Diyos ang buhay, ang kaniyang pagkakilala tungkol sa dugo ng buhay ang sinusunod ng mga Kristiyano.
2, 3. Bakit dapat nating isaalang-alang ang Diyos kung tungkol sa dugo? (Gawa 17:25, 28)
2 Ang ating buhay ay depende sa dugo, na nagdadala ng oksiheno sa ating buong katawan, nag-aalis ng carbon dioxide, tayo’y naaaring bumagay sa mga pagbabago sa temperatura, at tumutulong sa atin na lumaban sa mga sakit. Ang Isa na nagbigay sa atin ng buhay ang siya ring nagdisenyo at nagbigay ng kamangha-mangha, sumusustine-sa-buhay na sustansiyang likido na tinatawag na dugo. Dito’y mababanaag ang kaniyang patuloy na interes sa pag-iingat ng buhay ng tao.—Genesis 45:5; Deuteronomio 28:66; 30:15, 16.
3 Kapuwa ang mga Kristiyano at ang mga tao sa pangkalahatan ay dapat magtanong sa kanilang sarili: ‘Maililigtas kaya ng dugo ang aking buhay tanging sa pamamagitan ng natural na mga gawain nito, o ang buhay kaya ay maililigtas ng dugo sa isang lalong malawak na paraan?’ Samantalang karamihan ng mga tao ay kumikilala sa kaugnayan ng buhay at ng normal na mga gawain ng dugo, higit pa riyan ang aktuwal na nasasangkot. Ang etika ng mga Kristiyano, Muslim, at mga Judio ay pawang nakatutok sa isang Tagapagbigay-Buhay na nagpahayag ng kaniyang sarili tungkol sa buhay at tungkol sa dugo. Oo, ang ating Maylikha ay maraming masasabi tungkol sa dugo.
Ang Matatag na Paninindigan ng Diyos Tungkol sa Dugo
4. Maaga sa kasaysayan ng tao, ano ang sinabi ng Diyos tungkol sa dugo?
4 Ang dugo ay binabanggit mahigit na 400 beses sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Isa na sa pinakauna ay ang utos ni Jehova: “Bawat nabubuhay at gumagalaw ay magiging pagkain ninyo. . . . Ngunit ang laman na may dugo ng buhay na naroroon pa ay huwag ninyong kakanin.” Kaniyang isinusog: “Sapagkat tiyak na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo ng buhay.” (Genesis 9:3-5, New International Version) Sinabi iyan ni Jehova kay Noe, na ama ng sambahayan ng tao. Kaya, itinawag-pansin sa lahat ng tao na ang pagkakilala ng Maylikha sa dugo ay na kumakatawan ito sa buhay. Lahat ng nag-aangking kumikilala sa Diyos bilang Tagapagbigay-Buhay ay nararapat na kumilala na Siya’y may matatag na paninindigan tungkol sa paggamit ng dugo ng buhay.
5. Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit ang mga Israelita ay hindi dapat kumain ng dugo?
5 Muling binanggit ng Diyos ang dugo nang ibinibigay sa Israel ang kodigo ng Kautusan niyaon. Sa Levitico 17:10, 11, ayon sa Judiong bersiyong Tanakh, ay mababasa: “Kung sinuman sa sambahayan ng Israel o sa mga tagaibang bayan na nakikipamayan sa kanila ay kumain ng anumang dugo, aking itititig ang mukha Ko laban sa taong iyon na kumakain ng dugo, at ihihiwalay ko siya sa kaniyang kamag-anakan. Sapagkat ang buhay ng laman ay nasa dugo.” Ang kautusang iyan ay maaaring magdulot ng mga kapakinabangan sa kalusugan, subalit higit pa ang nasasangkot. Sa natatanging pakikitungo sa dugo, ipakikita ng mga Israelita na sa Diyos sila umaasa ng buhay. (Deuteronomio 30:19, 20) Oo, ang pinakamahalagang dahilan kung bakit sila’y kailangang umiwas sa pagkain ng dugo ay, hindi dahil sa iyon ay sisira ng kalusugan, kundi dahilan sa ang dugo ay may natatanging kahulugan sa Diyos.
6. Bakit natin matitiyak na itinaguyod ni Jesus ang paninindigan ng Diyos tungkol sa dugo?
6 Saan ba nakatayo ang Sangkakristiyanuhan tungkol sa pagliligtas ng buhay ng tao sa pamamagitan ng dugo? Batid ni Jesus ang sinabi ng kaniyang Ama tungkol sa paggamit ng dugo. Si Jesus ay “hindi nagkasala, [at] kinasumpungan man ng daya ang kaniyang mga labi.” Iyan ay nangangahulugan na siya’y sumunod nang may kaganapan sa Kautusan, kasali na ang kautusan tungkol sa dugo. (1 Pedro 2:22, Knox) Sa ganoon ay nagbigay siya ng isang halimbawa para sa kaniyang mga tagasunod, kasali na ang halimbawa ng paggalang sa buhay at sa dugo.
7, 8. Papaano nagliwanag na ang kautusan ng Diyos ay kumakapit sa mga Kristiyano?
7 Ipinakikita sa atin ng kasaysayan ang nangyari nang may bandang huli nang isang konsilyo ng lupong tagapamahalang Kristiyano ang nagpasiya kung ang mga Kristiyano ay kailangang sumunod sa lahat ng kautusan ng Israel. Sa ilalim ng banal na patnubay, kanilang sinabi na ang mga Kristiyano ay hindi naman obligado na sumunod sa kodigong Mosaiko ngunit “kailangan” na “patuloy na magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diyus-diyusan at sa dugo at sa mga binigti [karneng di-pinatulo ang dugo] at sa pakikiapid.” (Gawa 15:22-29) Sa gayo’y kanilang niliwanag na ang pag-iwas sa dugo ay kasinghalaga rin sa moral sa pag-iwas sa mga diyus-diyusan at sa malaking kasalanang imoralidad.a
8 Itinaguyod ng mga sinaunang Kristiyano ang banal na pagbabawal na iyan. Ang Britanong iskolar na si Joseph Benson ay nagsabi pa tungkol doon: “Ang pagbabawal na ito ng pagkain ng dugo, na ibinigay kay Noe at sa lahat ng kaniyang mga inapo, at inulit sa mga Israelita . . . ay hindi kailanman binawi, kundi, sa kabaligtaran, lalo pang pinagtibay sa ilalim ng Bagong Tipan, Gawa xv.; at sa gayo’y ginawang isang obligasyon na walang katapusan.” Gayunman, ang sinasabi ba ng Bibliya tungkol sa dugo ay nagbabawal ng paggamit nito sa modernong medisina, tulad halimbawa ng mga pagsasalin, na maliwanag na hindi naman ginamit noong kaarawan ni Noe o noong panahon ng mga apostol?
Ang Dugo sa o Bilang Medisina
9. Papaano ginamit ang dugo bilang gamot noong sinaunang mga panahon, kabaligtaran naman ng anong posisyon ng mga Kristiyano?
9 Ang paggamit ng dugo sa medisina ay hindi ngayon lamang. Ang aklat na Flesh and Blood, ni Reay Tannahil, ay bumabanggit na sa loob halos ng 2,000 taon, sa Ehipto at sa iba pang lugar, “ang dugo ay itinuturing na pinakamahusay na gamot para sa ketong.” Ang mga Romano ay naniniwala na ang epilepsiya (sugba) ay napagagaling sa pamamagitan ng pagkain ng dugo ng tao. Si Tertullian ay sumulat tungkol sa paggamit ng dugo bilang “medisina”: “Isaalang-alang yaong mga totoong uhaw na uhaw, sa isang dulaan sa arena, na kukuha ng sariwang dugo ng balakyot na mga kriminal . . . at dadalhin nila upang ipanggamot sa kanilang epilepsiya.” Ito’y isang tuwirang kabaligtaran ng ginagawa noon ng mga Kristiyano: “Sa aming mga pagkain ay wala man lamang kaming dugo ng mga hayop . . . Sa mga paglilitis sa mga Kristiyano ay hinahandugan ninyo sila ng mga langgonisang punô ng dugo. Mangyari pa, kayo’y kumbinsido na [ito] ay di-matuwid sa kanila.” Isaalang-alang ang ipinahihiwatig nito: Imbes na kumain ng dugo, na kumakatawan sa buhay, ang mga sinaunang Kristiyano ay handang magsapanganib ng buhay sa kamatayan.—Ihambing ang 2 Samuel 23:15-17.
10, 11. Bakit masasabi na ang pamantayan ng Diyos sa dugo ay nagbabawal ng pagpapasalin ng dugo?
10 Mangyari pa, noon ay hindi naman isinasalin ang dugo, sapagkat ang mga eksperimento sa pagsasalin ay nagsimula lamang noong malapit na ang ika-16 na siglo. Gayunman, noong ika-17 siglo, isang propesor ng anatomy sa Unibersidad ng Copenhagen ang tumutol: ‘Yaong mga nagsasangkot ng paggamit ng dugo ng tao bilang panloob na remedyo ng mga sakit ay waring gumagamit nito sa maling paraan at nagkakasala nang malubha. Ang mga kanibal ay mga isinumpa. Bakit hindi natin kasuklaman yaong mga nagpaparumi ng kanilang lalamunan sa dugo ng tao? Kahawig nito ang pagtanggap ng dugo ng iba na galing sa isang naputol na ugat, na pinararaan sa bibig o ipinapasok sa pamamagitan ng mga instrumento ng pagsasalin. Ang mga autor ng ganitong gawain ay nangingilabot sa banal na kautusan.’
11 Oo, maging noon mang lumipas na daan-daang taon, nakita ng mga tao na ang kautusan ng Diyos ay nagbabawal kapuwa ng pagpapasok ng dugo sa mga ugat at pagkain niyaon sa pamamagitan ng pagdaraan sa bibig. Ang ganitong pagkaalam ay maaaring tumulong sa mga tao ngayon na maunawaan ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, na kasuwato ng paninindigan ng Diyos. Bagaman lubhang nagpapahalaga sa buhay at sa pagpapagamot, ang mga tunay na Kristiyano ay gumagalang sa buhay bilang isang kaloob buhat sa Maylikha, kung kaya’t hindi nila sinusubok na sustinehan ang buhay sa pamamagitan ng pagpapasalin ng dugo.—1 Samuel 25:29.
Medisina Bang Nagliligtas-Buhay?
12. Ang palaisip na mga tao ay makatuwirang makapagsasaalang-alang ng ano tungkol sa pagsasalin ng dugo?
12 Kung mga ilang taon nang ang mga dalubhasa ay nagsasabing nagliligtas ng buhay ang dugo. Marahil may mga doktor na nagsasabing may isang inagasan ng napakaraming dugo na sinalinan ng dugo at bumuti. Kaya may mga taong maaaring magtanong, ‘Gaano nga kayang katalino o kamangmang ang paninindigang Kristiyano sa medisina?’ Bago seryosong isaalang-alang ang anumang pamamaraan sa medisina, pag-iisipan ng isang palaisip na tao ang posibleng mga kapakinabangan at ang maaaring maging mga panganib. Kumusta naman ang pagsasalin ng dugo? Ang pagsasalin ng dugo ay maraming panganib. Iyan ay maaari pa ngang makamatay.
13, 14. (a) Ano ang ilang paraan ng pagsasalin ng dugo na napatunayang mapanganib? (b) Papaano ipinakita ng karanasan ng papa na may panganib sa kalusugan ang pagsasalin ng dugo?
13 Kamakailan, sina Dr. L. T. Goodnough at J. M. Shuck ay nagpahayag: “Ang komunidad sa panggagamot ay malaon nang nakaaalam na bagaman ang suplay ng dugo ay ligtas ayon sa alam natin kung papaano gagawin ang gayon, ang pagsasalin ng dugo ay sa tuwina may kalakip na panganib. Ang pinakamalimit na maging komplikasyon ng pagsasalin ng dugo ay iyon pa ring non-A, non-B hepatitis (NANBH); sa mga iba pang potensiyal na komplikasyon ay kasali ang hepatitis B, alloimmunization, reaksiyon ng pagsasalin, nasugpong imunidad, at labis na kargang iron.” Pagkatapos tayahin ‘sa katamtaman’ ang isa lamang sa mga malulubhang panganib na iyan, isinusog ng ulat: “Tinataya na humigit-kumulang 40,000 katao [sa Estados Unidos lamang] ang tatablan ng NANBH taun-taon at 10% ng mga ito ang magkakasakit ng cirrhosis at/o hepatoma [kanser sa atay].”—The American Journal of Surgery, Hunyo 1990.
14 Habang lalong napapabalita ang panganib ng pagkakasakit dahil sa pagsasalin ng dugo, muling isinasaalang-alang ng mga tao ang kanilang pangmalas tungkol sa pagsasalin. Halimbawa, pagkatapos na mabaril ang papa noong 1981, siya’y ginamot sa isang ospital at pinalabas na. Pagkatapos kinailangan na siya’y paospital muli nang dalawang buwan, at ang kaniyang kalagayan ay totoong malubha na anupa’t waring kailangan na siya’y rumetiro dahil sa pagkabaldado. Bakit? Siya’y nagkaroon ng impeksiyong cytomegalovirus na galing sa dugo na isinalin sa kaniya. May mga taong nag-iisip, ‘Kung ang dugong isinalin sa papa ay mapanganib, kumusta naman ang isinasalin sa atin na karaniwang mga tao?’
15, 16. Bakit ang pagsasalin ng dugo ay mapanganib pa rin kahit na kung ang dugo ay sinalâ para sa kaligtasan sa mga sakit na dala nito?
15 ‘Pero hindi ba maaari nilang salain ang dugo para sa kaligtasan sa mga sakit na dala nito?’ marahil ay itatanong ninuman. Bueno, isaalang-alang bilang halimbawa ang pagsalà para sa hepatitis B. Binanggit ng Patient Care (Pebrero 28, 1990): “Ang posibilidad ng hepatitis pagkatapos ng pagsasalin ay umurong matapos ang malawakang pagsalà ng dugo para [doon], ngunit 5-10% ng mga kaso ng hepatitis pagkatapos ng pagsasalin ang likha pa rin ng hepatitis B.”
16 Ang pagkakamali sa gayong pagsubok ay makikita pa rin sa isa pang panganib na dala ng dugo—AIDS. Ang salot ng AIDS, mistulang isang paghihiganti, ay gumising sa mga tao sa panganib ng dugong lumilikha ng impeksiyon. Ipagpalagay natin, mayroon na nga ngayong mga pagsubok para salain ang dugo para alamin kung iyon ay may virus. Gayunman, ang dugo ay hindi sinasalà sa lahat ng lugar, at waring sa loob ng mga taon ay baka dala-dala na ng mga tao sa kanilang dugo ang virus ng AIDS na hindi namamanmanan kahit na ang mga biktima ay dumaraan sa mga pagsubok. Kaya ang mga pasyente ay maaaring tablan ng AIDS—tinablan na nga ng AIDS—sa pagkasalin ng dugo na sinalà at pasado naman!
17. Papaano maaaring makapinsala ang pagsasalin ng dugo na maaaring hindi agad mahalata?
17 Sina Dr. Goodnough at Shuck ay bumanggit din ng “immunologic suppression.” Oo, dumarami ang ebidensiya na kahit na ang dugong dumaan sa wastong paghahambing sa ibang dugo ay maaaring makapinsala sa sistema ng imunisasyon ng isang pasyente, upang magbukas ng daan sa kanser at kamatayan. Sa gayon, isang pag-aaral sa Canada sa “mga pasyenteng may kanser sa ulo at sa leeg ang nagpakita na yaong mga sinalinan ng dugo ng inaalisan ng [isang] tumor ay nakaranas ng malaking pag-urong ng imunidad pagkatapos.” (The Medical Post, Hulyo 10, 1990) Ang mga manggagamot sa University of Southern California ay nag-ulat: “Ang bilis ng pag-ulit ng lahat ng kanser ng lalamunan ay 14% para sa mga taong hindi sinalinan ng dugo at 65% para sa mga taong sinalinan. Para sa mga may kanser sa bibig, lalamunan, at ilong o sinus, ang bilis ng pag-ulit ay 31% kung hindi sila sinalinan at 71% kung sinalinan.” (Annals of Otology, Rhinology & Laryngology, Marso 1989) Ang nasugpong imunidad ay waring batayan din ng paniniwala na yaong mga taong sinalinan ng dugo sa panahon ng operasyon ay mas malamang na tablan ng mga impeksiyon.—Tingnan ang kahon, pahina 10.
Mayroon Bang Maaaring Ihalili sa Dugo?
18. (a) Dahilan sa mga panganib na dala ng pagsasalin ng dugo, sa ano bumabaling ang mga doktor? (b) Anong impormasyon tungkol sa mga panghalili ang maibabahagi mo sa iyong doktor?
18 Baka isipin ng iba, ‘Mapanganib ang pagsasalin, pero mayroon ba namang maihahalili?’ Tunay na ibig natin ang epektibong mga matataas na uri ng paggamot, kaya mayroon bang lehitimo at epektibong mga paraan upang malunasan ang seryosong mga problema sa paggamot nang hindi gumagamit ng dugo? Nakatutuwa naman, na mayroon. Ang The New England Journal of Medicine (Hunyo 7, 1990) ay nag-ulat: “Ang mga doktor, na patuloy na nahahalata ang mga panganib ng [AIDS] at iba pang mga impeksiyon na dala ng pagsasalin, ay muling nagsasaalang-alang ng mga panganib at mga pakinabang buhat sa pagsasalin at sila’y bumabaling sa mga maihahalili, kasali na yaong pag-iwas na tuluyan sa pagsasalin.”b
19. Bakit ka makapagtitiwala na makatatanggi ka sa dugo at matagumpay na magagamot ka pa rin?
19 Matagal nang tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang pagsasalin ng dugo, hindi dahil unang-una sa mga panganib na dulot sa kalusugan, kundi dahilan sa pagsunod sa batas ng Diyos tungkol sa dugo. (Gawa 15:28, 29) Gayunman, ang dalubhasang mga doktor ay nagtagumpay ng paggamot sa mga Saksing pasyente nang hindi gumagamit ng dugo, at sa mga panganib na dulot nito. Kunin natin ang isa lamang sa maraming halimbawa na iniulat sa literatura sa medisina, sa Archives of Surgery (Nobyembre 1990) ay tinalakay ang heart transplantation (paglilipat ng puso) sa mga Saksing pasyente na pinahihintulutan ng kanilang mga budhi na tanggapin ang gayong paraan nang hindi sila sinasalinan ng dugo. Ang ulat ay nagsabi: “Mahigit na 25 taon ng karanasan sa pagsasagawa ng operasyon sa puso sa mga Saksi ni Jehova ang sumapit sa matagumpay na paglilipat ng puso nang walang pagsasalin ng dugo . . . Walang namatay na pasyente habang nasa ospital bago o pagkatapos ng operasyon, at ang maagang mga pag-aaral bilang pagsubaybay ay nagpakita na ang mga pasyenteng ito ay hindi gaanong dumanas ng suliranin sa pagtanggi sa ipinasok sa kanila na organo.”
Ang Pinakamahalagang Dugo
20, 21. Bakit ang mga Kristiyano ay dapat mag-ingat na sila’y hindi nagkakaroon ng saloobing “Ang dugo ay masamang gamot”?
20 May isang sumasaliksik-kaluluwang tanong na kailangang itanong sa sarili ng bawat isa sa atin. ‘Kung ipinasiya kong huwag magpasalin ng dugo, bakit? Sa totoo lamang, ano ba ang aking pangunahin, na mahalagang dahilan?’
21 Aming binanggit na may epektibong panghalili sa dugo na hindi naghahantad sa isang tao sa marami sa mga panganib na kaugnay ng pagsasalin. Ang mga panganib tulad ng hepatitis o AIDS ang nag-udyok pa man din sa marami na tumanggi sa dugo sa mga dahilang walang kinalaman sa relihiyon. Ang iba ay hayagang nagsasalita tungkol dito, na para bang sila’y nasa isang mahabang lakarín sa ilalim ng isang bandilang nagsasabi, “Ang Dugo Ay Masamang Gamot.” Posible na ang isang Kristiyano ay mahikayat na sumama sa lakaríng iyan. Ngunit ito ay paglalakad sa isang putol na daan na walang labasan. Papaano?
22. Anong makatotohanang pangmalas sa buhay at kamatayan ang kailangang mayroon tayo? (Eclesiastes 7:2)
22 Batid ng mga tunay na Kristiyano na kahit na may pinakamagagaling na panggagamot sa pinakamaiinam na mga ospital, ang mga tao’y mamamatay pa rin. Sinalinan man o hindi ng dugo, ang mga tao’y namamatay. Ang pagsasabi ng ganiyan ay hindi pagiging palaisip sa kamatayan. Iyan ay pagiging makatotohanan. Ang kamatayan ay isang totohanang bahagi ng buhay ngayon. Ang mga taong nagwawalang-bahala sa batas ng Diyos sa dugo ay kalimitan nakararanas ng agad-agad o naantalang pinsala na dulot ng dugo. Ang iba naman ay namamatay pa nga dahil sa isinaling dugo. Gayunman, gaya ng kailangang matalos nating lahat, yaong mga nakaligtas sa kamatayan dahil sa pagsasalin ay hindi pa nagtatamo ng walang-hanggang buhay, kung kaya ang dugo ay hindi mapatutunayan na permanenteng nagligtas sa kanilang buhay. Sa kabilang panig, karamihan ng tumatanggi sa dugo, sa mga dahilang makarelihiyon at/o medikal, ngunit tumatanggap ng panghalili sa dugo ay gumagaling. Ang kanilang buhay ay humahaba nang maraming taon—ngunit natatapos din.
23. Papaanong ang mga kautusan ng Diyos sa dugo ay kaugnay ng ating pagiging makasalanan at nangangailangan ng pantubos?
23 Yamang lahat ng taong buháy ngayon ay di-sakdal at unti-unting namamatay, tayo ay naaakay sa pinakasentro ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa dugo. Sinabihan ng Diyos ang lahat ng tao na huwag kakain ng dugo. Bakit? Sapagkat ito ay kumakatawan sa buhay. (Genesis 9:3-6) Sa kodigo ng Kautusan, siya’y nagtakda ng mga batas na nagpapatunay na lahat ng tao ay makasalanan. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita na sa pamamagitan ng paghahandog ng mga haing hayop, maipakikita nila na ang kanilang mga kasalanan ay kailangang matakpan. (Levitico 4:4-7, 13-18, 22-30) Bagaman hindi iyan ang kaniyang hinihiling sa atin ngayon, may kahulugan iyan ngayon. Nilayon ng Diyos na maglaan ng isang hain na lubusang makapagtatakip sa mga kasalanan ng lahat ng sumasampalataya—ang pantubos. (Mateo 20:28) Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin na magkaroon ng katulad na pagkakilala ng Diyos sa dugo.
24. (a) Bakit isang pagkakamali na ang mga panganib sa kalusugan ay ituring na pinakamahalagang punto tungkol sa dugo? (b) Ano talaga ang dapat maging pangmalas natin tungkol sa paggamit ng dugo?
24 Magiging isang pagkakamali na ang pangunahing pansin ay ibuhos sa mga panganib sa kalusugan na dulot ng dugo, sapagkat hindi diyan nakatutok ang pansin ng Diyos. Marahil ang mga Israelita ay nagtamo ng ilang kapakinabangan sa kalusugan sa hindi pagkain ng dugo, gaya kung papaano sila ay nagtamo marahil ng mga kapakinabangan sa hindi pagkain ng laman ng mga baboy o ng pagalang mga hayop. (Deuteronomio 12:15, 16; 14:7, 8, 11, 12) Gayunman, alalahanin na nang pagkalooban ng Diyos si Noe ng karapatan na kumain ng karne, hindi niya ipinagbawal ang pagkain ng laman ng gayong mga hayop. Kundi kaniyang iniutos na ang mga tao’y huwag kakain ng dugo. Nakatutok noon ang pansin ng Diyos hindi sa posibleng mga panganib sa kalusugan. Hindi iyan ang mahalagang punto sa kaniyang utos tungkol sa dugo. Ang mga sumasamba sa kaniya ay tatanggi sa dugo kaugnay ng pagpapahaba ng kanilang buhay, hindi dahil sa ang paggawa ng gayon ay pipinsala sa kalusugan, kundi dahilan sa iyon ay labag sa kabanalan. Sila’y tumanggi sa dugo, hindi dahilan sa iyon ay marumi, kundi dahilan sa iyon ay mahalaga. Tanging sa pamamagitan ng inihaing dugo maaari silang magtamo ng kapatawaran.
25. Papaanong ang dugo ay panghabang-panahong makapagliligtas ng buhay?
25 Ganiyan din sa atin ngayon. Sa Efeso 1:7, si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “Sa pamamagitan niya [ni Kristo] may katubusan tayo dahil sa pantubos sa pamamagitan ng dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakasala, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kagandahang-loob.” Kung pinatatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng sinuman at itinuturing na ang isang iyon ay matuwid, ang taong iyon ay may pag-asang magtamo ng walang-hanggang buhay. Kaya naman ang pantubos na dugo ni Jesus ay nakapagliligtas ng buhay—nang walang-katapusan, sa katunayan, nang panghabang-panahon.
[Mga talababa]
a Ang utos ay nagtapos: “Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Maging malusog nawa kayo!” (Gawa 15:29) ‘Ang komentong “Maging malusog nawa kayo” ay hindi isang pangako tungkol sa bagay na, ‘Kung kayo’y iilag sa dugo o sa pakikiapid, kayo’y magkakaroon ng lalong mainam na kalusugan.’ Iyon ay isa lamang pansara sa liham, tulad ng, ‘Paalam na.’
b Maraming epektibong panghalili sa pagsasalin ng dugo ang nirerepaso sa brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, lathala noong 1990 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay tumatangging pasalin ng dugo?
◻ Anong ebidensiya ang nagpapatunay na ang paninindigan ng Bibliya sa dugo ay hindi masasabing di-makatuwiran batay sa panggagamot?
◻ Papaanong ang pantubos ay may kaugnayan sa kautusan ng Bibliya tungkol sa dugo?
◻ Ano ang tanging paraan na ang dugo’y maaaring maging permanenteng tagapagligtas ng buhay?
[Kahon sa pahina 10]
PAGSASALIN AT IMPEKSIYON
Pagkatapos ng malawakang repaso sa kung ang pagsasalin ng dugo ay maaaring maging dahilan upang ang isang pasyente ay maging lalong madaling tablan ng impeksiyon, si Dr. Neil Blumberg ay nagpahayag sa wakas: “Sa 12 klinikal na pag-aaral [tungkol doon], natuklasan ng 10 na ang pagsasalin ay may mahalaga at bukod na kaugnayan sa lalong malaking panganib ng impeksiyon ng bakteria . . . Karagdagan pa, ang pagsasalin sa mahabang panahon bago ganapin ang operasyon ay maaaring makaapekto sa paglaban ng pasyente sa impeksiyon kung ang epekto sa imunidad ng pagsasalin ay kasintagal na gaya ng ipinahiwatig ng ilang pag-aaral . . . Kung ang mga impormasyong ito ay mapalalawak at kumpirmado na, lumalabas na ang malubhang mga impeksiyon pagkatapos ng operasyon ay maaaring maging kaisa-isang pinakakaraniwang mahalagang komplikasyon na may kaugnayan sa homologong pagsasalin.”—Transfusion Medicine Reviews, Oktubre 1990.
[Larawan sa pahina 8]
Makapupong pinalaking mga pulang selula ng dugo. “Bawat mikrolitro (0.00003 onsa) ng dugo ay may mula sa 4 na milyon hanggang 6 na milyong pulang selula ng dugo.”—“The World Book Encyclopedia”
[Credit Line]
Kunkel-CNRI/PHOTOTAKE NYC