Pagsusuri sa mga Pitak ng Walang Kasinghalagang Hiyas ng Diyos—Ang Bibliya!
NOONG 1867 isang magsasakang taga-Timog Aprika na nagngangalang Schalk van Niekerk ang nanonood ng mga batang naglalaro na may ilang batong pinaglalaruan. Isang makináng at magandang bato ang nakatawag ng kaniyang pansin. “Kunin mo na iyan, kung ibig mo,” ang sabi ng ina ng mga bata. Ngunit, ang ginawa ni Van Niekerk ay ipinadala ang bato sa isang mineralogist para suriin. Walang kamalay-malay ang mga bata na ang pinaglalaruan nila ay isang malaking brilyante na nagkakahalaga ng £500!
Posible kaya na ikaw man ay may isang walang kasinghalagang hiyas na hindi mo namamalayan? Halimbawa, marami ang nag-aari ng isang Bibliya, yamang ito’y siyang pinakamabiling aklat, makukuha nang buo o isang bahagi lamang sa mahigit na 1,900 wika. Gayunman, marami sa mga tao ang hindi pa nakababasa ng Bibliya kung kaya wala silang gaanong kaalaman sa nilalaman nito.
Sinasabing ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos” at samakatuwid siyang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16; ihambing ang 1 Tesalonica 2:13.) Ito ang pinakamahalagang pag-aari ng sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, tayo’y natututo kung papaano lubusang mapakikinabangan ang buhay ngayon at, lalong mahalaga, papaano kakamtin ang buhay na walang-hanggan! (Juan 17:3, 17) Mayroon pa bang higit na mahalaga kaysa riyan?
Gayunman, upang mapahalagahan ang hiyas na ito at lahat ng mga pitak nito, ang isa ay kailangang maging sanay rito. Sa unang tingin, baka ito ay tila mahirap. Tandaan, ang Bibliya ay isang kalipunan ng 66 na iba’t ibang aklat. Ano ba ang nilalaman ng mga aklat na iyon? Mayroon bang anumang dahilan para sa kaayusan sa pagkakasunud-sunod ng mga ito? Kung gayon, papaano makikita ng isang tao ang natatanging mga talata sa Bibliya?
Ang pagiging sanáy sa Bibliya ay isang hamon. Subalit tulad ng isang tunay na hiyas, ang Bibliya ay may kaayusan at pagkakasunud-sunod. Makikita natin iyan kung ating sandaling isasaalang-alang ang mga nilalaman nito.
Ang Kasulatang Hebreo—Nakaturo kay Kristo
Karaniwan nang ang Bibliya ay nahahati sa “Matandang Tipan” at sa “Bagong Tipan.” Subalit, ito ay mga maling tawag na nagbibigay ng impresyon na ang “Matandang Tipan” ay lipas na at hindi na gaanong mahalaga. Ang isang lalong angkop na pangalan para sa bahaging iyan ng Kasulatan ay ang Kasulatang Hebreo, yamang ang bahaging ito ay isinulat ang orihinal sa wikang Hebreo lalung-lalo na. Ang “Bagong Tipan” ay isinulat sa Griego noong unang siglo C.E.; sa gayon, ito’y lalong angkop na tinatawag na Kasulatang Griego Kristiyano.
Ang unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, ay nagsisimula ng paglalahad ng mga pangyayari napakatagal nang panahon ang lumipas nang lalangin ng Diyos ang langit at ang lupa at nang malaunan ay inihanda ang lupa para tahanan ng tao. Ang unang mag-asawa ay nilalang na sakdal; gayunman, kanilang pinili ang lumakad sa landas ng kasalanan, na nagdulot ng malungkot na mga kinahinatnan para sa kanilang mga supling. Subalit, tulad ng isang hiyas na nakikita sa malabong ilaw, ang Bibliya ay nagbibigay ng silahis ng pag-asa sa makasalanang sangkatauhan: isang “binhi” na sa bandang huli’y siyang mag-aalis ng epekto ng kasalanan at kamatayan. (Genesis 3:15) Sino kaya ang Binhing ito? Sa Genesis ay sinisimulan ang pagtalunton sa angkan ng darating na Binhing ito, na nakatutok ang pansin sa buhay ng ilan sa tapat na mga ninuno ng Binhi, tulad nina Abraham, Isaac, at Jacob.
Sa Exodo ay sumunod na inilalarawan ang kapanganakan ni Moises. Sa maraming paraan ang buhay ni Moises ay lumalarawan sa buhay ng dumarating na Binhi. Pagkatapos ng sampung salot, ang Israel ay gumagawa ng isang dakilang Exodo (paglabas) sa Ehipto at itinatatag bilang ang piniling bansa ng Diyos sa Bundok Sinai. Sa Levitico, gaya ng ipinakikita ng pangalan ay inihaharap ang mga kahilingan ng Diyos para sa pagkasaserdoteng Levitico sa Israel. Sa Bilang ay inilalahad ang mga okasyon nang ang mga Israelita’y binilang (sa pamamagitan ng isang sensus) at ang mga pangyayari sa panahon ng pansamantalang pananahan ng Israel sa ilang. At ngayon, samantalang sila’y handa nang pumasok sa Lupang Pangako, tinanggap ng Israel ang pangkatapusang mga tagubilin ni Moises. Ito ang paksa ng Deuteronomio. Samantalang nakaturo sa darating na Binhi, ipinayo ni Moises sa bansa na makinig sa ‘isang propeta na ibabangon ng Diyos.’—Deuteronomio 18:15.
Ang makasaysayang mga aklat ang kasunod. Ang mga ito sa kalakhang bahagi ay inayos ayon sa panahon. Sa Josue ay inilalahad ang pagsakop at paghahati-hati sa Lupang Pangako. Sa Hukom ay inilalahad ang madulang mga pangyayari ng sumunod na mga taon nang ang Israel ay pinamamahalaan ng sunud-sunod na mga hukom. Sa Ruth ay nalalahad ang tungkol sa isang babaing may takot sa Diyos, na nabuhay sa panahon ng mga Hukom at nagkaroon ng pribilehiyo na maging isang ninuno ni Jesu-Kristo.
Gayunman, ang panahon ng paghahari ng mga hukom ay nagwakas. Sa 1 Samuel ay nalalahad ang malungkot na pamamahala ng unang hari ng Israel, si Saul, ayon sa paningin ng propetang si Samuel. Sa 2 Samuel ay inilalarawan ang matagumpay na paghahari ni David, na humalili kay Saul. Sa 1 at 2 Hari naman ay dinadala tayo mula sa maluwalhating paghahari ni Solomon tungo sa malungkot na pagkatapon sa Babilonya ng bansang Israel noong 607 B.C.E. Sa 1 at 2 Cronica ay inuulit ang pagsasalaysay ng kasaysayang ito ayon sa punto de vistang kapaki-pakinabang sa isang bansang nagbalik buhat sa pagkatapon na ito. Sa wakas, sa Ezra, Nehemias, at Esther ay inilalarawan kung papaano nakabalik sa kanilang sariling bayan ang mga Israelita at ang iba sa kanilang sumunod na kasaysayan.
Ang mga aklat na istilong tula ang susunod, na may taglay ng ilan sa pinakamagagandang tula na naisulat kailanman. Sa Job ay mababasa ang isang nakapupukaw na larawan ng katapatan sa gitna ng pagdurusa at ang kagantihan nito. Sa aklat ng Mga Awit ay may mga awit ng papuri kay Jehova at mga panalangin sa paghingi ng awa at tulong. Ang mga ito ay nakaaaliw sa di-mabilang na mga lingkod ng Diyos. Isa pa, ang Mga Awit ay maraming mga hula at nagbibigay sa atin ng higit na liwanag tungkol sa pagparito ng Mesiyas. Sa Mga Kawikaan at Eclesiastes ay nahahayag ang mga pitak ng banal na karunungan sa pamamagitan ng maiikli ngunit malalaman na mga kasabihan, samantalang ang Awit ni Solomon ay pinakamagandang tula ng pag-ibig na may matinding kahulugan bilang isang hula.
Ang sumunod na 17 aklat—mula sa Isaias hanggang sa Malakias—ay makahula ang kalakhang bahagi. Lahat, maliban sa Mga Panaghoy, ay may taglay ng pangalan ng sumulat. Marami sa mga hulang ito ang nagkaroon na ng kahanga-hangang katuparan. Ang mga ito ay nakatutok din sa sukdulang mga pangyayari sa ating kaarawan at sa malapit na hinaharap.
Ang Kasulatang Hebreo sa gayon ay may nakapanggigilalas na pagkasarisari ng anyo at istilo. Gayunman, lahat ay may karaniwang tema. Ang kanilang mga hula, talaangkanan, at madulang mga pangyayari ay kumikislap sa praktikal na karunungan at makahulang kahulugan.
Ang Kasulatang Griego Kristiyano—Lumitaw ang Binhi
Apat na libong taon ang lumipas buhat nang mahulog sa pagkakasala ang tao. Biglang-bigla na lumitaw sa tanawin dito sa lupa ang malaon nang hinihintay na Binhi, ang Mesiyas, si Jesus! Sa Kasulatang Griego Kristiyano ay nakaulat ang misteryo ng pangunahing karakter na ito sa kasaysayan ng tao sa apat na iba’t iba ngunit magkakaugnay na mga aklat, tinatawag na Ebanghelyo. Ito’y ang Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.
Anong pagkahala-halaga nga sa mga Kristiyano ang apat na ulat na ito ng Ebanghelyo! Naglalahad ito ng kagila-gilalas na mga himala ni Jesus, ng kaniyang makahulugang mga talinghaga, ng kaniyang Sermon sa Bundok, ng kaniyang halimbawa ng kababaang-loob, ng kaniyang pagkamaawain at lubos na pagsunod sa kaniyang Ama, ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang “mga tupa,” at sa katapus-tapusan ng kaniyang sakripisyong kamatayan at maningning na pagkabuhay-muli. Ang pag-aaral ng Ebanghelyo ay nagtatanim sa atin ng isang matinding pag-ibig sa Anak ng Diyos. Higit sa lahat, tayo ay naaakit sa isa na nagsugo sa Kristo—si Jehovang Diyos. Ang mga ulat na ito ay karapat-dapat na basahing paulit-ulit.
Sa Mga Gawa ng mga Apostol ay ipinagpapatuloy ang paglalahad buhat sa mga Ebanghelyo. Ito’y nagbabalik-tanaw sa maagang mga taon ng kongregasyong Kristiyano mula noong mga araw ng Pentecostes hanggang sa pagkabilanggo ni Pablo sa Roma noong 61 C.E. Sa aklat na ito ay mababasa natin ang tungkol kay Esteban, ang unang martir na Kristiyano, ang kombersiyon ni Saulo, na nang bandang huli ay naging si Pablo na apostol, ang pagkatawag sa unang mga nakumberteng Gentil, at ang kapana-panabik na mga paglalakbay ni Pablo sa pangangaral bilang misyonero. Ang mga pag-uulat na ito ay kapuwa nakapananabik at nakapagpapatibay ng pananampalataya.
Dalawampu’t isang liham, o mga sulat, ang ngayo’y kasunod. Ang unang 14, na isinulat ni Pablo, ay may pangalan na kinuha buhat sa tumanggap na mga Kristiyano o mga kongregasyon; ang natitira ay may mga pangalan na kuha sa mga pangalan ng sumulat—Santiago, Pedro, Juan, at Judas. Anong pagkasaga-saganang payo at pampatibay-loob ang taglay ng mga liham na ito! Ito’y sumasaklaw sa doktrina at sa katuparan ng mga hula. Tinutulungan nito ang mga Kristiyano na manatiling hiwalay sa masamang kapaligiran na kinabubuhayan nila. Kanilang idiniriin ang pangangailangan na magpaunlad ng pag-ibig-kapatid at iba pang maka-Diyos na mga katangian. Sila ang nagpapakita ng halimbawa ukol sa wastong organisasyon ng kongregasyon, sa ilalim ng pangunguna ng nakatatandang mga lalaki sa espirituwal.
Kung papaanong ang Kasulatang Hebreo ay natatapos na taglay ang makahulang himig, gayundin ang Kasulatang Griego. Sa Apocalipsis, isinulat ni apostol Juan mga 96 C.E., ay nagkakaugnay-ugnay ang hula at ang pangunahing tema ng Bibliya—ang pagbanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian. Sa sunud-sunod na mga pangitain ay buong-linaw na inilalarawan ang pagkawasak ng relihiyoso, militar, at pulitikal na mga puwersa ng balakyot na sistema ni Satanas. Ang mga ito ay hinahalinhan ng tagapamahalang lunsod ni Kristo, na nagbabaling ng pansin sa pamamanihala ng mga bagay sa lupa. Sa ilalim ng pamamahalang ito ng Kaharian, nangangako ang Diyos na “papahirin ang bawat luha . . . at hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—Apocalipsis 21:4.
Kung gayon, mayroon pa bang pag-aalinlangan na ang Bibliya ay isang walang maipipintas na hiyas, nagpapasikat ng makalangit na liwanag? Kung hindi mo pa nababasa ito sa kabuuan, bakit hindi ka magsimula na ngayon? Ikaw ay maaakit sa taglay nitong anyo ng kagandahan, maliliwanagan sa kaningningan nito, mapupukaw ng ganda nito, at matutuwa sa mensahe nito. Ito nga ay isang “sakdal na handog . . . buhat sa Ama ng makalangit na liwanag.”—Santiago 1:17.
[Chart sa pahina 28, 29]
TALAHANAYAN NG MGA AKLAT NG BIBLIYA
Ipinakikita ang manunulat, ang dakong pinagsulatan, ang panahon na natapos ang pagsulat, at ang panahong saklaw ng mga pangyayari ng aklat.
Ang mga pangalan ng mga manunulat ng ilang aklat at ang mga dako na kung saan isinulat ay di-tiyak. Maraming petsa ang walang katiyakan, ang simbolong p. ay nangangahulugang “pagkatapos,” ang b. ay nangangahulugang “bago,” at ang c. ay nangangahulugang “circa,” o “humigit-kumulang.”
Mga Aklat ng Kasulatang Hebreo (B.C.E.)
Aklat Manunulat Saan Isinulat Natapos Panahong
Isulat Saklaw
Genesis Moises Ilang 1513 “Nang
pasimula”
hanggang 1657
Exodo Moises Ilang 1512 1657-1512
Levitico Moises Ilang 1512 1 buwan (1512)
Mga Bilang Moises Ilang/
Kapatagan ng
Moab 1473 1512-1473
Deuteronomio Moises Kapatagan ng
Moab 1473 2 buwan (1473)
Josue Josue Canaan c. 1450 1473-c. 1450
Mga Hukom Samuel Israel c. 1100 c. 1450-c. 1120
Ruth Samuel Israel c. 1090 11 taon ng
pamamahala ng mga hukom
1 Samuel Samuel;
Gad; Nathan Israel c. 1078 c. 1180-1078
2 Samuel Gad; Nathan Israel c. 1040 1077-c. 1040
1 Hari Jeremias Jerusalem/
Juda 580 c. 1040-911
2 Hari Jeremias Jerusalem/
Ehipto 580 c. 920-580
1 Cronica Ezra Jerusalem (?) c. 460 Pagkatapos ng
1077-1037
2 Cronica Ezra Jerusalem (?) c. 460 1037-537
Ezra Ezra Jerusalem c. 460 537-c. 467
Nehemias Nehemias Jerusalem a. 443 456-a. 443
Esther Mardocheo Shushan,
Elam c. 475 493-c.475
Job Moises Ilang c. 1473 Mahigit 140 taon
sa pagitan ng 1657
at 1473
Mga Awit Si David at
ang iba pa c. 460
Mga Kawikaan Solomon;
Agur;
Lemuel Jerusalem c. 717
Eclesiastes Solomon Jerusalem b. 1000
Awit ni
Solomon Solomon Jerusalem c. 1020
Isaias Isaias Jerusalem a. 732 c. 778-a. 732
Jeremias Jeremias Juda/
Ehipto 580 647-580
Mga Panaghoy Jeremias Malapit sa
Jerusalem c. 607
Ezekiel Ezekiel Babilonya c. 591 613-c. 591
Daniel Daniel Babilonya c. 536 618-c. 536
Oseas Oseas Samaria
(Distrito) a. 745 b. 804-a. 745
Joel Joel Juda c. 820 (?)
Amos Amos Juda c. 804
Obadias Obadias c. 607
Jonas Jonas c. 844
Mikas Mikas Juda b. 717 c. 777-717
Nahum Nahum Juda b. 632
Habacuc Habacuc Juda c. 628 (?)
Zefanias Zefanias Juda b. 648
Hagai Hagai Jerusalem 520 112 days(520)
Zacarias Zacarias Jerusalem 518 520-518
Malakias Malakias Jerusalem a. 443
Mga Aklat ng Kasulatang Griego (C.E.)
Aklat Manunulat Saan Isinulat Natapos Panahong
Isulat Saklaw
Mateo Mateo Palestina c. 41 2 B.C.E.–
33 C.E.
Marcos Marcos Roma c. 60-65 29-33 C.E.
Lucas Lucas Cesarea c. 56-58 3 B.C.E.–
33 C.E.
Juan Apostol
Juan Efeso,
o karatig c. 98 Pagkatapos ng
prologue,
29-33 C.E.
Mga Gawa Lucas Roma c. 61 33-c.
61 C.E.
Mga Taga-Roma Pablo Corinto c. 56
1 Corinto Pablo Efeso, c. 55
2 Corinto Pablo Macedonia c. 55
Mga Taga-Galacia Pablo Corinto
o Syrianong
Antioquia c. 50-52
Mga Taga-Efeso Pablo Roma c. 60-61
Mga Taga-Filipos Pablo Roma c. 60-61
Mga Taga-Colosas Pablo Roma c. 60-61
1 Tesalonica
Pablo Corinto c. 50
2 Tesalonica
Pablo Corinto c. 51
1 Timoteo Pablo Macedonia c. 61-64
2 Timoteo Pablo Roma c. 65
Tito Pablo Macedonia (?) c. 61-64
Filemon Pablo Roma c. 60-61
Mga Hebreo Pablo Roma c. 61
Santiago Santiago
(kapatid
ni Jesus) Jerusalem b. 62
1 Pedro Pedro Babilonya c. 62-64
2 Pedro Pedro Babilonya (?) c. 64
1 Juan Apostol
Juan Efeso,
o karatig c. 98
2 Juan Apostol
Juan Efeso,
o karatig c. 98
3 Juan Apostol
Juan Efeso,
o karatig c. 98
Judas Judas
(kapatid
ni Jesus) Palestina (?) c. 65
Apocalipsis Apostol
Juan Patmos c. 96