‘Pamumuhay na ang Araw ni Jehova ang Isinasaisip’
INILAHAD NI LYLE REUSCH
SA PINAKAMAAGANG natatandaan ko, ang aming buhay-pampamilya ay nakasentro sa isang matinding paniniwala sa isang dumarating na bagong sanlibutan ng katuwiran. Ang aking ina at ama ay bumabasa sa amin na mga anak buhat sa Bibliya tungkol sa ‘mga bagong langit at bagong lupa’ at tungkol sa ‘baka at oso na manginginaing magkasama, ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng toro, at isang munting bata ang aakay sa kanila.’ Kanilang pinaging tunay na tunay ito, kaya naguniguni ko na ako ang munting batang iyon.—2 Pedro 3:11-13; Isaias 11:6-9.
Noong dekada ng 1890 ang aking lolo, si August Reusch ay nakaalam ng mga saligang katotohanan sa Bibliya sa pamamagitan ng pakikipagsulatan kay Charles T. Russell. Siya’y nangaral nang malawakan sa lugar na kinaroroonan ng kaniyang tahanan at sa palibot nito sa Northwest Territory of Canada, ngayon ay Yorkton, Saskatchewan. Paulit-ulit na kaniyang ipinayo sa kaniyang mga anak: “Mga bata, abangan ninyo ang 1914!” Ang pananalig na malapit na noon ang araw ni Jehova ang nagpakilos sa aking ama upang apurahang gumawa at nagpatuloy nang gayon sa buong buhay niya at iyan ang naging patakaran ko sa buhay.
Si Inay at si Itay ang mismong sagisag ng pagkamapagpatuloy. Isang grupo sa pag-aaral ng Bibliya ng Saskatoon, Saskatchewan, Ecclesia ng mga Estudyante sa Bibliya ang regular na nagtitipon sa aming tahanan. Naglalakbay na mga ministro (tinatawag na mga pilgrim) ang malimit na tumutuloy sa aming tahanan. Ang aking kapatid na lalaki, si Verne, at ang aking kapatid na babae, si Vera, at ako ay nakinabang sa espirituwal. Sa tuwina’y may diwa iyon ng pagiging tunay ng mensahe ng Kaharian at ng isang apurahang pangangailangan na ibalita iyon sa iba. (Mateo 24:14) Bahagya man ay hindi ko naisip noon na sa darating na mga taon ang malaking bahagi ng aking buhay ay gugugulin ko sa pagpapatuloy ng gawain ng mga pilgrim na ito sa pamamagitan ng paglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova.
Noong 1927, ang pamilya ay inilipat ni Itay sa Berkeley, California. Nang magkagayon, samantalang nasa kasagsagan ang krisis sa pananalapi noong 1933, ako’y nagtapos sa high school. Ang kapatid ko, si Verne, at ako ay may paniwalang kami’y mapalad na nakapasok sa trabaho sa pabrika ng Ford Motor Company sa Richmond, California. Gayunman, isang araw noong tagsibol ng 1935, napag-isipan ko: ‘Kung sakaling ako’y kailangang puspusang magtrabaho, marahil ay dapat akong magtrabaho ng isang gawaing karapat-dapat.’ Nang araw na iyon ako’y nagbitiw, at kinabukasan ako’y sumulat sa isang aplikasyon na maglingkod sa Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York. Pagkatapos makadalo sa nakapananabik na kombensiyon sa Washington, D.C., noong Hunyo 1935, ako’y tinanggap sa paglilingkod sa Bethel.
Paglilingkod sa Bethel
Si Nathan Knorr, ang nangangasiwa ng pabrika, ang nag-atas sa akin na magtrabaho sa building maintenance. Ako ang nag-iisang manggagawa roon. Bilang isang 20-anyos na binatilyo, ang pakiwari ko’y napakahalaga ko. Ako’y libreng kumilos sa lahat ng parte ng pabrika, at walang sinumang nagdududa sa ginagawa ko. Ikinatuwa ni Brother Knorr ang paraan ng aking pagtatrabaho, ngunit kaniyang nahalata ang isang problema tungkol sa saloobin. Patuloy na sinikap niyang maimpluwensiyahan ako upang magkaroon ako ng kaunting kababaang-loob.
Gayunman, nakalipas ang ilang panahon bago ko natanto na talagang sinisikap ni Brother Knorr na tulungan ako. Kaya humingi ako ng paumanhin dahil sa aking saloobin at nagpahayag ng determinasyon na gumawa nang lalong mabuti. Iyan ang pasimula ng isang mahaba, matalik na kaugnayan kay Brother Knorr, na noong Enero 1942 ay naging ikatlong presidente ng Watch Tower Society.
Bukod sa pagtatrabaho sa maintenance, ako’y natutong magpaandar ng karamihan ng mga makina sa pabuuan ng aklat o tumulong may kaugnayan dito. Nang dumating ang panahon ako’y nagtrabaho sa opisina, sumusulat at nagpapadala ng mga pidido sa trabaho sa pamamagitan ng pabrika. Ang tagsibol at tag-init ng 1943 ang lalo nang magawain at nakagugulat na mga panahon. Ang daigdig ay nasa kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, at ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitiis ng panliligalig, mga pag-aresto at mga sintensiyang mabilanggo batay sa lahat ng uri ng walang katotohanang mga bintang. Noong 1940 ang Korte Suprema ng E.U. ay nagbaba ng hatol na maaaring iutos ng mga paaralan sa kanilang mga estudyante na sumaludo sa bandera. Ito ang pasimula ng isang daluyong ng karahasan sa 44 ng noo’y 48 estado. Ang mga anak ng mga Saksi ay pinaalis sa mga paaralan, ang mga magulang ay inaresto, at mga mang-uumog ang nagtaboy sa mga Saksi sa labas ng bayan. Ang mga indibiduwal ay binaril, ang iba ay dinikitan ng alkitran at ng mga balahibo.
Nang ang mga Saksi ni Jehova ay gumanti sa mga kaso sa hukuman, maraming nasusulat na mga kautusan mula sa korte, alegato, at mga dokumento na ginawa ng mga legal staff ng Samahan ang dumaan sa aking mesa upang maipalimbag. Lahat kami ay gumugol ng maraming oras bilang extra time upang makatugon sa takdang petsa. Ang resultang mga pasiya ng Korte Suprema noong Mayo at Hunyo ng 1943—nang 12 sa 13 kaso ang pinagpasiyahan na pabor sa mga Saksi ni Jehova—ay naging bahagi ng mga dahon ng kasaysayan ng batas. Pinasasalamatan ko ang pagkakataon na aking tuwirang nasaksihan kung papaano binuksan ni Jehova ang daan sa pagtatanggol at pagtatatag sa mabuting balita sa legal na paraan.—Filipos 1:7.
Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro
Sa ilang paraan kami ay salat sa kagamitan noong mga araw na iyon upang ganapin ang pagkalaki-laking gawaing inihula sa Mateo 24:14, samakatuwid nga, ‘ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa bago sumapit ang wakas.’ Bilang presidente ng Samahan, nakita ni Brother Knorr ang pangangailangan ng isang programa sa pagtuturo. Kasama ng iba pang lalaking miyembro ng pamilyang Bethel, ako’y inanyayahan na magpatala sa “Abanseng Kurso sa Ministeryong Teokratiko.” Nang bandang huli ito ang naging Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, na ginamit sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sapol noong 1943.
Kami’y nagkatipon sa silid na pinagpulungan ng pamilyang Bethel noong Lunes ng gabi, Pebrero 16, 1942, at si Brother Knorr ang nagbigay ng unang pahayag na nagtuturo. Ang kaniyang paksa ay “Mga Manuskrito ng Bibliya.” Si Brother T. J. Sullivan ang tagapangasiwa ng paaralan at nagpayo sa amin upang tulungan kami na sumulong. Dumating ang panahon na ako’y inatasan na maging tagapangasiwa ng paaralan sa Bethel, na itinuring kong isang napakalaking pribilehiyo. Ngunit iyon ay panahon na naman para sa disiplina.
Ako’y naging malabis na mapintasin at kulang sa nararapat na paggalang sa pagpapayo sa isang nakatatandang kapatid, kaya prangkahang sinabihan ako ni Brother Knorr: “Walang may gusto sa ginagawa mong paggamit ng iyong autoridad.” Pagkatapos na kaniyang maipaliwanag nang buong-linaw ang bagay na iyon at namula nang husto ang aking mga tainga, naging maamo naman ang malalaking itim na mga mata ni Brother Knorr. Sa isang tinig na malumanay, kaniyang binasa ang Awit 141:5: “Kung sugatan ako ng matuwid, iyon ay magiging isang kabaitan pa nga: at kung ako’y sawayin niya, iyon ay magiging isang napakainam na langis, na hindi magiging kasiraan sa aking ulo.” (King James Version) Nagamit ko na ang tekstong iyan nang maraming beses nang naging pananagutan ko na magbigay ng payo na magtutuwid sa iba.
Bago nagpasimula ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, kakaunti sa amin ang nagkaroon ng pagkakataon na makagawa ng maraming pahayag pangmadla. Nang mamatay si Brother Rutherford, puspusang nagpagal si Brother Knorr upang mapasulong ang kaniyang kakayahang magsalita. Ang aking kuwarto sa Bethel ay tuwirang nasa ibaba naman ng kaniyang kuwarto, at naririnig ko siya sa pagsasanay sa kaniyang pahayag. Literal na dose-dosenang beses na kaniyang binabasa nang malakas ang pahayag pangmadla na “Kapayapaan—Mananatili Kaya?” bago niya bigkasin iyon sa kombensiyon sa Cleveland noong 1942.
Nasa Paglalakbay
Pagkatapos na ako’y makapaglingkod nang 13 taon sa Bethel, ako’y inatasan ni Brother Knorr na maglingkod sa larangan bilang isang tagapangasiwa ng distrito. Sa pagbibigay sa akin ng mga tagubilin tungkol sa aking bagong atas, sinabi niya: “Lyle, ngayon ay may pagkakataon kang magmasid nang tuwiran kung papaano nakikitungo si Jehova sa kaniyang mga lingkod.” Isinaisip ko ito at bitbit ang dalawang maleta, ako’y nagsimula sa aking karera bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa noong Mayo 15, 1948. Bago magsimula sa gawaing pandistrito, ako’y naglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa loob ng ilang buwan.
Ang unang kompanya, o kongregasyon, na aking pinaglingkuran ay isang maliit na kongregasyon sa may kabukiran sa Waseca, Minnesota. Ako’y patiunang sumulat kay Dick Cain, ang lingkod ng kompanya (gaya ng tawag noon sa punong tagapangasiwa) upang ako’y salubungin sa tren. Siya’y isang special pioneer, at upang makapagtipid ng gastos, buhat sa kaniyang inuupahang kuwarto, na pinagpalipasan niya ng taglamig, siya’y lumipat sa kaniyang tirahan sa tag-init, isang tolda. Gayunman, ang Minnesota kung Mayo ay hindi eksaktong masasabing panahon ng tag-init! Nang gabing iyon, nangangatog samantalang nasa tolda, aking pinag-isipan kung ako’y maaaring bumagay sa ganitong paraan ng pamumuhay. Ako’y dinapuan ng matinding sipon na tumagal nang mga linggo, ngunit nakaraos din ako roon.
Sa maagang mga taóng iyon sa aking pagdalaw sa iba’t ibang kongregasyon at mga sirkito, ako’y doon tumuloy sa mga tahanan ng mga kapatid at walang dala kundi isang maleta. Ako’y nakaranas na tumira sa lahat ng klase ng tuluyan, kasali na ang pagtulog sa sahig ng kusina, sa mga sopa sa salas, sa maiinit na atik na walang bentilasyon. Kung minsan ako’y tumutuloy sa mga tahanan na kung saan isang miyembro ng pamilya ang salungat sa ating mga paniniwala. Sa Wisconsin ay isang di-sumasampalatayang lalaki na nanlilisik ang mga mata sa akin sa buong sanlinggo pagdating ko at pag-alis. Nang isang gabi na siya’y umuwing lasing, at naulinigan ko siya na nagbabantang “babarilin si ganoo’t ganito,” naisip ko na oras na upang ako’y umalis. Ngunit ang di-kanais-nais na mga karanasan ay madalang lamang at nagdagdag lamang ng sarap sa aking mga karanasan sa aking teritoryo. Ang mga ito ay nakatutuwa naman pagkatapos.
Ako’y Nakatagpo ng Isang Kasama
Tandang-tanda ko pa noon. Sa isang pansirkitong asamblea sa Tiffin, Ohio, nakilala ko ang isang maganda, itiman ang mga mata na dalaga, si Leona Ehrman, taga-Fort Wayne, Indiana. Siya ay pinalaki rin naman sa pananampalatayang Kristiyano at naging isang tapat na pioneer sa loob ng maraming taon. Ang malimit na paglalakbay ay nakahahadlang sa panliligaw, ngunit kami’y nakikipagtalastasan sa isa’t isa sa pamamagitan ng sulat. Kaya naman, noong 1952, itinanong ko, “Sang-ayon ka ba?” at sumagot siya, “Oo, sang-ayon ako!” At kami’y kapuwa sumang-ayon. Kami’y nagpakasal. Malimit na kami’y tinatanong kung bakit kami hindi nagtatayo ng tahanan at nagpapamilya, ngunit sinasabi namin na kami’y may pamilya—mga kapatid na lalaki, babae, mga ama, at mga ina sa mga 44 na estado na aming pinaglilingkuran.—Marcos 10:29, 30.
Ang iba ay nagtanong, ‘Hindi ba kayo napapagod at nararamdaman ninyong gusto na ninyong huminto?’ Oo, hindi lang miminsan. Subalit sa ganang aming dalawa, pagka isa sa amin ay nanlulupaypay, yaong isa naman ang nagpapakatibay-loob. Minsan sumulat pa nga ako sa aking kapatid, si Verne, na nagtatanong sa kaniya kung puwede akong magtrabahong kasama niya sa kaniyang hanapbuhay na pagpipinta. Siya’y sumagot na malimit na kaniya ngang inaasam-asam iyan dahilan sa kami ay matalik na magkasama nang kami’y lumalaki. Gayunman, kaniyang pinayuhan ako na maingat na pagtimbang-timbangin ang aking pasiya. Nang magkagayo’y naisip ko ang malimit na sinasabi ni Brother Knorr sa mga miyembro ng pamilyang Bethel: “Hindi gaanong malaking pagsisikap ang kailangan upang huminto; nangangailangan ng tibay ng loob at ng katapatan upang makapanatili sa iyong atas.” Mabuting payo pa rin iyan hanggang ngayon.
Walang may asawang naglalakbay na tagapangasiwa na magtatagal sa kaniyang atas kung ang kaniyang maybahay ay hindi tapat at sumusuporta sa kaniya, gaya ng napatunayan ko kay Leona. Dahil sa kaniyang mainit, mapagmahal na personalidad at pagkamasayahing palagi sa mga kongregasyon siya’y napamahal sa libu-libo. Kailanma’y hindi ako nagsasawa ng pagsasabi sa kaniya kung gaano ang pag-ibig ko sa kaniya. Iyan, natitiyak ko, ang tumutulong sa kaniya na magpatuloy rin naman sa gawain.
Nakasaksi sa Pagpapala ni Jehova
Ang pangunahing gawain ng tagapangasiwa ng distrito ay nakasentro sa pansirkitong asamblea, na kung saan siya’y naglilingkod bawat linggo bilang chairman, pangmadlang tagapagpahayag, at tagapangasiwa ng paaralan. Ang pagpapala ni Jehova sa kaayusang ito ay mahahalata sa bagay na daan-daang pansirkitong asamblea na aking pinangasiwaan, walang isa man na hindi nairaos. Totoo, ang iba ay hinadlangan, ngunit walang isa man na napatigil.
Sa Wooster, Ohio, noong tagsibol ng 1950, nang hilingin ko ang pag-awit ng huling awit noong sesyon ng gabi ng Sabado, mga mang-uumog na mahigit na isang libong mananalansang ang nagtipon sa labas ng teatro na pinagdarausan ng asamblea. Ang mga mang-uumog ay may dalang mga kahon ng bulok na mga itlog na ihahagis sa amin samantalang kami’y paalis. Kaya aming pinag-isipan ang kalagayang iyon at nagpatuloy kami sa programa sa pamamagitan ng mga awit, karanasan, at biglaang mga pahayag sa Bibliya. Ang 800 Saksi ay nanatiling kalmado at mapagtiis.
Sa ganap na ika-2:00 n.u. ang lagay ng panahon ay totoong napakalamig. Para bang naghahanda para sa pag-alis na, inilabas ng mga attendant ang mga pambomba ng apoy at binomba ng tubig ang mga itlog na lumagpak sa bangketa sa harapan. Muli na namang nagsama-sama ang mga mang-uumog, iniwan ang init ng karatig na istasyon ng bus. Subalit iniligaw sila ng mga attendant at tahimik na pinalabas namin ang mga dumalo sa pamamagitan ng labasan sa likuran. Lahat ay ligtas na nakarating sa kani-kanilang kotse. May mga mang-uumog ding nanggulo sa ibang asamblea sa Ohio, sa Canton, Defiance, at Chillicothe. Subalit ang karahasan ng mga mang-uumog ay pahupa na, nang ang mga desisyon ng Korte Suprema ng E.U. na pabor sa amin ay magsimulang magkaepekto sa mga manggugulo.
Dumating ang panahon na dahil sa mga suliranin sa kalusugan ay kinailangan ang pagbabago. Kaya sa kalagitnaan ng dekada ng 1970, may kagandahang-loob na ako’y inatasan ng Samahan na maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa isang lugar sa timugang California na kung saan ang mga kongregasyon ay lapít-lapít at maraming pasilidad sa pangangalaga sa kalusugan. Samantalang ang mga tungkulin ng tagapangasiwa ng distrito ay nangangailangan ng higit na paglalakbay at pangangalaga at pangangasiwa sa maraming sirkito, sa mga tungkulin naman ng tagapangasiwa ng sirkito ay kasali ang pagsasaayos ng mga asambleang pansirkito at pag-aatas at pag-eensayo ng mga bahagi sa programa. Bukod dito, mga Pioneer Service School ang kailangang isaayos at paglingkuran. Kaya ang gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa, maging pandistrito o pansirkito, ay isang buong-panahon, na may kagantihang paraan ng pamumuhay.
Hinihintay Pa Rin ang Araw ni Jehova
Buhat sa aking pinakamaagang natatandaan mahigit na 70 taon na ngayon ang nakalipas, sa tuwina’y nakadarama ako ng pagkaapurahan. Sa aking kaisipan, ang Armagedon sa tuwina ay darating sa makalawa. (Apocalipsis 16:14, 16) Tulad ng aking ama, at ng kaniyang ama na nauna sa kaniya, ako’y namuhay na gaya ng ipinayo ng apostol: “Laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Sa tuwina’y minamalas ko ang ipinangakong bagong sanlibutan bilang isang ‘katunayan bagaman hindi nakikita.’—2 Pedro 3:11, 12; Hebreo 11:1.
Ang pag-asang ito na itinuro sa akin mula pa sa pagkasanggol ko ay malapit na malapit nang matupad. “Ang baka at ang oso ay manginginain,” “ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka,” at “isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila.” (Isaias 11:6-9) Ang ganiyang nakagagalak-pusong mga pangako ay tinitiyak ng mga salita ni Jehova kay Juan sa Apocalipsis 21:5: “Ang Isang nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”