Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 7/15 p. 12-17
  • Palugdan si Jehova sa Pagpapakita ng Kabaitan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Palugdan si Jehova sa Pagpapakita ng Kabaitan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Kabaitan
  • Iwasan ang Maling Kabaitan
  • Ang Kabaitan ay Kaugnay ng Pag-ibig
  • Gantimpala ng Kabaitan
  • Pasalamatan ang Di-Sana-Nararapat na Kagandahang-Loob ng Diyos
  • Dapat Ibigin ng Bayan ng Diyos ang Kabaitan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Di-sana-nararapat na Kabaitan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pagtataguyod ng Kabaitan sa Isang Malupit na Sanlibutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kabaitan—Katangiang Ipinakikita sa Salita at sa Gawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 7/15 p. 12-17

Palugdan si Jehova sa Pagpapakita ng Kabaitan

“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”​—MIKAS 6:8.

1. Bakit hindi natin dapat pagtakhan na si Jehova ay umaasang magpapakita ng kabaitan ang kaniyang bayan?

SI Jehova ay umaasang magpapakita ng kabaitan ang kaniyang bayan. Ito’y hindi natin dapat pagtakhan. Ang Diyos mismo ay may kabaitan sa lahat, maging sa mga taong balakyot na hindi nagpapasalamat. Sa bagay na ito sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti at pautangin ninyo sila nang walang patubo, na hindi umaasang gagantihin kayo ng anuman; at malaki ang sa inyo’y magiging ganti, at kayo’y magiging anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya’y magandang-loob sa mga walang utang na loob at balakyot. Patuloy na maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain.”​—Lucas 6:35, 36.

2. Anu-anong mga tanong tungkol sa kabaitan ang nararapat nating isaalang-alang?

2 Gaya ng sinasabi ng Mikas 6:8, ang mga lumalakad na kasama ng Diyos ay kailangang aktuwal na “ibigin ang kabaitan.” Maliwanag, nalulugod si Jehova pagka ang kaniyang mga lingkod ay umiibig sa kabaitan at ipinakikita ito sa isang taus-pusong paraan. Subalit ano ba ang kabaitan? Ano ang mga pakinabang na resulta ng pagpapakita nito? At papaano maipakikita ang katangiang ito?

Kung Ano ang Kabaitan

3. Ano ang kabaitan?

3 Ang kabaitan ay katangian ng pagkakaroon ng isang masigasig na interes sa iba. Ito’y ipinakikita sa pamamagitan ng mga gawang pagtulong at makonsiderasyong mga salita. Ang pagiging mabait ay nangangahulugan ng paggawa ng mabuti imbes na paggawa ng anumang nakapipinsala. Ang isang taong mabait ay palakaibigan, malumanay, madamayin, at magiliw. Siya’y bukas-palad, makonsiderasyon sa iba. At ang kabaitan ay bahagi ng pinaka-káyo ng makasagisag na kasuotan ng bawat tunay na Kristiyano, sapagkat ipinayo ni Pablo: “Magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kahinahunan, at pagtitiis.”​—Colosas 3:12.

4. Papaano nanguna si Jehova sa pagpapakita ng kabaitan sa sangkatauhan?

4 Si Jehova ay nangunguna sa pagpapakita ng kabaitan. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, iyon ay “nang mahayag ang kagandahang-loob at ang pag-ibig sa tao ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,” na “ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo sa pamamagitan ng paglilinis sa atin na naghatid sa atin sa buhay at sa pamamagitan ng pagbabago na ginawa sa atin ng banal na espiritu.” (Tito 3:4, 5) Ang Diyos ang naglilinis, o ‘nagpapaligo,’ sa pinahirang mga Kristiyano sa dugo ni Jesus, na ginagamit ang bisa ng haing pantubos ni Kristo alang-alang sa kanila. Sila’y ginagawa ring bago sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagiging “isang bagong nilalang” bilang mga anak ng Diyos na inianak sa espiritu. (2 Corinto 5:17) Mangyari pa, ang kabaitan ng Diyos at pag-ibig sa tao ay pinalalawak hanggang sa isang pambuong-daigdig na “malaking pulutong,” na “naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 14; 1 Juan 2:1, 2) Bukod dito, ang mga pinahiran at ang malaking pulutong, na may makalupang pag-asa, ay pawang nasa ilalim ng “magaang” na pamatok ni Jesus.​—Mateo 11:30.

5. Bakit ating aasahan na yaong mga inaakay ng espiritu ng Diyos ay magpapakita sa iba ng kabaitan?

5 Ang kabaitan ay bahagi rin ng bunga ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sinabi ni Pablo: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa ganiyang mga bagay ay walang kautusan.” (Galacia 5:22, 23) Kaya, ano ang dapat nating asahan sa mga inaakay ng espiritu ng Diyos? Tunay, sila’y magpapakita sa iba ng kabaitan.

6. Ang kabaitan ang dapat magtulak sa matatanda at sa iba pang mga Kristiyano na kumilos sa anong paraan?

6 Ang kabaitan ay maipakikita sa maraming paraan. Tayo’y nagpapakita ng kabaitan kung tayo’y maawain. Halimbawa, ang mga Kristiyanong matatanda ay mabait pagka sila’y nagpapakita ng awa sa isang nagsising nagkasala at nagsisikap na tulungan siya sa espirituwal. Ang bigay-Diyos na katangian ng kabaitan ay tumutulong upang ang mga tagapangasiwa ay gawing matiisin, makonsiderasyon, mahabagin, at malumanay. Ito’y nagpapakilos sa kanila na “makitungo sa kawan nang malumanay.” (Gawa 20:28, 29) Sa katunayan, ang bunga ng espiritu na kabaitan ay dapat magtulak sa lahat ng Kristiyano na maging maawain, matiisin, makonsiderasyon, mahabagin, palakaibigan, at mapagpatuloy.

Iwasan ang Maling Kabaitan

7. Bakit mo masasabing ang maling kabaitan ay kahinaan?

7 Ang kabaitan ay minamalas ng mga ibang tao na kahinaan. Kanilang inaakala na ang isang tao ay kailangang may katigasan, magaspang, paminsan-minsan, upang ang iba ay humanga sa kaniyang lakas. Subalit mainam ang pagkasabi na “ang kagaspangan ay isang mahinang imitasyon ng lakas ng isang tao.” Sa aktuwal, nangangailangan ng tunay na kalakasan kapuwa upang maging tunay na mabait at maiwasan ang maling kabaitan. Ang kabaitan na bunga ng espiritu ng Diyos ay hindi mahina, na nagkokompromiso sa masamang asal. Bagkus, ang maling kabaitan ay isang kahinaan na nag-uudyok sa isa na magkibit-balikat sa gawang masama.

8. (a) Kung tungkol sa kaniyang mga anak, papaano napatunayan na si Eli ay maluwag sa disiplina? (b) Bakit kailangang ang matatanda ay mag-ingat laban sa pagpapadala sa maling kabaitan?

8 Ang mataas na saserdote ng Israel na si Eli ay maluwag sa pagdisiplina sa kaniyang mga anak, na sina Hophni at Phinehas, na gumanap ng tungkulin bilang mga saserdote sa tabernakulo. Palibhasa’y hindi nakuntento sa bahagi ng isang hain na iniatas sa kanila ng Kautusan ng Diyos, kanilang inuutusan ang isang bataan na humingi ng hilaw na karne sa isang naghahandog niyaon bago ang taba ng handog ay sunugin sa dambana. Ang mga anak ni Eli ay nagkaroon din ng imoral na pakikipagtalik sa mga babaing naglilingkod sa pasukan ng tabernakulo. Sa halip na paalisin si Hophni at si Phinehas sa kanilang tungkulin, ang ginawa lamang ni Eli ay bahagyang kinagalitan sila, anupa’t pinararangalan ang kaniyang mga anak nang higit kaysa Diyos. (1 Samuel 2:12-29) Hindi kataka-taka na “ang salita na galing kay Jehova ay naging madalang noong mga araw na iyon”! (1 Samuel 3:1) Kaya naman ang mga Kristiyanong matatanda ay hindi dapat padala sa maling pangangatuwiran o sa pagpapakita ng maling kabaitan na maaaring magsapanganib sa espirituwalidad ng isang kongregasyon. Ang tunay na kabaitan ay hindi bulag sa masasamang salita at gawa na labag sa mga pamantayan ng Diyos.

9. (a) Anong saloobin ang makatutulong sa atin na umiwas sa pagpapadala sa maling kabaitan? (b) Papaano nagpakita si Jesus ng lakas may kaugnayan sa apostatang mga relihiyonista?

9 Kung nais nating maiwasan ang pagpapakita ng maling kabaitan, tayo’y manalangin upang humingi ng tulong sa Diyos upang magkaroon ng gayong lakas na makikita sa mga salita ng salmista: “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan, upang aking masunod ang mga utos ng aking Diyos.” (Awit 119:115) Kailangan ding tularan natin ang halimbawa ni Jesu-Kristo, na kailanman ay hindi nagkasala ng pagpapakita ng maling kabaitan. Sa katunayan, si Jesus ang mismong huwaran ng tunay na kabaitan. Halimbawa, ‘siya’y nahabag sa mga tao sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.’ Sa gayon, ang tapat-pusong mga tao ay nakadama ng kalayaan na lumapit kay Jesus, anupa’t pati kanilang maliliit na mga anak ay dinala nila sa kaniya. At gunigunihin ang kabaitan at pagkamahabagin na kaniyang ipinakita nang “kaniyang kalungin sa kaniyang mga bisig ang mga bata at sinimulang basbasan sila”! (Mateo 9:36; Marcos 10:13-16) Bagaman si Jesus ay mabait, gayunman ay matatag siya sa pagtataguyod ng matuwid sa paningin ng kaniyang makalangit na Ama. Kailanman ay hindi ipinagkibit-balikat ni Jesus ang masama; taglay niya ang bigay-Diyos na lakas na pagwikaan ang mapagpaimbabaw na mga pinunong relihiyoso. Sa Mateo 23:13-26, kung ilang beses na inulit-ulit niya ang pagsasabi: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!” Sa tuwina, si Jesus ay nagbigay ng dahilan ng banal na paghatol.

Ang Kabaitan ay Kaugnay ng Pag-ibig

10. Papaanong nagpapakita ng kabaitan at pag-ibig sa mga kapuwa mananampalataya ang mga alagad ni Jesus?

10 Tungkol sa kaniyang mga tagasunod, sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) At ano ang isang katangian ng pag-ibig na nagpapakilala sa tunay na mga alagad ni Jesus? Sinabi ni Pablo: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob.” (1 Corinto 13:4) Ang pagiging matiisin at magandang-loob ay nangangahulugan na ating pinagbibigyan ang mga di-kasakdalan at mga kahinaan ng iba, gaya ng buong kagandahang-loob na ginagawa ni Jehova. (Awit 103:10-14; Roma 2:4; 2 Pedro 3:9, 15) Ang pag-ibig at kabaitang Kristiyano ay makikita pagka ang mga kapuwa mananampalataya ay dumaranas ng kahirapan saanmang lugar sa lupa. Tumutugon na taglay ang higit pa kaysa “makataong kabaitan,” ang mga Kristiyano sa lahat ng lugar ay nagpapakita ng pag-iibigang pangkapatiran sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng materyal na mga bagay upang tulungan ang gayong mga sumasamba kay Jehova.​—Gawa 28:2.

11. Ayon sa Kasulatan, ano ba ang kagandahang-loob?

11 Ang kabaitan ay kaugnay ng pag-ibig sa salitang “loving-kindness” (isinaling kagandahang-loob), na malimit ginagamit sa Kasulatan. Ito ay kabaitan na nagmumula sa tapat na pag-ibig. Ang pangngalang Hebreo na isinaling “kagandahang-loob” (cheʹsedh) ay higit pa ang kahulugan kaysa malumanay na pagpapahalaga. Ito ay kabaitan na mapagmahal na ipinakikita sa isang bagay hanggang sa ang layunin nito may kaugnayan doon ay matupad. Ang kagandahang-loob, o tapat na pag-ibig ni Jehova, ay ipinakikita sa sarisaring paraan. Halimbawa, ito ay ipinakikita sa kaniyang mga gawang pagliligtas at pagbibigay ng proteksiyon.​—Awit 6:4; 40:11; 143:12.

12. Pagka ang mga lingkod ni Jehova ay nananalangin para humingi ng tulong o kaligtasan, ano ang matitiyak nila?

12 Hindi katakataka na sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Jehova ay naaakit sa kaniya ang mga tao! (Jeremias 31:3) Pagka ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nangangailangan ng kaligtasan o tulong, batid nila na ang kaniyang kagandahang-loob ay tunay ngang tapat na pag-ibig, na hindi nagkukulang ng pagtulong sa kanila. Sa gayon, sila’y makapananalangin nang may pananampalataya, tulad ng salmista na nagsabi: “Sa ganang akin, ako’y tumiwala sa iyong kagandahang-loob; magalak ang aking puso sa iyong pagliligtas.” (Awit 13:5) Yamang ang pag-ibig ng Diyos ay tapat, hindi sa walang kabuluhan nagtitiwala sa kaniyang kagandahang-loob ang kaniyang mga lingkod. Pagka sila’y nananalangin ng paghingi ng tulong o kaligtasan, sila’y may ganitong kasiguruhan: “Hindi itatakuwil ni Jehova ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.”​—Awit 94:14.

Gantimpala ng Kabaitan

13, 14. Bakit ang isang taong mabait ay may tapat na mga kaibigan?

13 Bilang pagtulad kay Jehova, ang kaniyang mga lingkod ay “nagpapakita sa isa’t isa ng kagandahang-loob at kaawaan.” (Zacarias 7:9; Efeso 5:1) “Ang kanais-nais na bagay sa makalupang tao ay ang kaniyang kagandahang-loob,” at ang isang taong nagpapakita ng katangiang ito ay umaani ng saganang mga gantimpala. (Kawikaan 19:22) Ano ang ilan sa mga ito?

14 Ang kabaitan ay tumutulong sa atin na maging mataktika at sa gayo’y makapananatiling may mabuting kaugnayan sa iba. Ang isang taong mataktika ay nagsasalita at gumagawa ng mga bagay-bagay o humaharap sa mahihirap na mga kalagayan sa mga kaparaanang makonsiderasyon at di-nakasasakit. Samantalang ang isang “taong malupit” ay dumaranas ng pagtatakuwil, “ang isang taong may kagandahang-loob ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.” (Kawikaan 11:17) Ang mga tao ay iiwas sa isang taong malupit ngunit naaakit sa isa na nagpapakita sa kanila ng kagandahang-loob. Sa gayon, ang isang taong mabait ay may tapat na mga kaibigan.​—Kawikaan 18:24.

15. Ano ang maaaring maging epekto ng kabaitan sa isang sambahayan na nababahagi sa relihiyon?

15 Ang isang babaing Kristiyano na may di-sumasampalatayang asawa ay makaaakit sa kaniya sa katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng katangian na gaya ng kabaitan. Bago niya natutuhan ang katotohanan at nagbihis “ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan,” marahil siya ay kulang ng kabaitan, mahilig makipagtalo. (Efeso 4:24) Kung ang kaniyang asawa’y may kaalaman sa ilang kawikaan, baka ito’y sumang-ayon na “ang mga pakikipagtalo ng asawang babae ay mistulang isang tumutulong bubong na nilalayuan” at “lalong maigi ang tumahan sa lupaing ilang kaysa makisama sa palatalo at magagaliting asawang babae.” (Kawikaan 19:13; 21:19) Subalit ngayon ang malinis na kapurihan ng Kristiyanong asawang babae at taimtim na paggalang, kasama na ang mga katangian na gaya ng kabaitan, ay maaaring makatulong upang maakit sa tunay na pananampalataya ang kaniyang kabiyak. (1 Pedro 3:1, 2) Oo, ito ay maaaring isang kagantihan sa kaniyang kabaitan.

16. Papaano maaaring tayo’y makinabang sa kabaitan na ipinakita sa atin?

16 Ang kabaitang ipinakita sa atin ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa bagay na tayo’y ginagawa nito na lalong mahabagin at mapagpatawad. Halimbawa, kung tayo’y nangangailangan ng espirituwal na tulong at pinakitunguhan tayo nang may kabaitan at kahinahunan, hindi ba tutulungan tayo niyan na makitungo sa iba sa nakakatulad na paraan? Bueno, ang may kabaitan at kahinahunan na pakikitungo ay maaasahan natin sa mga lalaking may espirituwal na mga kuwalipikasyon, sapagkat sumulat si Pablo: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” (Galacia 6:1) Ang hinirang na matatanda ay nagsasalita nang mahinahon at may kabaitan pagka kanilang sinisikap na matulungan ang nagkamaling mga kapananampalataya. Gayunman, tayo man ay personal na nakatanggap o hindi man nakatanggap ng gayong may kabaitang tulong, ano ba ang inaasahan ng Diyos sa lahat ng mga naglilingkod sa kaniya? Lahat ng Kristiyano ay nararapat na magpakita ng kabaitan sa iba at sundin ang payo ni Pablo: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa gaya ng saganang pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.” (Efeso 4:32) Mangyari pa, kung tayo’y pinatawad ng sinuman o natulungan tayo sa isang may kabaitang paraan upang makaahon sa isang suliranin tungkol sa espirituwalidad, ito’y dapat magpalawak sa ating kakayahan na magpatawad, mahabag, at magpakita ng kabaitan.

Pasalamatan ang Di-Sana-Nararapat na Kagandahang-Loob ng Diyos

17. Yamang tayo’y mga makasalanan mula pa sa pagsilang, anong kagandahang-loob ang lalong higit na dapat nating ipagpasalamat?

17 Yamang lahat tayo ay isinilang na mga makasalanan na hinatulan ng kamatayan, may isang kabaitan na lalong higit na kailangang pasalamatan natin. Ito ay ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos na Jehova. Ang paglaya ng mga makasalanan sa hatol na kamatayan at pag-aaring matuwid sa kanila ay kagandahang-loob na talagang di-sana-nararapat. Si Pablo, na bumanggit sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos nang 90 ulit sa kaniyang 14 na kinasihang mga liham, ay nagsabi sa mga Kristiyano sa sinaunang Roma: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos, at isang kaloob na walang bayad ang pag-aaring matuwid sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na awa na dumating dahil sa katubusan na binayaran ng pantubos ni Kristo Jesus.” (Roma 3:23, 24) Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat dahil sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob na ipinakita ng Diyos na Jehova!

18, 19. Papaano natin maiiwasan na sayangin ang layunin ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos?

18 Sa hindi pagpapasalamat, baka ating sayangin lamang ang layunin ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos. Sa bagay na ito, sinabi ni Pablo: “Tayo nga ay mga embahador na kumakatawan kay Kristo, na para bang ang Diyos ang namamanhik sa pamamagitan natin. Bilang mga kumakatawan kay Kristo ay nakikiusap kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’ Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin, upang tayo’y maging katuwiran ng Diyos sa pamamagitan niya. Yamang kasama niyang gumagawa, ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos upang sayangin lamang. Sapagkat kaniyang sinasabi [sa Isaias 49:8, Septuagint]: ‘Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita.’ Narito! Ngayon ang lalo nang kalugud-lugod na panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan. Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo; kundi sa lahat ng paraan ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos.” (2 Corinto 5:20–​6:4) Ano ba ang nasa isip ni Pablo?

19 Ang pinahirang mga Kristiyano ay mga embahador na kumakatawan kay Kristo, at ang malaking pulutong ay kaniyang mga sugo. Magkasamang hinihimok nila ang mga tao na makipagkasundo sa Diyos upang magkamit ng kaligtasan. Ayaw ni Pablo na sinuman ay tumanggap sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at sayangin lamang ang layunin niyaon. Ganiyan nga ang mangyayari sa atin kung hindi natin gagawin ang gawain na dahil sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ay may kakayahan tayo na gawin. Yamang tayo’y may mabuting kaugnayan sa Diyos na tulad ng mga nakipagkasundo sa kaniya, hindi natin wawaling-kabuluhan ang kaniyang di-sana-nararapat na kagandahang-loob kung ating gaganapin “ang ministeryo ng pakikipagkasundo, samakatuwid nga, na sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili.” (2 Corinto 5:18, 19) Atin ding magagawan ang iba ng pinakadakilang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makipagkasundo sa Diyos.

20. Ano ang sumunod na susuriin natin?

20 Ginagamit ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang panahon at mga ari-arian sa mga gawang kabaitan pagka kanilang sinisikap na bigyan ang mga tao ng espirituwal na tulong sa pamamagitan ng ministeryong Kristiyano. Ngunit ano ba ang matututuhan natin buhat sa mga halimbawa sa Kasulatan ng kabaitan na may kasamang gawa? Ang sumunod na susuriin natin ay ang ilan sa mga ito at isasaalang-alang ang iba pang mga paraan upang palugdan si Jehova sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Ano ba ang kabaitan?

◻ Papaano natin maiiwasan ang pagpapadala sa maling kabaitan?

◻ Bakit ang bayan ni Jehova ay makapagtitiwala sa kaniyang kagandahang-loob?

◻ Ano ang ilan sa mga kagantihan na dulot ng kabaitan?

◻ Sa paggawa ng ano hindi natin sasayangin ang layunin ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos?

[Larawan sa pahina 13]

Sa pamamagitan ng kabaitan ang Kristiyanong matatanda ay nagiging matiisin, makonsiderasyon, at mahabagin

[Larawan sa pahina 15]

Ang kabaitan ng isang asawang babaing Kristiyano ay maaaring makatulong upang maakit ang kaniyang kabiyak sa tunay na pananampalataya

[Larawan sa pahina 17]

Magagawan natin ang iba ng pinakamalaking kabaitan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makipagkasundo sa Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share