Ang Kalusugan at Kaligayahan—Papaano Mo Masusumpungan ang mga Ito?
MALAON nang kinikilala ng tao ang kaugnayan ng kalusugan sa kaligayahan. Si Hippocrates, inaakalang “ang ama ng medisina,” ay nagsabi: “Ang isang taong pantas ay dapat magsaalang-alang na ang kalusugan ang pinakadakilang pagpapala sa tao.” Ang pilosopong Aleman na si Arthur Schopenhauer ay nagsabi: “Ang dalawang kaaway ng kaligayahan ng tao ay kirot at pagkabagot.”
Sa aklat na Anatomy of an Illness as Perceived by the Patient, si Norman Cousins ay naglahad ng kaniyang karanasan sa paggamit ng pagtatawa upang bakahin ang kaniyang sakit na posibleng pumutì ng kaniyang buhay. Ang kaniyang paggaling ay kaniyang itinuturing na utang ang isang bahagi sa todo-todong pagtatawa na kaniyang naranasan samantalang nanonood ng mga nakatutuwang pelikula. Kilalang mga doktor ang nagsimulang magsuri ng posibleng kapakinabangan sa ilang kemikal, na tinatawag na endorphins, na nanggagaling sa katawan pagka tayo’y nagtatawa. Sa gayo’y mapapansin natin ang karunungan sa kinasihang kawikaan na: “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan.”—Kawikaan 17:22.
Gayunman, balintunang masasabi, na natuklasan ng mga mananaliksik na ang mabuting kalusugan ay hindi laging garantiya ng kaligayahan, sapagkat maraming malulusog na tao ang hindi maligaya. Ang pagsasaliksik na ibinatay sa mga pagtatanong at pakikipagpanayam sa mahigit na 100,000 katao ang umakay kay Jonathan Freedman sa di-inaasahang konklusyon na mahigit na 50 porsiyento na mga taong di-maliligaya sa kanilang buhay ang may katamtamang kalusugan.
Ang Kalusugan at Kaligayahan—Sa Maikli
Saan, kung gayon, tayo magmamasid para sa mahirap makitang kombinasyon ng kalusugan at kaligayahan? Isang kapana-panabik na pang-unawa ang ibinigay ni Confucio daan-daang taon na ngayon ang nakaraan: “Masasabing may mabuting pamahalaan pagka yaong mga malalapit ay maligaya, at yaong malalayo ay naaakit.” Malapit na sa kapanahunan natin, nang ang estadistang si Thomas Jefferson ay magpahayag na ang tanging layunin ng pamahalaan ay “makamit ang pinakadakilang antas ng kaligayahan na posibleng kamtin ng lubhang karamihan ng mga nabubuhay sa ilalim niyaon.”
Sa katunayan, ang taimtim na pagsusuri ay nagsisiwalat na ang lubos na kasagutan sa paghahanap ng tao ng kalusugan at kaligayahan ay tunay ngang nakatutok sa isang bagay—ang pamahalaan.
Sa mahabang panahon, diyan nakatingin ang mga tao—sa pamahalaan—ukol sa kanilang kaligayahan. Halimbawa, ang Deklarasyon ng Kasarinlan ng Estados Unidos ay may ganitong tanyag na mga salita: “Aming kinikilala ang mga katotohanang ito na nagpapatotoo sa ganang sarili, na lahat ng tao ay nilalang na magkakapantay, na sila’y pinagkalooban ng kanilang Maylikha ng ilang Karapatan na hindi maililipat sa iba, na kabilang dito ang Buhay, Kalayaan at ang pagtatamo ng Kaligayahan.” Pansinin na ang pamahalaan na nasa isip ng mga sumulat ng Deklarasyon ay nangako sa kaniyang mga sakop ng karapatan lamang na maghangad ng kaligayahan. Kung kalusugan ang pag-uusapan, maraming pamahalaan ang kapuri-puri sa pagtataguyod ng mga palatuntunan na magpapasulong ng kalusugan ng kaniyang mga mamamayan. Sa kabila nito, ang pangkalahatang mabuting kalusugan para sa karamihan ay napatunayang mahirap makamtan.
Gayunman, kumusta naman ang isang pamahalaan na nangangakong magbibigay ng higit pa? Ano kung ipinangangako nito hindi lamang ang paghahangad ng kaligayahan kundi ang kaligayahan mismo? At ano kung ito’y nangangako, hindi lamang ng seguro para sa kalusugan, kundi mabuting kalusugan mismo? Hindi ka ba matutuwa na dito nakasalalay ang ultimong susi sa paghahanap ng tao ng kalusugan at kaligayahan?
Marami sa ngayon ang marahil mag-aakala na ito ay isang pangarap na malayong matupad, subalit ang ganiyang pamahalaan ay aktuwal na inihula at may ilang detalyeng nalalahad tungkol diyan. Ang mapanghahawakang impormasyon ay ating matatagpuan sa Banal na Bibliya, at ang pamahalaan ay ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos.
Ang Kaharian, o Pamahalaan, ng Diyos
“Ang kaharian ng Diyos” ay malimit na tinutukoy sa Bibliya. Ano nga ba ito? Sa Webster’s New World Dictionary of the American Language ay ibinibigay ang katuturan ng “kaharian” bilang “isang pamahalaan o bansa na pinangunguluhan ng isang hari o reyna.” Sa simpleng pangungusap, ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan, isang maharlikang gobyerno na pinangunguluhan ng pinahirang Anak at Hari ng Diyos, si Jesu-Kristo. Gaano nga ba kahalaga ang pamahalaang ito sa layunin ng Diyos? Hayaang ang mga salita ni Jesus ang sumagot: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian . . . Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa . . . Kailangang ipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ukol dito sinugo ako. . . . Ang kaharian ng Diyos ay ipinangangaral bilang mabuting balita, at bawat uri ng tao ay nagpupumilit na sumulong patungo roon.”—Mateo 6:33; 24:14; Lucas 4:43; 16:16.
Ang salitang “kaharian” ay ginagamit nang mahigit na sandaáng ulit sa Ebanghelyo sa paglalahad ng buhay ni Jesus, kung minsan ay totoong espesipiko may kaugnayan sa kalusugan at kaligayahan. Pansinin ang sinasabi ng Mateo 9:35: “Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian at pinagagaling ang sari-saring sakit at sari-saring karamdaman.” Bagaman ang pagdadala ng mabuting kalusugan ay iniugnay ni Jesus sa kaniyang pagtuturo tungkol sa Kaharian, pansinin natin na ang pagpapagaling niya ng mga sakit ay pangalawa lamang sa kaniyang pangangaral at pagtuturo. Siya’y nakilala bilang “Ang Guro,” hindi “Ang Manggagamot.” (Mateo 26:18; Marcos 14:14; Juan 1:38) Hindi ang pagpapagaling ng mga tao o pag-aalaga sa mga maysakit ang pangunahing pinag-ukulan niya ng pansin. Ang kaniyang pinagkakaabalahan ay laging ang Kaharian. Sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa mga taong may-sakit, kaniyang ipinakita ang kaniyang dakilang kaawaan at ipinakilalang siya’y tinatangkilik ng Diyos.
Ang pagpapagaling na ginawa ni Jesus ay nagsisilbi ring isang pangitain ng pagsasauli ng kalusugan sa tao na kaniyang isasagawa pagka ang Kaharian ng Diyos ay lubusang sumakop na sa lupa. Ito ay pinagtitibay ng pangitain na inilalahad sa Apocalipsis 22:1, 2: “Sa akin ay ipinakita niya ang isang ilog ng tubig ng buhay, sinlinaw ng kristal, na umaagos buhat sa trono ng Diyos at ng Kordero patungo sa gitna ng maluwang na lansangan. At sa dako rito ng ilog at sa kabilang ibayo ay naroon ang mga punungkahoy ng buhay na namumunga sa labindalawang pag-aani, nagbubunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng punungkahoy ay pampagaling sa mga bansa.”
Subalit saan natin maaaring tamasahin ito? Baka waring napakabuti nito upang magkatotoo at asahan ang gayong kagila-gilalas na pagpapagaling na maganap dito sa lupa. Gayunman, alalahanin ang mga salita ni Jesus na marahil ikaw mismo ay bumigkas sa pananalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Samakatuwid, sa pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, naroon ang dako ng ating tunay, ating mapanghahawakang pag-asa ukol sa kalusugan at kaligayahan sa hinaharap. Ngayon, mayroon pa tayong isang katanungan.
Maaari ba Nating Tamasahin ang Kalusugan at Kaligayahan Ngayon?
Kahit na ngayon, ang pagsunod natin sa mga simulain ng Bibliya ang maaaring magpangyari na tayo’y magtamasa ng lalong higit na kalusugan, taglay ang lalong malaking kaligayahan. Gaya ng malimit na banggitin sa mga pahina ng magasing ito, ang mga taong nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang araw-araw na pamumuhay ay kadalasan nakaiiwas sa mga suliranin ng kalusugan na bunga ng seksuwal na imoralidad, paninigarilyo, labis na pag-inom, at pag-aabuso sa droga. Kanila na ring nararanasan ang pakinabang na dulot ng isang tahimik na buhay at ng lalong mabuting relasyon sa mga kamag-anak at sa iba pa.
Ngayon, nakita na natin na ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan ay hindi laging nagbubunga ng walang-hanggang kaligayahan. Ano ba ang kailangan upang ikaw ay magtamasa ng lalong higit na kaligayahan?
Sa isang pagsasaliksik na binanggit na sa bandang una, ang tanong na iyan ay lubusang isinaalang-alang ni Jonathan Freedman. Kaniyang minasdan ang mga salik na gaya ng “Pag-ibig at Sekso,” “Kabataan at Edad,” “Kita at Edukasyon,” at maging “Bayan at Bansa.” Marahil ay interesado kang malaman na kaniyang natuklasang ang mga salik na ito ay walang gaanong epekto sa pangunahing kaligayahan ng isang tao. Halimbawa, pagkatapos banggitin ang halimbawa ng mga tao na napakaraming materyal na mga ari-arian ngunit hindi pa rin maligaya, siya’y nagtapos sa pagsasabing: “Nakita na natin na bagaman kataka-taka, ang kita o edukasyon man ay waring hindi gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa kaligayahan.”
Ang kaniyang mga konklusyon ay kababanaagan ng kaisipan ng isang pantas na manunulat ng Bibliya, si apostol Pablo, na nagsabi: “Natutuhan ko, sa anumang kalagayan ako naroroon, na maging kontento.” (Filipos 4:11, King James Version) Gayundin, alalahanin ang mga salita ni Jesus: “Kayo’y manatiling gising at mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao, ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay ng pag-aari niya.”—Lucas 12:15.
Tunay, ganito ang natuklasan ni Propesor Freedman: “Ulit at ulit, sa pagmamasid natin sa mga pangungusap ng mga taong malulungkutin na mayroon ng lahat ng bagay kung titingnan, ating makikitang sila’y nagsasabing ang kanilang buhay ay kulang ng kahulugan at patnubay.” Kaniyang isinusog: “Ako’y nag-aatubiling magsalita nang labis tungkol dito, ngunit waring lumalabas na ang espirituwal na mga bagay ang umiimpluwensiya ukol sa ikabubuti ng pagkakilala ng isa tungkol sa totohanang mga bagay, samantalang ang kakulangan ng mga ito sa anumang paraan ang lumalason o nakasisira sa ano pa man.”
Sa ating kaarawan nakikita natin ang katunayan ng mga nasaksihan nating ito. Magmasid ka sa palibot mo. Hindi mo ba nakikita na halos lahat ng tao—ang iba’y mahihirap, ang iba’y mayayaman—ay naghahabol ng kaligayahan ngunit hindi nagtatamasa ng malaking kaligayahan? Totoo, ang iba’y suko na at walang imik na tinatanggap ang kanilang abang kalagayan, subalit marami ang namumuhay na parang tumatapak sa isang treadmill, mistulang may hinahabol ngunit hindi nila abut-abutan, ang kanilang hinahabol. Ang iba’y nagsisipag-asawa upang lumigaya, kahit na ang kanilang kapitbahay ay humihiwalay naman sa asawa para sa gayunding kadahilanan. Ang iba ay nanlulupaypay ang pangangatawan o napapaharap sa mga suliranin ng emosyon dahil sa trabaho, samantalang ang iba naman ay nagsisialis sa kanilang mga trabaho para sa matagal at marahil magastos na mga bakasyon. Lahat ay naghahangad na marating ang isang tunguhin na mahirap makamit, ang maging malusog at maligaya. Kanila bang masusumpungan ito? Iyo bang nasumpungan na ito?
Ang Iyong Kalusugan, ang Iyong Kaligayahan
Ang totoo ay, maaari kang magtamo ng malaking kalusugan at kaligayahan ngayon. Sa papaano?
Tunay na matalinong sikapin mo na pangalagaan ang iyong kalusugan sa timbang na paraan, tulad ng pagkakapit ng praktikal na payo ng Bibliya. Tutulong din iyon na maging makatotohanan. Kasali na riyan ang pagkilala na ang ating di-sakdal na pangangatawan ay maaaring dapuan ng sakit, ngunit hindi tayo madaraig niyan pagka sumapit na. Ito’y maaaring mangailangan ng higit na pagsisikap na makapanatiling may magandang pag-asa samantalang nakatutok ang ating pansin sa pangakong sakdal na kalusugan sa bagong sanlibutan na darating.
Upang alamin kung ikaw ay may makatuwirang antas ng kaligayahan ngayon, tanungin mo ang iyong sarili: 1. Nagagawa ko bang pangasiwaan ang aking sariling buhay? 2. Ako ba ay tunay na may kapayapaan sa aking sarili at sa mga taong nakapalibot sa akin? 3. Ako ba sa pangkaraniwan ay natutuwa sa mga nagawa ko sa buhay kung susuriin sa liwanag ng Bibliya? 4. Kami ba ng aking pamilya ay nasisiyahan sa aming paglilingkod sa Diyos?
Sa kalakhang bahagi, nasa atin ang pagpili. Marami sa atin ang maaaring may katamtamang kalusugan, at tayo’y makapamimili na maging maligaya rin. Subalit kailangang tayo’y may espirituwal na mga tunguhin at pagkatapos ay gumawa upang marating ang mga tunguhing iyan. Tandaan ang mga salita ni Jesus: “Kung saan naroroon ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong puso.” (Mateo 6:21) At tayo’y may salig-Bibliyang dahilan na asam-asamin ang lalo pang higit na kalusugan at kaligayahan sa ilalim ng sakdal na pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian. At sa panahong iyon tayo’y makapagkakamit ng lubos na kalusugan at kaligayahan.
[Larawan sa pahina 7]
Ang maliligayang tao ay nalulugod na ibahagi sa iba ang kanilang pag-asa ukol sa sakdal na kalusugan