Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 8/15 p. 13-18
  • Ang Saganang Kabutihan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Saganang Kabutihan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kabutihan ng Diyos
  • Kabutihan na Ipinakita sa Paglalang
  • Pagkahulog ng Tao at Pagsagip
  • Ang Kabutihan ng Diyos Ngayon
  • Ang Kahanga-hangang Lawak ng Kabutihan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Si Jehova—Ang Sukdulang Halimbawa ng Kabutihan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • “Napakabuti Niya!”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Kabutihan—Paano Mo Ito Maipapakita?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 8/15 p. 13-18

Ang Saganang Kabutihan ni Jehova

“Anong dakila ng iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa mga natatakot sa iyo!”​—AWIT 31:19.

1, 2. (a) Anong malawak na gawain ang ginawa ni Jehova sa isang takdang panahon sa malaon nang panahong lumipas? (b) Papaano inilarawan ni Jehova ang resulta ng kaniyang mga paglalang?

MAY panahon na ang Diyos ay nagsimulang lumalang ng ‘mga langit bilang kaniyang trono at ng lupa bilang tuntungan ng kaniyang paa.’ (Isaias 66:1) Ang kinasihang ulat ay hindi nagsisiwalat kung kailan ito naganap. Basta sinasabi: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Sa panahon ng paglalang, di-nahayag na milyun-milyong mga galaksi ang nangalikha, marami ang may libu-libong milyong bituin. Sa may panlabas na gilid ng isa sa gayong galaksi ay may maningning na bituin na iniikutan ng ilang maliliit-liit, na madidilim na mga planeta. Isa sa mga iyan ay tinawag na ang lupa. Kung ihahambing sa malalaki, sumisikat na mga bituin, ang lupa ay totoong maliit. Gayunman, ito ang nilayon ni Jehova na maging tuntungan ng kaniyang paa.

2 Sa gayo’y ibinaling ni Jehova sa planetang Lupa ang kaniyang kakayahan sa paglalang. “Ang panganay sa lahat ng nilalang” ay nasa kaniyang tabi bilang isang Dalubhasang Manggagawa samantalang ang maliit, madilim na masang ito ay dumaraan sa pagbabago sa loob ng anim na mahahabang “mga araw” ng paglalang. Sa salitang talinghaga, ito ay naging isang angkop na dakong-pahingahan ng mga paa ng Diyos. (Colosas 1:15; Exodo 20:11; Kawikaan 8:30) Dito nilayon ng Diyos na maglagay ng isang bagong anyo ng matalinong buhay: ang tao. Ang unang mag-asawa, na nilalang buhat sa mga elementong matatagpuan sa lupa, ay inilagay sa isang maganda, malaparaisong kapaligiran. (Genesis 1:26, 27; 2:7, 8) Napakasakdal, napakaganda, ang pangwakas na resulta ng natatanging paglalang na ito kung kaya’t isinisiwalat ng Bibliya ang nadama ng Diyos noong umaga​—na katapusang bahagi​—​ng ikaanim na araw ng paglalang: “Nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang ginawa at, narito! iyon ay napakabuti.”​—Genesis 1:31.

Ang Kabutihan ng Diyos

3. Anong mahalagang katangian ng Diyos ang nahahayag sa paglalang?

3 Libu-libong taon ang nakalipas, isang inapo ng unang mag-asawang iyan ang lumingon sa panahon ng paglalang at sumulat: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita magmula pa ng paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Oo, ang napakahusay na pagkalalang sa lupa at sa mga nilalang na naririto ay tunay na isang kagila-gilalas na kasasalaminan ng di-nakikitang mga katangian ng Diyos​—na ang isa na nga rito ay ang saganang kabutihan ng Diyos. Kung gayon, angkop na angkop nga na ibulalas ng Diyos na lahat ng kaniyang paglalang ay mabuti!​—Awit 31:19.

4, 5. Ano ba ang kabutihan?

4 Ang kabutihan ay ikaanim na bunga ng espiritu ng Diyos na inilarawan ni apostol Pablo sa Galacia 5:22. Ang naunang mga aralin sa magasing Bantayan ay tumalakay sa unang limang bunga ng espiritu, na ipinakikita ang kahalagahan nito sa pagpapaunlad ng isang may-gulang na pagkataong Kristiyano.a Anong halaga nga, na hindi natin kinalilimutan ang kabutihan! Angkop ngayon, na bigyan natin ng pansin ang katangiang ito.

5 Ano ba ang kabutihan? Ito ay ang katangian o kalagayan ng pagiging mabuti. Ito ay napakagaling na asal, kagalingan. Kung gayon, ito ay isang positibong katangian na nahahayag sa paggawa ng mabuti at na kapaki-pakinabang sa iba. Papaano natin maipakikita ang ganitong katangian na nagpapamahal sa atin sa iba? Sa simpleng pananalita, sa pamamagitan ng pagtulad kay Jehova. Kung gayon, bago tayo magpatuloy ng pagtalakay kung papaano tayo makapagpapakita ng kabutihan bilang indibiduwal na mga Kristiyano, suriin natin ang kabutihan na ipinakita ng ating maibiging Diyos, si Jehova, sa kaniyang paglalaan, at pakikitungo, sa sangkatauhan.

Kabutihan na Ipinakita sa Paglalang

6. Ano ang nag-udyok kay Jehova na lumalang ng iba pang matatalinong anyo ng buhay?

6 Ano ba ang nag-udyok sa ating makalangit na Ama unang-una upang ang kaniyang kasiyahan sa buhay ay ibahagi sa matalinong mga nilalang na nabubuhay? Si apostol Juan ang sumasagot sa tanong na iyan nang kaniyang sabihin: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Oo, ang walang-imbot na pag-ibig ang nagpakilos sa dakilang Bukal ng buhay upang lumalang ng iba pang mga anyo ng buhay, ang iba’y binigyan niya ng tahanan sa langit at ang iba nama’y ng tahanan sa lupa. Kung sa bagay, bahagya lamang ang alam natin tungkol sa kung ano ang hitsura ng langit o ng mga nilalang doon. Sila ay mga espiritu​—di-nakikita ng mga mata ng tao​—​at ang kanilang tahanan ay naroon sa dako ng mga espiritu. Subalit magmasid-masid ka sa palibot mo sa makalupang tahanan na inilaan ni Jehova para sa kaniyang mga anak na tao. At isaalang-alang din ang tao mismo. Kung magkagayon ay makikita mo ng iyong sariling mga mata ang mariing patotoo ng kabutihan ng Diyos.

7-9. Papaanong ang kabutihan ng Diyos ay nakikita sa paraan ng kaniyang pagkalalang sa lupa at sa tao na naririto?

7 Ang ating unang mga magulang ay binigyan ni Jehova ng buhay. Higit pa riyan, kaniyang pinapangyaring ang buhay ay maging lubhang kalugud-lugod, kasiya-siya. Bilang pagpapasimula, kaniyang nilalang ang kanilang tahanan, ang lupa, na umiikot, may isang antas ng temperatura, at atmospera na tamang-tama. Kaniyang pinagalaw ang mga siklo ng tubig, nitroheno, at oksiheno na gumaganang lubusan sa ikabubuti at ikagiginhawa ng mga tao. Ang ibabaw ng lupa ay kaniyang nilatagan ng mistulang alpombra ng libu-libong uri na mga pananim, ang iba’y upang lalung-lalo nang makalugod sa paningin ng tao. Ang himpapawid ay pinunô niya ng mga ibon na nagbibigay ng malaking kaluguran dahil sa kanilang mga kulay at mga pag-awit. Ang karagatan ay pinunô niya ng kawan-kawan na mga isda at ang lupa ay pinunô ng maraming uri ng mga hayop, ang iba’y maiilap at ang iba ay maaaring paamuin. Anong kagila-gilalas na pagkabukas-palad! At anong laking katunayan ng kabutihang-loob ng Diyos!​—Awit 104:24.

8 Ngayon, masdan mo ang paraan ng pagkagawa ng Diyos sa tao. Ang kaniyang mga bisig, paa, at mga kamay ang talagang kailangan upang siya’y makatayo nang timbang at makakilos nang may kaginhawahan. Sa gayon, buhat sa mga materyales na masusumpungang saganang-sagana sa lupa sa palibot niya, siya’y maaaring makakuha ng pagkain at iba pang mga pangangailangan para sa kaniyang sarili. Pinaglaanan siya ni Jehova ng mga sentido ng panlasa upang ang pagkain at pag-inom ay huwag maging katulad ng pagkilos ng makina upang makapagbigay ng enerhiya​—gaya ng pagkokonekta ng isang kagamitan sa isang saksakan ng koryente ngayon. Hindi, ang pagkain at pag-inom ay nilayon na maging kasiya-siya, yamang ito ay hindi lamang bumubusog sa tiyan kundi pinupukaw nito ang sentido ng panlasa. Ang tao’y binigyan din ni Jehova ng pandinig at sa palibot niya’y may sari-saring tunog na makalulugod sa mga pandinig na iyon. Anong laking kaluguran na makinig sa nakagiginhawang lagaslas ng isang umaagos na sapa, sa huni ng isang kalapati, o sa marahang halakhak ng isang sanggol! Oo, salamat sa kabutihan ng Diyos, sa kabila ng lahat ng kasamaang nangyari sapol noong panahon ng paglalang, isang kagalakan pa rin na ikaw ay maging buháy.

9 Pagmasdan mo rin ang ating ibang sentido. Kayrami ng sari-sari, nakalulugod na mga kulay na makasisiya sa ating paningin! At anong laking kasiyahan na langhapin ang mahinhing halimuyak ng isang bulaklak! Hindi nga kataka-takang ibulalas ng salmista kay Jehova: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa”!​—Awit 139:14.

Pagkahulog ng Tao at Pagsagip

10. Papaano tumugon sa kabutihan ng Diyos ang karamihan ng mga tao, gayunman papaano sila patuloy na nakikinabang dito?

10 Nakalulungkot, sa paglakad ng panahon ang ating unang mga magulang ay nagpakita ng kawalang-pagpapahalaga sa lahat ng kabutihan sa kanila ng Diyos. Kanilang ipinakita ito nang kanilang suwayin ang mga utos ni Jehova at labagin ang kaisa-isang pagbabawal na kaniyang iniutos. Bilang resulta, sila at ang kanilang supling ay dumanas ng kadalamhatian, pagdurusa, at kamatayan. (Genesis 2:16, 17; 3:16-19; Roma 5:12) Sa libu-libong taon na lumipas sapol nang gawang pagsuway na iyan, karamihan ng tao ay nagpakita ng pagwawalang-bahala o kawalan ng pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos. Gayunman, sa kabila nito ang mga taong di-marunong magpasalamat at walang pagpapahalaga ay patuloy na nakikinabang sa kabutihan ng Diyos. Sa papaano? Si apostol Pablo ay nagpaliwanag sa mga taga-Lystra sa Gitnang Silangan: “[Ang Diyos] ay hindi nagpabayang di-nagbigay-patotoo tungkol sa kaniyang sarili na gumawa nang mabuti, at nagbigay sa inyo ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupunong lubusan ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan.”​—Gawa 14:17.

11. Papaanong ang kabutihan ng Diyos ay higit pa sa paglalaan lamang ng kalugud-lugod na tahanan para sa tao?

11 Ngunit ang kabutihan ng Diyos ay hindi limitado sa patuloy na paglalaan ng nakalulugod, panustos-buhay na mga bagay na sagana rito sa lupa. Hindi, higit pa riyan ang kaniyang ginawa. Ipinakita ni Jehova na siya’y handang magpatawad ng mga kasalanan ng mga supling ni Adan at ipagpatuloy ang kaugnayan sa mga tapat na tao. Ang ganitong katangian ng kabutihan ng Diyos ay itinawag-pansin kay Moises nang mangako si Jehova na pangyayarihing ‘lahat ng kaniyang kabutihan ay dumaan sa harap [ni Moises].’ Pagkatapos ay narinig ni Moises ang pahayag na: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.”​—Exodo 33:19; 34:6, 7.

12. Anong mga bahagi ng Kautusang Mosaiko ang nagpapakita ng kabutihan ni Jehova?

12 Noong kaarawan ni Moises, si Jehova ay nagtatag ng isang sistema ng batas para sa bagong bansa ng Israel na sa ilalim niyaon ang mga nagkakasala nang di-sinasadya ay maaaring magkamit ng isang pansamantala, o simbolikong, kapatawaran ng kasalanan. Sa pamamagitan ng tipang Kautusan na si Moises ang tagapamagitan, ang mga Israelita ay naging natatanging bansa ng Diyos at tinuruan na maghandog kay Jehova ng iba’t ibang haing hayop na makapagtatakip ng kanilang mga kasalanan at mga gawang karumal-dumal. Sa gayon, sa kabila ng kanilang likas na di-kasakdalan, ang nagsising mga Israelita ay maaaring patuloy na lumapit kay Jehova sa kalugud-lugod na paraan at kanilang makilala na ang kanilang pagsamba ay nakalulugod sa kaniya. Si Haring David, na isang bahagi ng bansang iyan sa ilalim ng Kautusan, ay nagpahayag ng kaniyang pagkadama ng kabutihan ng Diyos sa ganitong paraan: “Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan at ang aking mga pagsalansang. Ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, alang-alang sa iyong kabutihan, Oh Jehova.”​—Awit 25:7.

13. Papaano naglaan si Jehova ng lalong mabisang paraan kaysa mga hayop na hain ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan?

13 Dumating ang panahon na ang kabutihan ni Jehova ay nag-udyok sa kaniya na maglaan ng isang lalong mabisa at permanenteng paraan ng pagpapatawad ng mga kasalanan. Ito’y sa pamamagitan ng hain ni Jesus, na isang inapo ni Haring David. (Mateo 1:6-16; Lucas 3:23-31) Si Jesus ay hindi nagkasala. Kaya naman, nang siya’y mamatay, ang kaniyang buhay na inihandog bilang hain ay may malaking halaga, at ito’y tinanggap ng Diyos bilang isang pantubos na maaaring magtakip sa kasalanan ng lahat ng makasalanang supling ni Adan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos, at isang kaloob na walang bayad ang pag-aaring matuwid sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang di-nararapat na awa na dumating dahil sa katubusan na binayaran ng pantubos ni Kristo Jesus. Inilagay siya ng Diyos na maging handog na pantakip-kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo.”​—Roma 3:23-26.

14. Anong kahanga-hangang mga pag-asa ang posibleng tamasahin ng mga tao sa pamamagitan ng haing pantubos?

14 Ang pananampalataya sa haing pantubos na inihandog ni Jesus ay malaki ang nagagawa para sa mga Kristiyano, higit pa kaysa nagawa para sa mga Israelita ng mga haing hayop sa ilalim ng tipang Kautusan. Dahil dito isang limitadong bilang ng mga Kristiyano ang inaaring matuwid at sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos ay inaampon upang maging kaniyang mga anak. Sa gayon sila ay nagiging mga kapatid ni Jesus at nagkakamit ng pag-asang buhaying-muli bilang mga espiritung nilalang na makikibahagi sa kaniya sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Lucas 22:29, 30; Roma 8:14-17) Akalain mo, ang Diyos ay mag-aalok ng gayong makalangit na pag-asa sa mga nilalang na nabubuhay sa maliit na planetang ito, ang lupa! Isang munting grupo na may ganitong pag-asa ang naririto pa. Subalit para sa milyun-milyong mga ibang Kristiyano, ang pagsampalataya sa pantubos ay nagbubukas ng daan upang tamasahin ang iniwala ni Adan at ni Eva​—buhay na walang-hanggan sa isang paraiso, na tulad-halamanang lupa. Kung ang tipang Kautusan lamang ay hindi makapagbibigay ng makalangit ni makalupang hinaharap na mga pag-asa para sa mga sumusunod dito.

15. Ano ang kasali sa mabuting balita?

15 Anong pagkaangkup-angkop nga na ang mensahe tungkol sa bagong mga kaayusan na pinapangyari ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay tawaging “mabuting balita,” yamang nababanaag dito ang kabutihan ng Diyos. (2 Timoteo 1:9, 10) Sa Bibliya, ang mabuting balita ay tinatawag kung minsan na ang “mabuting balita ng kaharian.” Sa ngayon nakasentro ito sa katotohanan na ang Kaharian ay natatag na sa ilalim ng pamamahala ng binuhay-muling si Jesus. (Mateo 24:14; Apocalipsis 11:15; 14:6, 7) Gayunman, higit pa ang kasali sa mabuting balita. Gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Pablo kay Timoteo na kasisipi lamang, kasali rito ang kaalaman na si Jesus ay naghandog ng isang haing pantubos alang-alang sa atin. Kung wala ang haing iyan, ang ating kaugnayan sa Diyos, ang atin mismong kaligtasan​—huwag nang banggitin pa ang Kaharian ni Jesus at ang 144,000 na mga saserdote at mga hari na kinuha sa lupa​—​ay hindi mangyayari. Anong kahanga-hangang pagpapakita ng kabutihan ng Diyos ang pantubos!

Ang Kabutihan ng Diyos Ngayon

16, 17. Papaano natupad ang Oseas 3:5 (a) noong 537 B.C.E.? (b) noong 1919 C.E.?

16 Yamang umaasang darating “ang mga huling araw,” si apostol Pablo ay nagbabala: “Ang mga tao ay magiging . . . di-maibigin sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1-3) Maging ang normal na pagpapakita ng kabutihan, tulad ng kabutihang-loob at pagkamabuting kapuwa, ay hindi pahahalagahan. Kung gayon, totoong nakapagpapatibay-loob ang nakagagalak na hula ng Oseas 3:5: “Pagkatapos ay manunumbalik ang mga anak ng Israel at tunay na hahanapin si Jehova na kanilang Diyos, at si David na kanilang hari; at sila’y magsisiparitong may takot kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw.”

17 Ang hulang ito ay unang natupad noong 537 B.C.E. nang ang mga Judio ay magbalik sa Lupang Pangako buhat sa pagkatapon nila sa Babilonya. Sa modernong panahon, nagsimula ang katuparan nito noong taóng 1919 nang ang nalabi ng espirituwal na Israel ay lumabas sa organisasyon ni Satanas at nagsimula nang buong sikap ng paghanap kay Jehova at sa kaniyang kabutihan. Kanilang nasumpungan na “si David na kanilang hari” ay nagpupunò na sa persona ni Jesu-Kristo na taglay ang makalangit na kapangyarihan sapol noong 1914. Sa ilalim ng kaniyang makalangit na pangangasiwa, buong-siglang tinanggap nila ang pananagutan ng paghahayag ng mabuting balitang ito sa mga bansa. Sa gayon kanilang sinimulang tuparin ang utos na nasa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng [natatatag] na kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”

18. Sino ang kasama ng nalabi ng espirituwal na Israel sa paghahayag ng mabuting balita?

18 Sa ngayon, ang nalabi ng mga pinahiran ay may kasamang “malaking pulutong,” na katulad din nila na nagbubunyi sa kabutihan ni Jehova. (Apocalipsis 7:9) Ngayon, mahigit na apat na milyon ang umuulit-ulit sa sinabi ng anghel na nakita ni apostol Juan sa pangitain samantalang sila’y nananawagan sa lahat ng bansa: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom, at sumamba nga kayo sa Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”​—Apocalipsis 14:7.

19. Banggitin ang isa sa pinakadakilang ebidensiya ng kabutihan ng Diyos.

19 Isa sa pinakadakilang ebidensiya ng kabutihan ng Diyos ay yaong bagay na pinapayagan niya tayo na maging kaniyang kamanggagawa sa kasukdulang gawaing ito. Anong laking pribilehiyo na ipagkatiwala sa atin “ang maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos”! (1 Timoteo 1:11) Sa pamamagitan ng ating pangangaral at pagtuturo nito sa iba, ating ipinakikita sa isang mataas na antas ang mahalagang bungang iyan ng espiritu ng Diyos, ang kabutihan. Sa gayon, taglay natin ang saloobin ng sinaunang lingkod ng Diyos na si David, na nagsabi: “Sa kanila’y bubulubok ang pagpapahayag ng kasaganaan ng iyong kabutihan, at dahilan sa iyong katuwiran ay aawit sila nang buong kagalakan.”​—Awit 145:7.

20. Anong higit pang impormasyon tungkol sa kabutihan ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Gayunman, ang pakikibahagi ba sa pangangaral ng mabuting balita ang tanging paraan ng pagpapakita ng kabutihan sa ating mga buhay? Hindi nga! Tayo’y pinatitibay-loob na “magsitulad sa Diyos, na gaya ng mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Ang kabutihan ng Diyos ay ipinakikita sa sari-saring paraan. Kung gayon, ang ating kabutihan ay dapat ding makaapekto sa maraming pitak ng ating buhay. Ang ilan sa mga ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang isa-isang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili.

Masasagot Mo Ba?

◻ Sa papaano nababanaag sa paglalang ang kabutihan ng Diyos?

◻ Anong mga kaayusan ang ginawa ni Jehova upang patawarin ang kasalanan ng nagsisising mga tao?

◻ Bilang katuparan ng Oseas 3:5, kailan nagsiparoon kay Jehova at sa kaniyang kabutihan ang pinahirang nalabi, at ano ang naging resulta nito?

◻ Ano ang isa sa pinakadakilang ebidensiya ng kabutihan ng Diyos sa ngayon?

[Larawan sa pahina 15]

Ang paglalang ay nagbibigay ng ebidensiya ng saganang kabutihan ng Diyos

[Larawan sa pahina 16]

Ang pagpapahintulot sa atin na makibahagi sa gawaing pangangaral ay isang mahalagang patotoo ng kabutihan ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share