Natatandaan Mo Ba?
Pinahahalagahan mo ba ang pagbabasa ng kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Bueno, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga katanungan:
◻ Ano ang batayan ng espirituwal na mga pastol ng kusang paglapit sa ibang itiniwalag upang alamin kung sila’y maaaring mapukaw na magsisi?
Kahit na samantalang tápon noon ang mga Israelita at hindi pa nagsisisi, si Jehova, tulad ng isang pastol, ang nagkusa ng paghanap sa kanila, at sinugo sa kanila ang kaniyang mga propeta. Ang Kristiyanong mga pastol ay interesado sa pagtulong sa sinumang magsisisi na mistulang napawaglit na mga tupa. (Ihambing ang Lucas 15:4-7.)—4/15, pahina 21-3.
◻ Papaanong ang ilustrasyon ni Jesus ng alibughang anak ay nagpapakita kung ano ang dapat na maging damdamin at kilos natin pagka ang isa ay ibinabalik na sa kongregasyong Kristiyano? (Lucas 15:22-32)
Ang tunguhin natin ay dapat na katulad ng sa Ama, na nagpakita ng kagalakan nang bumalik ang kaniyang alibughang anak. Samakatuwid, tayo’y dapat malayang makipag-usap sa tinanggap-muling kapatid at patibayin-loob siya mula ngayon na sumulong sa katotohanan.—4/15, pahina 25.
◻ Anong praktikal na pag-iingat ang magagawa upang maiwasan ang pagiging biktima ng krimen?
Kailanma’t posible, iwasan ang maglakad sa mapanganib na mga lugar kung gabi. Ikubli ang inyong alahas, at ang mga bagay na gaya ng kamera ay ilagay sa isang bag sa pamimili. Magpakaingat tungkol sa paglakad sa may gilid ng isang bangketa, lalo na kung ikaw ay may dalang isang portfolio o isang bag. (Tingnan ang Kawikaan 3:21-23.)—5/1, pahina 5-6.
◻ Bakit ang hula sa Zefanias 2:3 ay nagsasabi: “Kaipala ay malilingid kayo sa kaarawan ng galit ni Jehova”?
Ang kaligtasan tungo sa buhay ay depende sa katapatan at pagtitiis. (Mateo 24:13) Samakatuwid, tanging iyon lamang sumusunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos at patuloy na nagsasalita ng dalisay na wika ang malilingid sa araw ng galit ni Jehova. (Zefanias 2:1, 2)—5/1, pahina 14.
◻ Ano ba ang kasangkot sa paglalagay sa Diyos sa unang dako bilang isang pamilya?
Ang mga magulang at mga anak ay kailangang sumamba kay Jehova at makaabot sa kaniyang mga pamantayan na itinatakda ng Bibliya.—5/15, pahina 5.
◻ Bakit hindi karaka-raka pinuksa ni Jehova ang mga nagkakasala?
Ang isang dahilan ay upang ang pangalan ng Diyos ay makilala sa buong lupa. (Ihambing ang Roma 9:17.) Ang isa pa ay upang magbigay ng panahon para sa paglutas sa mga isyu ng soberanya ng Diyos at ng integridad ng tao, na resulta ng paghihimagsik sa Eden. Gayundin, ang mahabang pagtitiis ng Diyos ay nagbibigay sa mga nagkakasala ng pagkakataon na magsisi at ituwid ang kanilang mga lakad. (2 Pedro 3:9)—5/15, pahina 11-12.
◻ Anong mga katotohanan ang nagpapatunay na ang Bibliya ay hindi sa tao nagmula?
Ang Bibliya ay isinulat ng mga 40 iba’t ibang manunulat, na galing sa lahat ng uri ng pamumuhay at nabuhay sa isang yugto ng panahon na 1,600 taon; gayunman lahat ng mga manunulat nito ay sumunod sa isang saligang tema. Ang ganitong panloob na pagkakasuwato ng Bibliya ay imposible kung ito’y ipinaubaya sa pagbabakasakali o sa patnubay lamang ng tao.—6/1, pahina 5.
◻ Anong kataka-takang gawain at pambihirang gawa, na inihula sa Isaias 28:21, ang gagawin ni Jehova sa ating kaarawan?
Ang babala sa Apocalipsis 17:16 ay nagpapakita na ang makapulitikang kalaguyo ng Babilonyang Dakila ay balang araw babaling sa kaniya. Bilang resulta, ang Sangkakristiyanuhan ay lubusang malilipol kasama ang lahat ng iba pang mga huwad na relihiyon. Ito ay magiging kataka-takang gawain ni Jehova at kaniyang pambihirang gawa sa ating kaarawan.—6/1, pahina 22-3.
◻ Ano ang dapat isaisip ng mga babaing Kristiyano tungkol sa paggamit ng alahas at makeup?
Ang Bibliya ay hindi nagbabawal ng paggamit ng ganiyang pampaganda. (Exodo 32:2, 3; Esther 2:7, 12, 15) Ngunit ang kahinhinan ang dapat na maging panuntunan. Ang isang babae ay madaling makagagaya sa mga istilong makasanlibutan, na gumagamit nang labis-labis na lipstick, kolorete, o pangkulay sa mga talukap ng mata, gaya ng ginawa ni Jesebel. (2 Hari 9:30) Kailangan ang pag-iingat upang ang mga kosmetiko ay hindi ginagamit nang labis-labis at ang alahas na ginagamit ay hindi masagwa.—6/1, pahina 30-1.
◻ Papaano naiwasan ng mga Israelita “ang lahat ng masasamang sakit ng Ehipto” na uso noong sinaunang mga panahon? (Deuteronomio 7:15)
Maliwanag na sila’y nakaiwas sa gayong mga sakit unang-una dahilan sa pagsunod sa masulong na mga gawain sa kalinisan na ipinag-utos sa ilalim ng tipan sa Kautusan.—6/15, pahina 4.
◻ Bakit iniutos ng Diyos na ang mga tao ay huwag kakain ng dugo? (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:10, 11; Gawa 15:22-29)
Ang buhay ay isang kaloob buhat sa Diyos at ang buhay ng tao ay depende sa tumutustos-buhay na likidong tisyu na tinatawag na dugo. (Awit 36:9) Sa pamamagitan ng paggalang sa dugo bilang natatangi, ipinakikita ng mga tao ang kanilang pagkaumaasa sa Diyos kung tungkol sa buhay. Samakatuwid, ang pangunahing dahilan para sa utos ng Diyos tungkol sa dugo ay, hindi dahil sa ang pagpapasok ng dugo ay marumi, kundi dahil sa ang dugo ay may pantanging kahulugan sa Diyos.—6/15, pahina 8-9.
◻ Papaano magagawa ng mga magulang at mga kabataang Kristiyano na patibayin ang posibilidad na ang pagtutol ng isang menor de edad sa pagsasalin ng dugo ay igagalang?
Bagaman hindi legal na isa nang adulto, ang isang kabataang Kristiyano ay dapat na makapagpaliwanag nang malinaw at matatag kung ano ang kaniyang matibay na makarelihiyong pagtutol sa pagpapasalin ng dugo. Ang mga magulang ay maaaring magdaos ng mga pag-eensayo kasama ng mga anak upang ang mga ito ay magkaroon ng karanasan sa pagpapaliwanag ng kanilang sariling mga paniwala.—6/15, pahina 18.
◻ Papaanong ang mga babae ay lubhang pinagpala noong panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus?
Si Jesus ay nagsimula ng isang gawain na nagdala ng kaaliwan, pag-asa, at isang bagong karangalan sa mga babae sa lahat ng lahi. Kaniyang tinuruan ang mga babae ng malalalim na espirituwal na katotohanan. (Juan 4:7, 24-26) Sa panahon ng kaniyang ministeryo, kaniyang tinanggap ang paglilingkod ng mga babae sa kaniyang paglalakbay sa buong lupain. (Marcos 15:40, 41)—7/1, pahina 14-15.
◻ Anong mga pamamaraan ng pagtuturo ni Jesus ang napatunayan ng mga magulang na epektibo sa kanilang mga anak?
Makabubuting gumamit ang mga magulang ng mga ilustrasyon upang ang mga katotohanang Kristiyano ay makaakit sa mga puso ng kanilang kabataang mga anak, at sila’y makagagamit ng pinag-isipang-mabuting mga katanungan upang alamin kung ano ang talagang iniisip ng kanilang nakatatandang mga anak. (Ihambing ang Mateo 17:24-27.)—7/1, pahina 26.
◻ Bakit dapat na itaguyod natin ang kagandahang-loob?
Ang katangian na kagandahang-loob ay nagpapamahal sa atin sa Diyos at sa iba. Ginagawa tayo nito na mapagpatuloy at higit na makonsiderasyon. Pinatitibay nito ang buklod sa loob ng pamilya at ng kongregasyong Kristiyano. Higit sa lahat, ang kagandahang-loob ay nagdadala ng kaluwalhatian kay Jehova.—7/15, pahina 22.
◻ Bakit posible na ang mga Kristiyano’y mailigaw kung tungkol sa mga kasama? (1 Corinto 15:33)
Ang isang tao ay maaaring tinging palakaibigan at kalugud-lugod, ngunit kung siya’y hindi naman isang Kristiyanong naglilingkod kay Jehova o naniniwala man lamang sa Bibliya, siya’y isang masamang kasama. Bakit? Sapagkat ang kaniyang buhay ay salig sa naiibang mga simulain, at ang mga bagay na importante sa isang Kristiyano ay baka walang gaanong kabuluhan sa kaniya.—7/15, pahina 23.
◻ Bakit ang Araw ng Paghuhukom ay isang panahon ng pag-asa?
Ang Araw ng Paghuhukom ay isang yugto ng panahon na may isang libong taon. Ang Diyos mismo ang mangangasiwa kasama ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, na hinirang ng Diyos upang magsilbing Hukom. Ito’y isang panahon ng pagsasauli sa sangkatauhan sa sakdal na buhay-tao na iniwala ni Adan para sa kaniyang mga supling. (1 Corinto 15:21, 22)—8/1, pahina 5-7.