Hanggang Kailan Pa ang Ipagtitiis ng Diyos?
MGA 3,000 taon na ngayon, isang pantas ang sumulat: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Mula’t sapol na gumawa siya ng ganiyang pagmamasid, walang ibinuti ang mga kalagayan. Sa buong kasaysayan, mga indibiduwal o mga grupo ang nangamkam ng kapangyarihan, sunud-sunod, dominado at pinagsasamantalahan ang mga ibang tao. Ito’y matiyagang pinagtiisan ng Diyos na Jehova.
Si Jehova ay naging matiyaga habang ang mga pamahalaan ay nagpapadala ng angaw-angaw sa kanilang kamatayan sa digmaan at nagtutulot ng malaganap na mga pang-aapi sa kabuhayan. Sa ngayon, siya’y matiisin pa rin samantalang sinisira ng mga tao ang saping ozone ng mundo at pinalalaganap ang polusyon sa atmospera at sa karagatan. Anong laki ng kaniyang nadaramang pasakit pagka nakikita ang pagkapariwara ng mabubuting lupaing taniman at ang walang patumanggang pagsira sa mga kagubatan at paglipol sa gumagalang mga hayop dito!
Bakit nga Lubhang Matiisin ang Diyos?
Ang isang simpleng ilustrasyon ay makatutulong sa atin na sagutin ang tanong na ito. Pag-isipan ang epekto sa isang negosyo pagka ang isang empleyado ay laging dumarating na huli. Ano ba ang dapat gawin ng may-ari ng negosyo? Kung simpleng katarungan ang susundin marahil ay kakailanganin na agad-agad na paalisin niya ang empleyado. Ngunit baka maalaala niya ang kawikaan sa Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa pang-unawa, ngunit siyang di-matiisin ay nagbubunyi ng kamangmangan.” (Kawikaan 14:29) Dahilan sa pang-unawa ay baka siya maghintay bago siya gumawa ng pagkilos. Baka siya’y magpasya na magpataan ng panahon para sa isang kahalili na sasanayin upang ang negosyo ay huwag namang lalong masira.
Dahil sa pakikipagkapuwa ay baka siya magpahinuhod na maghintay. Kumusta naman ang pagbibigay ng abiso sa mapagpabayang empleyado upang alamin kung siya’y magbabago ng kaniyang asal? Bakit hindi siya kausapin at tingnan kung ang kaniyang palaging pagdating nang huli ay dahilan sa isang suliranin na maaaring malutas o dahil sa isang masamang kinaugalian na hindi na malulunasan? Bagaman ang may-ari ng negosyo ay baka magpasya na maging mapagpasensiya, gayunman, may hangganan din ang kaniyang pasensiya. Ang empleyado ay kailangang magbago o kung hindi sa bandang huli ay paaalisin na siya sa trabaho. Makatuwiran lamang iyan para sa negosyo mismo at sa mga empleyado na sumusunod sa mga alituntunin.
Sa isang nahahawig na paraan, ang Diyos na Jehova ay matiisin sa harap ng mga gawang masama upang magpataan ng panahon para sa pagganap ng isang makatuwirang solusyon sa mga suliranin. Isa pa, ang kaniyang pagkamatiisin ay nagbibigay sa mga manggagawa ng kasamaan ng pagkakataon na magbago ng kanilang mga lakad at magtamo ng walang-hanggang kapakinabangan. Kaya, tayo’y hinihimok ng Bibliya na huwag maging mainipin sa pagtitiis na ipinakita ng Diyos. Bagkus, sinasabi nito: “Inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay pagliligtas.”—2 Pedro 3:15.
Isang Halimbawa ng Pagtitiis ng Diyos
Ang Diyos na Jehova ay naging matiisin bago sumapit ang malaking Baha noong kaarawan ni Noe. Ang sanlibutan noong panahong iyon ay punô ng karahasan at napakasama. Ating mababasa: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa . . . Kaya’t sinabi ni Jehova: ‘Aking lilipulin ang mga tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa.’ ” (Genesis 6:5, 7) Oo, sumaisip ni Jehova ang isang katapusang kalutasan ng problema ng kabalakyutan noong unang panahong iyon: ang alisin ang balakyot na mga tao. Ngunit hindi siya kumilos karakaraka. Bakit hindi?
Sapagkat hindi lahat ay balakyot. Si Noe at ang kaniyang sambahayan ay matuwid sa paningin ng Diyos. Kaya alang-alang sa kanila, si Jehova ay matiising naghintay upang ang kakaunting matuwid na mga tao ay makapaghanda para sa kaligtasan. Isa pa, ang matagal na paghihintay na iyon ay nagbigay kay Noe ng pagkakataon na maging “isang mangangaral ng katuwiran,” na nagbigay sa mga taong balakyot na iyon ng pagkakataon na magbago ng kanilang mga lakad. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang daong, na sa loob nito ay kakaunti, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang iniligtas sa tubig.”—2 Pedro 2:5; 1 Pedro 3:20.
Kung Bakit ang Diyos ay Matiisin Ngayon
Sa ngayon, ang kalagayan ay nahahawig. Ang sanlibutan ay punô na naman ng karahasan. Tulad noong kaarawan ni Noe, hinatulan na ng Diyos ang sanlibutang ito, na, sinasabi ng Bibliya, ay “inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasamâ.” (2 Pedro 3:7) Pagka iyan ay nangyari, hindi na magpapatuloy ang pagpapahamak sa kapaligiran, ang pang-aapi sa mahihina, o sakim na pag-aabuso ng kapangyarihan.
Kung gayon, bakit hindi nilipol ng Diyos noong una pa ang mga taong balakyot? Sapagkat mayroong mga isyu na kailangang lutasin at importanteng mga bagay na dapat isaayos. Oo, si Jehova ay kumikilos upang magkaroon ng permanenteng kalutasan ang suliranin ng kabalakyutan na nagsasangkot sa kalutasan ng maraming mga bagay, kasali na ang pagliligtas sa may matuwid na pusong mga tao buhat sa pagkaalipin sa sakit at kamatayan.
Samantalang isinasaisip ang huling layuning ito na binanggit na, nilayon ni Jehova na maglaan ng Tagapagligtas na maghahandog ng isang pantubos ukol sa ating mga kasalanan. Tungkol sa kaniya, ang Bibliya ay nagsasabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Gumugol ng libu-libong taon upang maihanda ang daan para kay Jesus upang pumarito at ihain ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Sa buong panahong iyon, ang Diyos ay nagpakita ng maibiging pagkamatiisin. Ngunit hindi baga ang gayong paglalaan ay karapat-dapat na hintayin?
Si Jesus ay naglaan ng pantubos para sa tao halos dalawang libong taon na ngayon. Kung gayon, bakit ang Diyos ay nagtitiis pa rin? Bilang isang dahilan, ang kamatayan ni Jesus ang hudyat ng pasimula ng isang kampaniya sa pagtuturo. Ang sangkatauhan ay kailangang makaalam ng maibiging paglalaang ito at mabigyan ng pagkakataon na tanggapin ito o tanggihan ito. Iyan ay mangangailangan ng panahon, ngunit isang panahon na ginugol sa mabuti. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi mabagal si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, gaya ng pagkamabagal na palagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya ay magsisi ang lahat.”—2 Pedro 3:9.
Ang Isyu ng Pamahalaan
Isa pang mahalagang bagay ang pangangailangan din ng panahon. Kailangan na lutasin ang suliranin ng pamahalaan ng sangkatauhan. Sa simula, ang tao ay nasa sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos. Ngunit sa halamanan ng Eden, ang ating unang mga magulang ay tumalikod diyan. Ang pinili nila ay maging malaya buhat sa kapamahalaan ng Diyos, anupa’t ibig nilang sila’y magpunò sa sarili nila. (Genesis 3:1-5) Ngunit, ang totoo, ang tao’y hindi nilalang upang magpunò sa kaniyang sarili. Si propeta Jeremias ay sumulat: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23; Kawikaan 20:24.
Gayumpaman, yamang ang isyu ng pamamahala ay ibinangon, si Jehova ay matiising naglaan ng panahon upang malutas iyon. Oo, bukas-palad na naglaan siya ng libu-libong mga taon upang sumubok ang tao ng lahat ng uri ng maiisip na anyo ng pamahalaan. Ano ang resulta? Nahayag na walang pamahalaan ng tao ang makapag-aalis ng pang-aapi, kawalang katarungan, o iba pang mga sanhi ng kalungkutan.
Oo, sa liwanag ng kasaysayan ng tao, masasabi ba ninuman na ang Diyos ay walang katarungan pagka kaniyang ipinahayag ang kaniyang layunin na alisin ang lahat ng pamahalaan at halinhan ng kaniyang sariling pamamahala? Tiyak na hindi! Ating tiyakang tinatanggap ang katuparan ng hulang ito ng Bibliya: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ang makalangit na Hari ng Kahariang iyan ay ang binuhay-muling si Jesus. Ang paghahanda sa kaniya sa puwestong iyan—at gayundin ang pagpili ng mga tao na makakasama niya sa paghahari—ay gumugol ng panahon. Sa buong panahong iyan, ang Diyos ay nagtiis.
Makinabang Ngayon Buhat sa Pagtitiis ng Diyos
Sa ngayon, milyun-milyong mga tao sa humigit-kumulang 212 bansa ang nakikinabang sa pagtitiis ng Diyos. Sila’y nagkakaisa na dahil sa kanilang paghahangad na sumunod sa Diyos at maglingkod sa kaniyang makalangit na pamahalaan. Pagka sila’y nagpupulong na sama-sama sa kanilang mga Kingdom Hall, kanilang natututuhan ang higit na kabutihan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay. Sila’y hindi sumasali sa baha-bahaging pulitika ng sanlibutang ito, bagaman sila’y napasasakop sa mga pamahalaan ng tao habang matiising pinapayagan ng Diyos na ang mga ito’y mamahala.—Mateo 22:21; Roma 13:1-5.
Ang ganiyang pagtutulungan sa gitna ng maraming bayan ay nagbabangong-puri kay Jehova bilang ang Isa na makapagdadala ng pagkakasundo sa gitna ng mga tao na taglay ang malayang kalooban ay natutong umibig sa kaniya at nagnanais na maglingkod sa kaniya. Marahil nakilala na ninyo ang mga taong ito na umiibig sa Diyos habang kanilang ipinagpapatuloy ang gawain na pinasimulan mismo ni Jesus, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Inihula ni Jesus ang sukdulan ng gawaing ito nang kaniyang sabihin: “Ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Hindi na Magtatagal!
Ang nakikitang ebidensiya ay nagpapatotoo na ang mga kaayusan para sa matuwid na pamahalaan ng Diyos upang humalili para sa araw-araw na pamamahala sa lupa ay halos tapos na. Pagkatapos ilarawan ang kakila-kilabot na resulta ng kabiguan ng pamahalaan ng tao na ating nasaksihan sa loob ng siglong ito, sinabi ni Jesus: “Pagka nakikita na ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.”—Lucas 21:10, 11, 31.
Hindi na magtatagal, ang mga balakyot ay aalisin ng Diyos sa lupang ito. Ang mga salita ng salmista ay magkakaroon ng literal na katuparan: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na.” (Awit 37:9, 10) Maguguniguni mo ba ang isang sanlibutan na walang kasamaan? Sino ang mamamanihala sa pamamalakad ng mga bagay sa panahong iyon? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Isang hari [si Kristo Jesus na nakaluklok sa kalangitan] ay maghahari ayon sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe [ang kaniyang mga tapat na inatasan sa lupa], sila’y magpupunò bilang mga prinsipe ayon sa katarungan. At ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda. At ang bayan ko ay tatahan sa payapang tahanan at sa tiwasay na mga tahanan at sa mga tahimik na dakong pahingahan.”—Isaias 32:1, 17, 18.
Sa gayon, papawiin ng makalangit na pamahalaan ng Diyos ang masasamang epekto ng maling gawain ng mga tao at oorganisahin yaong mga taong umaasa sa Kaniya upang maging isang nagkakasundu-sundong lipunan ng tao. Sa paglalarawan sa pagkakasundong ito, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila . . . Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupunô nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:6-9.
Anong kahanga-hangang resulta ang ibinunga ng pagtitiis ng Diyos! Sa gayon, imbes na magreklamong napakatagal naman ang ipinaghihintay ng Diyos, bakit hindi samantalahin ang kaniyang pagtitiis upang ikaw ay pasakop sa kaniyang Kaharian? Alamin mo sa Bibliya kung ano ang kaniyang mga pamantayan at sundin mo. Makisama ka sa iba na nagkakasundu-sundo nang pagpapasakop sa kaniya. Kung magkagayon, ang pagtitiis ng Diyos ay magbubunga ng walang-hanggang mga pagpapala para sa iyo.