Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 10/15 p. 8-9
  • Ang Papado—Itinatag ba ni Kristo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Papado—Itinatag ba ni Kristo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kaparehong Materyal
  • Papa sa Roma—“Kahalili ni San Pedro”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Si Pedro Ba ang Kauna-unahang Papa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Manghawakan Tayong Mahigpit sa Ating Mahalagang Pananampalataya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 10/15 p. 8-9

Ang Papado​—Itinatag ba ni Kristo?

“SA PAGITAN ni Pedro, ang unang Obispo ng Roma, at ng ating kasalukuyang papa, si Juan Paulo II, ay may mahabang hanay ng pinakamataas na mga papa​—sa katunayan, mahigit na 260.” Ganiyan ang sabi ng Katolikong prayle na si Anthony Foy sa The Southern Cross, isang Katolikong lingguhang lathalain para sa timugang Aprika. Ganito pa ang kaniyang pagpapatuloy: “Ang walang patid na hanay na ito ng mga papa ang may pagtitiwalang maitatawag-pansin namin, pagka kami’y hinilingan na patunayan na ang Iglesiya Katolika ay itinatag ni Jesu-Kristo.”

May pagtitiwala bang masasabi na ang mahabang hanay na ito ng mga papa ay nagsimula kay apostol Pedro? Sang-ayon sa teolohiyang Katoliko, apat na papa, sina Linus, Anacletus, Clement I, at Evaristus, ang sinasabi na humalili kay Pedro hanggang noong taóng 100 C.E. Sa Bibliya ay may binabanggit na isang Kristiyanong nagngangalang Linus na nanirahan sa Roma. (2 Timoteo 4:21) Gayunman, walang anumang nagpapahiwatig na si Linus, o sino pa man, ay isang papa na humalili kay Pedro. Ang apostol na si Juan, na sumulat ng limang aklat ng Bibliya noong huling dekada ng unang siglo, ay hindi bumabanggit ng anuman kaugnay ng binanggit na ngang umano’y mga kahalili ni Pedro. Talaga naman, kung nagkaroon nga ng kahalili si Pedro, hindi kaya ang makatuwirang pipiliin ay si Juan mismo?

Tungkol sa pag-aangkin na si Pedro ang unang obispo ng Roma, walang patotoo na dumalaw man lamang siya sa siyudad na iyan. Sa katunayan, sinabi ni Pedro mismo na kaniyang isinulat buhat sa Babilonya ang kaniyang unang liham. (1 Pedro 5:13) Ang argumentong Katoliko na ginamit ni Pedro ang “Babilonya” bilang isang mahiwagang pangalan para sa Roma ay walang batayan. Ang tunay na Babilonya ay umiral noong kaarawan ni Pedro. Isa pa, ang Babilonya ay mayroong isang malaking pamayanang Judio. Yamang inatasan ni Jesus si Pedro na doon lamang mangaral sa tinuling mga Judio, makatuwirang lubos na maniwala na si Pedro ay dumalaw sa Babilonya ukol sa layuning ito.​—Galacia 2:9.

Pansinin, din naman, kailanman ay hindi tinukoy ni Pedro ang kaniyang sarili kundi isa sa mga apostol ni Kristo. (2 Pedro 1:1) Saan man sa Bibliya ay hindi siya tinatawag na “Amang Banal,” “Kataas-taasang Obispo,” o “Papa” (Latin, papa, isang magiliw na termino para sa “Ama”). Sa halip, siya’y mapakumbabang sumunod sa mga salita ni Jesus sa Mateo 23:9, 10: “At, huwag ninyong tatawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isang nasa langit. Ni huwag kayong patatawag na ‘lider,’ sapagkat iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” Hindi tinanggap ni Pedro ang anumang pagsamba sa kaniya. Nang ang Romanong senturyon na si Cornelio ay “magpatirapa sa kaniyang paanan at siya’y sinamba . . . , itinindig siya ni Pedro, na sinasabi: ‘Magtindig ka; ako man ay tao rin.’ ”​—Gawa 10:25, 26.

Tungkol sa 260 na diumano’y mga papa, inaamin ng paring si Foy: “Marami ang hindi naging karapat-dapat sa kanilang tungkulin.” Sa pagtatangkang ipangatwiran ito, ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang mahalaga ukol sa mga layunin ng pamahalaan ay ang tungkulin, at hindi ang personal na ugali ng indibiduwal na papa. Sa personal ay baka siya naging isang santo, isang karaniwang tao, o isang tampalasan.” Ngunit ikaw ba ay naniniwala na gagamitin ni Kristo ang gayong mga tao upang maging kinatawan niya?

Sa papaano man, ang pangungusap na si Jesus ang nagtatag sa papado ay hindi talaga inaalalayan ng Bibliya. Sang-ayon sa Encyclopedia of Religion, maging ang mga modernong iskolar Katoliko man ay sumasang-ayon na “walang tuwirang patotoo ang Bibliya na si Jesus ang nagtatag ng papado bilang isang permanenteng tungkulin sa loob ng iglesiya.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share