Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 10/15 p. 15-20
  • Magbihis ng Kaamuan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magbihis ng Kaamuan!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang mga Pastol na Maaamo
  • Kaamuan ang Umaakay sa Marunong na Tagapayo
  • Ang Kabutihan ng Maraming Tagapayo
  • Pagpapatotoo na May Kaamuan
  • Ang Kaamuan ay Kahilingan sa Lahat
  • Anong Ligaya ng Maaamo!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Magpakita ng “Buong Kahinahunan sa Lahat ng Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kahinahunan—Isang Napakahalagang Katangiang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kahinahunan—Paano Tayo Nakikinabang Dito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 10/15 p. 15-20

Magbihis ng Kaamuan!

“Gaya ng mga hinirang ng Diyos, na mga banal at mga minamahal, magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at pagtitiis.”​—COLOSAS 3:12.

1-3. Sa Colosas 3:12-14, ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa kaamuan at iba pang maka-Diyos na mga katangian?

IBINIBIGAY ni Jehova sa kaniyang bayan ang pinakamagaling na makasagisag na kasuotan. Sa katunayan, lahat ng naghahangad ng kaniyang pabor ay kailangang maramtan ng kasuotan na may matitibay na hibla ng kaamuan. Ang katangiang ito ay nakagiginhawa sapagkat binabawasan nito ang tensiyon sa maigting na mga kalagayan. Ito ay isang proteksiyon din, sapagkat sa pamamagitan nito ay naiiwasan ang alitan.

2 Ipinayo ni apostol Pablo sa kapuwa pinahirang mga Kristiyano: “Gaya ng mga hinirang ng Diyos, na mga banal at mga minamahal, magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at pagtitiis.” (Colosas 3:12) Ang panahunan ng salitang Griyego na isinaling “magbihis kayo” ay tumutukoy sa pagkilos na kailangang gawin nang may pagkaapurahan. Ang mga pinahiran, na hinirang, banal, at minamahal ng Diyos, ay hindi dapat magpaliban ng pagbibihis ng mga katangian na gaya ng kaamuan.

3 Isinusog ni Pablo: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo. Ngunit, bukod sa lahat ng bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.” (Colosas 3:13, 14) Dahilan sa pag-ibig, kaamuan, at iba pang maka-Diyos na mga katangian ay nagagawa ng mga Saksi ni Jehova na “tumahang sama-sama sa pagkakaisa.”​—Awit 133:1-3.

Kailangan ang mga Pastol na Maaamo

4. Ang tunay na mga Kristiyano ay nakasuot ng makasagisag na kasuotan na may pinakatela na anong mga katangian?

4 Ang tunay na mga Kristiyano ay nagsisikap na ‘patayin ang mga sangkap ng kanilang mga katawan kung may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa, at kaimbutan,’ at sila’y nagsisikap na alisin ang lumang kasuotan na may tela ng poot, galit, kasamaan, abusadong pananalita, at mahalay na pangungusap. (Colosas 3:5-11) Kanilang hinuhubad “ang matandang pagkatao” (sa literal, “ang dating tao”) at nagbibihis “ng bagong pagkatao” (o, “bagong tao”), isang naaangkop na kasuotan. (Efeso 4:22-24, Kingdom Interlinear) Ang kanilang bagong kasuotan, na may pinakatela na pusong mahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, at pagtitiis, ay tumutulong sa kanila na lutasin ang mga suliranin at mamuhay na may kabanalan.​—Mateo 5:9; 18:33; Lucas 6:36; Filipos 4:2, 3.

5. Ano ang masasabi tungkol sa pagkilos ng kongregasyong Kristiyano na anupa’t isang kalagalakan na maging bahagi nito?

5 Ang mga taong itinuturing na matagumpay sa sanlibutang ito ay malimit na walang habag, malulupit nga. (Kawikaan 29:22) Anong laking pagkakaiba ang makikita sa gitna ng bayan ni Jehova! Ang kongregasyong Kristiyano ay hindi kumikilos na gaya ng pagpapaandar ng mga ibang lalaki sa isang negosyo​—sa isang magaling ngunit malupit na paraan na nagbibigay ng kalungkutan sa mga tao. Bagkus, isang kagalakan ang maging bahagi ng kongregasyon. Ang isang dahilan ay sapagkat isang katangian ng karunungan ang kaamuan na ipinakikita ng karamihan ng mga Kristiyano at lalo na ng mga lalaking kuwalipikadong magturo sa mga kapananampalataya. Oo, kagalakan ang resulta ng pagtuturo at payo na ibinibigay ng mga hinirang na matatanda na nagtuturo na “may kaamuan ng karunungan.”​—Santiago 3:13.

6. Bakit ang mga Kristiyanong matatanda ay kailangang maaamo?

6 Ang espiritu, o dominanteng saloobin, ng bayan ng Diyos ay humihiling na ang mga lalaking pinagkatiwalaang mangasiwa sa kongregasyon ay maging maaamo, makatuwiran, at maunawain. (1 Timoteo 3:1-3) Ang mga lingkod ni Jehova ay mistulang malumanay na tupa, hindi matitigas-ulong mga kambing, mga mulang sutil, o dayukdok na mga lobo. (Awit 32:9; Lucas 10:3) Palibhasa’y mga tulad-tupa, sila’y kailangang pakitunguhan nang may kaamuan at pagkamalumanay. (Gawa 20:28, 29) Oo, inaasahan ng Diyos na ang mga matatanda ay magiging maaamo, mababait, mapagmahal, at matiisin sa pakikitungo sa mga tupa.​—Ezekiel 34:17-24.

7. Papaano dapat turuan ng matatanda ang mga iba o tulungan ang may sakit sa espirituwal?

7 Bilang “isang alipin ng Panginoon,” ang isang matanda ay “kailangang maging malumanay sa lahat, may kakayahang magturo, nagtitimpi laban sa kasamaan, mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang; baka sakaling pagsisihin sila ng Diyos na aakay sa kanila sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (2 Timoteo 2:24, 25) Ang mga pastol na Kristiyano ay dapat na magpakita ng malumanay na konsiderasyon pagka nagsisikap na tulungan ang mga may sakit sa espirituwal, sapagkat ang mga tupa ay pag-aari ng Diyos. Sila’y hindi dapat pakitunguhan ng mga matatanda gaya ng pakikitungo ng isang upahan kundi kailangang sila’y maging maamo, tulad ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo.​—Juan 10:11-13.

8. Ano ang nangyari sa maamong si Moises, at bakit?

8 Ang isang matanda ay baka kung minsan nahihirapan na manatiling may espiritu ng kaamuan. “Si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng mga lalaking nabuhay sa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Subalit, nang ang mga Israelita ay mapaharap sa kakapusan ng tubig sa Kades, kanilang inaway si Moises at sinisi siya sa paglalabas sa kanila sa Ehipto upang pumaroon sa isang tigang na ilang. Sa kabila ng lahat na may kaamuang pinagtiisan ni Moises, siya’y nagsalita nang padalus-dalos, may kabagsikan. Siya at si Aaron ay tumayo sa harap ng bayan at tumawag-pansin sa kanilang sarili, na ang sabi ni Moises: “Makinig kayo, ngayon, kayong mga rebelde! Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa batong ito?” Pagkatapos ang bato ay makalawang pinalo ni Moises ng kaniyang tungkod, at pinangyari ng Diyos na “saganang tubig” ang lumabas para sa mga tao at sa kanilang mga hayop. Si Jehova ay hindi nalugod dahilan sa hindi Siya kinilalang banal ni Moises at ni Aaron, kaya si Moises ay hindi binigyan ng pribilehiyo na pangunahan sa pagpasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita.​—Bilang 20:1-13; Deuteronomio 32:50-52; Awit 106:32, 33.

9. Papaano maaaring masubok ang kaamuan ng isang matanda?

9 Ang kaamuan ng isang Kristiyanong matanda ay maaari ring masubok sa sari-saring paraan. Halimbawa, si Pablo ay nagbabala kay Timoteo na maaaring bumangon ang isang “mapagpalalo” at “may sakit sa isip sa mga pagtatanong at mga pagtatalo tungkol sa mga salita.” Isinusog ni Pablo: “Sa mga bagay na ito nanggagaling ang inggit, alitan, abusadong pananalita, paghihinala nang masama, marahas na pagtataltalan ng mga taong masasama ang mga pag-iisip at salat sa katotohanan.” Ang tagapangasiwang si Timoteo ay hindi dapat kumilos nang may karahasan kundi “lumayo sa mga bagay na ito,” at siya’y “susunod sa katuwiran, maka-Diyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, kaamuan.”​—1 Timoteo 6:4, 5, 11.

10. Ang mga kongregasyon ay paaalalahanan ni Tito ng ano?

10 Bagaman ang mga matatanda ay kailangang maging maaamo, sila’y kailangang maging matatag sa mga bagay na matuwid. Ganoon si Tito, na pinaalalahanan yaong mga kaugnay sa mga kongregasyon sa Creta na “huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran, at magpakahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.” (Tito 3:1, 2) Sa pagpapakita kung bakit ang mga Kristiyano ay dapat maging maamo sa lahat, itatawag-pansin ni Tito ang kabaitan at pagkamapagmahal ni Jehova. Hindi iniligtas ng Diyos ang mga sumasampalataya dahilan sa anumang matuwid na mga gawa na kanilang nagawa kundi dahil sa kaniyang awa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang pagkamaamo at pagtitiis ni Jehova ay nangangahulugan ng atin ding kaligtasan. Samakatuwid, tulad ni Tito, ang kasalukuyang-panahong matatanda ay dapat na magpaalaala sa mga kongregasyon na sila’y magpasakop sa Diyos, na tinutularan Siya sa pamamagitan ng pakikitungo sa iba sa paraan na may kaamuan.​—Tito 3:3-7; 2 Pedro 3:9, 15.

Kaamuan ang Umaakay sa Marunong na Tagapayo

11. Sang-ayon sa Galacia 6:1, 2, papaano dapat magbigay ng payo?

11 Ano kung ang isang makasagisag na tupa ay nagkasala? Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kaamuan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin. Patuloy na magdalahan kayo ng pasanin ng isa’t isa, at sa gayo’y tuparin ang kautusan ng Kristo.” (Galacia 6:1, 2) Ang payo ay lalong epektibo kung iyon ay ibinibigay taglay ang espiritu ng kaamuan. Kahit na kung isang taong nagagalit ang sinisikap ng matatanda na payuhan, sila’y dapat na magpakita ng pagpipigil-sa-sarili, sa pagkaalam na “ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto.” (Kawikaan 25:15) Ang isang taong sintigas ng buto ang personalidad ay maaaring mapalambot ng isang malumanay na pangungusap, at ang katigasan ng kaniyang loob ay maaaring mapawi.

12. Papaano tumutulong sa isang tagapayo ang espiritu ng kaamuan?

12 Si Jehova ay isang malumanay na Tagapagturo, at ang kaniyang malumanay na paraan ng pagtuturo ay epektibo sa kongregasyon. Ito’y lalung-lalo na kung kailangan ng matatanda na magpayo sa mga taong nangangailangan ng espirituwal na tulong. Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang mabuting asal ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.” Ang kaamuan ay bunga ng paggalang at pasasalamat ukol sa “karunungang mula sa itaas,” lakip ang may kababaang-loob na pagkilala sa sariling limitasyon ng isang tao. Ang espiritu ng kaamuan at kababaang-loob ang humahadlang sa tagapayo na magsalita ng mga bagay na nakapipinsala at mali at nagpapadali na tanggapin ang kaniyang payo.​—Santiago 3:13, 17.

13. Papaanong ang “kaamuan ng karunungan” ay may epekto sa paraan ng pagbibigay ng payo?

13 Ang “kaamuan ng karunungan” ang pumipigil sa isang tagapayo sa pabigla-biglang pagsasalita nang dire-diretso o nakasasakit. Gayunman, ang pagkabahala dahilan sa pagkakaibigan o pagnanais na kamtin ang pagsang-ayon ng sinuman ay hindi dapat mag-udyok sa isang matanda na magsalita ng mga bagay na may layuning magpalugod imbis na malumanay na makapagharap ng malinaw na payo na nakasalig sa Salita ng Diyos. (Kawikaan 24:24-26; 28:23) Ang payo na tinanggap ni Amnon sa kaniyang pinsan ay tumupad ng nais niyang mangyari, subalit buhay niya ang naging kapalit. (2 Samuel 13:1-19, 28, 29) Kung gayon, ang kasalukuyang-panahong mga matatanda, ay hindi dapat magdagdag o magbawas sa mga simulain ng Bibliya upang maging magaan iyon sa budhi ninuman, sapagkat ang paggawa ng gayon ay magsasapanganib ng kaniyang buhay. Tulad ni Pablo, ang matatanda ay hindi dapat magkait ng pagsasabi sa iba ng “lahat ng payo ng Diyos.” (Gawa 20:26, 27; 2 Timoteo 4:1-4) Ang isang maygulang na Kristiyanong tagapayo ay nagpapakita ng maka-Diyos na pagkatakot at nagbibigay ng matuwid na payo ayon sa kaamuan ng karunungan.

14. Bakit ang isang matanda ay dapat mag-ingat na huwag gumawa ng mga pasiya na ang iba ang dapat gumawa para sa kanilang sarili?

14 Sa pamamagitan ng kaamuan lakip ang makalangit na karunungan ang isang matanda ay hindi gagawa ng mababagsik na kahilingan. Dapat din niyang matalos na hindi mabuti at di-angkop para sa kaniya na gumawa ng pasiya na ang isang tao ang dapat gumawa para sa kaniyang sarili. Ang isang matanda ang mananagot para sa mga resulta kung siya’y gumagawa ng mga pasiya para sa iba at siya’y masisisi rin dahil sa anumang masamang ibinunga. Ang sinasabi ng Bibliya ay maitatawag-pansin ng isang matanda, subalit kung walang ibinibigay ang Kasulatan na kautusan tungkol sa isang bagay, ang sariling pasiya at budhi ng isang tao ang batayan ng kaniyang gagawin o hindi gagawin. Gaya ng sinabi ni Pablo: “Ang bawa’t isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5; Roma 14:12) Gayunman, ang isang nagtatanong ay matutulungan tungo sa paggawa ng isang tamang pasiya kung ang isang matanda ay maghaharap ng mga tanong na tutulong sa taong iyon upang mangatwiran sa mga talatang may kaugnayan sa kung aling hakbang ang pipiliin niya na sundin.

15. Ano ang dapat gawin kung hindi alam ng isang matanda ang sagot sa isang tanong?

15 Kung hindi alam ng isang matanda ang sagot sa isang tanong, siya’y hindi dapat sumagot upang huwag lamang siyang mapahiya. Kung ang kaamuan ng karunungan ang kaniyang sinusunod siya ay hindi manghuhula at baka isang maling kasagutan ang maibigay niya at sa bandang huli ay magdudulot ng suliranin. May “panahon upang tumahimik at panahon upang magsalita.” (Eclesiastes 3:7; ihambing ang Kawikaan 21:23.) Ang isang matanda ay dapat “magsalita” tangi lamang kung kaniyang nalalaman ang sagot sa isang tanong o nakagawa nang sapat na pagsasaliksik upang makapagbigay ng wastong sagot. Isang karunungan na huwag sagutin ang mga tanong na di-praktikal.​—Kawikaan 12:8; 17:27; 1 Timoteo 1:3-7; 2 Timoteo 2:14.

Ang Kabutihan ng Maraming Tagapayo

16, 17. Bakit angkop para sa mga matatanda na kumunsulta sa isa’t isa?

16 Ang panalangin at pag-aaral ay tutulong sa matatanda sa pagsagot sa mga tanong at sa paglutas sa mahihirap na suliranin, ngunit dapat tandaan na “sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawang mga plano.” (Kawikaan 15:22) Kung ang mga matatanda ay kukunsulta sa isa’t isa ang resulta ay ang mahalagang pagsasama-sama ng karunungan. (Kawikaan 13:20) Hindi lahat ng matatanda ay may pare-parehong dami ng karanasan o kaalaman sa Bibliya. Kaya, ang kaamuan ng karunungan ang dapat mag-udyok sa isang matanda na walang gaanong karanasan upang kumunsulta sa matatanda na may lalong malaking kaalaman at karanasan, lalo na kung isang seryosong suliranin ang kailangang lutasin.

17 Pagka ang mga matatanda ay pinili upang humawak ng isang seryosong kaso, sila’y may kompiyansang makahihingi pa rin ng tulong sa iba. Upang tumulong sa kaniya sa paghatol sa mga Israelita, si Moises ay pumili ng “may kakayahang mga lalaki, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaang mga lalaki, na mga napopoot sa sakim na pakinabang.” Bagaman sila ay matatanda, sila’y walang malaking kaalaman at karanasan na gaya ni Moises. Sa gayon, “ang isang mahirap na kaso ay dinadala nila kay Moises, ngunit bawa’t maliit na kaso ay sila-sila na ang humahatol.” (Exodo 18:13-27) Kung gayon, kung kinakailangan, ang mga matatanda na humahawak ng mahihirap na kaso ngayon ay angkop naman na humingi ng tulong sa may karanasang mga tagapangasiwa, bagama’t sila ang gumagawa ng katapusang pagpapasiya.

18. Sa paghawak ng mga kaso, ano ang batayan na tumitiyak na tama ang mga pasiya?

18 Sinasabi ng Mishnah ng mga Judio na sa Israel ang bilang ng mga miyembrong bumubuo ng mga hukumang pangnayon ay hindi pare-pareho kundi ayon sa kabigatan ng kaso. Tunay na mahalaga nga kung marami ang mga tagapayo, bagama’t ang dami lamang ay hindi garantiya ng pagiging tama, sapagkat ang karamihan ay maaaring magkamali. (Exodo 23:2) Ang batayan na tumitiyak na magiging tama ang mga pasiya ay ang Kasulatan at ang espiritu ng Diyos. Karunungan at kaamuan ang magpapakilos sa mga Kristiyano na pailalim sa mga ito.

Pagpapatotoo na May Kaamuan

19. Papaanong ang kaamuan ay tumutulong sa mga lingkod ni Jehova na magpatotoo sa iba?

19 Ang kaamuan ay tumutulong din sa mga lingkod ni Jehova na magpatotoo sa mga taong may sari-saring ugali. (1 Corinto 9:22, 23) Dahilan sa si Jesus ay nagturo na may kaamuan, ang mga mapagpakumbaba ay hindi natakot sa kaniya, na gaya ng pagkatakot nila sa mababagsik na lider ng relihiyon. (Mateo 9:36) Mangyari pa, ang kaniyang mahinahong mga paraan ay nakaakit sa mga “tupa,” hindi sa balakyot na “mga kambing.” (Mateo 25:31-46; Juan 3:16-21) Bagaman si Jesus ay gumamit ng matitinding pananalita sa pakikitungo sa tulad-kambing na mga mapagpaimbabaw, ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang maging malumanay pagka kanilang dinadala ang mga mensaheng kahatulan ng Diyos ngayon sapagkat wala sila ng matalinong unawa at autoridad na katulad ng taglay ni Jesus. (Mateo 23:13-36) Samantalang kanilang napapakinggan ang mensahe ng Kaharian na ipinangangaral na may kaamuan, ‘ang mga matuwid na nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay nagiging mananampalataya,’ gaya ng tulad-tupang mga tao na nakapakinig ng pangangaral ni Jesus.​—Gawa 13:48.

20. Papaano nakikinabang ang isang inaaralan ng Bibliya pagka siya’y tinuruan nang may kaamuan?

20 Mabubuting resulta ang nakakamtan sa pamamagitan ng pagpapatotoo at pagtuturo sa iba nang may kaamuan at pakikipag-usap sa kanila batay sa pangangatuwiran, mga simulain ng Bibliya, at katotohanan. “Pakabanalin ninyo ang Kristo na Panginoon sa inyong puso,” ang isinulat ni Pedro, “na lagi kayong handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit ginagawa iyon nang may kahinahunan at taimtim na paggalang.” (1 Pedro 3:15) Ang isang inaaralan na tinuturuan sa malumanay na paraan ay makapagpapako ng kaniyang isip sa materyal sa halip na magambala o marahil matisod pa dahil sa isang marahas na paraan, na may kasamang pakikipagtalo. Tulad ni Pablo, ang mga ministrong nagtuturo nang may kaamuan ay makapagsasabi: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo.” (2 Corinto 6:3) Kahit ang mga mananalansang kung minsan ay tumutugon na may pagsang-ayon sa mga nagtuturo nang may kaamuan.

Ang Kaamuan ay Kahilingan sa Lahat

21, 22. Papaanong ang kaamuan ay pinakikinabangan ng lahat ng mga lingkod ni Jehova?

21 Ang Kristiyano ay kailangang makitaan ng kaamuan hindi lamang upang pahangain ang mga taong nasa labas ng organisasyon ni Jehova. Ang katangiang ito ay mahalaga rin sa pagsasamahan ng mga lingkod ng Diyos. (Colosas 3:12-14; 1 Pedro 4:8) Ang mga kongregasyon ay napatitibay sa espirituwal pagka ang maaamong matatanda at ministeryal na mga lingkod ay gumawa nang may pagkakaisa. Ang pagpapakita ng kaamuan at ng iba pang maka-Diyos na mga katangian ay mahalaga para sa bawa’t isa na mga lingkod ni Jehova sapagkat mayroong “iisang kautusan” para sa lahat.​—Exodo 12:49; Levitico 24:22.

22 Ang kaamuan ay may bahagi sa kapayapaan at kaligayahan ng bayan ng Diyos. Samakatuwid, ito’y dapat na maging bahagi ng ibinibihis na mga katangian ng kasuotan ng lahat ng Kristiyano sa tahanan, sa kongregasyon, at saan man. Oo, lahat ng mga lingkod ni Jehova ay kailangang magbihis ng kaamuan.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit ang Kristiyanong matatanda ay kailangan na maaamo?

◻ Papaano nagsisilbing patnubay sa marunong na tagapayo ang kaamuan?

◻ Ano ang kabutihan ng maraming mga tagapayo?

◻ Bakit kapaki-pakinabang na magpatotoo ng may kaamuan?

◻ Ano ang kabutihan ng maraming tagapayo?

◻ Bakit kapaki-pakinabang na magpatotoo nang may kaamuan?

[Larawan sa pahina 17]

Ang mga lingkod ni Jehova ay tulad-tupa na nangangailangang pakitunguhan nang may kaamuan

[Credit Line]

Garo Nalbandian

[Larawan sa pahina 19]

Dahil sa kaamuan ay nagagawa ng mga lingkod ni Jehova na magpatotoo sa mga taong may sari-saring ugali

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share