Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 10/15 p. 29-30
  • “Ikaw ay Makakasama Ko sa Paraiso”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ikaw ay Makakasama Ko sa Paraiso”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kaparehong Materyal
  • Paraiso
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • “Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Paraiso
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Makakasama Kita sa Paraiso”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 10/15 p. 29-30

“Ikaw ay Makakasama Ko sa Paraiso”

SAMANTALANG siya’y nakabayubay sa pahirapang tulos, nag-aagaw-buhay, hiniling ng kriminal sa lalaking katabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Si Jesus, bagaman siya ay nag-aagaw-buhay sa sukdulang paghihirap, ay tumugon: “Katotohanang sinabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:42, 43) Anong laking kaaliwan at pag-asa na ihandog sa isang taong nag-aagaw-buhay!

Subalit, napansin mo ba na sa New World Translation​—ang bersiyon na sinipi sa nauunang parapo​—​ay may markang pambantas pagkatapos ng salitang “ngayon” sa pagkasalin ng salitang ito ni Jesus? Ito’y nagpapahiwatig ng kaisipan na kahit noong araw ng kaniyang kamatayan, si Jesus ay nakapangako ng pagkakaloob ng buhay sa Paraiso sa kriminal na iyan. Sa kabilang dako, binabantasan ng The New English Bible nang ganito ang mga salita ni Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ito: ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Karamihan ng iba pang mga salin ay kaayon ng The New English Bible, na naghahatid ng ideya na si Jesus at ang naghihingalong kriminal ay pupunta sa Paraiso sa mismong araw na iyon. Bakit may pagkakaiba? At aling bantas ang tama?

Sa katunayan, walang bantas sa pinakamaagang mga manuskritong Griyego ng Bibliya. Sa gayon, nang ipasok ang bantas, iyon ay kailangang isingit ng mga tagakopya at mga tagapagsalin ng Bibliya ayon sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan ng Bibliya. Tama ba, kung gayon ang tradisyonal na pagkasalin? Si Jesus ba at ang manlalabag-batas ay tumungo sa Paraiso nang araw na sila’y namatay?

Hindi, sang-ayon sa Bibliya, sila’y naparoon sa dakong tinatawag sa Griyego na Haʹdes at sa Hebreo ay Sheʹol, na kapuwa tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Lucas 18:31-33; 24:46; Gawa 2:31) Tungkol sa mga nasa lugar na iyan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Tungkol sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa ano pa man . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheʹol [Griyego, Haʹdes], na dakong iyong pinupuntahan.” Hindi nga isang paraiso!​—Eclesiastes 9:5, 10.

Hindi nangyari kundi noong ikatlong araw na si Jesus ay binuhay mula sa Hades. Pagkatapos, sa loob halos ng anim na linggo siya ay gumawa nang maraming pagpapakita sa kaniyang mga tagasunod sa palibot ng lupain ng Palestina. Sa isa sa okasyong iyon, sinabi ni Jesus kay Maria: “Hindi pa ako nakaaakyat sa Ama.” (Juan 20:17) Samakatuwid, kahit na noon ay hindi pa siya nakararating sa ano mang lugar na matatawag na paraiso.​—Apocalipsis 2:7.

Noong ikatlong siglo C.E.​—nang ang pagsasama ng turong Kristiyano at pilosopiyang Griyego ay nagaganap nang may kabilisan​—​si Origen ay sumipi sa sinabi ni Jesus: “Ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso ng Diyos.” Noong ikaapat na siglo C.E., ang mga manunulat ng simbahan ay tumutol sa paglalagay ng bantas pagkatapos ng “ngayon.” Ipinakikita nito na ang tradisyonal na paraan ng pagbasa sa mga salita ni Jesus ay may mahabang kasaysayan. Ngunit ipinakikita rin nito na maging noong ikaapat na siglo C.E., ang mga salita ni Jesus ay binasa ng iba ayon sa paraan ng pagkasalin sa New World Translation.

Sa ngayon naman, bagaman maraming tagapagsalin ang naglalagay ng bantas sa Lucas 23:43 ayon sa tradisyon ng simbahan, ang iba ay nagbabantas nito na katulad ng nasa New World Translation. Halimbawa, sa saling Aleman ni Propesor Wilhelm Michaelis, ganito mababasa ang mga salita ni Jesus: “Katotohanan, ibinibigay ko sa inyo ang ganitong katiyakan kahit na ngayon: Ikaw (balang araw) ay makakasama ko sa Paraiso.”

Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng mga salita ni Jesus sa manlalabag-batas? Baka nabalitaan niya ang mga napapabalita na si Jesus ang ipinangakong Hari. Walang alinlangan, alam niya ang tungkol sa titulong “hari ng mga Judio” na ipinasulat ni Pilato at ibinitin sa ibabaw ng ulo ni Jesus. (Lucas 23:35-38) Bagaman buong katigasang tinanggihan si Jesus ng mga pinunong relihiyoso, ang nagsising kriminal na ito ay nagpahayag ng kaniyang pananampalataya, na ang sabi: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Hindi siya umaasang maghaharing kasama ni Jesus, kundi ibig niyang makinabang sa paghahari ni Jesus. Kaya naman, si Jesus, kahit na noong pinakamahirap na araw na iyon, ay nangako na makakasama niya sa Paraiso ang manlalabag-batas.

Aling paraiso? Sa Bibliya, ang orihinal na Paraiso ay ang tulad-parkeng halamanan ng Eden na iniwala ng ating unang mga magulang. Ipinangangako ng Bibliya na ang makalupang Paraisong iyan ay mapapabalik sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na si Jesus ang Hari. (Awit 37:9-11; Mikas 4:3, 4) Kung gayon, si Jesus ay makakasama ng manlalabag-batas na iyan at ng di-mabilang na mga iba pang nangamatay pagka kaniyang binuhay na sila sa libingan tungo sa buhay sa isang paraisong lupa at sa pagkakataong matutong gawin ang kalooban ng Diyos at mabuhay magpakailanman.​—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:11-13; 21:3, 4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share