Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 11/1 p. 5-7
  • Ang Araw ng Paghihiganti ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Araw ng Paghihiganti ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit May Araw ng Paghihiganti?
  • Ano ang Isasakatuparan ng Araw ng Paghihiganti ng Diyos?
  • Ano ang Gagawin Mo?
  • Paghihiganti
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mali ba ang Maghiganti?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Mga Study Note sa 2 Tesalonica—Kabanata 1
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 11/1 p. 5-7

Ang Araw ng Paghihiganti ng Diyos

NAUNAWAAN natin sa naunang artikulo, na mayroong mga ilang dahilan kung bakit mali na tayo ay maghangad ng paghihiganti. Ito ay mali sapagkat sa katapus-tapusan, ito’y walang nilulutas na anumang suliranin. Ito’y mali sapagkat lalo lamang pinatitibay nito ang mga alitan sa halip na pagkaisa-isahin sa pagkakaibigan ang mga nag-aalitan. At ito ay mali sapagkat nakapipinsala ito sa isa na nagkikimkim ng mga kaisipan ng paghihiganti.

Gayunman, ang pinakamahalagang dahilan kung bakit ang paghihiganti ng tao ay mali ay makikita sa mga salita ni Moises sa Israel: “Si Jehova mong Diyos ay isang maawaing Diyos.” (Deuteronomio 4:31) Yamang ang Diyos ay maawain, tayo’y kailangan ding maging maawain na katulad niya. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y patuloy na maging maawain, kung paano maawain ang inyong Ama.”​—Lucas 6:36.

Gayumpaman, sa Bibliya ay tinutukoy din si Jehova na isang “Diyos ng mga gawang paghihiganti.” (Awit 94:1) May binabanggit din si propeta Isaias na “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova” at gayundin “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isaias 61:2) Papaanong ang Diyos ay kapuwa maawain at mapaghiganti? At kung tutularan natin ang kaawaan ng Diyos, bakit hindi natin dapat tularan siya sa pagiging mapaghiganti?

Upang masagot ang unang tanong, ang Diyos ay maawain sapagkat iniibig niya ang tao, at siya’y nagpapatawad hanggang magagawa niya upang bigyan ang mga tao ng pagkakataon na magbago ng kanilang masamang lakad. Marami, tulad ni apostol Pablo, ang nagsamantala sa pakikinabang sa awang ito. Ngunit ang Diyos ay mapaghiganti rin naman​—sa diwa na ang kaniyang sinusunod ay katarungan​—​sapagkat ang gayong kaawaan ay makapagpapatuloy lamang sa isang haba ng panahon ngunit hindi na lalampas dito. Pagka ipinakita ng iba na sila’y hindi na magbabago ng kanilang mga lakad, isasakatuparan na ng Diyos ang kahatulan sa panahon na tinatawag na kaniyang araw ng paghihiganti.

Bilang sagot sa ikalawang tanong, hindi, tayo’y hindi binibigyang-matuwid na maghiganti sapagkat ang Diyos ang gumagawa ng paghihiganti. Si Jehova ay sakdal sa katarungan. Ang mga tao ay hindi. Nakikita nga ng Diyos ang lahat ng panig ng isang bagay at laging matuwid ang pagpapasiya niya. Tayo’y hindi maaasahan na gagawa rin ng gayon. Kaya naman si Pablo ay nagpayo: “Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyang-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” (Roma 12:19) Alang-alang sa ating sariling kapakanan, ang paghihiganti ay ipaubaya natin sa kamay ni Jehova.

Bakit May Araw ng Paghihiganti?

Gayumpaman, sa maraming lugar sa Bibliya ay kinikilala ang pangangailangan ng pakikipagtuos sa mga manggagawa ng masama na hindi nagsisipagsisi. Halimbawa, si apostol Pablo ay nagsalita ng hula na ang Diyos, sa pamamagitan ni Jesus, ay magpapasapit ng “paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8) Tayo’y may mabuting mga dahilan na pakadibdibin ang mga salitang iyan. Bakit?

Unang-una, sapagkat ang karamihan sa ngayon ay patuloy na lumalaban sa pagkasoberano ng Maylikha, kanilang ipinagwawalang-bahala ang kaniyang matuwid na mga batas. Nag-aangkin man silang naniniwala sa Diyos o hindi, ang kanilang asal ay malinaw na nagpapakitang sila’y hindi naniniwalang magsusulit sila sa harap ng Diyos. Ang mga salita ng salmista ay kumakapit sa lahat ng gayon: “Bakit ang balakyot ay hindi gumagalang sa Diyos? Kaniyang sinabi sa kaniyang puso: ‘Hindi ka hihingi ng pagsusulit.’ ” (Awit 10:13) Tunay, hindi papayag si Jehova na siya’y kutyain sa ganitong paraan ng panghabang panahon. Bagaman siya’y Diyos ng pag-ibig, siya rin ay isang Diyos ng katarungan. Kaniyang pakikinggan ang panambitan ng mga tunay na nababahala tungkol sa katarungan: “Bumangon ka, Oh Jehova. Oh Diyos, iunat mo ang iyong kamay. Huwag mong kalimutan ang mga naaapi.”​—Awit 10:12.

Isa pa, ang mga taong manlalabag-batas ay nagpapahamak sa mismong lupa na ating pinamumuhayan. Kanilang pinaruruming totoo ang hangin, ang lupain, at ang tubig; kanilang pinunô ang lupa ng pang-aapi at kalupitan. At sila’y nagtatalaksan ng sapat na kemikal, nukleyar, at iba pang nakamamatay na mga armas upang isapanganib ang buhay ng tao. Ang pakikialam na ng Diyos ay kailangan upang tiyakin ang isang panatag na kinabukasan para sa masunuring mga tao. (Apocalipsis 11:18) Ang pakikialam na ito ang tinukoy ni Isaias na ang araw ng paghihiganti.

Ano ang Isasakatuparan ng Araw ng Paghihiganti ng Diyos?

Sang-ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, sa Kasulatang Griego, ang salita para sa paghihiganti, pagka ginamit may kaugnayan sa Diyos, ay literal na nangangahulugang “ ‘yaong nanggagaling sa hustisya,’ hindi katulad ng paghihiganti ng tao, na may layuning puminsala o dahil lamang sa pagkadama ng galit.” Samakatuwid, ang paghihiganti ng Diyos laban sa kaniyang mga kaaway ay hindi magiging isang panahon ng walang patumanggang pagdanak ng dugo, tulad ng isang personal na gantihan. “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa pagsubok sa mga taong may maka-Diyos na debosyon, ngunit maglaan sa mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom upang lipulin,” ang sabi sa atin ng Bibliya.​—2 Pedro 2:9.

Ang mga lingkod ng Diyos ay umaasang ang araw ng paghihiganti ng Diyos ay isang panahon na ipagbabangong-puri ang matuwid na asal at ang mga matuwid ay ililigtas mula sa pang-aapi ng mga balakyot. Ito’y hindi nangangahulugan na sila ay may masama o mapaghiganting hangarin. “Siyang natutuwa sa kapahamakan ng iba ay hindi malilibre sa parusa,” ang babala ng Bibliya. (Kawikaan 17:5) Bagkus, kanilang pinayayabong ang awa at habag, at ang anumang mga pasiya tungkol sa paghihiganti ay pinauubaya nila sa Diyos.

Totoo, hindi madali para sa nagagalit na mga tao na kumilos sa ganitong paraan. Subalit ito ay posible, at marami ang gumagawa na ng gayon. Halimbawa, di-maligaya ang pinagdaanan ni Pedro sa pagkabata at kadalasan ay pinapalo siya ng kaniyang kuya. Kaya siya ay lumaki na marahas, palaging napapasangkot sa basag-ulo kaya nakikialam na ang pulisya at sa kaniyang asawa at mga anak ibinubunton ang kaniyang galit imbes na sa kaniyang kapatid. Sa wakas, siya’y nakinig sa isa sa mga Saksi ni Jehova at noong bandang huli ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. “Sa tulong ni Jehova,” ayon sa kaniyang paglalahad, “ako ay nagbago, at ngayon, sa halip na makipag-away sa mga tao, sila’y aking tinutulungan dahil sa aking pagiging isang elder na Kristiyano.” Sa tulong ng Bibliya at ng banal na espiritu, di-mabilang na mga iba pa ang nagbago mula sa pagiging magagalitin o mapaghiganti tungo sa pagpapakita sa iba ng pag-ibig at pagkamatiisin.

Ano ang Gagawin Mo?

Ang laging pagsasaisip ng dumarating na araw ng paghihiganti ng Diyos ay tutulong sa atin na samantalahin ang pagkamatiisin ng Diyos. Ngunit ang pagkakataon na gawin iyan ay may hangganan. Hindi na magtatagal at ang araw na iyan ay darating. Ipinakita ni apostol Pedro kung bakit hindi pa iyan dumarating: “Hindi mabagal si Jehova tungkol sa kaniyang pangako, gaya ng pagkamabagal na palagay ng iba, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya ibig na ang sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya ay magsisi ang lahat.”​—2 Pedro 3:9.

Kung gayon, kailangang-kailangang maghanda na ngayon para sa araw ng pakikipagtuos ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kasulatan at pagkakapit ng payo nito. Ito’y tutulong sa atin na sundin ang mga salita ng salmista: “Maglikat ka sa pagkagalit at bayaan mo ang poot; huwag kang mabalisa sapagkat aakay lamang sa paggawa ng kasamaan. Sapagkat ang manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ay magmamana ng lupa.”​—Awit 37:8, 9.

[Larawan sa pahina 7]

Pagkatapos ng araw ng paghihiganti ng Diyos, ‘ang lupa ay aariin ng mga nagsisipaghintay kay Jehova’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share