Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 11/15 p. 8-13
  • Ang Pagpipigil-sa-Sarili—Bakit Napakahalaga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagpipigil-sa-Sarili—Bakit Napakahalaga?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Napakahalaga ang Pagpipigil-sa-sarili
  • Babalang mga Halimbawa
  • Kung Ano ang Kailangang Pigilin Natin
  • Kung Bakit ang Pagpipigil-sa-Sarili ay Isang Malaking Hamon
  • Pagpapaunlad sa Bunga ng Pagpipigil-sa-Sarili
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Upang Matamo ang Gantimpala, Magpigil ng Sarili!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Idagdag sa Inyong Kaalaman ang Pagpipigil sa Sarili
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Magkaroon ng Pagpipigil sa Sarili
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 11/15 p. 8-13

Ang Pagpipigil-sa-Sarili​—Bakit Napakahalaga?

“Sa pamamagitan ng inyong pagbibigay naman ng lahat ng masigasig na pagsisikap, ilakip sa inyong pananampalataya ang kagalingan, sa inyong kagalingan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil-sa-sarili.”​—2 PEDRO 1:5, 6.

1. Anong kagila-gilalas na pagtatanghal ng pisikal na pagpipigil-sa-sarili ang nakita noong ika-19 na siglo?

WALANG alinlangan, isa sa totoong kagila-gilalas na pagtatanghal ng pisikal na pagpipigil-sa-sarili ay ipinakita ni Charles Blondin noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Ayon sa isang pag-uulat, kaniyang tinawid ang Niagara Falls nang maraming beses, una noong 1859, sa pamamagitan ng pagtawid sa isang lubid na 340 metro ang haba at 50 metro ang taas sa tubig. Pagkatapos niyan, siya’y tumawid ng mga ilang beses at sa tuwing tatawid ay nagtanghal siya ng iba’t ibang anyo ng kaniyang abilidad: samantalang may piring ang mga mata, nasa loob ng isang sako, nagtutulak ng isang kartilya, nakatiyakad, at may pasan na tao sa kaniyang likod. Sa isa pang pagtatanghal, siya’y nagsirko samantalang nakatiyakad sa isang lubid na iniunat sa taas na 52 metro sa lupa. Upang makapanatili sa gayong pagkabalanse ang kailangan ay labis-labis na pisikal na pagpipigil-sa-sarili. Bilang kabayaran sa kaniyang pagpapagal, si Blondin ay nagtamo ng kapuwa katanyagan at kayamanan.

2. Ano pang ibang mga anyo ng aktibidad ang nangangailangan ng pisikal na pagpipigil?

2 Samantalang kakaunti ang mangangahas man lamang na tularan ang mga pagtatanghal na iyan, ang kahalagahan ng pisikal na pagpipigil-sa-sarili sa pagpapakadalubhasa sa isang propesyon o sa isports ay naiintindihan nating lahat. Halimbawa, sa paglalarawan sa kahusayan sa musika ng yumaong bantog na piyanistang si Vladimir Horowitz, isang musiko ang nagsabi: “Sa ganang akin ang nakabibighani ay ang pagkakaroon ng lubos na pagpipigil . . . , ang pagkaunawa na nagagamit ang isang di-kapani-paniwalang lakas.” Ang isa pang ulat tungkol kay Horowitz ay bumanggit ng “walong dekada ng kabilisan ng mga daliri na may lubos na pagpipigil.”

3. (a) Ano ang kailangang-kailangang anyo ng pagpipigil, at ano ang ibig sabihin nito? (b) Ano ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “pagpipigil-sa-sarili” sa Bibliya?

3 Malaking pagsisikap ang kailangan upang mapaunlad ang ganiyang pagkadalubhasa. Gayunman, ang higit na mahalaga at nagsisilbing isang hamon ay ang pagpipigil-sa-sarili. Ang ibig sabihin nito ay “ang pagpipigil ng isang tao sa kaniyang kapusukan, damdamin, o hangarin.” Sa Kasulatang Griego Kristiyano, ang kahulugan ng salitang isinaling “pagpipigil-sa-sarili” sa 2 Pedro 1:6 at saanman, ay “yaong katangian ng isa na nakapagpipigil sa kaniyang mga hangarin at silakbo ng damdamin, lalo na sa mga hilig ng laman.” Ang pagpipigil-sa-sarili ng tao ay tinawag pa man din na “ang tugatog ng tagumpay ng tao.”

Bakit Napakahalaga ang Pagpipigil-sa-sarili

4. Anong pinsala ang naidudulot ng kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili?

4 Anong laking pinsala ang naidudulot ng kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili! Maraming suliranin sa daigdig ngayon na ang pangunahing dahilan ay kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili. Oo, tayo’y nasa “mga huling araw,” na ‘mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan ang umiiral.’ Ang mga tao ay “walang pagpipigil-sa-sarili” kadalasan dahil sa kasakiman, na ang isang anyo ay ang pagiging “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang mahalagang katotohanang ito ay sadyang nagliliwanag sa atin dahilan sa pagtitiwalag buhat sa kongregasyong Kristiyano noong nakalipas na taon ng paglilingkod nang mahigit na 40,000 nagkasalang mga tao, ang karamihan ay dahilan sa malubhang pagkakasala. Dito’y maidaragdag ang marami na binigyan ng disiplina bilang pagsaway, karamihan ay dahil sa seksuwal na imoralidad ngunit lahat ay dahilan sa hindi pagpipigil-sa-sarili. Nakababahala rin ang bagay na mayroong matagal nang mga elder na inalisan ng lahat ng kanilang pribilehiyo bilang mga tagapangasiwa bunga ng ganoon ding kadahilanan.

5. Papaano maipaghahalimbawa ang kahalagahan ng pagpipigil-sa-sarili?

5 Ang kahalagahan ng pagpipigil-sa-sarili ay maipaghahalimbawa sa isang auto. Ito’y may apat na gulong kung kaya nakatatakbo, isang malakas na makina na makapagpapaikot nang napakabilis sa mga gulong na iyon, at preno na makapagpapahinto sa mga ito. Subalit, maaaring ang resulta’y kapahamakan kung walang drayber na magpapasiya kung saan dapat ipatungo ang mga gulong na iyon, kung gaano kabilis iikot ang mga ito, at kailan pahihintuin, sa pamamagitan ng kontroladong paggamit sa manibela, sa silinyador, at sa preno.

6. (a) Anong pamantayan tungkol sa pag-ibig ang mainam na magagamit sa pagpipigil-sa-sarili? (b) Ano pang payo ang kailangang laging isaisip natin?

6 Magiging mahirap na labis-labis idiin ang kahalagahan ng pagpipigil-sa-sarili. Ang sinabi ni apostol Pablo sa 1 Corinto 13:1-3 tungkol sa kahalagahan ng pag-ibig ay masasabi rin tungkol sa pagpipigil-sa-sarili. Gaano mang kahusay tayo bilang mga tagapagpahayag pangmadla, gaano mang kaalaman at pananampalataya ang nakamtan natin sa pamamagitan ng mabubuting mga kaugalian sa pag-aaral, ano mang gawain ang ating ginagawa upang makinabang ang iba, maliban sa tayo’y gumamit ng pagpipigil-sa-sarili, lahat ng iyan ay walang kabuluhan. Dapat nating isaisip ang mga salita ni Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon. Isa pa, ang bawat taong nakikipaglaban sa paligsahan ay mapagpigil-sa-sarili sa lahat ng bagay.” (1 Corinto 9:24, 25) Tumutulong sa atin sa paggamit ng pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng bagay ay ang babala ni Pablo sa 1 Corinto 10:12: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.”

Babalang mga Halimbawa

7. (a) Papaano ang kawalan ng pagpipigil-sa-sarili ang humila sa sangkatauhan sa pagkahulog? (b) Ano pang sinaunang halimbawa ng kawalan ng pagpipigil-sa-sarili ang ibinibigay sa atin ng Kasulatan?

7 Sa pagbibigay-daan sa damdamin imbes na sa katuwiran upang umugit sa kaniyang pagkilos, si Adan ay hindi gumamit ng pagpipigil-sa-sarili. Bilang resulta, “pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.” (Roma 5:12) Ang unang pamamaslang ay dahilan din sa kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili, sapagkat pinaalalahanan ng Diyos na Jehova si Cain: ‘Bakit ka ba nag-iinit sa galit at bakit namamanglaw ang iyong mukha? Nahahandusay ang kasalanan sa pintuan, at iyo bang dadaigin ito?’ Dahilan sa hindi dinaig ni Cain ang kasalanan, kaniyang pinaslang ang kaniyang kapatid na si Abel. (Genesis 4:6-12) Ang asawa ni Lot ay hindi rin gumamit ng pagpipigil-sa-sarili. Talagang hindi niya madaig ang tukso na lumingon. Ano ang ibinayad niya sa kaniyang kawalan ng pagpipigil-sa-sarili? Aba, ang kaniya mismong buhay!​—Genesis 19:17, 26.

8. Ang mga karanasan ng sinong tatlong sinaunang mga lalaki ang nagsisilbing babala para sa atin sa pangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili?

8 Ang panganay na anak ni Jacob, si Ruben, ay nawalan ng karapatan sa pagkapanganay dahilan sa kaniyang kawalang pagpipigil-sa-sarili. Kaniyang nilapastangan ang higaan ng kaniyang ama sa pamamagitan ng pagsiping sa isa sa mga babae ni Jacob. (Genesis 35:22; 49:3, 4; 1 Cronica 5:1) Sapagkat hindi napigilan ni Moises ang kaniyang galit dahilan sa ginawa ng mga Israelita na kabubulong, karereklamo, at paghihimagsik, sa kaniya’y ipinagkait ang lubhang ninanasang pribilehiyo na makapasok sa Lupang Pangako. (Bilang 20:1-13; Deuteronomio 32:50-52) Kahit na rin ang tapat na si Haring David, ‘isang taong kalugud-lugod sa puso ng Diyos,’ ay napaharap sa matinding suliranin dahilan sa kaniyang kawalan ng pagpipigil-sa-sarili noong minsan. (1 Samuel 13:14; 2 Samuel 12:7-14) Lahat ng gayong mga halimbawa ay nagbibigay sa atin ng mainam na babala na tayo’y kailangang magpigil-sa-sarili.

Kung Ano ang Kailangang Pigilin Natin

9. Ano ang ilan sa mga teksto na nagdiriin sa kahalagahan ng pagpipigil-sa-sarili?

9 Una sa lahat, sa pagpipigil-sa-sarili ay kasangkot ang ating mga kaisipan at damdamin. Malimit na ang mga ito ay tinutukoy sa Kasulatan sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang talinghaga na gaya ng “puso” at “mga bato.” Ang mga bagay na pinag-iisipan natin ay nakatutulong sa atin o dili kaya’y nakahahadlang sa atin sa ating pagsisikap na makalugod kay Jehova. Ang pagpipigil-sa-sarili ay kailangan kung nais nating makasunod sa payo ng Kasulatan na nasa Filipos 4:8, na patuloy na pag-isipan ang mga bagay na totoo, malinis, at may kagalingan. Ang salmistang si David ay nagpahayag ng nakakatulad na damdamin nang siya’y nananalangin: “Maging kalugud-lugod nawa sa iyo . . . ang pagbubulaybulay ng aking puso, Oh Jehova na aking Bato at aking Manunubos.” (Awit 19:14) Ang ikasampung utos​—na huwag maghangad ng anuman na pag-aari ng iyong kapuwa​—ay humihiling na magpigil ang isang tao ng kaniyang kaisipan. (Exodo 20:17) Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagpipigil ng ating kaisipan at damdamin nang kaniyang sabihin: “Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.”​—Mateo 5:28.

10. Anong mga teksto sa Bibliya ang nagdiriin sa kahalagahan ng pagpipigil sa ating pagsasalita?

10 Kasangkot din sa pagpipigil-sa-sarili ang ating mga salita, ang ating pagsasalita. Marami nga ang mga teksto na nagpapayo sa atin na pigilin ang ating dila. Halimbawa: “Ang tunay na Diyos ay nasa langit ngunit ikaw ay nasa lupa. Kaya pakauntiin mo ang iyong mga salita.” (Eclesiastes 5:2) “Sa karamihan ng mga salita ay hindi nawawala ang pagkakasala, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay kumikilos nang may karunungan.” (Kawikaan 10:19) “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang anumang mabuti na ikatitibay ayon sa pangangailangan . . . Lahat ng . . . pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” At si Pablo ay nagpapatuloy ng pagpapayo na alisin sa atin ang walang kawawaang pagsasalita at masagwang pagbibiro.​—Efeso 4:29, 31; 5:3, 4.

11. Papaano tinatalakay ni Santiago ang suliranin na pagpipigil ng dila?

11 Si Santiago, isang kapatid ni Jesus sa ina, ay humahatol sa hindi nagpipigil ng pagsasalita at ipinakikita kung gaano kahirap pigilin ang dila. Ang sabi niya: “Ang dila ay isang maliit na sangkap ngunit marami ang ipinangangalandakan. Narito! Anong laking gubat ang pinag-aalab ng pagkaliit-liit na apoy! Aba, ang dila ay isang apoy. Ang dila ay nagsisilbing isang daigdig ng kasamaan sa gitna ng ating mga sangkap, sapagkat nakahahawa sa buong katawan at pinagniningas nito ang gulong ng likas na buhay at ito’y pinagniningas ng Gehenna. Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, na mga nagsisiusad at mga bagay sa dagat ay pinaaamo at napaaamo ng tao. Subalit ang dila, hindi ito napaaamo ng sinumang tao. Palibhasa’y mahirap supilin at nakapipinsala, ito’y punô ng nakamamatay na lason. Ito ang ating ipinagpupuri kay Jehova, alalaong baga ang Ama, at ito rin ang ipinanlalait natin sa mga tao na nilikha ‘ayon sa wangis ng Diyos.’ Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpuri at paglait. Hindi nararapat, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito ay magpatuloy nang ganiyan.”​—Santiago 3:5-10.

12, 13. Ano ang ilang mga tekstong nagpapakita ng kahalagahan ng pagpipigil sa ating mga kilos at asal?

12 Mangyari pa, sa pagpipigil-sa-sarili ay kasangkot ang ating mga kilos. Ang isang larangan na nangangailangan ng malaking pagpipigil-sa-sarili ay may kinalaman sa ating relasyon sa mga taong hindi natin kasekso. Sa mga Kristiyano ay iniuutos: “Tumakas kayo sa seksuwal na imoralidad.” (1 Corinto 6:18, New International Version) Sa mga lalaki ay ipinapayo na sa kani-kanila lamang mga asawa sumiping, at sinabihan nang ganito: “Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa mga tulo ng tubig na nanggagaling sa iyong sariling balon.” (Kawikaan 5:15-20) Malinaw na sinasabi sa atin na “hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Ang pagpipigil-sa-sarili ay lalong higit na kailangan ng mga taong nagpapaunlad ng kaloob na di-pag-aasawa.​—Mateo 19:11, 12; 1 Corinto 7:37.

13 Si Jesus ay nagbigay ng sumaryo ng lahat ng dapat nating ikilos na pakikitungo sa ating mga kapuwa tao nang kaniyang ibigay ang karaniwang tinatawag na “Gintong Alituntunin,” na nagsasabi: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.” (Mateo 7:12) Totoo, kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang dahil sa ating masasamang hilig o sa panlabas na mga panggigipit o mga tukso ay tratuhin natin ang iba sa paraang naiiba sa ibig nating itrato nila sa atin.

14. Tungkol sa pagkain at pag-inom, ano ang ipinapayo ng Salita ng Diyos?

14 At nariyan din ang pagpipigil-sa-sarili sa pagkain at pag-inom. Ang Salita ng Diyos ay matalinong nagpapayo: “Huwag kang mapasama sa malalakas uminom ng alak, sa matatakaw sa karne.” (Kawikaan 23:20) Lalo na tungkol sa ating kaarawan, si Jesus ay nagbabala: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo.” (Lucas 21:34, 35) Oo, sa pagpipigil-sa-sarili ay kasangkot ang ating mga kaisipan at ang ating mga damdamin, pati na rin ang ating mga salita at ang ating mga pagkilos.

Kung Bakit ang Pagpipigil-sa-Sarili ay Isang Malaking Hamon

15. Papaano ipinakikita ng Kasulatan na talagang tunay ang pagsalansang ni Satanas sa gawang pagpipigil-sa-sarili ng mga Kristiyano?

15 Ang pagpipigil-sa-sarili ay hindi madaling gawin sapagkat, gaya ng alam ng lahat ng Kristiyano, may tatlong malalakas na puwersang sumasalungat sa ating pagpipigil-sa-sarili. Unang-una, nariyan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Ang Kasulatan ay hindi nag-iiwan ng alinlangan kung sino sila. Sa gayon, ating mababasa na “si Satanas ay pumasok” kay Judas mga ilang saglit lang bago siya lumabas upang ipagkanulo si Jesus. (Juan 13:27) Si apostol Pedro ay nagtanong kay Ananias: “Bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa banal na espiritu?” (Gawa 5:3) Angkop na angkop naman, si Pedro ay nagbabala rin: “Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.”​—1 Pedro 5:8.

16. Bakit kailangan na ang mga Kristiyano ay patuloy na magpigil-sa-sarili may kaugnayan sa sanlibutang ito?

16 Sa kanilang pagsisikap na magpakita ng pagpipigil-sa-sarili, ang mga Kristiyano ay kailangan ding makipagbaka sa sanlibutang ito na nakalugmok “sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo. Tungkol dito, si apostol Juan ay sumulat: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan​—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan​—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Maliban sa tayo’y nagpipigil-sa-sarili at puspusang pinaglalabanan natin ang anumang hilig na ibigin ang sanlibutan, tayo’y madadala ng impluwensiya nito, tulad ng nangyari sa dating kamanggagawa ni Pablo na si Demas.​—1 Juan 2:15-17; 5:19; 2 Timoteo 4:10.

17. Anong suliranin tungkol sa pagpipigil-sa-sarili ang taglay natin sa ating pagsilang?

17 Bilang mga Kristiyano, tayo’y nangangailangan din naman ng pagpipigil-sa-sarili kung nais nating tayo’y magtagumpay sa pakikipagbaka sa ating sariling minanang mga kahinaan ng laman at mga pagkukulang. Hindi natin maiiwasan ang katunayan na “ang hilig ng puso ng tao ay masama buhat sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Tulad ni Haring David, ‘tayo’y inanyuan sa kasamaan, at sa kasalanan ay ipinaglihi tayo ng ating mga ina.’ (Awit 51:5) Ang isang bagong silang na sanggol ay walang alam tungkol sa pagpipigil-sa-sarili. Pagka ibig niya ng isang bagay, siya’y patuloy na umiiyak hanggang sa makamtan niya iyon. Isang pag-uulat tungkol sa pagsasanay sa bata ang nagsasabi: ‘Ang mga bata ay nangangatuwiran nang ibang-iba kaysa mga taong may edad. Ang mga bata ay nakasentro sa sarili ang kaisipan at kadalasan ay di-tumutugon sa pinakamakatuwirang panghihikayat sapagkat sila ay hindi marunong “maglagay ng kanilang sarili sa lugar ng iba.” ’ Totoo nga, “ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng isang bata.” Subalit, pagka ginamit sa kaniya “ang pamalo ng disiplina,” unti-unting natututuhan niya na mayroong mga alituntunin na kailangang sundin niya at kailangang alisin ang pagkamakasarili.​—Kawikaan 22:15.

18. (a) Sang-ayon kay Jesus, anong mga hilig ang nasa makasagisag na puso? (b) Anong mga salita ni Pablo ang nagpapakita na alam niya ang suliranin sa pagpipigil-sa-sarili?

18 Oo, ang ating likas na masasamang hilig ay nagsisilbing hamon sa atin kung tungkol sa pagpipigil-sa-sarili. Ang mga hilig na ito ay nasa makasagisag na puso, na tungkol dito’y sinabi ni Jesus: “Sa puso nanggagaling ang masasamang mga pag-iisip, ang mga pagpatay, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di-katotohanan, mga pamumusong.” (Mateo 15:19) Kaya naman si Pablo ay sumulat: “Ang mabuti na ibig ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko ibig ay siya kong ginagawa sa tuwina. Ngayon, kung ang hindi ko ibig ang siya kong ginagawa, ang gumagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na nananahan sa akin.” (Roma 7:19, 20) Gayunman, mayroong pag-asa tungkol dito, sapagkat sumulat din si Pablo: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa paano man.” Ang paghampas sa kaniyang katawan ay nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili.​—1 Corinto 9:27.

19. Bakit mahusay na masasabi ni Pablo na hinahampas niya ang kaniyang katawan?

19 Mahusay na masasabi ni Pablo na hinahampas niya ang kaniyang katawan, sapagkat ang pagpipigil-sa-sarili ay nagiging mahirap dahil sa maraming pisikal na dahilan, tulad baga ng mataas na presyon ng dugo, sakit na nerbiyos, kakulangan sa tulog, sakit ng ulo, di-pagkatunaw ng pagkain, at iba pa. Sa susunod na artikulo, ating isasaalang-alang ang mga katangian at ang mga bagay na tutulong sa atin upang magpigil-sa-sarili.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit mahalaga ang pagpipigil-sa-sarili?

◻ Ano ang ilang mga halimbawa ng mga nabigo dahilan sa kawalan ng pagpipigil-sa-sarili?

◻ Sa anong mga larangan kailangang tayo’y magpigil-sa-sarili?

◻ Ano ang tatlong kaaway na humahadlang sa atin sa patuloy na pagpipigil-sa-sarili?

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga Kristiyano ay kailangang patuloy na magpigil-sa-sarili tungkol sa pagkain at pag-inom

[Larawan sa pahina 11]

Ang pagpipigil-sa-sarili ay tutulong sa atin na iwasan ang nakapipinsalang tsismis

[Picture Credit Line sa pahina 8]

Historical Pictures Service

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share