Ang Mahigpit na Pagkapit sa Organisasyon ng Diyos
INILAHAD NI ROY A. RYAN
Sandhill, Missouri, ang angkop na pangalan niyaon, yamang iyon ay mistulang isang malaking bunduk-bundukan ng buhangin sa malawak na maburol na kabukiran. Ang nayong ito na nasa crossing ay matatagpuan sa dakong limang kilometro sa gawing kanluran ng Rutledge at doo’y wawalo o sisiyam ang mga bahay, may simbahang Metodista, at isang maliit na talyer ng panday. Doon ako isinilang noong Oktubre 25, 1900.
ANG aking ama ang panday sa nayon. Bagaman ang aking mga magulang ay bihirang magsimba, ako’y sinimulang padaluhin ni Inay sa Sunday school sa Simbahang Metodista. Hindi ko gusto ang pangalang Metodista, palibhasa’y may paniwala ako na ang isang tao ay dapat tawaging isang Kristiyano; gayunman ako’y tinubuan ng pagkauhaw sa katotohanan sa Bibliya at ng interes sa buhay na walang-hanggan.
Nang ako’y 16 na taóng gulang, nagtrabaho ako sa riles ng tren sa Santa Fe. Isa sa mga International Bible Students (gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) na nagngangalang Jim ang napasama sa aming barkadahan sa trabaho, at kaming dalawa ay malimit na nagtatrabahong magkasama. Si Jim ay nagsasalita, at ako naman ay nakikinig sa kaniyang sinasabi tungkol sa Bibliya. Sa wari ko’y mabuti iyon, kaya itinanong ko kung puwede kong hiramin ang isa sa kaniyang mga aklat.
Ipinahiram sa akin ni Jim ang unang tomo ng Studies in the Scriptures, lathala ni C. T. Russell ng International Bible Students Association. Nang maisauli ko iyon, humiram pa ako sa kaniya ng karagdagang mga tomo. Hindi nagtagal pagkatapos, si Jim ay umalis sa trabaho sa riles, at nang makita ko siyang muli ay sa kalye sa Rutledge, kumukuha ng mga pidido para sa may mga ilustrasyong aklat na Scenario of the Photo-Drama of Creation. Nang malaunan ay inanyayahan niya ako sa panggrupong mga pulong na idinaraos sa kaniyang tahanan. Tuwing Linggo, ako’y naglalakad nang limang kilometro patungo sa Rutledge para dumalo sa pulong.
Nang ang magasing The Golden Age (Gumising! ngayon) ay unang ilabas noong 1919, ibig kong magsimula noon sa ministeryo sa larangan. Kaming dalawa ng isa pang bagong Bible Student ay desididong ipamahagi sa bahay-bahay ang bagong magasing ito. Kami’y medyo nahihintakutan sa pagdalaw sa mga tagaroon sa amin, kaya’t kami’y sumakay sa isang tren at naparoon sa isang karatig na bayan. Nang kami’y dumating sa umaga, bawat isa sa amin ay lumakad ng aming sariling lakad at tumuktok sa mga pintuan hanggang hapon, bagaman wala pa kaming pagsasanay sa gawaing ito. Ako’y kumuha ng pidido para sa dalawang suskripsiyon, isa buhat sa isang lalaking nakasama kong nagtrabaho sa riles.
Noong Oktubre 10, 1920, ako’y nabautismuhan sa isang lawa malapit sa Rutledge. Salungat ang aking mga magulang sa aking pakikiugnay sa International Bible Students. Ito’y dahilan sa udyok-klerong pananalansang na naranasan ng mga Bible Students noong mga taon ng digmaan ng 1914-18. Subalit, nang malaunan, ang aking ama ay nagsimulang dumalo sa ilang pagpupulong ng mga Bible Students, at siya ay nagbasa rin ng The Golden Age. Bago namatay ang aking ina, siya’y sumang-ayon na sa aking pagkaunawa sa katotohanan ng Bibliya. Gayunman walang sinumang miyembro ng aking pamilya ang tuluyang yumakap sa katotohanang ito.
Isang Panahon ng Pagsubok
Noong maagang mga kaarawang iyon, tatatlo lamang bukod sa akin ang regular na dumadalo sa mga pulong ng pag-aaral sa Bibliya sa Rutledge. Ang tatlong ito sa bandang huli ay umalis sa organisasyon. Ang isa ay isang napakahusay na tagapagpahayag, na gumaganap ng pangmadlang pahayag sa Bibliya sa lugar na iyon. Subalit, kaniyang ipinagmalaki ang kaniyang mga kakayahan at inakala niya na alangan sa kaniyang pagkatao na makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay gaya ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano.—Gawa 5:42; 20:20.
Nang ang tatlong ito ay huminto na ng pakikisama sa International Bible Students, natatandaan ko pang ang damdamin ko ay katulad ng kay apostol Pedro nang banggitin ni Jesus sa mga tao ang tungkol sa ‘pagkain ng laman ni Jesus at pag-inom ng kaniyang dugo.’ Sila’y natisod sa kaniyang turo, kaya marami noon na nakikinig sa kaniya ang tumalikod sa kaniya. Kaya naman, tinanong ni Jesus ang mga apostol: “Ibig ba ninyong magsialis din?” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino pa kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 6:67, 68.
Bagaman hindi lubusang naunawaan ni Pedro ang ibig sabihin ni Jesus sa ‘pagkain ng laman ni Jesus at pag-inom ng kaniyang dugo,’ kaniyang nakilala na si Jesus ang may taglay ng mga salita ng buhay. Ganiyan ang aking nadama tungkol sa organisasyon. Taglay nito ang katotohanan bagaman hindi ko lubusang nauunawaan ang lahat ng nababasa ko sa mga publikasyon. Gayunman, kailanma’t may sinabing hindi ko nauunawaan, hindi ako nakikipagtalo tungkol doon. Nang malaunan, ang bagay nga’y nagliwanag, o kung minsan ay itinutuwid ang mga punto de vista. Ako’y laging natutuwa na matiyagang hinintay ko na luminaw ang mga bagay-bagay.—Kawikaan 4:18.
Ginawang mga Pagbabago Upang Makapagpayunir
Noong Hulyo 1924, dumalo ako sa isang internasyonal na kombensiyon sa Columbus, Ohio. Sa The Golden Age ay tinukoy iyon bilang “ang pinakamalaking kombensiyon ng mga Bible Students na ginanap kailanman.” Doon ang nakapupukaw na resolusyon na “Indictment” ay pinagtibay. Ang impormasyon na tinanggap at ang espiritung nakita sa kombensiyong iyon ay nagpatibay-loob sa akin na maging isang buong-panahong ministro, o payunir.
Sa pagbabalik ko buhat sa kombensiyon, nagbitiw ako sa aking trabaho sa riles ng tren, at isang kasamang Bible Student ang kasama kong nagsimulang naglingkod bilang payunir. Subalit, pagkaraan ng mga isang taon, ang kalusugan ng aking mga magulang ay unti-unting humina hanggang sa kailanganin nila ang aking tulong. Huminto ako ng pagpapayunir at nagtrabaho sa isang kompanya ng mga tubo, subalit yamang ang mga taong nagtatrabaho roon ay nagdudulot ng masamang impluwensiya, umalis ako sa trabahong iyon at lumipat sa pagnenegosyo ng pagpaparami ng bubuyog at pagbebenta ng pulut-pukyutan.
Noong taglagas ng 1933, ang aking mga magulang ay kapuwa namatay, at naiwan akong libre na sa mga obligasyon. Kaya noong tagsibol ng 1934, ang aking mga bubuyog ay ipinaasikaso ko sa iba, nagtayo ako ng isang munting trailer upang matirhan ko, at nagsimula na naman sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Una muna’y gumawa akong kasama ng isang may edad nang Saksi malapit sa Quincy, Illinois. Nang magtagal ay lumipat akong muli sa Missouri, na kung saan sumama ako sa isang grupo ng mga payunir.
Noong 1935 nagkaroon ng matinding tagtuyot sa Midwest, at yamang kami’y doon gumagawa sa isang lugar na pulos taniman, iyon ay mahirap na gawin. Walang sinuman na may pera, kaya ang mga taong napasasalamat ay kalimitan nagbibigay sa amin ng mga pagkain o iba pang mga bagay-bagay pagka nag-iwan kami sa kanila ng mga babasahín.
Pagpapayunir sa Timog
Nang taglamig na iyon kami’y lumipat sa Arkansas upang matakasan ang kaginawan. Kami’y nakapamahagi ng higit na mga babasahín sa lugar na iyan at tumanggap ng lahat ng mga de-latang aming magagamit. Malimit na tumatanggap kami ng iba pang mga bagay na maaari naming ipagbili upang kami’y magkapera, kasali na ang mga lumang kasangkapan na aluminyo, mga lumang tanso, radiator ng mga lumang kotse at mga baterya. Ito’y nagbigay sa amin ng pera na ibibili ng gasolina para sa aking Model A Ford, na aming ginamit sa ministeryo.
Kami’y naglingkod sa mga county ng Newton, Searcy, at Carroll sa bulubundukin ng Ozark Plateau. Ang mga karanasan namin sa pangangaral sa mga taong bundok ng Arkansas ay sapat-sapat na isulat sa isang aklat. Yamang ang mga daan ay mga kalye noong sinauna o tuluyang walang mga kalye noong mga kaarawang iyon, sa karamihan ng aming gawain ay naglalakad kami. May mga payunir sa aming grupo na nangangabayo upang marating ang mga tao sa itaas ng kabundukan.
Minsan ay nakabalita kami tungkol sa isang taong interesado na nagngangalang Sam, na sa wakas ay aming natagpuang doon nakatira sa taluktok ng isang bundok. Kami’y tinanggap niya nang buong sigla at natutuwa siyang doon na kami magparaan ng magdamag. Bagaman ang maybahay ni Sam ay hindi interesado sa aming pabalita, ang kaniyang 16-anyos na anak na lalaki, si Rex, ay interesado. Nang kami’y paalis, inanyayahan kami ni Sam na bumalik. Kaya makalipas ang dalawang linggo, kami’y muling kasa-kasama na nila.
Nang kami’y paalis na noong ikalawang pagkakataong iyon, ang maybahay naman ni Sam ang nag-anyaya sa amin na kami’y bumalik. Isang mabuting impluwensiya raw kami kay Rex, sabi niya. “Siya ay isang pilyo at may masamang bibig,” ang paliwanag niya, “at hindi na siya gaanong mapagmura sapol nang kayong mga bata ay mapapunta rito.” Nakalipas ang mga taon ay nagkita kaming muli ni Rex nang siya’y mag-aral sa paaralang Gilead para sa mga misyonero sa South Lansing, New York. Ang mga karanasang katulad nito ay nagdulot sa akin ng malaking kaligayahan sa paglipas ng mga taon.
Paglilingkod sa Bethel
Nang ako’y mag-aplay bilang isang payunir, nag-aplay rin ako upang maglingkod sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, tinatawag na Bethel. Nang tagsibol ng 1935, ako’y pinatalastasan na tinanggap na raw ang aking aplikasyon at magreport na raw ako sa Watchtower Society sa Kingdom Farm sa South Lansing, New York, upang pasimulan ang aking paglilingkod sa Bethel. Agad-agad akong gumawa ng kaayusan para isang kapuwa Saksi ang mag-asikaso ng aking pioneer trailer.
Ako’y nagmaneho patungong New York sa aking Model A Ford, at mga alas diyes medya ng umaga noong Mayo 3, 1935, ako’y dumating doon. Mga ala una ng hapong iyon, ako’y pinagtrabaho ng pagsisibak ng kahoy. Kinabukasan ako’y sinabihan na magreport sa kamalig sa bakahan upang tumulong sa paggatas ng mga baka. Ako’y nagtrabaho sa lugar na iyon sa loob ng ilang taon, kung minsan gumagatas ako sa umaga at sa gabi at sa araw ay gumagawang kasama pa ng iba sa halamanan at tanimang bukid. Ako rin ang nag-aalaga sa mga bubuyog at nangunguha ng pulut-pukyutan para sa pamilyang Bethel. Noong 1953, ako’y inilipat sa departamentong gumagawa ng keso.
Isa sa mga taong nagkaroon ng impluwensiya sa aking buhay dahilan sa kaniyang kapuri-puring halimbawa ng kababaang-loob, katapatan, at pagsunod kay Jehova ay si Walter John “Pappy” Thorn. Siya’y isa sa 21 Bible Students na inatasan noong 1894 upang maging unang peregrino—mga lalaking gumagawa noon ng gawaing kahalintulad ng sa ngayo’y mga tagapangasiwa ng sirkito—dumadalaw sa isang bilang ng mga kongregasyon upang patibayin-loob sila. Makalipas ang maraming taon sa gawaing paglalakbay, si Brother Thorn ay inanyayahan sa Kingdom Farm at nagtrabaho sa manukan. Maraming pagkakataon na narinig kong sinabi niya “Kailanma’t labis na pinag-iisipan ko ang aking sarili, ako’y nagpupunta sa sulok, wika nga, at sinasabi ko: ‘Ikaw ay isang kudlit ng alikabok. Ano ba mayroon ka upang ipagmalaki?’ ”
Isa pang mahinhing tao na naging isang modelo para sa akin ay si John Booth, ngayo’y isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang sinabi ay sinipi sa loob ng lumipas na mga taon na nagsasabi: “Hindi gaano kung saan ka naglilingkod kundi kung sino ang iyong pinaglilingkuran ang talagang mahalaga.” Isang simpleng pangungusap, subalit gaano katotoo nga! Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakadakila sa lahat ng pribilehiyo!
Ang isa sa mga tampok ng aking paglilingkuran sa Bethel ay ang pagbubukas ng paaralang misyonero ng Gilead sa Kingdom Farm noong 1943. Ang pakikisalamuha sa mga payunir buhat sa maraming panig ng daigdig ay tunay na nakagagalak. Noong mga kaarawang iyon may mga isandaang estudyante sa bawat klase, kaya tuwing anim na buwan isandaang baguhan ang dumarating sa Kingdom Farm. Ang mga graduwasyon ay nakaaakit ng libu-libong mga tao sa paaralang ito sa tanimang mga bukid ng New York sa gawing norte.
Pagbabago ng Trabaho
Nang ang paaralang Gilead ay ilipat sa Brooklyn at ang malaking dormitoryo at gusali na pinagdarausan ng klase sa South Lansing ay ipagbili, ang bakahan ay inilipat sa Watchtower Farms sa Wallkill, New York. Kaya noong taglagas ng 1969, ako’y inilipat sa sakahan sa Wallkill at nagpatuloy ng paggawa ng keso hanggang noong 1983. Pagkatapos ako’y binigyan ng isang bagong trabaho, at ako’y nagsimulang magtrabaho sa landscaping.
Samantalang kinakapanayam minsan, tinanong ako kung ano ang iniisip ko tungkol sa ibinigay na bagong trabaho pagkalipas ng 30 taon na paggawa ng keso. “Hindi iyon gumambala sa akin,” ang sabi ko nang tahasan, “sapagkat hindi ko naman hilig sa papaano man ang gumawa ng keso.” Ang punto ay na tayo’y maaaring maging maligaya sa paglilingkod kay Jehova sa anumang atas kung tayo’y mananatiling may tamang pangmalas at mapakumbabang pasasakop sa teokratikong patnubay. Kaya bagaman talagang hindi ko naman gusto ang paggawa ng keso, natuwa naman ako sa aking trabaho sapagkat tumulong iyon sa pamilyang Bethel. Kung tayo’y naglilingkod sa ating dakilang Diyos, si Jehova, nang buong katapatan at walang reklamo, tayo’y maaaring maging maligaya anuman ang gawaing iatas sa atin.
Sa aking patuloy na pagtanda, inaakala kong ang paglilingkod sa Bethel ang pinakamagaling na dakong mapaglilingkuran ko. Mainam ang pag-aasikaso sa akin at patuloy na nagagampanan ko ang trabahong iniatas sa akin bagaman ako’y 90 taóng gulang na. Sa loob ng maraming taon na ngayon, nagkaroon ako ng pagkakataon na manguna sa programa ng pang-umagang pagsamba ng pamilyang Bethel dito sa Watchtower Farms. Sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataon, ang mga baguhan sa Bethel ay pinatitibay-loob ko na samantalahin ang lahat ng pribilehiyo ng paglilingkod na ibinibigay sa kanila at matuto na maging kontento at maligaya sa mga pribilehiyong ito.
Sa lumipas na mga taon, kung ilang beses na rin na nakadalaw ako sa ibang mga lugar—sa India, Nepal, Dulong Silangan, at Europa. Ang sumusunod na payo ay makatutulong sa mga nasa kani-kanilang kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong daigdig: Magalak at maging kontento sa inyong kasalukuyang kalagayan at mamukadkad kayo sa isang espirituwal na paraan sa lupa na kung saan kayo itinanim.
Ang minabuti ko’y manatiling walang asawa, yamang ito ang tumulong sa akin na magpatuloy na walang abala sa paglilingkuran sa Diyos. Bilang isang gantimpala sa katapatan, ang ating dakilang Diyos ay nagbigay ng pag-asang buhay na walang-hanggan. Para sa marami, iyan ay mangangahulugan ng buhay na walang-hanggan sa isang paraisong tahanan dito sa lupa. Ang iba naman ay umaasang magkakamit ng buhay na walang-katapusan sa langit, na inaasikaso ang anumang atas na ibibigay sa atin.
Ang iba’y nag-aakala na ang aking 90 taon ay naging isang mahaba, mayamang buhay. Ang aking buhay ay naging mayaman nga ngunit hindi sapat ang kahabaan. Sa pananatiling mahigpit ang kapit sa organisasyon ng Diyos at sa kaniyang mga salitang katotohanan, ang ating buhay ay mapahahaba natin nang walang hanggan.a
[Talababa]
a Sa panahon na inirerekord ni Roy Ryan ang kaniyang mga karanasan sa buhay, ang kaniyang kalusugan ay biglang nahulog tungo sa paglalâ. Ang kaniyang makalupang takbuhin ay natapos noong Hulyo 5, 1991, hindi nagtagal pagkatapos na gampanan niya ang kaniyang regular na turno bilang chairman ng pang-umagang pagsamba sa Watchtower Farms.
[Larawan sa pahina 26]
Si Brother Ryan nang kabataan niya sa tabi ng isang Model T Ford