Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 12/15 p. 22-24
  • “Gayunman ay Gumagalaw Ito!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Gayunman ay Gumagalaw Ito!”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Turo ay Sinalungat ng Simbahan
  • Hindi Isang Manwal sa Siyensiya
  • Si Galileo ay Hinatulan ng Pagkaerehes
  • Galileo
    Gumising!—2015
  • Ang Pagkakasalungatan ni Galileo at ng Simbahan
    Gumising!—2003
  • Isang Aklat na Napasamâ
    Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
  • Siyensiya at Relihiyon—Ang Simula ng Pagkakasalungatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 12/15 p. 22-24

“Gayunman ay Gumagalaw Ito!”

“ANG Bibliya ay nagtuturo kung papaano makapupunta ka sa langit, hindi kung ano ang nagpapagalaw sa langit,” ang sabi ng Italyanong siyentipiko at imbentor na si Galileo Galilei noong ika-16 na siglo. Ang mga paniniwalang katulad niyan ang naglagay sa kaniya sa pakikipag-alitan sa Iglesiya Katolika Romana, na nagbanta na siya’y pahihirapan at ibibilanggo. Mga 350 taon ang nakalipas, nirepaso ng simbahan ang naging trato niyaon kay Galileo. Ang naganap noong kaarawan ni Galileo ay tinatawag na isang “komprontasyon ng empirikal na siyensiya at bulag na dogmatismo.”

Sa ngayon, ang mga mananaliksik ng katotohanan ay maaaring matuto sa karanasan ni Galileo. Subalit bakit ba nagkaroon ng gayong komprontasyon? Ang pagmamasid sa tinatanggap na siyentipikong mga pangmalas noong kaniyang panahon ang magbibigay ng kasagutan.

Noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo, ang lupa ay ipinagpapalagay na sentro ng sansinukob. May paniniwala na ang mga planeta ay umiikot sa landas na isang ganap na bilog. Bagaman hindi napatutunayan ng mga pamamaraang siyentipiko, ang mga ideyang ito ay tinanggap na taglay ang pananampalataya bilang tatag na mga katotohanan. Oo, ang siyensiya na may taglay na “mahiwagang mga ideya” ay hindi maihihiwalay sa relihiyon.

Sa ganiyang daigdig sumilang si Galileo sa isang respetadong pamilya sa Pisa noong 1564. Ang ibig ng kaniyang ama ay mag-aral siya ng medisina, ngunit ang mausisang bata ay naakit ng matematika. Nang sumapit ang panahon, bilang isang propesor ng siyensiya, siya’y nakadiskubre ng ilang prinsipyo ng inertia. Nang makarating sa kaniya ang mga deskripsiyon ng mga sinaunang teleskopyo ng Olandes, kaniyang lubhang pinaganda pa ang disenyo at siya’y nagtayo ng kaniyang sariling superior na instrumento. Kaniyang ibinaling iyon sa direksiyon ng langit at inilathala ang kaniyang natutuhan sa kaniyang unang aklat, ang Sidereus Nuncius (Ang Mabituing Mensahero), na nagpapakilala ng apat na buwan ng Jupiter sa kaniyang salinlahi. Noong 1611 siya’y tinawagan na pumaroon sa Roma, na kung saan ang kaniyang natuklasan ay iniharap niya sa Jesuitang Collegio Romano (Roman College). Kanilang pinarangalan siya sa pamamagitan ng isang komperensiya na doon kanilang kinilala ang kaniyang mga natuklasan.

Ang mga Turo ay Sinalungat ng Simbahan

Waring isang masamang babala, bago nilisan ni Galileo ang Roma, isang maimpluwensiyang Jesuita, si Cardinal Bellarmine, ang nagpasimulang nagbangon ng mga pag-uusisa sa mga turo ni Galileo. Naniniwala si Galileo na ang paglalang ay pinamamahalaan ng mga batas na maaaring matutuhan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pag-aaral. Sinalungat ng Iglesiya Katolika ang ganitong paniniwala.

Mayroon pa ngang mga ilang astronomo na tumutol sa opinyon ni Galileo. Sila’y naniniwalang imposibleng mapasulong ng teleskopyo ang katunayan at na ang imbensiyon ay isang daya. Isang pari ang nagmungkahi pa man din na ang mga bituing nakita ay kalakip na ng lente nang gawin iyon! Nang matuklasan ni Galileo ang lunar na mga kabundukan, na nagpatunay na hindi naman ganap na mga korteng-globo ang mga paglalang sa kalangitan, ito’y sinalungat ng paring si Clavio ng pagsasabing ang buwan ay nakapaloob sa kristal, kung kaya, bagaman ang isa ay maaaring makasilip nang lampas-lampasan sa mga bundok, iyon ay isa pa ring ganap na kabilugan! “Ito,” ang sabi ni Galileo bilang tugon, “ay isang magandang ideya na lalang ng kaisipan, hindi tunay.”

Ang interes na nagpakilos kay Galileo na bumasa buhat sa “Aklat ng Kalikasan,” gaya ng tawag niya sa pag-aaral ng paglalang, ay umakay sa kaniya sa isinulat ng Polakong astronomong si Nicolaus Copernico. Noong 1543, si Copernico ay naglathala ng isang aklat na nangangatuwirang ang mundo ay umiikot sa araw. Ito’y pinatotohanan ni Galileo. Gayunman, ito’y naglagay kay Galileo laban sa siyentipiko, pulitikal, at relihiyosong mga institusyon noong kaniyang kaarawan.

Bagaman ginagamit ng Iglesiya Katolika ang astronomiya ni Copernico para sa pagtatakda ng mga petsa, tulad halimbawa ng Pasko ng Pagkabuhay, ang mga kuru-kuro ni Copernico ay hindi pa opisyal na sinusunod. Ang herarkiya ng simbahan ay nagtaguyod ng teoriya ni Aristotle na ang mundo ang sentro ng uniberso. Gayunman, ang bagong mga ideya ni Galileo ay nagsilbing hamon sa kanilang reputasyon at kapangyarihan.

Bagaman ang malasariling mga siyentipiko sa Europa ay gumawa upang patunayan ang sistema ni Copernico, sila’y kontento na talakayin iyon hindi sa publiko, kundi sa gitna nilang mga siyentipiko. Sa ganiyang dahilan hindi sila pinakialaman ng Iglesiya Katolika. Hindi Latin ang ginamit ni Galileo sa pagsulat kundi ang Italyano ng karaniwang tao at sa gayo’y naging popular ang kaniyang mga natuklasan. Inakala ng klero na kaniyang hinahamon hindi lamang sila kundi pati ang Salita ng Diyos.

Hindi Isang Manwal sa Siyensiya

Mangyari pa, ang pagkatuklas sa mga katunayan tungkol sa uniberso ay hindi naman tunay na isang hamon sa Salita ng Diyos. Ang mga estudyante ng Salitang iyan ay nakatatanto na ang Bibliya ay hindi isang manwal sa siyensiya, bagaman ito ay nagsasalita nang totoo pagka ang tinatalakay ay mga bagay na siyentipiko. Ito’y isinulat ukol sa espirituwal na kaunlaran ng mga sumasampalataya, hindi upang turuan sila ng physics o iba pang natural na siyensiya. (2 Timoteo 3:16, 17) Sumang-ayon si Galileo. Kaniyang iminungkahi na mayroong dalawang uri ng wika: ang tiyakang mga termino ng siyensiya at ang araw-araw na mga salita ng kinasihang mga manunulat. Siya’y sumulat: “Kailangan sa Kasulatan . . . na liwanagin ang mga ito upang maunawaan ng karaniwang mga tao, na sabihin ang maraming mga bagay na tinging naiiba (kung tungkol sa kahulugan ng mga salita) sa ganap na katotohanan.”

Mayroong mga halimbawa nito sa iba’t ibang mga teksto sa Bibliya. Ang isa ay Job 38:6, na kung saan tinutukoy ng Bibliya ang lupa bilang may “mga patibayan” at isang “batong panulok.” Ang iba’y maling ginagamit ito bilang ebidensiya na ang lupa ay nakapirmi. Ang ganiyang mga pananalita ay hindi nilayon na magsilbing isang siyentipikong paglalarawan tungkol sa lupa kundi, bagkus, sa paraang patula ay inihahambing ang pagkalalang sa lupa sa pagtatayo ng isang gusali, na si Jehova ang Dalubhasang Tagapagtayo.

Ang manunulat ng talambuhay na si L. Geymonat ay may tinutukoy sa kaniyang aklat na Galileo Galilei na ganito: “Ang makitid-isip na mga teologo na ibig limitahan ang siyensiya salig sa biblikong pangangatuwiran ay walang gagawin kundi siraan ang Bibliya mismo.” Sa mapag-imbot na mga dahilan ganiyang-ganiyan ang ginawa ng matitigas-ulong mga tao. Isang liham ang ipinadala sa Banal na Tanggapan na humihiling na imbestigahan si Galileo.

Noong Pebrero 19, 1616, sa mga teologong Katoliko ay napaharap ang dalawang proposisyon: (1) “ang araw ang sentro ng uniberso” at (2) “ang mundo ay hindi siyang sentro ng uniberso.” Noong Pebrero 24 kanilang hinatulan na mangmang at mga erehes ang mga may paniniwala sa ganitong mga ideya. Si Galileo ay inutusan na huwag maniwala o magturo ng ganiyang mga bungang-isip.

Si Galileo ay pinatahimik. Ang Iglesiya Katolika ay hindi lamang laban sa kaniya kundi ang kaniyang mga kaibigan ay walang nagawa upang makatulong. Ginugol na lamang niya ang panahon sa pagsasaliksik. Kung hindi lamang nagbago ang papa noong 1623, baka hindi na tayo nakabalita tungkol sa kaniya. Gayunman, ang bagong papa, si Urbano VIII, ay isang taong matalino at tagatangkilik ni Galileo. Nabalitaan ni Galileo na ang papa ay hindi naman tututol sa isang bagong aklat. Siya ay nakipag-usap pa sa papa. Pagkatapos ng waring pagpapakitang ito ng papa ng malawak na kaisipan, sinimulan ni Galileo ang pagsulat ng aklat.

Bagaman ang Dialogue Concerning the Two Chief World Systems ni Galileo ay unang inilathala sa ilalim ng lisensiyang Katoliko noong 1632, hindi nagtagal at naparam ang sigla tungkol doon ng mga papa. Sa edad na 70 taon, si Galileo ay ipinatawag sa harap ng Inkisisyon ng ikalawang pagkakataon. Ang paratang na paghihinala ng pagkaerehes ay humihiling na ipaliwanag muna ang pahintulot ng simbahan na ilathala ang aklat, at binintangan si Galileo ng pagdaraya sa pagkukubli ng isang naunang pagbabawal sa pagtuturo ng mga paniwala ni Copernico. Yamang sa Dialogue ay pinaghambing-hambing ang mga sistemang astronomiko, kasali na yaong kay Copernico, ang paratang ay na nilabag niyaon ang pagbabawal.

Tumugon si Galileo na ang kaniyang aklat ay pumipintas kay Copernico. Iyon ay isang mahinang pagtatanggol, sapagkat sa aklat ay ipinagtanggol si Copernico sa paraang lubhang kapani-paniwala. At, ang mga salita ng papa ay inilagay sa bibig ng pinakamabagal-umunawang karakter sa aklat, si Simplicio, sa gayo’y pinagagalit si Papa Urbano III.

Si Galileo ay Hinatulan ng Pagkaerehes

Si Galileo ay nasumpungang nagkasala. Palibhasa’y may sakit at pinagbantaan na pahihirapan maliban sa siya’y umurong, kaniyang ginawa iyon. Sa kaniyang pagkaluhod nanumpa siya: “Aking itinatakwil . . . ang nasabing mga pagkakamali at mga erehiya . . . Hindi ko na muling babanggitin . . . ang gayong mga bagay na maaaring maghatid sa akin sa katulad na paghihinala.” Kapuna-puna, ang alamat ay nagsasabing pagkabangon, kaniyang hinampas ang lupa at bumulong, “Eppur si muove! [Gayunman ay gumagalaw ito!]”

Ang sintensiya ay pagkabilanggo at pagpapakasakit hanggang sa kaniyang kamatayan, na nangyari pagkalipas ng siyam na taon. Isang liham na kaniyang isinulat noong 1634 ang nagsasabi: “Hindi ang anumang opinyon ko ang dahilan ng pagsisimula ng labanan, kundi ang bagay na ako’y pinag-iinitan ng mga Jesuita.”

Noong 1822 ang pagbabawal sa kaniyang mga aklat ay inalis. Ngunit noong 1979 muling binuksan ni Papa Juan Paulo II ang kaso at inamin na si Galileo ay “pinagdusa nang malaki . . . ng mga tauhan at ng mga organisasyon ng Simbahan.” Sa pahayagan ng Vaticano, na L’Osservatore Romano, si Mario D’Addio, isang kilalang kagawad ng pantanging komisyon na itinatag ni Papa Juan Paulo II upang magrepaso ng hatol na iginawad kay Galileo noong 1633, ay nagsabi: “Ang diumano’y erehiya ni Galileo ay waring walang anumang pundasyon, maging batay man sa teolohiya o maging batay man sa batas ng simbahan.” Sang-ayon kay D’Addio, ang hukuman ng Inkisisyon ay lumabis sa kaniyang autoridad​—ang mga teoriya ni Galileo ay hindi lumabag sa anumang patakaran sa pananampalataya. Inamin ng pahayagan ng Vaticano na ang hatol kay Galileo sa pagkaerehes ay walang batayan.

Ano ba ang ating natututuhan buhat sa karanasan ni Galileo? Dapat tantuin ng isang Kristiyano na ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralan sa siyensiya. Pagka may lumilitaw na pagkakasalungatan sa pagitan ng Bibliya at ng siyensiya, hindi na kailangan na pagsikapan niyang magkasundo ang bawat “pagkakaiba.” Sa kabila ng lahat, ang pananampalatayang Kristiyano ay salig sa “salita tungkol kay Kristo,” hindi sa siyentipikong autoridad. (Roma 10:17) Isa pa, ang siyensiya ay patuloy na nagbabago. Ang isang teoriya na waring sumasalungat sa Bibliya at popular sa ngayon ay baka kinabukasan matuklasan na mali at tanggihan.

Subalit, kung tinutukoy ang kaso ni Galileo upang ipakita ang relihiyosong panunupil sa siyensiya, makabubuting tandaan ng mga siyentipiko na ang panunuklas na ginawa ni Galileo ay hindi tinanggap sa organisasyon sa pananaliksik noong kaniyang kaarawan. Laban sa kaisipang umiiral noon, ang Bibliya ay hindi salungat sa katotohanang iyan. Ang Salita ng Diyos ay hindi nangangailangang baguhin. Ang sanhi ng suliranin ay ang maling pagpapakahulugan ng Iglesiya Katolika sa Bibliya.

Bawat isa ay dapat pakilusin nang napakahusay na pagkakasuwato at likas na batas sa sansinukob upang lalong makapagpahalaga sa Maylikha, ang Diyos na Jehova. Si Galileo ay nagtanong: “Ang Gawa ba ng Maylikha ay mas mababang uri kaysa Salita ng Maylikha?” Ang apostol ay sumasagot: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula nang paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa sa sanlibutan.”​—Roma 1:20.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share