Isa Bang Ministeryo Para sa Iyo?
IPINAKITA ni Jehova ang kaniyang pagkabukás-palad sa lubusang paglalaan sa lupa ng mga pangangailangan natin upang tayo’y maligayahan sa buhay. Bukás-palad na hinayaan niyang manatili ang mga paglalaang ito kahit na pagkatapos na maghimagsik si Adan at si Eba. Higit sa riyan, kaniyang ipinahayag ang walang-katulad na pag-ibig sa pagsusugo ng kaniyang Anak upang iligtas ang sumasampalatayang mga tao buhat sa kapahamakan ng kasalanan.—Mateo 5:45; Juan 3:16.
Papaano tayo makatutugon sa ganiyang pag-ibig? Sinabi ni Jesus na iibigin natin si Jehova na ating Diyos ng ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. Ipinahihiwatig nito na siya’y ating sambahin at tayo’y maging tapat at mamuhay tayo na kasuwato ng kaniyang kalooban.—Marcos 12:30; 1 Pedro 4:2.
Subalit ano ba ang mga bagay na nasasangkot sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Mayroon bang paglilingkod na magagawa tayo sa kaniya—isang ministeryo na doo’y dapat tayo’y makibahagi?
Kailangan ang mga Ministro
Nilito ng mga relihiyon ang mga tao tungkol sa kung papaano sasamba at maglilingkod sa Diyos. Subalit, ipinakikita ng Bibliya na mayroon lamang iisang tunay na relihiyon, “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; isang Diyos at Ama ng lahat.” Sinabi ni Jesus: “Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.” Kaya sila ay pinapayuhan na: “Lahat kayo ay magsalita nang may pagkakaisa, at . . . hindi dapat magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo.”—Efeso 4:3-6; Juan 4:23; 1 Corinto 1:10.
Ang kalituhan sa kung ano ang tunay na relihiyon ay nagsimula sa Eden nang hamunin ni Satanas ang pagkamatuwid ng soberanya ni Jehova sa pagbabangon ng duda sa paraan ng pamamahala ng Diyos. (Genesis 3:1-6, 13) Ngayon sinuhayan ni Satanas ang pagsalansang na ito sa Diyos sa pamamagitan ng huwad na mga turong pinalaganap ng magdarayang mga ministro ng relihiyon na “patuloy na nagkukunwaring mga ministro ng katuwiran.” Kaya sinasabi ng Bibliya: “Mga minamahal, huwag kayong maniwala sa bawat kinasihang kapahayagan . . . sapagkat maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan.”—2 Corinto 11:14, 15; 1 Juan 4:1.
Nakatutuwa naman, ang Diyos ay kumuha na ng mga hakbang upang lutasin ang isyung ito ng pamamahala. Pagkatapos na suguin ang kaniyang Anak upang tubusin ang sangkatauhan, kaniyang ginawa ngayon si Jesus na Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, taglay ang kapangyarihan na puksain si Satanas at ang kaniyang mga propeta, o mga ministro. Kaniyang titiyakin na ang kalooban ng Diyos ay ginagawa sa lupa, sa walang-hanggang pagpapala ng masunuring mga tao.—Daniel 7:13, 14; Hebreo 2:9.
Pinalabo ni Satanas ang mga katotohanang ito. (2 Corinto 4:4) Kung gayon, may pangangailangan na tayo’y maglingkod bilang mga ministro ng Diyos, na ibinubunyag ang mga kabulaanan ni Satanas at nagbibigay patotoo sa katotohanan. Tayo’y hindi pinupuwersa ni Jehova na maglingkod sa kaniya. Ibig niya na tayo, tulad ni Jesus, ay maghandog na kusa ng ating sarili dahil sa pagpapahalaga sa kaniya at sa kaniyang ginawa para sa atin.—Awit 110:3; Hebreo 12:1-3.
Ang Ministeryong Kristiyano
Si Jesus ay “humayo at naglakbay sa mga lungsod at sa mga nayon, nangangaral at nagdadala ng mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Kaniya ring sinanay ang kaniyang mga alagad upang maging mga ministro na kagaya niya at sinugo sila na mangaral. (Mateo 10:1-14, 27) Nang malaunan, sila’y binigyan niya ng utos na magpatuloy sa ministeryo hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.—Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8.
Ang utos na ito ay nakaatang sa mga tunay na Kristiyano, at ang espiritu ng Diyos ang nagpapakilos sa kanila na mangaral. Gaya ng nangyari noong Pentecostes 33 C.E., lahat ng tumatanggap ng mabuting balita ay bumabalikat ng pananagutan na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya.—Gawa 2:1-4, 16-21; Roma 10:9, 13-15.
Subalit, karamihan ng tao ay hindi makita ang kanilang sarili bilang mga ministro. Si Peter, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsasabi: “Ang mga lalaki sa Alemanya ay kalimitang nag-iisip na hindi marangal sa kanila na makipag-usap tungkol sa relihiyon. ‘Iyan ay para sa mga klerigo,’ anila.” Sang-ayon kay Tony, na matagal nang isang misyonero, ang mga taga-Inglatera ay nagsabi: “Ang inyong sinasabi ay mabuti, at sa palagay ko’y mabubuting tao ang mga Saksi ni Jehova. Ngunit ang pangangaral sa bahay-bahay—talagang hindi ko magagawa iyan.” Si Ben ay sandaling nakipag-aral ng Bibliya sa isang lalaking taga-Nigeria na ganito ang sabi sa kaniya: “Hindi ko maipakikitang ako’y nangangaral sa madla sa bahay-bahay; pero makapag-aabuloy ako ng salapi sa inyong kongregasyon upang tulungan ang mga taong papayag na gawin iyan.” Oo, karamihan ng tao ay kulang ng pananampalataya at ng matatag na paniniwalang kailangan para sa ministeryong Kristiyano.
Gayunman, ang pangmadlang pangangaral ang pananagutan ng lahat sa kongregasyong Kristiyano, anuman ang edad o sekso nila. Ito’y hindi lamang para sa mga elder at ministeryal na mga lingkod, na ‘nangunguna,’ kundi para rin ito sa mga Kristiyano sa pangkalahatan. Lahat ay pinapayuhan: “Maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan. . . . Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo.”—Hebreo 13:15, 17.
Sa pagpapahayag sa isang haluang karamihan sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Hindi bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” Sa isa pang okasyon ipinakita niya na sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay kasali ang pangangaral sa mga di-sumasampalataya. Sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad na iwanan muna ang pangangaral sa mga ilang Samaritano upang sila’y makakain, ngunit sinabi niya: “Ang pagkain ko ay gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”—Mateo 7:21; Juan 4:27-38.
Dapat Bang Ito ang Maging Karera Mo?
Ang mga tao ay karaniwan nang may hilig na humanap ng materyal na pagkain at kayamanan. Subalit mas maaga sa Sermon sa Bundok, ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na huwag mabahala tungkol sa gayong mga bagay. “Bagkus,” aniya, “magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit . . . Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos].”—Mateo 6:20, 33.
Ang paghahanap muna sa Kaharian ay nangangahulugan na hindi natin papayagang ang ibang mga intereses ay manaig sa ating ministeryo. Gayunman, ang paggawa nito ay hindi nangangahulugan na pababayaan naman natin ang iba pang mga bagay. Halimbawa, tayo’y pinapayuhan ng Bibliya na huwag pabayaan ang mga tunay na obligasyong pampamilya. Taglay natin ang gayong mga obligasyon gaya rin ng lahat ng tao. Kung pababayaan natin ang mga ito ay kumikilos tayo nang labag sa pananampalatayang Kristiyano. (1 Timoteo 5:8) Gayunman, dapat nating gawin ang lahat ng makatuwirang magagawa natin sa ministeryo samantalang ginagampanan sa timbang na paraan ang iba pang mga pananagutan.
Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral . . . bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sang-ayon sa konteksto ang hulang iyan ay natutupad sa ating kaarawan. Sapol noong 1914 ang mabuting balita ay na binigyang kapangyarihan ng Kaharian na kumilos sa pagtataguyod ng soberanya ni Jehova at laban kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan. (Apocalipsis 11:15-18) Dapat nating matamang pag-isipan ang tungkol sa mga bagay na kaugnay nito. Ang wakas ay darating, at kailangang tapusin natin ang gawaing pangangaral bago dumating iyon. Mga buhay ang nakataya; tayo’y makatutulong upang maligtas ang marami sa kanila.
Palawakin Pa ang Inyong Ministeryo
Marami sa mga Saksi ni Jehova ang gumugugol ng sampu o higit pang mga oras buwan-buwan upang maibahagi sa iba ang mabuting balita. Libu-libo ang gumugugol ng dalawa o higit pang mga oras sa isang araw sa pangangaral bilang mga auxiliary pioneer, at ang iba ay patuluyang naglilingkod bilang mga regular at special pioneer. Kanilang nauunawaan ang pagkaapurahan ng gawaing ito at nais nilang magkaroon ng lubusang bahagi na posible na sa kanilang gawin bago magwakas ang walang-kaligayahang sanlibutang ito.
Ikaw ba ay isa nang aktibong Saksi ni Jehova? Kung gayo’y palawakin mo pa ang iyong paglilingkod. Pasulungin ang iyong kahusayan sa pangangaral at pagtuturo, sikaping gumawa pa nang higit sa ministeryo. Kung ikaw ay nasa katayuan na maging isang payunir, magpayunir ka. Kung ang iyong mga kalagayan naman ay tunay na hindi nagpapahintulot sa iyo na magpayunir, himukin mo ang mga makapagpapayunir na makibahagi sa paglilingkurang ito.
Kung ikaw ay hindi isang nag-alay na Saksi ni Jehova, huwag mong sabihing hindi para sa iyo ang ministeryo. Isa pang lalaki na nagngangalang Peter, isang mechanical engineer, ang tutol na tutol sa ginagawa ng kaniyang asawa na pangangaral sa iba ng mabuting balita. “Papaano ko mapahihinto ang aking asawa sa pangangaral sa bahay-bahay?” ang tanong niya. Makalipas ang mga taon ng pagmamasid sa matatag na paninindigan nito tungkol sa katotohanan ng Salita ng Diyos, ipinasiya niya na mag-aral din ng Bibliya. Ngayon, tulad ng kaniyang maybahay, siya’y isang nag-alay, bautismadong ministro ng mabuting balita.
Huwag mong hadlangan ang iyong sarili sa pribilehiyo na paglilingkod kay Jehova. Ikaw ay aming hinihimok na mag-aral ng Bibliya at makisama sa mga tunay na Kristiyano sa kanilang mga pulong. Ito’y tutulong sa iyo na hubugin ang iyong buhay kasuwato ng katuwiran ng Diyos at makapagtatag ng matibay na pananampalataya sa kaniyang mga layunin. Kung ikaw ay susulong sa bagay na ito, ikaw man ay magiging kuwalipikado na maging isang ministro ng Diyos. Ikaw kung gayon ay magkakaroon ng pribilehiyo na makibahagi sa pagganap ng utos na ito ni Jesus: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Oo, may isang ministeryo na maaaring lahukan mo, at kailangang-kailangan higit kailanman na gawin mo ang gayon.
[Kahon sa pahina 25]
Isang nars na may pamilya na inaasikaso ang nagsasabi: “Ako’y naglalakbay sa loob ng mahigit na isang oras araw-araw patungo sa ospital na aking pinagtatrabahuhan, kaya ang akala ko noon ay hindi ako makapag-a-auxiliary pioneer. Subalit maingat na isinaayos ko ang aking mga gawain upang makabahagi sa paglilingkod sa larangan maaga tuwing umaga bago ako magtungo sa trabaho, sa panahon ng pagpapahinga kung panahon ng trabaho, at kung mga araw na wala akong trabaho. Maguguni-guni ninyo ang aking kagalakan nang, sa katapusan ng isang buwan, ako’y gumugol ng 117 oras sa pangangaral! Ako’y nakapagpasakamay ng 263 mga magasin, nakakuha ako ng 22 suskrisyon para sa mga magasin at nakapagpasimula ako ng 3 pag-aaral sa Bibliya.”
[Kahon sa pahina 27]
Si Michael ay may pitong mga anak na mga kabataan, at siya’y may isang responsableng trabaho sa isang kolehiyo sa Nigeria. Siya’y isa ring elder sa Kristiyanong kongregasyon. Ang kaniyang pangmalas ay kapareho rin ng libu-libong mga Saksi:
“Ang ministeryo ay itinuturing kong aking karera at sa tuwina’y nagugunita ko ang sinabi ni Pablo: ‘Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito.’ Kami ng aking asawa ay ‘nagtatanim’ sa panahon ng sandaliang mga pakikipagtalakayan ng mabuting balita sa pagbabahay-bahay. Aming ‘dinidilig’ iyon sa pamamagitan ng pagbabalik sa mga taong nagpapakita ng interes upang turuan sila buhat sa Bibliya, gaya ng sinabi ni Jesus na dapat nating gawin. Ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa linggu-linggo ay nakatulong sa marami—sa mga ilang kaso ang buong mga pamilya—upang makaalam ng katotohanan.”