Ang Di-Malilimot na Baha
MGA 4,300 taon na ngayon, isang kapaha-pahamak na delubyo ang umapaw sa lupa. Sa isang dambuhalang baha, nilipol nito ang halos lahat ng nabubuhay na bagay. Ganiyan na lamang kalaki ito na anupa’t nag-iwan ng di-mapaparam na alaala sa sangkatauhan, at ang kuwento tungkol dito ay naipasa ng bawat salinlahi sa sumunod.
Mga 850 taon pagkatapos ng Baha, ang manunulat na Hebreong si Moises ang sumulat ng salaysay tungkol sa pambuong-lupang Delubyo. Ito’y naingatan sa aklat ng Genesis sa Bibliya, na kung saan mababasa natin ang malinaw na mga detalye sa mga Gen kabanata 6 hanggang 8.
Ang Pag-uulat ng Bibliya Tungkol sa Baha
Ang mga detalyeng ito ay inilalahad ng Genesis, maliwanag na buhat sa isang nakasaksi: “Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, sa ikalabimpitong araw ng buwan, nang araw ding yaon ay nasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman at ang mga durungawan ng langit ay nabuksan. At bumaha nang apatnapung araw sa ibabaw ng lupa, at lumaki ang tubig at lumitaw ang daong at nataas sa ibabaw ng lupa. At dumagsang lubha ang tubig sa ibabaw ng lupa na anupa’t ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit ay inapawan.”—Genesis 7:11, 17, 19.
Tungkol sa epekto ng Baha sa mga bagay na may buhay, sinasabi ng Bibliya: “At namatay ang lahat ng laman na gumagalaw sa ibabaw ng lupa, ang mga ibon at gayundin ang maaamong hayop at mga hayop-gubat at ang bawat umuusad sa ibabaw ng lupa, at ang lahat ng tao.” Subalit, si Noe at ang iba pang pitong tao ay nakaligtas, kasama ang bawat pares ng hayop-gubat, lumilipad na nilalang, at umuusad sa lupa. (Genesis 7:21, 23) Lahat ay naligtas dahil sa nakasakay sila sa isang malaking lumulutang na daong na humigit-kumulang 133 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13 metro ang taas. Yamang ang tanging kahilingan tungkol sa daong ay na kailangang hindi pinapasok iyon ng tubig at na kailangang manatiling lumulutang iyon, kaya naman iyon ay walang pabilog na ilalim, matulis na harapan, at elise, o timon. Ang daong ni Noe ay isa lamang parihaba, tulad-kaban na sasakyan.
Makalipas ang limang buwan buhat nang magsimula ang Delubyo, ang daong ay sumadsad sa kabundukan ng Ararat, na nasa kasalukuyang silangang Turkiya. Si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumunsad sa daong tungo sa katihan isang taon pagkatapos magsimula ang Baha at sila’y nagsimula na naman sa karaniwang rutina ng pamumuhay. (Genesis 8:14-19) Nang sumapit ang panahon, ang sangkatauhan ay dumami na naman at nagsimulang magtayo ng siyudad ng Babel at ng ubod-samang tore doon malapit sa Ilog Eufrates. Mula roon ang mga tao ay unti-unting nagsipangalat sa lahat ng panig ng lupa nang guluhin ng Diyos ang wika ng sangkatauhan. (Genesis 11:1-9) Subalit ano ba ang nangyari sa daong?
Paghahanap sa Daong
Mula noong ika-19 na siglo, maraming nagtangka na hanapin ang daong sa kabundukan ng Ararat. Ang kabundukang ito ay may dalawang prominenteng taluktok, ang isa ay 5,165 metro ang taas at iyon namang isa ay 3,914 metro. Ang mas mataas sa dalawa ay natatakpan ng niyebe sa buong santaon. Dahilan sa pagbabagu-bago ng klima pagkatapos ng Baha, tiyak na natabunan agad ng niyebe ang daong. May mga imbestigador na matibay ang paniniwala na naroon pa rin ang daong, natabunan ng namuong yelo. Ayon sa kanila mayroon daw mga panahon na natunaw ang malaking bahagi niyaon at pansamantalang lumitaw ang isang bahagi ng daong.
Sa aklat na In Search of Noah’s Ark ay sinisipi si George Hagopian, isang Armeniano, na nag-aangking umakyat sa Bundok Ararat at kaniyang nakita ang daong noong 1902 at muli na naman noong 1904. Sa unang pagdalaw, aniya, siya’y aktuwal na umakyat sa taluktok ng daong. “Ako’y tumayong tuwid at nagmasid sa buong paligid ng barko. Iyon ay mahaba. Ang taas ay mga labindalawang metro.” Tungkol sa kaniyang obserbasyon nang siya’y sumunod na dumalaw, sinabi niya: “Wala akong nakitang anumang talagang mga kurba. Iyon ay hindi katulad ng ibang barko na nakita ko. Iyon ay mistulang isang gabara na patag ang ilalim.”
Mula 1952 hanggang 1969, si Fernand Navarra ay makaapat na ulit na nagsikap humanap ng ebidensiya tungkol sa daong. Sa kaniyang ikatlong paglalakbay sa Bundok Ararat, sinikap niyang marating ang dulo ng isang bitak sa isang namuong yelo, at doon ay nakasumpong siya ng isang piraso ng maitim na kahoy na nakabaon sa yelo. “Tiyak na ito’y napakatagal na,” sabi niya, “at marahil nakakabit pa rin sa ibang bahagi ng balangkas ng barko. Maaari ko lamang tagain ang kahoy ayon sa haspe nito hanggang sa makataga ako ng isang pirasong mga uno punto singko metro ang haba.”
Si Propesor Richard Bliss, isa sa ilang eksperto na sumuri sa kahoy, ay nagsabi: “Ang sampol ng kahoy na nakuha ni Navarra ay ginamit na isang barakilan at pinahiran ng makapal na sahing. Ang mga hugpungan nito ay sugpong na nakamitsa. At ito’y tiyak na kinortehan ng kamay at ginawang kuwadrado.” Ang tinatayang edad ng kahoy ay mga apat o limang libong taon.
Bagaman sinikap na matagpuan ang daong sa Bundok Ararat, ang tiyak na patotoo na ito’y ginamit upang maligtasan ang isang kapaha-pahamak na delubyo ay matatagpuan sa nasusulat na rekord ng pangyayaring iyan sa Bibliya sa aklat ng Genesis. Ang katunayan ng rekord na iyan ay makikita sa napakaraming mga alamat ng baha na taglay ng sinaunang mga bayan sa buong daigdig. Isaalang-alang ang kanilang pagpapatotoo sa sumusunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 4, 5]
Ang daong ay makapaglululan ng katumbas ng kargada ng 10 bagol ng tren ng mga 25 Amerikanong ‘boxcar’ sa bawat isa!