Ang Baha sa mga Alamat ng Daigdig
ANG Baha noong kaarawan ni Noe ay isang malaking sumalantang kapahamakan na hindi kailanman malilimot ng sangkatauhan. Makalipas ang 2,400 taon, iyon ay tinukoy ni Jesu-Kristo bilang isang tunay na kasaysayan. (Mateo 24:37-39) Ang lubhang kasindak-sindak na pangyayaring ito ay nag-iwan ng isang napakalaking di-mapapawing alaala sa lahi ng sangkatauhan na anupa’t ito’y napabilang sa mga alamat sa buong daigdig.
Sa aklat na Myths of Creation, tinataya ni Philip Freund na mahigit na 500 alamat sa Baha ang inilalahad ng mahigit na 250 tribo at bayan. Gaya ng dapat asahan, sa paglipas ng maraming daan-daang taon, ang mga alamat na ito ay patuloy na naragdagan ng guniguning mga pangyayari at mga karakter. Gayunman, sa lahat ng iyan ay makasusumpong ng ilang saligang pagkakahawig.
Kapuna-punang mga Pagkakahawig
Samantalang ang mga taga-Mesopotamia ay lumilipat sa ibang lugar pagkatapos ng Baha, dala-dala nila ang mga ulat tungkol sa kapahamakang iyan sa pagdayo nila sa lahat ng panig ng lupa. Sa gayon, ang mga naninirahan sa Asia, mga kapuluan ng Timog Pasipiko, Hilagang Amerika, Sentral Amerika, at Timog Amerika ay may mga kuwento tungkol sa di-malilimot na pangyayari. Ang maraming alamat ng Baha ay umiral na matagal pa bago ang mga taong ito ay mapahantad sa kaalaman sa Bibliya. Gayunman, ang mga alamat ay may mga saligang punto na katulad ng inilalahad ng Bibliya tungkol sa Delubyo.
Sa ilang mga alamat ay binabanggit ang tungkol sa mararahas na mga higanteng namumuhay sa lupa bago sumapit ang Baha. Bilang paghahambing, ipinakikita ng Bibliya na bago sumapit ang Baha ay may masuwaying mga anghel na nagkatawang-tao, sumiping sa mga babae, at nagkaanak ng isang lahi ng mga higanteng tinatawag na Nefilim.—Genesis 6:1-4; 2 Pedro 2:4, 5.
Karaniwan na sa mga alamat ng Baha ay nagpapakita na isang tao ang binigyan ng babala tungkol sa napipintong delubyo na pasasapitin ng Diyos. Sang-ayon sa Bibliya, ang Diyos na Jehova ay nagbabala kay Noe na Kaniyang lilipulin ang mga balakyot at mararahas na tao. Sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko, sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahilan sa kanila; at narito sila’y aking lilipulin kalakip ng lupa.”—Genesis 6:13.
Ang mga alamat tungkol sa Baha ay pangkaraniwan nang bumabanggit na iyon ay nagdala ng pambuong-mundong pagkawasak. Sa katulad na paraan, sinasabi ng Bibliya: “At dumagsang lubha ang tubig sa ibabaw ng lupa at inapawan ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit. Ang bawat may hininga ng puwersa ng buhay sa ilong, samakatuwid nga, lahat ng nasa lupang tuyo, ay namatay.”—Genesis 7:19, 22.
Karamihan ng mga alamat ng Baha ay nagsasabi na isang tao ang nakaligtas sa Delubyo kasama ng isa o higit pang mga tao. Maraming alamat ang nagsasabing siya’y naligtas sa pamamagitan ng pagsakay sa isang daong na kaniyang ginawa, at iyon ay sumadsad sa itaas ng isang bundok. Bilang pagtutulad, sinasabi ng Kasulatan na si Noe ay nagtayo ng isang daong. Sinasabi rin nito: “Tanging si Noe at yaong mga kasama niya sa daong ang nakaligtas.” (Genesis 6:5-8; 7:23) Sang-ayon sa Bibliya, pagkatapos ng Delubyo “ang daong ay sumadsad sa kabundukan ng Ararat,” na kung saan si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumunsad. (Genesis 8:4, 15-18) Ipinakikita rin ng mga alamat na ang mga nakaligtas sa Baha ay nagsimulang muling kalatan ang lupa, gaya ng ipinakikita ng Bibliya na ginawa ng pamilya ni Noe.—Genesis 9:1; 10:1.
Sinaunang mga Alamat ng Baha
Isinasaisip ang binanggit na mga punto, isaalang-alang natin ang ilan sa mga alamat ng Baha. Halimbawang pasimulan natin sa mga Sumeriano, isang sinaunang mga tao na naninirahan sa Mesopotamia. Ang kanilang bersiyon ng Delubyo ay masusumpungan sa isang tabletang putik na nahukay sa kaguhuan ng Nippur. Sinasabi ng tabletang ito na ang mga diyos na Sumeriano na sina Anu at Enlil ay nagpasiya na lipulin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng isang napakalaking baha. Palibhasa’y binabalaan ng diyos na si Enki, si Ziusudra at ang kaniyang sambahayan ay nakaligtas sa pamamagitan ng isang napakalaking bangka.
Ang Babilonikong Epic of Gilgamesh ay may maraming detalye. Sang-ayon doon, dinalaw ni Gilgamesh ang kaniyang ninunong si Utnapishtim, na binigyan ng walang-hanggang buhay pagkatapos makaligtas sa Baha. Sa kinalabasang pag-uusap, ipinaliliwanag ni Utnapishtim na siya’y sinabihang gumawa ng isang barko at ipasok doon ang mga baka, maiilap na hayop, at ang kaniyang pamilya. Kaniyang ginawa ang barko na isang napakalaking kubiko na 60 metro ang bawat tabi, na may anim na palapag. Kaniyang sinabi kay Gilgamesh na ang bagyo ay tumagal ng anim na araw at anim na gabi, at saka sinabi niya: “Nang sumapit ang ikapitong araw, ang bagyo, ang Delubyo, ang kagitlaan na dulot ng labanan ay naparam, na sumagupa na mistulang isang hukbo. Ang karagatan ay naging kalmado, ang unos ay naparam, umurong ang Baha. Tinanaw ko ang karagatan at ang ugong ng mga tinig ay natapos. At ang lahat ng tao ay naging putik.”
Pagkatapos na sumadsad sa Bundok Nisir ang barko, si Utnapishtim ay nagpakawala ng isang kalapati na bumalik sa barko nang ito’y hindi makasumpong ng isang dakong mapagpapahingahan. Ito’y sinundan ng isang langay-langayan na nagbalik din. Pagkatapos ay isang uwak naman ang pinakawalan, at nang ito’y hindi bumalik, nabatid niya na ang tubig ay natuyo na. Pagkatapos ay pinawalan ni Utnapishtim ang mga hayop at naghandog ng isang hain.
Ang napakatanda nang alamat na ito ay medyo nahahawig sa pag-uulat ng Bibliya tungkol sa Baha. Subalit, kulang ito ng malinaw na mga detalye at hindi simple na gaya ng pag-uulat ng Bibliya, at hindi ito nagbibigay ng rasonableng mga sukat ng daong ni tinutukoy man nito ang yugto ng panahon na sinasabi ng Kasulatan na pagkapangyari ng bagay na iyon. Halimbawa, sinabi ng Epic of Gilgamesh na ang bagyó ay tumagal nang anim na araw at anim na gabi, samantalang sinasabi naman ng Bibliya na “ang pagbuhos ng ulan sa lupa ay nagpatuloy nang apatnapung araw at apatnapung gabi”—isang patuloy na malakas na ulan na sa wakas ang buong mundo ay inapawan ng tubig.—Genesis 7:12.
Bagaman binabanggit ng Bibliya na may walong nakaligtas sa Baha, sa alamat ng mga Griego ay si Deucalion lamang at ang kaniyang asawa, si Pyrrha, ang nakaligtas. (2 Pedro 2:5) Sang-ayon sa alamat na ito, bago sumapit ang Baha sa lupa ay may tumatahan na mararahas na mga indibiduwal na tinatawag na mga lalaking tanso. Ipinasiya ng diyos na si Zeus na lipulin sila sa pamamagitan ng isang malaking baha at sinabihan si Deucalion na gumawa ng isang malaking kaban at pumasok doon. Nang umurong na ang baha, ang kaban ay sumadsad sa Bundok Parnassus. Sina Deucalion at Pyrrha ay bumaba buhat sa bundok at nagsimula na namang magpakarami.
Mga Alamat ng Dulong Silangan
Sa India ay may isang alamat ng Baha na dito si Manu ang taong nakaligtas. Kaniyang kinaibigan ang isang munting isda na lumaki at nagbigay-babala sa kaniya tungkol sa isang mapamuksang baha. Si Manu ay gumawa ng isang bangka, na hinila ng isda hanggang sa iyon ay bumara sa isang bundok sa Himalayas. Nang umurong ang baha, si Manu ay bumaba sa bundok at kasama si Ida, ang katauhan ng kaniyang hain, ay muling nagpakarami.
Sang-ayon sa alamat ng baha ng mga Intsik, ang diyos ng kulog ay nagbigay ng isang ngipin sa dalawang bata, si Nuwa at si Fuxi. Kaniyang ipinagbilin sa kanila na itanim iyon at sumilong sa punò ng kikayon na tutubo mula roon. Agad namang sinupangan ng isang punò ang ngipin at tumubo ang isang malaking kikayon. Nang ang diyos ng kulog ay magpasapit ng malakas na pag-ulan, ang mga bata ay umakyat sa kikayon. Bagaman sa dalang baha niyaon ay nalunod ang lahat ng iba pang mga tao sa lupa, sina Nuwa at Fuxi ay nakaligtas at muling nagpakarami sa lupa.
Sa mga Lupain ng Amerika
Ang mga Indian ng Hilagang Amerika ay may sari-saring alamat na may taglay na karaniwang tema ng isang baha na pumuksa sa lahat maliban sa ilang tao. Halimbawa, ang Arikara, na mga tao sa Caddo, ay nagsabi na noong una ang mundo ay minsang tinirahan ng isang lahi ng mga tao na napakalalakas na anupa’t kanilang nilibak ang mga diyos. Ang diyos na si Nesaru ang lumipol sa mga higanteng ito sa pamamagitan ng isang baha ngunit iningatan ang kaniyang bayan, ang mga hayop, at ang mais sa isang kuweba. Ang mga taong Havasupai ay nagsabi na ang diyos na si Hokomata ang nagpasapit ng isang baha na lumipol sa sangkatauhan. Gayunman, ang taong si Tochopa ay nakapagligtas ng kaniyang anak na babae na si Pukeheh sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniya sa isang guwang na troso.
Ang mga Indian sa Sentral at Timog Amerika ay may mga alamat ng baha na may mga pagkakahawig. Ang mga Maya ng Sentral Amerika ay naniniwala na isang malaking ahas sa tag-ulan ang pumuksa sa sanlibutan sa pamamagitan ng mga daluyong ng tubig. Sa Mexico ang alamat naman ng Chimalpopoca ay nag-uulat na isang baha ang nagpalubog sa mga kabundukan. Ang diyos na si Tezcatlipoca ay nagbabala sa taong si Nata, na gumawa ng guwang sa isang troso at doon siya at ang kaniyang asawa, si Nena, ay nanganlong hanggang sa humupa ang tubig.
Sa Peru ang Chincha ay may isang alamat tungkol sa isang limang-araw na baha na lumipol sa lahat ng tao maliban sa isa na inakay ng isang nagsasalitang llama sa kaligtasan sa isang bundok. Ang Aymara ng Peru at Bolivia ay may sinasabi na ang diyos na si Viracocha ay umahon sa Loók Titicaca at kaniyang nilalang ang sanlibutan at mga pambihira ang laki, malalakas na mga lalaki. Dahilan sa siya ay nagalit sa unang lahing ito, sila’y nilipol ni Viracocha sa isang baha.
Ang mga Indian na Tupinamba ng Brazil ay may sinasabing isang panahon na isang malaking baha ang lumunod sa lahat ng kanilang mga ninuno maliban sa mga nakaligtas sakay ng mga bangka o nakaakyat sa taluktok ng matataas na mga punungkahoy. Ang mga Cashinaua ng Brazil, ang Macushi ng Guyana, ang mga Carib ng Sentral Amerika, at ang Ona at Yahgan ng Tierra del Fuego sa Timog Amerika ay kabilang sa maraming tribo na may mga alamat ng baha.
Timog Pasipiko at Asia
Sa buong Timog Pasipiko, karaniwan ang mga alamat tungkol sa isang baha na may kakaunting mga nakaligtas. Halimbawa, sa Samoa ay may isang alamat ng isang baha noong sinaunang mga panahon na lumipol sa lahat maliban kay Pili at sa kaniyang asawa. Sila’y nakapanganlong sa isang malaking bato, at pagkatapos ng baha sila’y nagpakarami sa lupa. Sa Kapuluan ng Hawaii, ang diyos na si Kane ay nayamot sa mga tao at nagpabaha upang lipulin sila. Tanging si Nuʹu ang nakaligtas sakay ng isang malaking bangka na sa wakas ay sumadsad sa isang bundok.
Sa Mindanao sa Pilipinas, ang Ata ay may sinasabi na minsan daw ang lupa ay inapawan ng tubig na lumipol sa lahat ng tao maliban sa dalawang lalaki at isang babae. Ang Iban ng Sarawak, Borneo, ay may sinasabi na kakaunti lamang na mga tao ang nakaligtas sa isang baha sa pamamagitan ng pagtakas sa pinakamatataas na mga burol. Sa alamat ng mga Igorot ng Pilipinas, tanging isang magkapatid na isang lalaki at isang babae ang nakaligtas sa pamamagitan ng panganganlong sa Bundok Pokis.
Ang Soyot ng Siberia, Rusya, ay nagkukuwento na isang dambuhalang palaka, na umaalalay sa mundo, ang gumalaw at naging sanhi ng pagbaha sa mundo. Isang matandang lalaki at ang kaniyang pamilya ang nakaligtas sakay ng isang balsa na kaniyang ginawa. Nang umurong ang tubig, ang balsa ay sumadsad sa isang mataas na bundok. Ang mga Ugrian ng kanlurang Siberia at Hungarya ay nagkukuwento rin na ang mga nakaligtas sa baha ay gumamit ng mga balsa ngunit pumadpad sa iba’t ibang panig ng lupa.
Iisang Pinagmulan
Ano ang mahihinuha natin mula sa maraming mga alamat na ito ng Baha? Bagaman ang mga ito’y nagkakaiba-iba nang malaki sa mga detalye, sila’y may ilang karaniwang katangian. Ang mga ito’y nagpapakita na nagmula ito sa isang napakalaki at di-malilimot na kalamidad. Bagaman may iba’t ibang bersiyon ng kuwento sa paglipas ng mga siglo, ang kabuuang tema ay walang iniwan sa isang sinulid na nagtatali sa mga iyan sa isang pangyayari—ang pandaigdig na baha na iniuulat sa simple, walang dagdag na paglalahad ng Bibliya.
Yamang ang mga alamat ng Baha ay pangkaraniwang matatagpuan sa mga taong hindi nagbabasa ng Bibliya nitong nakalilipas na mga siglo, isang pagkakamali na isiping ang ulat ng Kasulatan ay nakaimpluwensiya sa kanila. Isa pa, sinasabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Ang pagiging palasak ng ulat ng baha ay karaniwan nang itinuturing na ebidensiya tungkol sa palasak na pagkalipol ng sangkatauhan sa pamamagitan ng isang baha . . . Bukod diyan, ang ilan sa sinaunang ulat ay isinulat ng mga taong lubhang salungat sa tradisyong Hebreo-Kristiyano.” (Tomo 2, pahina 319) Kaya tayo’y may-tiwalang makapaniniwala na ang mga alamat ng Baha ay nagpapatunay sa pagiging totoo ng ulat ng Bibliya.
Yamang tayo’y namumuhay sa isang daigdig na punô ng karahasan at imoralidad, makabubuting basahin natin ang pag-uulat ng Bibliya tungkol sa Baha, ayon sa ulat sa Genesis kabanata 6 tuluy-tuloy hanggang 8. Kung ating bubulay-bulayin ang dahilan ng pangglobong Delubyong iyon—ang patuloy na paggawa ng kabalakyutan sa paningin ng Diyos—makikita natin na iyan ay isang mahalagang babala.
Hindi na magtatagal at mararanasan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ang paghuhukom sa kaniya ng Diyos. Subalit, nakatutuwa naman at magkakaroon ng mga makaliligtas. Ikaw ay baka makabilang sa kanila kung pakikinggan mo ang mga sinalita ni apostol Pedro: “Ang sanlibutan noong panahon [ni Noe] ay napahamak nang apawan ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayon ding salita ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama. . . . Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo’y maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang bunga ng maka-Diyos na debosyon, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.”—2 Pedro 3:6-12.
Lagi mo bang isasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova? Kung ganiyan ang iyong gagawin at kikilos ka na kasuwato ng kalooban ng Diyos, ikaw ay magtatamasa ng dakilang mga pagpapala. Kaya yaong mga nagpapalugod sa Diyos ay makasasampalataya sa bagong sanlibutan na tinutukoy ni Pedro nang kaniyang isusog: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga alamat ng baha ng mga taga-Babilonya ay nagpasalin-salin sa sunud-sunod na lahi
[Larawan sa pahina 8]
Ikaw ba’y nakikinig sa babala ni Pedro na laging isaisip ang araw ni Jehova?