Mag-ingat sa mga Bulaang Propeta!
SA Brazil isang mag-asawa ang matutulog na lamang sa gabi nang kanilang maulinigan na may mga magnanakaw na pumapasok sa kanilang tahanan. Nakatakas ang mag-asawa sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana sa silid-tulugan at kanilang tinawagan ang pulisya. Subalit pagkaraan ang asawang babae ay totoong nabigla sa karanasang iyon na anupa’t hindi siya makatulog sa bahay at kinailangan na pumaroon sa kaniyang ina.
Sinuman na pinagnakawan sa kaniyang bahay o nanakawan sa anumang paraan ay makikiramay sa kaniya. Ang ganiyang karanasan ay maaaring magdulot ng nerbiyos, at, nakalulungkot na parami nang paraming mga tao ang nagdurusa sa ganitong paraan. Subalit, may isang anyo ng pagnanakaw na may lalong malubhang ibinubunga.
Ano ba ang lalong malubhang anyong ito ng pagnanakaw, at sino ang mga magnanakaw? Tayo’y binigyan ni Jesu-Kristo ng ilang impormasyon tungkol doon nang, sa pagsasalita tungkol sa ating kaarawan, sinabi niya: “Maraming mga bulaang propeta na babangon at ililigaw nila ang marami.” (Mateo 24:11) Mga magnanakaw ang mga bulaang propeta. Sa papaano? Ano ba ang kanilang ninanakaw? Ang kanilang pagnanakaw ay may kaugnayan sa kanilang panghuhula. Kaya upang maunawaang lubusan ang bagay na iyan, kailangang malaman muna natin kung ano ang panghuhula ayon sa Bibliya.
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Panghuhula
Pagka naiisip mo ang panghuhula, marahil ang unang sasaisip mo ay ang paghula tungkol sa hinaharap. Ito’y tunay ngang isang bahagi ng gawain ng mga propeta ng Diyos noong una, subalit hindi iyon ang kanilang pangunahing gawain. Halimbawa, nang sa isang pangitain ay pagsabihan ang propetang si Ezekiel na “manghula sa hangin,” wala siyang kinailangang gawin kundi maglabas ng utos galing sa Diyos. (Ezekiel 37:9, 10) Nang si Jesus ay nililitis sa harap ng mga saserdote, siya’y niluraan at pinagsasampal, at ang kaniyang mga mang-uusig ay nanlibak: “Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo. Sino ang sa iyo’y sumampal?” Hindi sila humihiling kay Jesus na hulaan ang hinaharap. Kanilang hinahamon siya na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay sabihin niya kung sino ang sumampal sa kaniya.—Mateo 26:67, 68.
Sa katunayan, ang mahalagang kaisipan na inihahatid ng orihinal na mga salita sa Bibliya na isinaling “manghula” o “hula” ay nakasalig sa pagpapahayag ng kaisipan ng Diyos sa isang bagay o, gaya ng pagkasabi tungkol doon ng aklat ng Mga Gawa, salitain “ang dakilang mga gawa ng Diyos.” (Gawa 2:11) Sa diwang ito maraming mga tao ang ninanakawan ng mga bulaang propeta.
Kung gayon, sino ang mga bulaang propeta, at ano ba ang kanilang ninanakaw? Upang masagot ang tanong na ito, tayo’y magbalik-tanaw sa kasaysayan ng bansang Israel hanggang sa panahon ni Jeremias. Gagawin natin ito sa sumusunod na artikulo.