“Ang Kaniyang Kagandahang-Loob ay Napatunayang Makapangyarihan”
AYON SA PAGKALAHAD NI JOSÉ VERGARA OROZCO
Inaakala mo bang ang iyong buhay ay mapupuspos ng bagong kasiglahan sa edad na 70 taon? Gayon ang naranasan ko. At iyan ay mahigit na 35 taon na ngayon ang lumipas.
Dahilan sa kagandahang-loob ni Jehova, sapol noong 1962, ako’y nakapaglingkod bilang isang regular pioneer, at sapol noong 1972, ako’y naging isang tagapangasiwa sa El Carrizal Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa estado ng Jalisco, Mexico. Ilalahad ko sa inyo ang ilang bagay tungkol sa aking nakaraan.
AKO’Y isinilang sa estado ng Michoacán, sa Mexico, noong Agosto 18, 1886, ang aking ama ay isang Mason, kaya ang aming pamilya ay hindi nagsisimba sa Simbahang Katoliko, ni nakikisali man kami sa anumang mga relihiyosong selebrasyon ng mga Katoliko o dili kaya’y mayroon kaming anumang mga imaheng relihiyoso sa aming tahanan.
Nang ako’y 16 na taóng gulang, lumisan ang aking ama upang magtrabaho sa Estados Unidos, ngunit kaniyang isinaayos na ako’y turuan ng isang lalaki ng isang hanapbuhay. Gayunman, dalawang taon ang nakalipas nang isinama ako ng taong iyon sa Mexico City para magsanay sa isang paaralang militar. Pagkatapos ay nagsimula ang aking karera sa hukbo ng Mexico.
Sa Hukbo at Pagkatapos
Ako’y lumaban sa Rebolusyon sa Mexico na nagsimula noong 1910. Lahat kami na mga kabataang lalaki sa paaralan ay sumuporta kay Francisco I. Madero, na isang rebolusyonaryong salungat sa diktadura ni Porfirio Díaz. Aming itinaguyod si Madero hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1913, at pagkatapos, aming sinuportahan naman si Venustiano Carranza, na naglingkod bilang pangulo ng Republika mula 1915 hanggang 1920. Kami’y tinawag na Carranzistas.
Sa apat na iba’t ibang okasyon, sinubok ko na makalaya sa hukbo, ngunit nabigo naman. Sa wakas ako ay nagtanan at naging isang takas. Kaya naman, ang aking ama, na bumalik sa Mexico, ay ibinilanggo. Isang araw, sa pagkukunwari na ako’y kaniyang pamangkin, dinalaw ko siya sa bilangguan. Kami’y nagtalastasan sa pamamagitan ng pagsulat sa maliliit na piraso ng papel upang hindi kami marinig ng mga guwardiya. Upang hindi madiskubre ninuman kung sino ako, kinain ko ang papel.
Pagkatapos na ang aking ama’y palayain sa bilangguan, kaniyang dinalaw ako at hiniling na ako’y sumuko na sa mga maykapangyarihan. Gayon nga ang ginawa ko, at sa aking pagtataka ako ay hindi naman inaresto ng nangangasiwang heneral. Bagkus, kaniyang iminungkahi na ako’y lumipat sa Estados Unidos. Sinunod ko ang kaniyang mungkahi at nanirahan ako roon mula 1916 hanggang 1926.
Noong 1923, nakapag-asawa ako ng isang babaing Mexicana na naninirahan din doon sa Estados Unidos. Natuto ako ng trabaho sa konstruksiyon, at kami’y umampon ng isang batang babae. Nang siya’y sumapit sa edad na 17 buwan, kami’y bumalik sa Mexico at nanirahan sa Jalpa, Tabasco. Nang magkagayon ay nagsimula naman ang ‘himagsikang Cristero,’ at mula 1926 ito’y tumagal hanggang 1929.
Nais ng mga Cristero na sumama ako sa kanila. Gayunman, nais ko at ng aking pamilya na kami’y tumakas tungo sa Aguascalientes State. Pagkatapos manirahan sa iba’t ibang lugar sa republika ng Mexico, noong 1956 kami’y nagpirme sa Matamoros, Tamaulipas, na kung saan nagsimula akong maging superbisor ng mga trabaho sa konstruksiyon.
Nabago ang Aking Buhay
Dito nagsimulang mabago ang aking buhay. Ang aking anak na babae, na ngayon ay may asawa na at naninirahan sa kabilang ibayo ng hangganan sa Brownsville, Texas, E.U.A., ay malimit na dumalaw sa amin. Isang araw ay sinabi niya: “Itay, maraming pamilya ang nagtitipon sa bulwagang pinagtitipunan sa komunidad sa mga sandaling ito. Pumunta tayo at tingnan natin kung ano iyon.” Iyon pala ay isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Ang aking anak na babae, manugang na lalaki, apo, asawa, at ako ay nagsidalo sa apat na araw ng asamblea.
Mula nang taóng iyon patuloy, kami’y dumadalo nang palagi sa mga pulong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Ako’y sumulong sa espirituwal sa Mexico, samantalang ang aking anak na babae ay sumulong naman sa Estados Unidos. Hindi nagtagal at ibinabalita ko na sa aking mga kamanggagawa ang mga katotohanan ng Bibliya na aking natututuhan. Ako’y tumanggap ng sampung magasin ng bawat labas ng Ang Bantayan at Gumising!, na aking ipinamahagi naman sa aking mga kamanggagawa. Lima niyaong mga nasa opisina at tatlo sa mga inhinyero at gayundin ilan sa mga iba pang mga manggagawa ang naging mga Saksi.
Naku, pagkaginaw-ginaw ng Disyembre 19, 1959 na iyon, nang ako’y bautismuhan sa ilog! Lahat ng nabautismuhan nang araw na iyon ay nagkasakit dahilan sa tubig na labis-labis ang lamig. Ang aking anak na babae ay nabautismuhan bago pa ako, at ang aking maybahay, bagaman siya’y hindi nabautismuhan kailanman, ay sumapit sa punto ng pagkaalam sa katotohanan ng Bibliya, at siya’y lubusang nakipagtulungan.
Ang Buong-Panahong Ministeryo
Ako’y nakadama ng utang na loob sa Diyos sa lahat ng kaniyang kagandahang-loob, kaya noong Pebrero 1962, nang ako’y 75 taóng gulang, ako’y nagsimula sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Makalipas ang ilang taon, noong 1968, namatay ang aking maybahay. Noon ay nais ko sanang maglingkod sa ibang bansa, ngunit dahilan sa aking edad, naisip ng mga kapatid na hindi iyon para sa akin. Gayunman, noong 1970, ako’y naatasan na maging isang payunir sa Colotlán sa estado ng Jalisco, na kung saan may isang maliit na kongregasyon.
Noong Setyembre 1972, iminungkahi ng tagapangasiwa ng sirkito na ako’y lumipat sa munting bayan ng El Carrizal, na malapit sa Colotlán. Noong Nobyembre ng taóng iyon, isang kongregasyon ang itinatag doon, at ako’y nahirang na isang matanda. Bagaman iyon ay isang bayan na iláng na iláng, umaabot sa 31 ang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon.
Sa kabila ng aking katandaan, ako’y masigla pa rin sa ministeryo, puspusang nagsisikap na tulungan ang mga tao na mangatuwiran kung tungkol sa kanilang mga paniniwala. Halimbawa, sa pagro-Rosaryo inuulit-ulit ng taimtim na mga Katoliko ang Aba Ginoong Maria: ‘Aba, Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya; ang Panginoon ay sumasaiyo.’ Isinususog ng dasal: ‘Santa Maria, Ina ng Diyos.’ Ang tanong ko sa kanila: ‘Papaano mangyayari iyan? Kung ang Diyos ang siyang nagliligtas kay Maria, papaanong Siya ay magiging anak din niya?’
Ako’y 105 taóng gulang na ngayon at nakapaglingkod na bilang isang matanda at bilang isang regular pioneer sa El Carrizal, Jalisco, sa halos 20 taon. Inaakala kong kalooban ni Jehova na ako’y mabuhay sa loob ng maraming mga taóng ito, yamang ito ang paraan upang makabayad ako sa panahong nasayang nang ako’y hindi pa naglilingkod sa Kaniya.
Ang isang bagay na aking natutuhan ay na dapat tayong laging magtiwala na ang ating Kataas-taasang Hukom ay nagmamasid sa atin buhat sa kaniyang matuwid na trono at bibigyan tayo ng ating mga pangangailangan. Gaya ng sinasabi ng Awit 117:2: “Tungkol sa atin ang kaniyang kagandahang-loob ay napatunayang makapangyarihan.”