Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 2/1 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kaparehong Materyal
  • “Ikaw ay Isang Babaing Maganda”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Sara
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tinawag Siya ng Diyos na “Prinsesa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Abraham at Sara—Matutularan Mo ang Kanilang Pananampalataya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 2/1 p. 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Aktuwal bang naging asawa ni Faraon si Sarah, ang asawa ni Abraham, gaya ng lumilitaw buhat sa pagkasalin ng Genesis 12:19 sa ilang bersiyon ng Bibliya?

Hindi, si Faraon ay nahadlangan ng pagkuha kay Sarah (Sarai) bilang kaniyang asawa. Kaya, ang kapurihan at karangalan ni Sarah ay hindi nanganib.

Tayo’y natutulungang makita ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa kalagayan sa konteksto nito. Dahil sa isang taggutom ay napilitan si Abraham (Abram) na lumikas sandali sa Ehipto. Siya’y nangangamba na baka manganib ang kaniyang buhay doon dahilan sa kaniyang magandang asawa, si Sarah. Si Abraham ay hindi pa nagiging ama ng isang anak kay Sarah, kaya kung siya’y mamamatay sa Ehipto, masisira ang angkan na pagmumulan ng Binhi, ang Binhi na sa pamamagitan niyaon pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa. (Genesis 12:1-3) Kaya iniutos ni Abraham kay Sarah na ipakilala ang kaniyang sarili bilang kaniyang kapatid na babae, sapagkat totoo namang silang dalawa ay magkapatid sa ama.​—Genesis 12:10-13; 20:12.

May dahilan ang kaniyang pangamba. Ang iskolar na si August Knobel ay nagpaliwanag: “Ipinakiusap ni Abraham kay Sarah na ipakilala ang kaniyang sarili bilang kaniyang kapatid na babae sa Ehipto upang siya [si Abraham] ay hindi paslangin. Kung siya ay kikilalanin na isang babaing may asawa, siya’y makukuha lamang ng isang Ehipsiyo sa pamamagitan ng pagpatay sa kaniyang asawa at may-ari sa kaniya; kung siya’y kikilalanin na isang kapatid na babae, nariyan ang posibilidad na siya’y makuha sa kaniyang kapatid na lalaki sa pamamagitan ng mapayapang mga paraan.”

Datapuwat, ang mga prinsipeng Ehipsiyo ay hindi pumasok sa pakikipagkasundo kay Abraham tungkol sa pag-aasawa ni Faraon kay Sarah. Wala silang ginawa kundi dinala lamang sa bahay ni Faraon ang magandang si Sarah, at ang tagapamahala ng Ehipto ay nagbigay ng mga regalo sa kaniyang inaakalang kapatid, si Abraham. Subalit pagkatapos nito, sa sambahayan ni Faraon ay pinasapit ni Jehova ang mga salot. Nang mahayag kay Faraon ang tunay na kalagayan sa isang paraang hindi nabanggit, sinabi niya kay Abraham: “Bakit mo sinabi, ‘Siya ay aking kapatid na babae,’ na anupa’t noon ay halos kukunin ko na lamang siya upang maging aking asawa? At ngayon ay narito ang iyong asawa. Siya’y kunin mo at yumaon ka!”​—Genesis 12:14-19.

Ang pagkasalin ng The New English Bible at ng iba pang mga salin ng Bibliya sa binanggit na italisadong bahagi ng talata na “anupa’t kinuha ko siya bilang isang asawa” o nahahawig na mga pananalita. Bagaman hindi tiyakang masasabing ito’y isang maling pagkasalin, ang ganiyang pananalita ay magbibigay ng impresyon na aktuwal na naging asawa ni Faraon si Sarah, na ang kasal ay tunay na nangyari. Mapapansin na sa Genesis 12:19 ang pandiwang Hebreo na isinaling “kukunin” ay nasa di-ganap na panahunan, na nagpapakita ng isang aksiyon na hindi pa natatapos. Sa New World Translation ay isinasalin ang pandiwang Hebreong ito na kasuwato ng konteksto at sa isang paraan na malinaw na makikitaan ng panahunan ng pandiwa​—“na anupa’t noon ay halos kukunin ko na lamang siya upang maging aking asawa.”a Bagaman si Sarah ay “halos kukunin” na lamang ni Faraon upang maging kaniyang asawa, siya (si Faraon) ay hindi pa nakagagawa ng anumang hakbang o seremonya na kinakailangan.

Bagaman si Abraham ay kalimitan pinipintasan dahil sa kaniyang ginawa tungkol sa bagay na iyon, subalit siya’y kumilos na kasuwato ng mga kapakanan ng ipinangakong Binhi at sa gayo’y ng buong sangkatauhan.​—Genesis 3:15; 22:17, 18; Galacia 3:16.

Sa isang nahahawig na pangyayari na may panganib na maging malubha, sinabi ni Isaac sa kaniyang asawa, si Rebekah, na iwasang mahayag ang kaniyang pagiging may-asawa. Sa puntong iyan ang kanilang anak na si Jacob, na sa kaniya manggagaling ang angkan ng Binhi, ay naisilang na at maliwanag na isang binata na. (Genesis 25:20-27; 26:1-11) Gayumpaman, ang motibong nasa likod ng matuwid na pamamaraang ito ay marahil kagaya rin ng kay Abraham. Sa panahon ng isang taggutom si Isaac at ang kaniyang pamilya ay naninirahan sa teritoryo ng hari ng Filisteo na nagngangalang Abimelech. Kung kaniyang matutuklasan na si Rebekah ay asawa ni Isaac, baka si Abimelech ay magkaroon ng motibo na patayin ang lahat ng natitirang mga kabilang sa pamilya ni Isaac, na maaaring magbunga ng kamatayan para kay Jacob. Sa kaso ring ito, si Jehova ay namagitan upang iligtas ang kaniyang mga lingkod at ang angkan ng Binhi.

[Talababa]

a Ang salin ni J. B. Rotherham ay kababasahan: “Bakit sinabi mong, Siya’y aking kapatid; na anupa’t noon siya’y halos kukunin ko na lamang upang maging aking asawa?”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share