Ang Sanlinggo na Bumago sa Daigdig
“Purihin siya na pumaparito sa pangalan ni Jehova!”—MATEO 21:9.
1. Anong dalawang magkaibang grupo ang naapektuhan ng mga pangyayari noong Agosto?
“TATLONG LABIS NA NAKABABALISANG ARAW NA YUMANIG SA DAIGDIG.” Noong Agosto 1991, mga paulong balita sa mga pahayagan na tulad nito ang nagpatingkad sa katotohanan na ang daigdig ay maaaring mahulog sa malaking kaguluhan sa loob lamang ng ilang mga araw. Oo, ang mga huling araw ng Agosto ay lubhang mahalaga hindi lamang para sa daigdig kundi para rin sa isang grupo na tungkol sa kanila’y sinabi ni Jesus: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan.” Ang grupong ito ay kilala sa ngayon bilang mga Saksi ni Jehova.—Juan 17:14.
2, 3. (a) Papaano itinampok ang kalayaan sa Zagreb sa kabila ng pagbabanta ng digmaan? (b) Papaano ginantimpalaan ang matibay na pananampalataya sa Odessa?
2 Ang unang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na isinaplano para sa Yugoslavia ay itinakdang ganapin sa Agosto 16 hanggang 18. Gaya ng kinalabasan niyaon, iyon din ang unang malaking kombensiyon ng bayan ni Jehova sa loob ng isang bansang nasa bingit na ng gera sibil. Ang lokal na mga Saksi, kasama ang mga boluntaryo buhat sa karatig na mga bansa, ay nagpagal nang may dalawang buwan upang ang HAŠK Gradanski soccer istadyum sa Zagreb ay lubusang maisaayos. Iyon ay sukdulan sa kalinisan at pagkamasinop, isang ulirang lugar para sa pagdaraos ng Kombensiyon ng “Mga Umiibig sa Maka-Diyos na Kalayaan.” Libu-libong delegado sa buong daigdig ang nagplano na dumalo, kasali na ang 600 buhat sa Estados Unidos. Samantalang nagbabanta ang panganib ng isang gera sibil, umalingawngaw ang balita na: “Hindi makararating ang mga Amerikano.” Subalit sila’y nagsirating, kasama ng mga delegado buhat sa maraming iba pang mga bansa. Inaasahan na 10,000 ang makadadalo, subalit 14,684 ang naroon sa istadyum noong katapusang araw! Lahat ay saganang pinagpala sapagkat hindi nila ‘kinaligtaan ang kanilang pagtitipong sama-sama.’—Hebreo 10:25.
3 Sa loob ng tatlong araw pagkatapos ng kombensiyon sa Zagreb, isang bigong coup ang ginanap sa Unyon Sobyet. Noon, ang mga umiibig sa maka-Diyos na kalayaan ay gumagawa ng pangkatapusang paghahanda para sa kanilang kombensiyon sa Odessa sa Ukraine. Matutuloy kaya ang kombensiyon? Taglay ang matibay na pananampalataya inuuna ng mga kapatid ang pangkatapusang mga detalye tungkol sa lubusang pagsasaayos ng istadyum, at ang mga delegado naman ay patuloy nang pagdaratingan. Waring isang himala, ang coup ay natapos. Isang kasiya-siyang kombensiyon ang ginanap noong Agosto 24, 25, na may dumalong 12,115 at 1,943—16 na porsiyento ng pinakamataas na bilang ng nagsidalo—ang nabautismuhan! Ang mga bagong Saksing ito, kasama ang mga nakapanatili sa katapatan nang matagal, ay nangagagalak na sila’y nakadalo sa kombensiyong iyon na may buong pagtitiwala kay Jehova.—Kawikaan 3:5, 6.
4. Ang mga Saksi sa Silangang Europa ay sumusunod sa anong halimbawa na ipinakita ni Jesus?
4 Ang tapat na mga Saksing ito ay sumusunod sa halimbawang ipinakita ng ating Uliran, si Jesu-Kristo. Kailanman ay hindi niya kinaligtaan ang pagdalo sa mga kapistahang iniuutos ni Jehova, kahit na noong sinisikap ng mga Judio na patayin siya. Sa pagparoon niya sa Jerusalem para sa kaniyang huling Paskuwa, ang mga ito ay nangakatayo sa palibot ng templo, na nagtatanong: “Ano ang opinyon ninyo? Hindi na kaya siya paririto sa kapistahan?” (Juan 11:56) Ngunit siya’y naparoon! Ito’y naghanda ng daan para sa sanlinggo na umabot sa tugatog sa kabaligtaran ng lakad ng kasaysayan ng sangkatauhan. Maaari ba nating repasuhin ang ilan sa mga tampok na pangyayari ng linggong iyan—Nisan 8 hanggang 14 sa kalendaryong Judio?
Nisan 8
5. Ano ang nababatid ni Jesus habang siya’y naglalakbay sa Betanya noong Nisan 8, 33 C.E.?
5 Nang araw na ito si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay dumating sa Betanya. Dito, si Jesus ay gugugol ng anim na gabi sa tahanan ng kaniyang minamahal na kaibigang si Lasaro, na kamakailan lamang ay binuhay niya buhat sa mga patay. Ang Betanya ay malapit sa Jerusalem. Sa sarilinan, naipabatid na ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Narito! Tayo ay patuloy na sa Jerusalem, at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at kanilang hahatulan na siya’y patayin at ibibigay siya sa mga tao ng bansa at kanilang pagtatawanan siya at luluraan siya at hahagupitin siya at papatayin siya, ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay ibabangon siya.” (Mateo 20:18, 19) Lubusang nababatid ni Jesus na siya’y kailangan ngayong humarap sa nakapanlulumong mga pagsubok. Gayunman, samantalang ang panahong iyon ng sukdulang pagsubok ay lumalapit, lahat ng kaniyang magagawa ay ginawa niya sa paglilingkod sa kaniyang mga kapatid. Harinawang tayo’y laging mayroon ng “kaisipang ito . . . na nasa kay Kristo Jesus din naman.”—Filipos 2:1-5; 1 Juan 3:16.
Nisan 9
6. Nang gabi ng Nisan 9, ano ang ginawa ni Maria, at ano ang sinabi ni Jesus kay Judas?
6 Pagkatapos lumubog ang araw, samantalang nagsisimula naman ang Nisan 9, si Jesus ay naghahapunan sa tahanan ng dating ketongin na si Simon. Dito binuhusan ng kapatid ni Lasaro na si Maria ng mamahaling pabango ang ulo at mga paa ni Jesus at may kapakumbabaang pinunasan ng kaniyang buhok ang mga paa nito. Nang tumutol si Judas, sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo siya, upang kaniyang ilaan ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin.” Nang mabalitaan na marami sa mga Judio ang pumupunta sa Betanya at naglalagak ng pananampalataya kay Jesus, ang mga pangulong saserdote ay nagpakana na patayin siya at si Lasaro.—Juan 12:1-7.
7. Sa umaga ng Nisan 9, papaano pinarangalan ang pangalan ni Jehova, at ano ang hinulaan ni Jesus?
7 Sa pagsisimula ng umaga, si Jesus ay naglakbay na patungo sa Jerusalem. Lubhang karamihan ng mga tao ang nagsilabas upang salubungin siya, nagwawagayway ng mga sanga ng palma at nagsisigawan: “Magligtas ka, isinasamo namin sa iyo! Mapalad siya na pumaparito sa pangalan ni Jehova, samakatuwid nga’y ang hari ng Israel!” Pagkatapos ay tinupad ni Jesus ang hula ng Zacarias 9:9 sa pamamagitan ng pagsakay sa isang asno hanggang sa siyudad. Samantalang siya’y papalapit sa Jerusalem, kaniyang tinangisan ito, hinulaan na ito’y babakuran ng mga Romano ng matutulis na tulos at lubusang wawasakin ito—isang hula na magkakaroon ng kapuna-punang katuparan makalipas ang 37 taon. (Ito rin naman ay nagpapahiwatig ng kasamaang darating sa Sangkakristiyanuhan, na naging apostata katulad ng sinaunang Jerusalem.) Ang mga pinunong Judio ay tumanggi kay Jesus bilang kanilang hari. May pagkapoot na kanilang ibinulalas: “Narito! Ang sanlibutan ay sumusunod na sa kaniya.”—Juan 12:13, 19.
Nisan 10
8. Noong Nisan 10, papaano nagpakita si Jesus ng matinding paggalang sa bahay ni Jehova ng panalangin, at ano ang nangyari pagkatapos?
8 Muli na namang dumalaw si Jesus sa templo. Sa pangalawang beses, kaniyang itinaboy ang sakim na mga mangangalakal at mga mámamalít ng salapi. Ang komersiyalismo—“ang pag-ibig sa salapi”—ay hindi dapat umiral sa bahay ni Jehova ng panalangin! (1 Timoteo 6:9, 10) Noon ay malapit nang mamatay si Jesus. Kaniyang binanggit ang pagtatanim ng isang binhi upang ipaghalimbawa ito. Ang pinagmulang binhi ay namamatay, ngunit ito’y tumutubo upang magkaroon ng panibagong supang na namumunga nang sagana. Sa katulad na paraan, ang kamatayan ni Jesus ay magbubunga ng buhay na walang-hanggan para sa lubhang karamihan na sumasampalataya sa kaniya. Palibhasa’y naliligalig sa salagimsim ng kaniyang nalalapit na kamatayan, ipinanalangin ni Jesus na sa pamamagitan niyaon ay maluwalhati ang pangalan ng kaniyang Ama. Bilang tugon, ang tinig ng Diyos ay umugong na parang kulog buhat sa langit upang marinig ng lahat ng naroroon: “Niluwalhati ko na at muli kong luluwalhatiin.”—Juan 12:27, 28.
Nisan 11—Isang Araw ng Paggawa
9. (a) Maaga noong araw ng Nisan 11, papaano gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon sa paghatol sa apostatang mga Judio? (b) Kasuwato ng talinghaga ni Jesus, sino ang hindi nakinabang sa isang dakilang pagkakataon?
9 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay muli na namang lumisan sa Betanya para sa isang buong araw ng gawain. Gumamit si Jesus ng tatlong ilustrasyon upang ipakita kung bakit ang apostatang Sangkahudyuhan ay hinatulan. Kaniyang isinumpa ang isang baog na punong igos, at ang ngayo’y tuyong kalagayan niyaon ay lumarawan sa walang-pananampalataya, baog na bansang iyon. Pagpasok sa templo, kaniyang inilarawan kung papaanong ang di-karapat-dapat na mga magsasaka ng ubasan ng isang panginoon ay sa wakas pumaslang sa anak at tagapagmana ng panginoon—lumalarawan sa pagkakanulo ng mga Judio sa ipinagkatiwala sa kanila mula kay Jehova, na aabot sa sukdulan sa kanilang pagpatay kay Jesus. Kaniyang isinaysay ang tungkol sa isang piging ng kasalan na isinaayos ng isang hari—si Jehova—na ang inanyayahang mga panauhin (ang mga Judio) ay may pag-iimbot na nagbigay ng mga dahilan sa hindi pagdalo. Kaya naman, ang paanyaya ay pinarating sa mga tagalabas—ang mga Gentil—na ang iba ay nagsitugon. Subalit ang isang taong nasumpungang hindi nakadamit pangkasal ay inihagis sa labas. Siya’y kumakatawan sa huwad na mga Kristiyano ng Sangkakristiyanuhan. Marami sa mga Judio noong kaarawan ni Jesus ay inanyayahan “ngunit kakaunti ang napili” upang makasali sa 144,000 tinatakan na magmamana ng makalangit na Kaharian.—Mateo 22:14; Apocalipsis 7:4.
10-12. (a) Bakit kinastigo ni Jesus ang klerong Judio, at anong nakasasakit na panunuligsa ang kaniyang sinalita sa mga mapagpaimbabaw na iyon? (b) Papaanong sa wakas ay tinupad ang hatol sa apostatang mga Judio?
10 Ang mapagpaimbabaw na klerong Judio ay humahanap ng pagkakataon na madakip si Jesus, ngunit kaniyang nasasagot ang marami sa kanilang pakanang mga tanong at sila’y nalalagay sa kahihiyan sa harap ng mga tao. Oh, ang traidor na mga relihiyosong Judiong iyon! Tahasan silang kinastigo ni Jesus! Sila’y naghahangad ng katanyagan, ng bukod-tanging kasuotan, at ng matatayog-pakinggang mga titulo, tulad ng “Rabbi” at “Ama,” tulad ng maraming klerigo sa kaarawan natin. Ganito ang sinabi ni Jesus na alituntunin: “Sinumang nagmamataas ay mabababa, at sinumang nagpapakababa ay matataas.”—Mateo 23:12.
11 Nakasasakit na panunuligsa ang sinalita ni Jesus sa relihiyosong mga lider na iyon. Makapitong beses na kaniyang ibinulalas: “Sa aba ninyo!” At tinawag sila na mga bulag na tagaakay at mga mapagpaimbabaw. At sa tuwing gagawin niya ito ay nagbibigay siya ng malinaw na dahilan sa pagtuligsa. Kanilang hinahadlangan ang pagpasok sa Kaharian ng langit. Pagka kanilang nasilo ang isang nakumberte, kanilang ginagawa siyang makaibayo na alagad para sa Gehenna, malamang na dati nang nakahanay para sa pagkapuksa dahilan sa malaking kasalanan o panatisismo noong nakaraan. “Mga hangal at mga bulag!” ang sabi ni Jesus, sapagkat ang mga Fariseo ay nakatutok ang pansin sa ginto ng templo imbes na sa pagtataguyod ng dalisay na pagsamba roon. Kanilang kinaliligtaan ang katarungan, kaawaan, at katapatan samantalang sila’y nagbabayad ng ikapu ng inimbot na yerbabwena, anis, at cumino, ngunit kinaliligtaan naman ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan. Ang rituwal na paghuhugas ay hindi kailanman mag-aalis ng kanilang panloob na karumihan—tanging ang isang pusong nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya sa nalalapit na paghahain ni Jesus ang makagagawa niyan. Ang kanilang panloob na pagpapaimbabaw at katampalasanan ay nagpapabulaan sa anumang “pinaputing” panlabas na taglay nila.—Mateo 23:13-29.
12 Oo, tunay na sa aba nga ng mga Fariseo, na talagang “mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta” noong una! Sila’y mga ahas, supling ng mga ulupong, na hinatulang magtungo sa Gehenna, sapagkat kanilang papatayin hindi lamang si Jesus kundi pati yaong mga isinugo niya. Ito’y isang hatol na isasakatuparan “sa salinlahing ito.” Bilang katuparan, lubusang nawasak ang Jerusalem makalipas ang 37 taon.—Mateo 23:30-36.
13. Ang mga sinalita ni Jesus tungkol sa mga abuloy sa templo ay mababanaag sa anong mga kalagayan sa ngayon?
13 Bago nilisan ang templo, si Jesus ay nagbigay ng komendasyon tungkol sa isang dukhang babaing balo na naghulog sa kabang-yaman ng dalawang barya—“ang lahat niyang kabuhayan.” Isang kabaligtaran nga ng masasakim na mayaman, na naghuhulog doon ng mga abuloy na sobra lang sa kanila! Di-tulad ng dukhang balong iyan, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay malugod na nagsasakripisyo ng panahon, lakas, at salapi upang masuportahan at mapalawak ang gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig. Anong laking kaibahan sa gayong imoral na mga mángangarál sa TV na ninanakawan ang kanilang mga kawan at nagtatayo ng mga imperyo ng sariling mga kayamanan!—Lucas 20:45–21:4.
Samantalang Patapos Na ang Nisan 11
14. Anong kapighatian ang binanggit ni Jesus, at papaano niya sinagot ang iba pang katanungan ng kaniyang mga alagad?
14 Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem at ang mga mamamayan nito at nagsabi: “Buhat ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sa inyong sabihin, ‘Pinagpala ang pumaparito sa pangalan ni Jehova!’ ” (Mateo 23:37-39) Nang maglaon, habang sila’y nakaupo sa Bundok ng Olibo, ang matalik na mga alagad ni Jesus ay nagtanong tungkol dito, at bilang sagot ay inilahad ni Jesus ang tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian at ang katapusan ng masamang sistema ni Satanas ng mga bagay.—Mateo 24:1–25:46; Marcos 13:1-37; Lucas 21:5-36.
15. Anong tanda ang ibinigay ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto para sa paghuhukom, at mula pa kailan ito natutupad?
15 Ang tinutukoy ay ang paghuhukom ni Jehova na malapit na noong isagawa sa templo, binanggit ni Jesus na ito’y tipo ng darating na mga kapahamakan sa katapusan ng buong sistema ng mga bagay. Ang panahong iyon ng kaniyang pagkanaririto ay makikitaan ng tanda ng mga digmaan sa lawak na wala pang katulad, gayundin ang mga taggutom, lindol, at mga salot, kasama na ang kawalang pag-ibig at katampalasan. Anong pagkatotoo nga ito sa ating ika-20 siglong daigdig sapol noong 1914!
16, 17. Anong mga pangyayari sa daigdig ang inilarawan ni Jesus, at papaano dapat maapektuhan ng hula ang mga Kristiyano?
16 Sasapit ito sa sukdulan sa isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari sapol nang magsimula ang sanlibutan hanggang ngayon, hindi, ni mangyayari pa muli.” Yamang ito’y makapipinsala nang malaki gaya ng Baha noong kaarawan ni Noe, si Jesus ay nagbabala laban sa labis na pagkahilig sa makasanlibutang mga gawain. “Patuloy na magbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” Anong ligaya natin dahil sa ang Panginoon ay humirang ng isang pinahirang “tapat at maingat na alipin” upang magbigay-babala at maglaan ng saganang espirituwal na pagkain para sa araw na ito ng kaniyang pagkanaririto!—Mateo 24:21, 42, 45-47.
17 Sa ating ika-20 siglo, ating nasaksihan na “sa lupa ay nanggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung papaano lulusutan iyon . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Ngunit sinasabi sa atin ni Jesus: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.” At siya’y nagbabala sa atin: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo.” Tangi lamang sa pananatiling gising makatatayo tayo bilang mga sinang-ayunan sa harap ni Jesus, “ang Anak ng tao,” sa kaniyang pagkanaririto.—Lucas 21:25-28, 34-36.
18. Anong pampatibay-loob ang maibibigay sa atin ng mga ilustrasyon ni Jesus ng sampung dalaga at ng mga talento?
18 Sa katapusan ng kaniyang dalubhasang patiunang paglalarawan ng mga pangyayari sa modernong panahon, si Jesus ay nagbibigay ng tatlong ilustrasyon. Una, sa talinghaga ng sampung dalaga, muling idiniriin niya ang pangangailangan na “patuloy na magbantay.” Pagkatapos, sa ilustrasyon ng mga alipin at mga talento, kaniyang ipinakikita kung papaano ginagantimpalaan ang kasipagan sa pamamagitan ng pag-aanyaya na siya’y ‘pumasok sa kagalakan ng Panginoon.’ Ang pinahirang mga Kristiyano, na patiunang inilarawan sa mga talinghagang ito, at gayundin ang ibang mga tupa ay mabibigyan ng malaking pampatibay-loob ng buong-linaw na mga paglalarawang ito.—Mateo 25:1-30.
19, 20. Anong nakalulugod na ugnayan sa modernong panahon ang ipinakikita sa ilustrasyon ni Jesus ng mga tupa at mga kambing?
19 Ang ikatlong ilustrasyon ay tumutukoy sa pagkanaririto ni Jesus sa kapangyarihan sa Kaharian pagkatapos na siya’y dumating upang lumuklok sa kaniyang maluwalhating trono sa langit. Ito ay isang panahon para sa paghuhukom sa mga bansa at sa pagbubukud-bukod sa mga tao sa lupa sa dalawang grupo, ang isa’y binubuo ng maaamong tulad-tupa na mga tao at ang isa naman ay ang matitigas-ulong tulad-kambing na mga tao. Ang mga tupa ay gumagawa ng ibayong pagsisikap upang ipakita na sila’y mga tagatangkilik ng mga kapatid ng Hari—ang natitira pang mga pinahiran sa lupa sa panahong ito ng katapusan ng sanlibutan. Ang mga tupang ito ay ginagantimpalaan ng buhay, samantalang ang walang-pagpapahalagang mga kambing ay tumutungo sa walang-hanggang pagkapuksa.—Mateo 25:31-46.
20 Anong kahanga-hangang kaugnayan ang nakikita natin sa pagitan ng ibang mga tupa at ng mga kapatid ng Hari sa katapusang ito ng sistema ng mga bagay! Bagaman pinasan ng pinahirang nalabi ang pasanin na pananagutan sa gawain sa pasimula ng pagkanaririto ng Hari, ang milyun-milyong masisigasig na mga ibang tupa ngayon ang bumubuo ng 99.8 porsiyento ng mga lingkod ng Diyos sa lupa. (Juan 10:16) At sila man ay nagpakitang sila ay handang magtiis ng ‘gutom, uhaw, kahubaran, sakit, at pagkabilanggo’ bilang mga kasamahan ng tapat na mga pinahiran.a
Nisan 12
21. Ano ang lalong tumindi noong Nisan 12, at papaano?
21 Ang pakana na patayin si Jesus ay lalong tumitindi. Si Judas ay dumalaw sa mga pangulong saserdote sa templo, pumayag na ipagkanulo si Jesus sa halagang 30 putol ng pilak. Kahit na ito ay inihula rin.—Zacarias 11:12.
Nisan 13
22. Anong paghahanda ang ginawa noong Nisan 13?
22 Si Jesus, na nagpaiwan sa Betanya, marahil para sa pananalangin at sa pagbubulay-bulay, ay nagsugo ng kaniyang mga alagad sa Jerusalem upang hanapin “si Ganoo’t si ganito.” Sa tahanan ng lalaking ito, sa isang malaking silid sa itaas, kanilang inihanda ang Paskuwa. (Mateo 26:17-19) Samantalang lumulubog ang araw noong Nisan 13, si Jesus ay kapiling nila roon para sa pinakamahalagang selebrasyon sa buong kasaysayan. Ano ngayon ang naghihintay pagsapit ng Nisan 14? Ang ating susunod na artikulo ang magsasaysay.
[Talababa]
a Ang sumusunod na artikulo ay dapat tumulong sa atin na pahalagahan nang lalo pang higit ang matalik na ugnayan sa pagitan ng pinahirang munting kawan at ng ibang mga tupa.
Papaano Mo Ibibigay ang Sumaryo?
◻ Anong pagmamagandang-loob at pagtanggap ang ibinigay ng iba kay Jesus noong Nisan 8 hanggang 10?
◻ Papaano ibinunyag ni Jesus ang mapagpaimbabaw na klero noong Nisan 11?
◻ Anong dakilang hula ang sinalita ni Jesus, at papaano natutupad iyon sa ngayon?
◻ Papaano naganap ang mga pangyayari tungo sa sukdulan noong Nisan 12 at 13?
[Larawan sa pahina 12]
Pinapurihan ni Jesus ang dukhang balong babae na nag-abuloy ng dalawang barya—ang kaniyang buong kabuhayan