Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 5/1 p. 8-13
  • Laging Isaisip ang Araw ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Laging Isaisip ang Araw ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Mamamayang Masunurin sa Batas
  • Pagsasakatuparan ng Kaniyang Ipinasiya
  • Isang Pulutong ng mga Balang
  • “Isang Bayang Malaki at Matibay”
  • “Napuspos ng Banal na Espiritu”
  • Malapit Na ang Araw ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Aklat ng Bibliya Bilang 29—Joel
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Isang Pag-atake Mula sa Hilaga!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Sino ang “Makaliligtas”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 5/1 p. 8-13

Laging Isaisip ang Araw ni Jehova

“Ang araw ni Jehova ay malapit na sa libis ng pasiya.”​—JOEL 3:14.

1. Bakit ang darating na banal na digmaan na ipinahayag ni Jehova ay magiging iba sa “banal” na mga digmaan ng sangkatauhan?

“KAYONG mga tao, itanyag ninyo ito sa mga bansa, ‘Banalin ang digmaan!’ ” (Joel 3:9) Ito ba’y nangangahulugan ng isang banal na digmaan? Kung babalikan natin ang mga Krusada, ang relihiyosong mga digmaan, at ang dalawang digmaang pandaigdig​—na kung saan nagkaroon ng pangunahing bahagi ang Sangkakristiyanuhan​—​baka tayo’y mangilabot kung iisipin ang isang “banal” na digmaan. Gayunman, ang banal na digmaan sa hula ni Joel ay hindi isang digmaan ng mga bansa. Ito’y hindi isang lipos ng pagkapoot na pagbabaka para sa pagtatamo ng teritoryo o mga ari-arian, na relihiyon ang ginagamit na dahilan. Ito ay isang matuwid na digmaan. Ito ay digmaan ng Diyos upang alisin sa lupa ang kasakiman, alitan, kabulukan, at pang-aapi. Ito ay magbabangong-puri sa matuwid na soberanya ni Jehova sa buong larangan ng kaniyang paglalang. Ang digmaang iyon ang maglilinis ng daan para sa Kaharian ni Kristo upang makapasok ang sangkatauhan sa Milenyo ng pansansinukob na kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan na inihula ng mga propeta ng Diyos.​—Awit 37:9-11; Isaias 65:17, 18; Apocalipsis 20:6.

2, 3. (a) Ano “ang araw ni Jehova” na inihula sa Joel 3:14? (b) Bakit karapat-dapat ang mga bansa sa mga kalagayang pilit nilang haharapin sa araw na iyan?

2 Kung gayon, ano “ang araw ni Jehova” na inihula ng Joel 3:14? “Sa aba ng araw na yaon,” ang sabi ni Jehova mismo, “sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at darating na parang kagibaan mula sa Isang Makapangyarihan-sa-lahat!” Papaano iyon isang kagibaan? Nang maglaon ay ipinaliwanag iyon ng propeta: “Mga karamihan, mga karamihan sa libis ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa libis ng pasiya.” (Joel 1:15; 3:14) Sa araw na ito isasakatuparan ni Jehova ang kaniyang hatol na ipinasiya sa balakyot na karamihan ng mga tao na tumatanggi sa kaniyang matuwid na soberanya sa langit at sa lupa. Ang pasiya ni Jehova ay gibain ang maka-Satanas na sistema ng mga bagay na napakatagal nang gumagapos sa sangkatauhan sa mga galamay nito.​—Jeremias 17:5-7; 25:31-33.

3 Ang likong sistema sa lupa ay kailangang pilit na humarap sa pasiyang iyan. Ngunit talaga nga bang ganiyang kasamâ ang sistema ng sanlibutan? Ang isang pagmamasid sa kasaysayan nito ay sapat na! Isang simulain ang sinalita ni Jesus sa Mateo 7:16: “Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” Hindi ba ang malalaking siyudad ng daigdig ay naging mistulang imburnal ng mga bawal na gamot, krimen, kakilabutan, imoralidad, at polusyon? Sa maraming bansa ang bagong katatamong mga kalayaan ay nasusugpo dahilan sa makapulitikang mga kaguluhan, kakapusan sa pagkain, at karalitaan. Mahigit na isang bilyong katao ang nabubuhay sa mga rasyon na dahop na dahop. Isa pa, ang salot ng AIDS, na pinatitindi ng mga bawal na gamot at imoral na mga istilo ng pamumuhay, ay tumatakip na gaya ng isang makapal na ulap sa isang malaking bahagi ng lupa. Lalo na buhat nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, patuloy na sumamâ ang bawat pitak ng buhay sa buong daigdig.​—Ihambing ang 2 Timoteo 3:1-5.

4. Anong hamon ang inihaharap ni Jehova sa mga bansa?

4 Gayunman, tinitipon ni Jehova sa lahat ng bansa ang isang bayan na may kagalakang tumatanggap ng turo tungkol sa kaniyang mga daan at lumalakad sa kaniyang mga landas. Ang laganap-sa-mundong mga taong ito ay pinukpok ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, itinakwil nila ang mararahas na mga paraan ng sanlibutan. (Isaias 2:2-4) Oo, mga tabak na ginawang mga sudsod! Ngunit hindi ba ito ang kabaligtaran ng panawagan na pinapangyayari ni Jehova na maihayag sa Joel 3:9, 10? Doon ay mababasa natin: “Itanyag ninyo ito sa mga bansa, kayong mga tao, ‘Banalin ang digmaan! Pasiglahin ang malalakas na lalaki! Magsilapit sila! Magsisampa sila, lahat ng lalaking mandirigma! Gawin ninyong tabak ang inyong mga sudsod at mga sibat ang inyong mga karit.’ ” Ah, dito hinahamon ni Jehova ang mga pinunò ng daigdig upang ang kanilang pinagsama-samang lakas ng hukbo ay lumaban sa kaniya sa Armagedon. Ngunit hindi sila magtatagumpay! Sila’y babagsak sa lubusang pagkatalo!​—Apocalipsis 16:16.

5. Ano ang magiging resulta pagka inani na ng anghel “ang ubasan sa lupa”?

5 Sa paglaban sa Soberanong Panginoong Jehova, ang malalakas na mga pinunò ay nagtayo ng mga arsenal ng kakila-kilabot na mga armas​—ngunit mawawalang-kabuluhan! Ang utos ay ibinibigay ni Jehova sa Joel 3:13: “Gamitin ninyo ang karit, sapagkat hinog na ang aanihin. Halikayo, magsibaba kayo, sapagkat ang alilisan ng alak ay napuno na. Ang kamalig ng alak ay umaapaw; sapagkat ang kanilang kasamaan ay naging malaki na.” Ang mga salitang iyan na nahahawig sa Apocalipsis 14:18-20, na kung saan ang isang anghel na may matalas na panggapas ay inutusan na “putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas niyaon ay nahinog na.” Inihahagis ng anghel ang kaniyang panggapas at ibinubulid ang lumalabang mga bansang iyon “sa napakalaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” Sa simbolikong pangungusap, dugo ang lumalabas sa pisaan ng ubas na sintaas ng mga preno ng mga kabayo, sa layong 1,600 estadio​—mga 300 kilometro! Anong kakila-kilabot na daranasin ng mga bansang lumalapastangan kay Jehova!

Mga Mamamayang Masunurin sa Batas

6. Papaano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang mga bansa at ang kanilang mga pinunò?

6 Ibig bang sabihin na ang mga Saksi ni Jehova ay walang-galang sa mga bansa at sa kani-kanilang mga pinunò? Malayong mangyari! Kanila lamang ikinalulungkot ang mga katiwalian na maliwanag na nakikita ng lahat, at kanilang ibinababala ang tungkol sa mabilis na dumarating na araw para sa pagsasakatuparan ng kaniyang ipinasiya. At gayundin, kanilang mapakumbabang sinusunod ang utos ni apostol Pablo sa Roma 13:1: “Bawat kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga maykapangyarihan.” Sa mga pinunong taong ito, sila’y nagbibigay ng kaukulang pagpaparangal ngunit hindi ng pagsamba. Bilang mga mamamayang masunurin sa batas, sila’y sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya ng pagiging tapat, tunay, at malinis at nagtuturo ng mabubuting asal sa kanilang mga pami-pamilya. Kanilang tinutulungan ang iba na matuto kung papaanong sila man ay makagagawa nito. Sila’y namumuhay nang may pakikipagpayapaan sa lahat ng tao, hindi sumasangkot sa mga pagprotesta o pulitikal na mga rebolusyon. Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging uliran sa pagsunod sa mga batas ng nakatataas na mga maykapangyarihan na mga tao, habang kanilang hinihintay ang Kataas-taasang Autoridad, ang Soberanong Panginoong Jehova, upang siyang magsauli ng sakdal na kapayapaan at matuwid na pamahalaan sa lupang ito.

Pagsasakatuparan ng Kaniyang Ipinasiya

7, 8. (a) Sa papaano mayayanig at magdidilim ang mga bansa? (b) Sino ang inilalarawan ni Joel sa ngayon, at ibang-iba sa daigdig sa pangkalahatan, papaano pinagpala ang mga ito?

7 Sa maliwanag na pananalitang talinghaga, narito pa ang ibinibigay ni Jehova na paglalarawan sa pagsasakatuparan ng kaniyang pasiya: “Araw at buwan ay magdidilim nga, at ang mismong mga bituin ay aktuwal na hindi magbibigay ng kanilang liwanag. At buhat sa Sion ay aangal si Jehova mismo, at buhat sa Jerusalem ay ilalakas niya ang kaniyang tinig. At mayayanig ang langit at lupa; ngunit si Jehova ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at moog sa mga anak ni Israel.” (Joel 3:15, 16) Ang waring maaliwalas, maunlad na kalagayan ng sangkatauhan ay magiging malungkot, salagimsim ng darating, at ang baha-bahaging sistemang ito ng sanlibutan ay yayanigin hanggang sa maparam, mawawasak na mistulang dinaanan ng isang malakas na lindol!​—Hagai 2:20-22.

8 Pansinin ang maligayang katiyakan na si Jehova ay magiging isang kanlungan at isang moog sa kaniyang bayan! Bakit nga ganiyan? Sapagkat sila ang kaisa-isang bayan​—isang pandaigdig na bayan​—​na tumugon sa mga salita ni Jehova: “Inyong malalaman na ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Joel 3:17) Yamang ang pangalan ni Joel ay nangangahulugang “Si Jehova Ay Diyos,” angkop na inilalarawan niya ang pinahirang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon, na naglilingkod nang buong katapangan sa pagtatanyag sa soberanya ni Jehova. (Ihambing ang Malakias 1:11.) Kung babaling tayo sa pambungad na mga salita ng hula ni Joel, makikita natin nang buong-linaw na kaniyang inihuhula ang gawain ng bayan ng Diyos sa ngayon.

Isang Pulutong ng mga Balang

9, 10. (a) Anong salot ang inihula ni Joel? (b) Papaano inilalarawan ng Apocalipsis ang hula ni Joel ng isang salot, at ano ang epekto ng salot na ito sa Sangkakristiyanuhan?

9 Pakinggan ngayon “ang salita ni Jehova na dumating kay Joel”: “Dinggin ninyo ito, ninyong matatandang lalaki, at pakinggan ninyo, ninyong lahat na mananahan sa lupain. Nagkaroon ba nito sa inyong mga kaarawan, o sa mga kaarawan ng inyong mga ninuno? Isaysay ninyo ito sa inyong mga anak, at saysayin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak, at ng kanilang mga anak sa susunod na salinlahi. Ang iniwan ng higad, ay kinain ng balang; at ang iniwan ng balang, ay kinain ng gumagapang na uod; at ang iniwan ng gumagapang na uod, ay kinain ng ipis.”​—Joel 1:1-4.

10 Ito’y isang kampanyang pambihira, na aalalahanin sa lahat ng panahon. Pulu-pulutong na mga insekto, ang pinakalitaw ay mga balang, ang sumisira sa lupain. Ano ba ang ibig sabihin nito? Sa Apocalipsis 9:1-12 ay may inilalarawan din na isang salot ng mga balang, na isinugo ni Jehova sa ilalim ng “isang hari, ang anghel ng kalaliman,” na walang iba kundi si Kristo Jesus. Ang kaniyang mga pangalan na Abaddon (Hebreo) at Apollyon (Griego) ay nangangahulugan na “Kapuksaan” at “Tagapuksa.” Ang mga balang na ito ay lumalarawan sa pinahirang nalabi ng mga Kristiyano na, ngayon sa araw ng Panginoon, humahayo upang sirain ang mga pastulan ng Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng lubusang pagbubunyag sa huwad na relihiyon at paghahayag sa paghihiganti ni Jehova rito.

11. Papaano pinatitibay ang modernong-panahong mga balang, at sino lalo na ang pinagtututukan ng kanilang mga pag-atake?

11 Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 9:13-21, ang salot ng mga balang ay hinalinhan naman ng isang malaking salot ng mga mángangabayó. Gaano nga katotoo ito sa ngayon, samantalang ang iilang libong nalalabi pang pinahirang mga Kristiyano ay pinatitibay ng mahigit na apat na milyong “mga ibang tupa” na sama-samang bumubuo ng isang hukbo ng mga mangangabayo na hindi mapipigil! (Juan 10:16) Sila’y nagkakaisa sa paghahayag ng tumitibong mga kahatulan ni Jehova sa mga mananamba sa mga idolo sa Sangkakristiyanuhan at sa mga ‘hindi nagsisisi sa kanilang pagpatay ng mga tao ni sa kanilang mga gawaing espiritismo ni sa kanilang pakikiapid ni sa kanilang mga pagnanakaw.’ Ang klero​—kapuwa Katoliko at Protestante​—​na aktibong sumuporta sa makasalaring mga digmaan ng siglong ito, pati na rin ang mga paring nanggagahasa ng mga bata at malalaswang mga predikador sa TV, ay kabilang sa mga pinagtututukan ng mga mensaheng ito ng paghuhukom.

12. Bakit ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay karapat-dapat na tumanggap ng mga mensahe ng paghuhukom, at ano ang kaylapit nang mangyari sa kanila, kasali ng lahat na bahagi ng Babilonyang Dakila?

12 Sa ganiyang likong “mga maginoo” ng klero, ang pasabi ni Jehova ay nakatutulig: “Gumising kayo, kayong mga lasenggo, at magsihagulgol kayo ng panangis; at magsiangal kayo, lahat kayong manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak, sapagkat nahiwalay sa inyong bibig.” (Joel 1:5) Sa ika-20 siglong ito, sa relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay inihalili ang kaluwagan ng sanlibutan sa malinis na mga simulaing moral ng Salita ng Diyos. Waring matamis sa huwad na relihiyon at sa mga miyembro ng paroko nito na gayahin ang mga lakad ng sanlibutan, subalit anong daming ani ng espirituwal at pisikal na sakit ang kanilang tinamo! Hindi magtatagal, gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 17:16, 17, ‘sasa-isip’ ng Diyos na pangyarihing ang makapulitikang mga kapangyarihan ay biglang bumaling at marahas na atakihin ang buong sanlibutang imperyo ng huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila, at gibain siya. Sa sandaling iyan lamang, samantalang kaniyang nakikita na ang pasiya ni Jehova ay isinasakatuparan na laban sa kaniya, saka lamang siya ‘gigising’ buhat sa kaniyang pagkalasing.

“Isang Bayang Malaki at Matibay”

13. Sa papaanong ang kuyog ng mga balang ay waring isang bayang “malaki at matibay” sa Sangkakristiyanuhan?

13 Ang propeta ni Jehova ay nagpapatuloy sa paglalarawan sa kuyog ng mga balang bilang “isang bayang malaki at matibay,” at waring ganiyan din ang tingin ng Babilonyang Dakila. (Joel 2:2) Halimbawa, idinaraing ng klero na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nakakumberte sa Buddistang Hapón. Ngunit, ngayon, mahigit na 160,000 Saksi ni Jehova na mga Hapones ang namumutiktik sa bansang iyan at nagdaraos ng personal na mga pag-aaral sa Bibliya sa mahigit na 200,000 tahanan ng mga tao. Sa Italya ang 180,000 Saksi ni Jehova ay kinikilala ngayon na pangalawa lamang ng mga Katoliko sa dami. Walang nagawa ang isang monsinyor ng Romano Katoliko sa Italya sa paghihinanakit sa bagay na nakukuha ng mga Saksi ni Jehova sa simbahan ‘ang di-kukulangin sa 10,000 tapat na mga Katoliko’ bawat taon.a Ang mga Saksi ay nalulugod na tanggapin ang gayong mga tao.​—Isaias 60:8, 22.

14, 15. Papaano inilalarawan ni Joel ang kuyog ng mga balang, at sa papaano ito natupad sa ngayon?

14 Sa paglalarawan sa kuyog ng mga balang ng pinahirang mga Saksi, ang Joel 2:7-9 ay nagsasabi: “Sila’y nagsisitakbong parang malalakas na lalaki. Parang mga lalaking mandirigma sila’y nagsisiakyat sa pader. At sila’y lumalakad bawat isa ng kani-kaniyang lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay. At isa’t isa’y hindi nagtutulakan. Gaya ng malakas na tao sa kaniyang paglakad, sila’y patuloy na lumalakad; at sakaling ang ilan ay matumba sa pagsagupa sa mga armas, yaong iba ay hindi nalalansag. Sila’y dumaragsa sa lunsod. Kanilang tinatakbo ang kuta. Sila’y umaakyat sa mga bahay. Sila’y pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.”

15 Isang napakalinaw na paglalarawan nga ng hukbo ng pinahirang “mga balang,” na ngayo’y may kasamang mahigit na apat na milyong mga kasamahan, ang mga ibang tupa! Walang “kuta” ng kapootang relihiyoso ang makapipigil sa mga ito. Buong-katapangan, sila’y “patuloy na lumalakad nang may kaayusan sa gayunding rutina” ng pangmadalang pagpapatotoo at iba pang mga gawaing Kristiyano. (Ihambing ang Filipos 3:16.) Imbes na kumompromiso, sila’y handang humarap sa kamatayan, gaya ng libu-libong mga Saksi na ‘nabuwal sa gitna ng mga armas’ sapagkat sila’y tumangging ipagbunyi ang Katolikong si Hitler ng Nazi Alemanya. Ang kuyog ng mga balang ay nagbigay ng lubusang patotoo sa “lunsod” ng Sangkakristiyanuhan, inaakyat ang lahat ng mga balakid, naglalagos doon, wika nga, tulad ng isang magnanakaw na pumapasok sa mga tahanan sapagkat kanilang naipamahagi ang bilyun-bilyong publikasyon sa Bibliya sa pamamagitan ng kanilang gawaing pagbabahay-bahay. Kalooban ni Jehova ang ganitong pagpapatotoo, at walang anumang kapangyarihan sa langit o sa lupa ang makapipigil nito.​—Isaias 55:11.

“Napuspos ng Banal na Espiritu”

16, 17. (a) Kailan nagkaroon ng mahalagang katuparan ang mga salita ng Joel 2:28, 29? (b) Anong makahulang mga salita ni Joel ang hindi lubusang natupad noong unang siglo?

16 Sinasabihan ni Jehova ang kaniyang mga Saksi: “Malalaman ninyong mga tao na ako ay nasa gitna ng [espirituwal] na Israel, at na ako ay si Jehova na inyong Diyos at wala nang iba.” (Joel 2:27) Ang mahalagang katuparang ito ay naunawaan ng kaniyang bayan nang simulan ni Jehova na tuparin ang kaniyang mga salita sa Joel 2:28, 29: “Mangyayari na ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tunay na magsisipanghula.” Ito’y nangyari noong Pentecostes 33 C.E., nang ang nagkakatipong mga alagad ni Jesus ay pahiran “at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu.” Sa kapangyarihan ng banal na espiritu, sila’y nangaral, at noong kaisa-isang araw na iyon, “mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.”​—Gawa 2:4, 16, 17, 41.

17 Nang masayang okasyong iyon, sinipi rin ni Pedro ang Joel 2:30-32: “Ako’y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. At mangyayari na ang sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Ang mga salitang iyan ay nagkaroon ng maliit na katuparan nang puksain ang Jerusalem noong 70 C.E.

18. Kailan nagsimula ang lalong malaking katuparan ng Joel 2:28, 29?

18 Gayunman, magkakaroon ng isang higit pang katuparan ang Joel 2:28-32. Oo, ang hulang ito ay nagkaroon ng kahanga-hangang katuparan sapol noong Setyembre 1919. Noon isang di-malilimot na kombensiyon ng bayan ni Jehova ang ginanap sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Ang espiritu ng Diyos ay maliwanag na nahayag, at ang kaniyang pinahirang mga lingkod ay napasigla na magsimula sa isang pangglobong kampanya ng pagpapatotoo na umaabot hanggang sa kasalukuyang kaarawan. Anong dakilang paglawak ang ibinunga! Ang mahigit na 7,000 na dumalo sa kombensiyon sa Cedar Point ay dumami hanggang sa kabuuang 10,650,158 na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus noong Marso 30, 1991. Dito, mayroon lamang 8,850 ang nagpakilala na sila’y pinahirang mga Kristiyano. Anong laki ng kagalakan ng lahat ng mga ito sa pagkakita ng pambuong-daigdig na ibinunga ng dinamikong espiritu ni Jehova!​—Isaias 40:29, 31.

19. Dahilan sa napakalapit na ang araw ni Jehova, ano ang dapat na maging saloobin ng bawat isa sa atin?

19 Nasa harap na natin “ang dumarating na dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” na maggigiba sa sistema ng mga bagay ni Satanas. (Joel 2:31) Nakatutuwa naman, “lahat ng tatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:21) Papaano nga magkakagayon? Sinasabi ni apostol Pedro na “ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng magnanakaw” at isinusog pa: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo’y maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang bunga ng maka-Diyos na debosyon, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Sa pagsasaisip na kaylapit na ng araw ni Jehova, tayo’y magagalak din na makita ang katuparan ng pangako ni Jehova na matuwid na “mga bagong langit at isang bagong lupa.”​—2 Pedro 3:10-13.

[Talababa]

a La Repubblica, Roma, Italya, Nobyembre 12, 1985, at La rivista del clero italiano, Mayo 1985.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Ano ba “ang araw ni Jehova”?

◻ Papaano aanihin ng anghel ‘ang ubasan sa lupa,’ at bakit?

◻ Sa papaano isang salot ng mga balang ang sumasalakay sa Sangkakristiyanuhan sapol noong 1919?

◻ Papaano ibinuhos sa kaniyang bayan noong 33 C.E. ang espiritu ni Jehova, at muli noong 1919?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share