Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 5/15 p. 4-8
  • Kung Bakit ang Bibliya ay Kinasihang Regalo ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit ang Bibliya ay Kinasihang Regalo ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bibliya at ang Siyensiya
  • Mapanghahawakan sa Makasaysayang mga Detalye
  • Ang Pinakadakilang Ebidensiya
  • Ang Aklat na Nagsisiwalat sa Kaalaman ng Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Mga Hula na Nagkatotoo
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Mapagkakatiwalaan Mo ba ang mga Pangako ng Diyos?
    Gumising!—1995
  • Gaano Katotoo ang mga Hula ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 5/15 p. 4-8

Kung Bakit ang Bibliya ay Kinasihang Regalo ng Diyos

SINASABI ng Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig” at may taglay na karunungan at kapangyarihan. (1 Juan 4:8; Job 12:13; Isaias 40:26) Sinasabi nito sa atin na “lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Sang-ayon sa Bibliya, ang Diyos ay makikitaan din ng mga katangian na gaya ng kaawaan at habag.​—Exodo 34:6; Roma 9:15.

Yamang sinasabi ng Bibliya na may gayong mga katangian ang Diyos na Jehova, umaakit ito ng nag-aapuhap na mga tao sa kaniya. Ang aklat na ito ay nangungusap tungkol sa paglalang, sa pinagmulan ng kasalanan at kamatayan, at sa paraan ng pakikipagkasundo sa Diyos. Ito’y naghaharap ng isang nakabibighaning pag-asa sa Paraisong isasauli sa lupa. Subalit lahat na ito ay may halaga lamang kung mapatutunayang ang Bibliya’y isang kinasihang kaloob ng Diyos.

Ang Bibliya at ang Siyensiya

Ang Bibliya ay palaging nagwawagi sa mga pagpintas. Halimbawa, pagka ito’y binabasa taglay ang bukás na kaisipan, masusumpungan na ito’y kasuwato ng tunay na siyensiya. Kung sa bagay, ang Bibliya ay inihanda bilang isang espirituwal na giya, hindi bilang isang aklat-aralan sa siyensiya. Subalit tingnan natin kung ang Bibliya ay kasuwato ng mga katotohanan sa siyensiya.

Anatomiya: Ang Bibliya ay tumpak na nagsasabing ‘lahat ng bahagi’ ng isang binhi ng tao ay “nasusulat.” (Awit 139:13-16) Ang utak, puso, mga bagà, mga mata​—ang mga ito at lahat ng iba pang mga bahagi ng katawan ay ‘nasusulat’ sa henetikong kaayusan ng pertilisadong itlog sa bahay-bata ng ina. Narito sa kaayusang ito ang panloob na mga talaorasan para sa paglitaw ng bawat isa ng mga bahaging ito ayon sa nararapat na pagkasunud-sunod. At isip-isipin lamang! Ang patotoong ito tungkol sa pagkabuo ng katawan ng tao ay naisulat sa Bibliya halos 3,000 taon na bago natuklasan ng mga siyentipiko ang henetikong kaayusan.

Buhay-Hayop: Sang-ayon sa Bibliya, “ang liebre . . . ay ngumunguya.” (Levitico 11:6) Si François Bourliére (The National History of Mammals, 1964, pahina 41) ay nagsasabi: “Ang ugaling ‘refection,’ o pagpaparaan ng pagkain nang makalawa sa bituka sa halip na isa lamang, ay waring isang karaniwang bagay sa mga kuneho at mga liebre. Ang pinaamong mga kuneho ay karaniwan nang kumakain at kanilang nilulunok nang hindi nginunguya ang kanilang mga idinurumi kung gabi, na sa umaga ay nabubuo nang hanggang kalahati ng lahat ng laman ng tiyan. Sa kunehong gubat ang refection ay nagaganap nang makalawa sa maghapon, at ang ganiyan ding ugali ay iniuulat tungkol sa liebre sa Europa.” Tungkol dito, ang aklat na Mammals of the World (ni E. P. Walker, 1964, Tomo II, pahina 647) ay nagsasabi: “Marahil ito ay nahahawig sa ‘muli’t muling pagnguya ng kinakain’ sa mga hayop na ngumangata.”

Arkeolohiya: Sa Bibliya ang mga hari, lunsod, at bansa ay nabuhay nang makatuklas ng tabletang putik, ng mga palayok, mga nakasulat na pahiwatig, at iba pa. Halimbawa, ang mga mamamayan na tulad ng mga Hiteo na binanggit sa Kasulatan ay aktuwal na umiral. (Exodo 3:8) Sa kaniyang aklat na The Bible Comes Alive, sinabi ni Sir Charles Marston: “Yaong mga naglagay sa alanganin sa pananampalataya sa Bibliya ng pangkalahatang publiko, at siniraan ang autoridad nito, ay nangasira rin dahilan sa katibayan ng natuklasan, at nasira ang kanilang autoridad. Ang pala ay nag-aalis sa nakasisirang pamimintas sa larangan ng nakapag-aalinlangang katotohanan tungo sa kinikilalang katha-katha.”

Ang arkeolohiya ay sumuporta sa Bibliya sa maraming paraan. Halimbawa, sa pamamagitan ng mga natuklasan ay napatunayan ang mga lugar at mga pangalan na nasumpungan sa Genesis kabanata 10. Ang mga mághuhukáy ang nakatuklas sa Caldeanong siyudad ng Ur, ang komersiyal at relihiyosong sentro na sinilangan ni Abraham. (Genesis 11:27-31) Sa itaas ng batis ng Gihon sa timog-silangang panig ng Jerusalem, natuklasan ng mga arkeologo ang siyudad ng mga Jebuseo na nabihag ni Haring David. (2 Samuel 5:4-10) Ang Siloam Inscription na inukit sa isang dulo ng paagusan ng tubig ni Haring Hezekias, ay natuklasan noong 1880. (2 Hari 20:20) Ang pagbagsak ng Babilonya sa mga kamay ni Ciro na Dakila noong 539 B.C.E. ay inilalahad sa Nabonidus Chronicle, na nahukay noong ika-19 na siglo C.E. Ang mga detalye sa aklat ng Esther ay napatunayan sa pamamagitan ng mga nakasulat na mga pahiwatig galing sa Persepolis at sa pagkatuklas sa palasyo ni Haring Xerxes (Ahasuero) sa Shushan, o Susa, sa pagitan ng 1880 at 1890 C.E. Ang isang pahiwatig na natagpuan sa isang gumuhong teatrong Romano sa Caesarea noong 1961 ay nagpapatunay na umiral ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato, na siyang humatol kay Jesus upang maibayubay.​—Mateo 27:11-26.

Astronomiya: Mga 2,700 taon na ang nakalipas​—malaon pa bago naalaman ng mga tao sa pangkalahatan na bilog ang mundo​—ang propetang si Isaias ay sumulat: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Ang salitang Hebreo na chugh, dito’y isinaling “bilog,” ay maisasalin din na “balantok.” (A Concordance of the Hebrew and Chaldee Scriptures, ni B. Davidson) Isa pa, ang “bilog” sa abot-tanaw ng lupa ay maliwanag na nakikita buhat sa malayong kalawakan at kung minsan sa paglalakbay sakay ng eroplano sa mataas na kalawakan. Siyanga pala, sinasabi ng Job 26:7 na “ang lupa ay ibinibitin [ng Diyos] sa wala.” Ito ay totoo, sapagkat batid ng mga astronomo na wala namang nakikitang suporta ang lupa.

Botanika: Ang iba’y maling nanghihinuha na mali raw ang Bibliya sapagkat si Jesu-Kristo ay bumanggit ng tungkol sa “isang butil ng binhi ng mustasa” bilang “ang pinakamaliit sa lahat ng binhi.” (Marcos 4:30-32) Malamang, ang tinutukoy ni Jesus ay ang binhi ng itim na punong mustasa (Brassica nigra o Sinapis nigra), na 1 hanggang 1.6 milimetro lamang ang diametro. Bagaman may maliliit-liit na binhi, simpino ng pulbos na mga binhi ng orkidya, hindi ang kinakausap ni Jesus ay mga tao na nagtatanim ng orkidya. Ang mga Judiong taga-Galilea ay nakababatid na sa sari-saring klase ng mga binhing inihahasik ng lokal na mga magsasaka, ang binhi ng mustasa ang pinakamaliit. Ang tinutukoy ni Jesus ay tungkol sa Kaharian, hindi ang pagtuturo ng isang aralin sa botanika.

Heolohiya: Tungkol sa ulat sa Bibliya ng paglalang, ang tanyag na heologong si Wallace Pratt ay nagsabi: “Kung bilang isang heologo ako ay tatawagan upang ipaliwanag sa maikli ang ating modernong mga idea ng pinagmulan ng lupa at ng pag-unlad ng buhay rito nang simple, paghahayupan ang ikinabubuhay na mga tao, tulad ng mga tribo na tinutukoy sa Aklat ng Genesis, walang bubuti pang magagawa ako kundi ang sundan nang maingat ang karamihan ng sinasabi sa unang kabanata ng Genesis.” Napansin ni Pratt na ang pagkakasunud-sunod na mga pangyayari sa Genesis​—ang pinagmulan ng mga karagatan, ang paglitaw ng lupa, at pagkatapos ay ang paglitaw naman ng mga isda sa dagat, mga ibon, at mga hayop​—ang sa kalakhan ay siyang pagkakasunud-sunod ng mga pangunahing dibisyon ng panahong heologo.

Medisina: Sa kaniyang aklat na The Physician Examines the Bible, si C. Raimer Smith ay sumulat: “Totoong namamangha ako sa pagiging lubhang wasto ng Bibliya buhat sa punto de vista ng medisina. . . . Pagka binanggit ang panggagamot, gaya ng sa pigsa, sugat, atb., ito’y tama kahit na sa mga pamantayan sa ngayon. . . . Maraming pamahiin ang pinaniniwalaan pa rin ng maraming tao tulad ng, ang pagsisilid sa bulsa ng binhi ng buckeye ay makahahadlang sa pagkakaroon ng rayuma; ang paghipo ng mga palaka ang sanhi ng mga kulugo; ang pagbabalot sa leeg ng pulang pranela ay magpapagaling sa isang kumikirot na lalamunan; na ang isang munting bag ng asafetida ay makahahadlang sa mga sakit; na tuwing magkakasakit ang isang bata ay mayroon itong mga bulati; atb., ngunit walang ganiyang mga pangungusap sa Bibliya. Ito sa ganang sarili ay kahanga-hanga at sa akin ay isa pang patotoo na ito’y galing sa Diyos.”

Mapanghahawakan sa Makasaysayang mga Detalye

Sa kaniyang aklat na A Lawyer Examines the Bible, si attorney Irwin H. Linton ay ganito ang napansin: “Samantalang ang mga panitikan, alamat at bulaang pagsaksi ay maingat sa paglalagay ng mga pangyayari sa ilang malalayong lugar at ilang mga panahong walang katiyakan, sa gayo’y nilalabag ang unang mga alituntunin na natutuhan naming mga abogado tungkol sa mainam na pagtatanggol ng isang kaso, na ‘ang deklarasyon ay kailangang magbigay ng panahon at dako,’ ang salaysay ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng petsa at lugar ng mga bagay na magkakaugnay taglay ang lubos na katiyakan.”

Upang patunayan ang puntong ito, binanggit ni Linton ang Lucas 3:1, 2. Doon ang manunulat ng Ebanghelyo ay bumanggit ng pitong opisyal upang maitatag ang tiyak na panahon ng pagpapasimula ni Jesu-Kristo ng Kaniyang ministeryo. Pansinin ang mga detalyeng ibinigay ni Lucas sa mga salitang ito: “Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo’y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, at si Herodes ay pandistritong pinunò ng Galilea, ngunit si Felipe na kaniyang kapatid ay pandistritong pinunò ng lalawigan ng Ituraea at Trachonitis, at si Lysanias ay pandistritong pinunò ng Abilene, noong mga kaarawan ng pangulong saserdoteng si Annas at si Caifas, ang pasabi ng Diyos ay dumating kay Juan na anak ni Zacarias sa ilang.”

Ang Bibliya ay punô ng nahahawig na mga detalye. Isa pa, ang mga bahaging ito na gaya ng Ebanghelyo ay isinulat sa panahon na lubhang napaunlad na ang kulturang Judio, Griego, at Romano. Iyon ay isang panahon ng mga abogado, manunulat, administrador, at iba pa. Tiyak, kung gayon, na kung ang mga detalyeng nasa mga Ebanghelyo at iba pang mga bahagi ng Bibliya ay hindi totoo, ang mga iyan ay disin sana napabunyag bilang pandaraya. Subalit ang mga mananalaysay ng sanlibutan ay nagpatotoo sa mga puntong gaya ng pag-iral ni Jesu-Kristo. Halimbawa, tungkol kay Jesus at sa Kaniyang mga tagasunod ang historyador Romano na si Tacitus ay sumulat: “Si Kristo, na pinagmulan ng pangalang [Kristiyano], ay dumanas ng sukdulang parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa mga kamay ng isa sa ating prokurador, si Poncio Pilato.” (Annals, Book XV, 44) Ang kawastuan ng kasaysayan sa Bibliya ay tumutulong sa atin upang patunayan na ito’y kaloob ng Diyos sa sangkatauhan.

Ang Pinakadakilang Ebidensiya

Bagaman ang arkeolohiya, astronomiya, kasaysayan, at iba pang mga larangan ng kaalaman ay sumusuporta sa Bibliya, ang pananampalataya rito ay hindi nakasalig sa gayong patotoo. Kabilang sa maraming patotoo na ang Bibliya’y kinasihang kaloob sa atin ng Diyos, wala nang lalong dakilang ebidensiya na maihaharap kaysa katuparan ng mga hulang naririto.

Ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng tunay na hula. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi niya: “Ang mga dating bagay​—ay nangyari na, ngunit mga bagong bagay ang ipinahahayag ko sa inyo. Bago magsimulang magsilitaw, pinangyayari ko nang marinig ninyo ang mga iyan.” (Isaias 42:9) Bukod diyan, sinasabi ng Bibliya na ang mga sumulat nito ay kinasihan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Halimbawa, ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Ang apostol na si Pedro ay sumulat: “Walang hula sa Kasulatan na buhat sa sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula’y hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila’y inaakay ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:20, 21) Kaya alamin natin ang hula sa Bibliya.

Kabilang sa daan-daang hula sa Bibliya ay yaong tungkol sa kabisera ng Asirya, ang Nineve, “ang lunsod ng pagbububo ng dugo” na naghasik ng lagim sa buong sinaunang Gitnang Silangan sa loob ng 15 siglo. (Nahum 3:1) Subalit, sa tugatog ng kapangyarihan ng Nineve, ang Bibliya ay humula: “Ang Nineve ay gagawin [ng Diyos] na isang palanas na kaguhuan, tutuyuing gaya ng ilang. At ang bakahan ay hihiga sa gitna niyaon, lahat ng maiilap na hayop ng isang bansa. Ang pelican at gayundin ang eriso ay magpaparaan ng gabi sa mga sirang haligi niyaon. Isang tinig ang patuloy na aawit sa dungawan. Kasiraan ay sasapit sa mga pasukan; sapagkat kaniyang tiyak na ilalantad ang mga patibayang sedro.” (Zefanias 2:13, 14) Sa ngayon, ang nakikita lamang ng mga bumibisita roon ay isang bunton ng lupa na palatandaan sa tinatayuan ng iginibang sinaunang Nineve. At, kawan-kawan na mga tupa ang nanginginain doon, gaya ng inihula.

Sa pangitain, ang propeta ng Diyos na si Daniel ay nakakita ng dalawang-sungay na tupang lalaki at isang lalaking kambing na may malaking sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata. Tinalo ng kambing ang tupang lalaki, anupat binali ang dalawang sungay niyaon. Pagkatapos, ang malaking sungay ng kambing ay nabali, at ang humalili ay apat na sungay. (Daniel 8:1-8) Ang anghel na si Gabriel ay nagpaliwanag: “Ang tupang lalaki na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong lalaking kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata, ito’y kumakatawan sa unang hari. At tungkol sa nabali, kung kaya may apat na tumayo sa wakas na kahalili niyaon, may apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.” (Daniel 8:20-22) Gaya ng pinatunayan ng kasaysayan, ang dalawang-sungay na tupang lalaki​—ang Imperyo ng Medo-Persia​—ay ibinagsak ng “hari ng Gresya.” Ang makasagisag na lalaking-kambing na iyon ay may “malaking sungay” sa katauhan ni Alejandrong Dakila. Pagkamatay niya, ang kaniyang apat na heneral ang humalili sa “malaking sungay” na iyan sa pamamagitan ng paglalagay sa kanilang sarili sa kapangyarihan sa “apat na kaharian.”

Maraming hula sa Kasulatang Hebreo (“Matandang Tipan”) ang natupad may kaugnayan kay Jesu-Kristo. Ang iba sa mga ito ay ikinapit sa kaniya ng kinasihan ng Diyos na mga manunulat ng Kasulatang Griego Kristiyano (“Bagong Tipan”). Halimbawa, ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ay bumanggit ng katuparan ng mga hula sa Kasulatan sa pagkapanganak kay Jesus sa pamamagitan ng isang dalaga, ang pagkakaroon Niya ng isang tagapaghanda ng daan, at ang Kaniyang pagpasok sa Jerusalem sakay ng bisiro ng isang asno. (Ihambing ang Mateo 1:18-23; 3:1-3; 21:1-9 sa Isaias 7:14; 40:3; Zacarias 9:9.) Ang gayong natupad na mga hula ay tumutulong na patunayan na ang Bibliya ay tunay ngang kinasihang regalo ng Diyos.

Ang kasalukuyang katuparan ng hula sa Bibliya ay patotoo na tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Mga digmaan, kakapusan sa pagkain, mga salot, at mga lindol na wala pang katulad sa tindi ay bahagi ng “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Kasali rin sa ganiyang tanda ang pambuong-daigdig na ginagawa ng mahigit na apat na milyong mga Saksi ni Jehova, na nangangaral ng mabuting balita ng natatag na Kaharian. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:10, 11) Ang hula sa Bibliya na kasalukuyang natutupad ngayon ay katiyakan din na ang makalangit na pamahalaan ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo ay pagkalapit-lapit nang magdala ng isang bagong sanlibutan ng walang-hanggang kaligayahan para sa masunuring sangkatauhan.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-5.

Ang kalakip na tsart na pinamagatang “Natupad na mga Hula sa Bibliya” ay naghaharap ng ilan lamang sa daan-daang hula sa Bibliya na naitala. Ang katuparan ng ilan sa mga ito ay iniulat ng Kasulatan mismo, ngunit ang lalo nang kapansin-pansin ay yaong mga hula na natutupad sa ngayon.

Malamang, nakikita mo ang ilang mga pangyayari sa buong daigdig na inihula sa Bibliya. Subalit bakit hindi ka magsuri pa? Ang mga Saksi ni Jehova ay may kagalakang magbibigay sa iyo ng karagdagang mga detalye kung hihilingin mo. At harinawang ang iyong taimtim na paghahanap ng kaalaman tungkol sa Kataas-taasan at sa kaniyang mga layunin ay makakumbinsi sa iyo na ang Bibliya ay tunay ngang kinasihang regalo ng Diyos.

[Chart sa pahina 7]

NATUPAD NA MGA HULA SA BIBLIYA

HULA KATUPARAN

Genesis 49:10 Ang Juda ay ginawang makaharing

tribo ng Israel (1 Cronica 5:2;

Hebreo 7:14)

Zefanias 2:13, Ang Nineve ay iginiba noong

mga 632 B.C.E.

Jeremias 25:1-11; Ang pagkabihag sa Jerusalem ang

Isaias 39:6 simula ng 70-taóng kagibaan

(2 Cronica 36:17-21;

Jeremias 39:1-9)

Isaias 13:1, 17-22; Sinakop ni Ciro ang Babilonya;

Isa 44:24-28; 45:1,2 bumalik ang mga Judio sa sariling

bayan (2 Cronica 6:20-23;

Ezra 1:1-4; 2:1)

Daniel 8:3-8, 20-22 Ang Medo-Persia ay ibinagsak ni

Alejandrong Dakila at pinaghati​-​

hati ang Imperyo ng Gresya

Isaias 7:14; Si Jesus ay ipinanganak ng isang

Mikas 5:2 dalaga sa Bethlehem

(Mateo 1:18-23; 2:1-6)

Daniel 9:24-26 Pagpapahid kay Jesus bilang

Mesiyas (29 C.E.)

(Lucas 3:1-3, 21-23)

Isaias 9:1,2 Nagsisimula sa Galilea ang

nagbibigay-liwanag na ministeryo

ni Jesus (Mateo 4:12-23)

Isaias 53:4,5,12 Kamatayan ni Jesus bilang haing

pantubos (Mateo 20:28; 27:50)

Awit 22:18 Pagsasapalaran sa mga kasuutan

ni Jesus (Juan 19:23, 24)

Awit 16:10; Pagkabuhay-muli ni Kristo noong Mateo 12:40 ikatlong araw (Marcos 16:1-6;

1 Corinto 15:3-8)

Lucas 19:41-44; 21:20-24 Ang Jerusalem ay winasak ng

mga Romano (70 C.E.)

Lucas 21:10,11; Walang-katulad na digmaan,

Mateo 24: 3-13; taggutom, lindol, salot,

2 Timoteo 3:1-5 katampalasanan, at iba pa,

palatandaan ng “mga huling araw”

Mateo 24:14; Buong-daigdig na pagbabalita ng

Isaias 43:10; mga Saksi ni Jehova nanatatag

Awit 2:1-9 naang Kaharian ng Diyos at di na

magtatagal ay magtatagumpay sa

lahat ng mananalansang

Mateo 24:21-34; Pandaigdig na pamilya ng mga

Apocalipsis 7:9-17 Saksi ni Jehova na sumasamba sa

Diyos at naghahanda para sa

kaligtasan sa “malaking

kapighatian”

[Larawan sa pahina 8]

Ang digmaan, kagutom, peste, at lindol ay nagdudulot ng malaking pinsala sa ngayon, ngunit ang bagong sanlibutan ng kapayapaan at kaligayahan ay natatanaw na

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share