Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/1 p. 10-15
  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maka-Diyos na Kalayaan​—May Pananagutan
  • Ang Kalayaan ng Piniling Bayan ng Diyos
  • Ang Katangian ng Kalayaang Kristiyano
  • Malaya Ngunit May Pananagutan
  • Maglingkod kay Jehova, ang Diyos ng Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Huwag Waling Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kung Paano Makakamit ang Tunay na Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Kalayaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/1 p. 10-15

Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan

“Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”​—JUAN 8:32.

1, 2. (a) Sa kasaysayan ng tao papaano gumanap ng mahalagang bahagi ang kalayaan? (b) Sino lamang ang talagang malaya? Ipaliwanag.

KALAYAAN. Isang makapangyarihang salita nga! Tiniis ng sangkatauhan ang di-mabilang na mga digmaan at mga rebolusyon at di-matatayang gulo sa lipunan dahilan sa paghahangad ng mga tao na maging malaya. Oo, sinasabi ng The Encyclopedia Americana: ‘Sa ebolusyon ng sibilisasyon, walang idea na gumanap ng lalong mahalagang bahagi kundi kalayaan.’

2 Subalit, ilang mga tao ang talagang malaya? Ilan ang nakaaalam man lamang kung ano ang kalayaan? Sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Upang magkaroon ng lubos na kalayaan ang mga tao, kailangang walang paghihigpit sa kanilang paraan ng pag-iisip, pagsasalita, o pagkilos. Kailangang alam nila kung ano ang kanilang pinili, at kailangang mayroon sila ng kapangyarihan na magpasiya sa mga pipiliin.” Sa liwanag nito, may alam ka bang sinuman na talagang malaya? Sino ang makapagsasabi na sila’y ‘hindi hinihigpitan sa kung papaano sila nag-iisip, nagsasalita, o kumikilos’? Ang totoo iisa lamang persona sa buong uniberso ang nakatutugon sa katuturang iyan​—ang Diyos na Jehova. Siya lamang ang may lubos na kalayaan. Siya lamang ang makapipili ng anumang ibig niya at maisasagawa iyon sa kabila ng lahat ng pananalansang. Siya “ang Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Apocalipsis 1:8; Isaias 55:11.

3. Sa anong kondisyon karaniwan nang nagtatamasa ang mga tao ng kalayaan?

3 Para sa abang sangkatauhan, ang kalayaan ay may hangganan. Karaniwan nang ipinagkakaloob o ginagarantiyahan ito ng isang autoridad at may kaugnayan sa ating pagpapasakop sa autoridad na iyan. Oo, sa halos lahat ng kaso, ang isang tao ay maaari lamang maging malaya kung kinikilala niya ang autoridad na gumagarantiya ng kaniyang kalayaan. Halimbawa, ang mga tao sa “malayang daigdig” ay nagtatamasa ng maraming kapakinabangan, tulad ng kalayaan ng pagkilos, kalayaan ng pagsasalita, at kalayaan ng relihiyon. Ano ang gumagarantiya sa mga kalayaang ito? Ang batas ng bansa. Ito’y tatamasahin ng isang tao tangi lamang kung siya’y sumusunod sa batas. Kung kaniyang inaabuso ang kaniyang kalayaan at nilalabag ang batas, siya’y mananagot sa mga autoridad, at ang kaniyang kalayaan ay maaaring biglang maputol sa pamamagitan ng sintensiyang pagkabilanggo.​—Roma 13:1-4.

Maka-Diyos na Kalayaan​—May Pananagutan

4, 5. Anong kalayaan ang tinatamasa ng mga sumasamba kay Jehova, at sila’y pananagutin niya dahil sa ano?

4 Noong unang siglo, si Jesus ay nagpahayag tungkol sa kalayaan. Sinabi niya sa mga Judio: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo ay aking mga alagad, at inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Hindi ang tinutukoy niya ay kalayaan ng pagsasalita o kalayaan ng relihiyon. Tiyak na hindi ang tinutukoy niya ay kalayaan buhat sa pamatok ng Roma, na inaasahan ng maraming mga Judio. Hindi, ito ay isang bagay na lalong mahalaga, isang kalayaang ipinagkaloob, hindi ng mga batas ng tao o ng kapritso ng isang pinunong tao, kundi ng kataas-taasang Soberano ng uniberso, si Jehova. Iyon ay kalayaan buhat sa pamahiin, kalayaan buhat sa kawalang-alam sa relihiyon, at higit at higit pa. Ang kalayaang ipinagkaloob ni Jehova ay tunay na kalayaan, at mananatili magpakailanman.

5 Sinabi ni apostol Pablo: “Si Jehova ang Espiritu; at kung saan naroon ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Sa lumipas na daan-daang taon ang sangkatauhan ay pinakikitunguhan ni Jehova upang ang mga tapat ay sa wakas magtamasa ng pinakamagaling at pinakadakilang uri ng kalayaan ng tao, “ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Samantala, tayo’y binibigyan ni Jehova ng sapat na kalayaan sa pamamagitan ng katotohanan ng Bibliya, at tayo’y kaniyang pananagutin kung aabusuhin natin ang kalayaang iyan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Walang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.”​—Hebreo 4:13.

6-8. (a) Anong mga kalayaan ang tinamasa nina Adan at Eva, at sa anong kondisyon mananatili sa kanila ang mga kalayaang iyon? (b) Ano ang naiwala nina Adan at Eva para sa kanilang sarili at sa kanilang supling?

6 Ang pananagutan kay Jehova ay napatampok nang ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nabubuhay. Sila’y nilalang ng Diyos na taglay ang mahalagang kaloob na malayang kalooban. Habang ginagamit nila ang malayang kaloobang iyon na may pananagutan, sila’y nagtamasa ng iba pang mga pagpapala, tulad ng kalayaan buhat sa pagkatakot, kalayaan buhat sa sakit, kalayaan buhat sa kamatayan, at kalayaan na lumapit sa kanilang makalangit na Ama taglay ang malinis na budhi. Subalit nang kanilang abusuhin ang kanilang malayang kalooban, lahat na iyan ay nagbago.

7 Inilagay ni Jehova sina Adan at Eva sa halamanan ng Eden, at para sa kanilang kasiyahan kaniyang ibinigay sa kanila ang bunga ng lahat ng punungkahoy sa halamanan​—maliban sa isa. Ang isang iyon ay inilaan niya sa kaniyang sarili; iyon “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at ng masama.” (Genesis 2:16, 17) Sa hindi pagkain ng bungangkahoy na iyon, kikilalanin ni Adan at ni Eva na tanging si Jehova lamang ang may kalayaan na magtakda ng pamantayan ng mabuti at masama. Kung sila’y kikilos nang may pananagutan at hindi kakain ng ibinawal na bungangkahoy, magpapatuloy naman si Jehova na ibigay sa kanila ang kanilang iba pang mga kalayaan.

8 Nakalulungkot, pinakinggan ni Eva ang tusong mungkahi ng Ahas na siya’y dapat ‘makaalam ng mabuti at masama’ para sa kaniyang sarili. (Genesis 3:1-5) Siya ang nauna, at pagkatapos ay si Adan, na kumain ng ibinawal na bunga. Kaya naman, nang kausapin na sila ng Diyos na Jehova sa halamanan ng Eden, sila’y nahiya at nagtago. (Genesis 3:8, 9) Sila ngayon ay mga makasalanan na nawalan ng kalayaan na lumapit sa Diyos taglay ang isang malinis na budhi. Dahilan dito, naiwala rin nila ang kalayaan buhat sa sakit at kamatayan, para sa kanilang sarili at para sa kanilang supling. Sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12; Genesis 3:16, 19.

9. Sino ang nakilala bilang gumamit sa mabuting paraan ng sapat na kalayaan na kanilang tinamasa?

9 Gayunman, ang sangkatauhan ay mayroon pa ring malayang kalooban, at sa paglakad ng panahon, ito’y ginamit ng ibang di-sakdal na mga tao sa isang maaasahang paraan ng paglilingkod kay Jehova. Ang pangalan ng ilan sa kanila ay naingatan para sa atin mula pa noong una. Mga lalaking tulad nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Isaac, at Jacob (tinawag ding Israel) ay halimbawa ng mga taong gumamit ng sapat na kalayaan na kanilang tinamasa pa rin upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya naman lumabas na mabuti iyon para sa kanila.​—Hebreo 11:4-21.

Ang Kalayaan ng Piniling Bayan ng Diyos

10. Ano ang mga termino ng tipan na ginawa ni Jehova sa kaniyang natatanging bayan?

10 Noong kaarawan ni Moises, pinalaya ni Jehova ang mga anak ni Israel​—na noo’y may bilang na milyun-milyon​—​mula sa pagkaalipin sa Ehipto at gumawa ng isang tipan sa kanila na sa pamamagitan niyaon sila’y naging kaniyang natatanging bayan. Sa ilalim ng tipang ito, ang mga Israelita ay may mga saserdote at isang sistema ng mga haing hayop na nagtakip sa kanilang mga kasalanan sa makasagisag na paraan. Sa gayon, sila’y malayang nakalalapit sa Diyos sa pagsamba. Sila’y mayroon ding isang sistema ng mga batas at mga alituntunin na magpapalaya sa kanila buhat sa kinaugaliang mga pamahiin at huwad na pagsamba. Sa pagtatagal, kanilang tatanggapin ang Lupang Pangako bilang mana, taglay ang katiyakan ng pagtanggap ng makalangit na tulong laban sa kanilang mga kaaway. Ang kanilang bahagi sa tipan ay umobliga sa mga Israelita na sumunod sa Kautusan ni Jehova. Malugod na tinanggap ng mga Israelita ang kondisyong ito, na ang sabi: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa kaming gawin.”​—Exodo 19:3-8; Deuteronomio 11:22-25.

11. Ano ang naging resulta nang hindi makasunod ang Israel sa mga kahilingan sa kaniya ng pakikipagtipan niya kay Jehova?

11 Sa loob ng mahigit na 1,500 taon, ang mga Israelita ay nasa natatanging kaugnayang iyon kay Jehova. Subalit paulit-ulit na sila’y nabigo nang pagsunod sa tipan. Paulit-ulit na sila’y nahikayat ng huwad na pagsamba at naging alipin ng idolatriya at pamahiin, kaya pinayagan sila ng Diyos na literal na maging alipin ng kanilang mga kaaway. (Hukom 2:11-19) Sa halip na tamasahin ang nagpapalayang mga pagpapala na dulot ng pagsunod sa mga tadhana ng tipan, sila’y pinarurusahan dahilan sa pagsuway roon. (Deuteronomio 28:1, 2, 15) Sa wakas noong 607 B.C.E., pinayagan ni Jehova na ang bansa ay maging alipin sa Babilonya.​—2 Cronica 36:15-21.

12. Ano sa wakas ang napatunayan tungkol sa Mosaikong Kautusang tipan?

12 Ito ay isang aral na mahirap batahin. Dapat sana’y natutuhan nila buhat dito ang kahalagahan ng pagsunod sa Kautusan. Gayumpaman, pagkatapos ng 70 taon, na ang mga Israelita ay bumalik sa kanilang sariling lupain, hindi rin nila nasunod nang tama ang kahilingan ng tipang Kautusan. Halos isandaang taon pagkabalik nila, sinabi ni Jehova sa mga saserdote sa Israel: “Kayong mga tao​—kayo’y nagsilihis sa daan. Kayo ang sanhi ng maraming natisod sa kautusan. Inyong sinira ang tipan ni Levi.” (Malakias 2:8) Oo, maging ang pinakataimtim sa mga Israelita ay hindi nakaabot sa pamantayan ng sakdal na Kautusan. Sa halip na magsilbing isang pagpapala, sa pananalita ni apostol Pablo, iyon ay naging “isang sumpa.” (Galacia 3:13) Maliwanag, isang bagay na lalong higit kaysa Mosaikong Kautusang tipan ang kinakailangan upang ang di-sakdal, may-pananampalatayang mga tao ay madala sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

Ang Katangian ng Kalayaang Kristiyano

13. Anong lalong mainam na saligan para sa kalayaan ang sa wakas ay inilaan?

13 Ang isang bagay na iyan ay ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. Noong mga taóng 50 C.E., si Pablo ay sumulat sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano sa Galacia. Kaniyang binanggit kung papaanong sila’y pinalaya ni Jehova buhat sa pagkaalipin sa tipang Kautusan at saka nagsabi: “Para sa gayong kalayaan kaya tayo pinalaya ni Kristo. Manindigan nga kayong matatag, at huwag na kayong pasakop muli sa pamatok ng pagkaalipin.” (Galacia 5:1) Sa anong mga paraan pinalaya ni Jesus ang mga tao?

14, 15. Sa anong kahanga-hangang paraan pinalaya ni Jesus ang sumasampalatayang mga Judio at mga di-Judio?

14 Pagkamatay ni Jesus, ang mga Judio na tumanggap sa kaniya bilang ang Mesiyas at naging mga alagad niya ay napasailalim ng isang bagong tipan, na humalili sa matandang tipang Kautusan. (Jeremias 31:31-34; Hebreo 8:7-13) Sa ilalim ng bagong tipang ito, sila​—at ang di-Judiong mga mananampalataya na noong bandang huli’y sumama sa kanila​—​ay naging bahagi ng isang bago, espirituwal na bansa na humalili sa likas na Israel bilang tanging bayan ng Diyos. (Roma 9:25, 26; Galacia 6:16) Sa gayon, kanilang tinamasa ang kalayaan na ipinangako ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Bukod sa pagpapalaya sa kanila buhat sa sumpa ng Kautusan ni Moises, ang katotohanan ay nagpalaya sa mga Kristiyanong Judio buhat sa lahat ng nakabibigat na mga tradisyon na ipinapasán sa kanila ng mga pinunong relihiyoso. At pinalaya niyaon ang mga Kristiyanong di-Judio buhat sa idolatriya at mga pamahiin ng kanilang dating pagsamba. (Mateo 15:3, 6; 23:4; Gawa 14:11-13; 17:16) At mayroon pa.

15 Si Jesus, nang nagsasalita tungkol sa katotohanan na nagpapalaya, ay nagsabi: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bawat manggagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.” (Juan 8:34) Buhat nang magkasala sina Adan at Eva, bawat taong nabuhay ay naging isang makasalanan at sa gayo’y alipin ng kasalanan. Ang tanging hindi nagkasala ay si Jesus mismo, at ang hain ni Jesus ang nagpalaya sa mga mananampalataya buhat sa pagkaaliping iyan. Totoo, sila’y hindi pa rin sakdal at likas na makasalanan. Ngunit, ngayon, sila’y makapagsisisi sa kanilang mga kasalanan at makahihingi ng kapatawaran salig sa hain ni Jesus, nagtitiwala na ang kanilang mga panalangin ay diringgin. (1 Juan 2:1, 2) Salig sa haing pantubos ni Jesus sila’y inaring matuwid ng Diyos, at sila’y makalalapit sa kaniya taglay ang malinis na budhi. (Roma 8:33) Isa pa, yamang ang pantubos ay nagbukas ng pag-asa sa pagkakamit ng pagkabuhay-muli tungo sa walang-hanggang buhay, ang katotohanan ay nagpalaya pa man din sa kanila sa pagkatakot sa kamatayan.​—Mateo 10:28; Hebreo 2:15.

16. Papaanong ang kalayaang Kristiyano ay lalong malawak kaysa ano pa mang kalayaang iniaalok ng sanlibutan?

16 Sa isang kahanga-hangang paraan, ang kalayaang Kristiyano ay nabuksan sa mga lalaki at mga babae anuman ang kanilang kalagayan, kung katayuan ng tao ang pag-uusapan. Ang mga taong mahihirap, mga bilanggo, kahit mga alipin, ay maaaring makalaya. Sa kabilang panig naman, ang matataas na mga tao ng mga bansa na tumanggi sa mensahe tungkol sa Kristo ay alipin pa rin ng pamahiin, kasalanan, at pagkatakot sa kamatayan. Tayo’y huwag hihinto ng pasasalamat kay Jehova sa kalayaang ito na ating tinatamasa. Walang maihahandog ang sanlibutan na sa anumang paraan ay makakatumbas nito.

Malaya Ngunit May Pananagutan

17. (a) Papaano naiwala ng iba noong unang siglo ang kalayaang Kristiyano? (b) Bakit tayo hindi dapat madaya ng mistulang kalayaan sa sanlibutan ni Satanas?

17 Noong unang siglo, malamang na ang karamihan ng pinahirang mga Kristiyano ay nagalak sa kanilang kalayaan at nanatili sa kanilang katapatan anuman ang halagang ibayad. Datapuwat, nakalulungkot na ang ibang nakatikim ng kalayaang Kristiyano at lahat ng mga pagpapala niyaon ay tumanggi roon nang may pagkamuhi, nagbalik sa pagkaalipin sa sanlibutan. Bakit nga gayon? Ang pananampalataya ng marami ay walang-alinlangang nanghina, at sila’y dagling ‘naanod.’ (Hebreo 2:1) Ang iba naman ay ‘nagtakwil ng pananampalataya at ng isang mabuting budhi at nabagbag tungkol sa kanilang pananampalataya.’ (1 Timoteo 1:19) Baka sila ay nabuyo sa materyalismo o sa isang imoral na istilo ng pamumuhay. Anong pagkahala-halaga nga na ating ingatan ang ating pananampalataya at gawin iyong saligan, laging abala sa personal na pag-aaral, sa asosasyon, panalangin, at gawaing Kristiyano! (2 Pedro 1:5-8) Harinawang huwag tayong huminto ng pagpapahalaga sa kalayaang Kristiyano! Totoo, ang iba ay maaaring matukso ng kaluwagan ng pamumuhay na nakita nila sa labas ng kongregasyon, sa pag-aakala na yaong mga nasa sanlibutan ay mas malaya kaysa atin. Datapuwat, tunay na ang mistulang kalayaan sa sanlibutan ay karaniwan nang wala kundi kawalang-responsabilidad lamang. Kung tayo’y hindi mga alipin ng Diyos, tayo’y mga alipin ng kasalanan, at ang pagkaaliping iyan ay isang mapait na kabayaran ng pagpapaalipin.​—Roma 6:23; Galacia 6:7, 8.

18-20. (a) Papaanong ang iba ay naging “mga kaaway ng pahirapang tulos”? (b) Papaano ‘ginamit ng iba ang kanilang kalayaan bilang pantakip sa kasamaan’?

18 Isa pa, sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos, si Pablo ay sumulat: “Marami, na siyang madalas na aking sinabi sa inyo ngunit ngayon sinasabi ko rin sa inyo nang may pag-iyak, yaong mga nagsisilakad na sila ang mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.” (Filipos 3:18) Oo, may dating mga Kristiyano na naging mga kaaway ng pananampalataya, marahil naging mga apostata. Anong pagkahala-halaga na huwag tayong tumulad sa kanilang lakad! Bukod diyan, sumulat si Pedro: “Na gaya ng kayo’y mga layâ, ngunit hindi ginagamit ang inyong kalayaan bilang pantakip sa kasamaan, kundi gaya ng sa mga alipin ng Diyos.” (1 Pedro 2:16) Papaano magagamit ng isang tao ang kaniyang kalayaan bilang pantakip sa kasamaan? Sa pamamagitan ng pagkahulog sa malulubhang kasalanan​—marahil nang lihim​—​samantalang nakikisama pa rin sa kongregasyon.

19 Alalahanin si Diotrephes. Tungkol sa kaniya’y sinabi ni Juan: “Si Diotrephes, na ang gusto’y siya ang kilalanin na pangunahin [sa kongregasyon], ay hindi kami tinatanggap nang may paggalang. . . . Hindi rin naman niya . . . tinatanggap ang mga kapatid nang may paggalang, at yaong mga gustong tumanggap sa kanila ay kaniyang hinahadlangan at itinitiwalag pa sa kongregasyon.” (3 Juan 9, 10) Ginamit ni Diotrephes ang kaniyang kalayaan bilang pantakip sa kaniyang sariling mapag-imbot na ambisyon.

20 Ang alagad na si Judas ay sumulat: “May mga taong nagsipasok nang lihim na noong una pa’y itinalaga na ng Kasulatan sa hatol na ito, mga taong liko, na ang di-sana-nararapat na awa ng ating Diyos ay ginagawang dahilan ng paggawa ng kahalayan at nagtatatwa sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” (Judas 4) Samantalang nakikisama sa kongregasyon, ang mga indibiduwal na ito ay isang masamang impluwensiya. (Judas 8-10, 16) Sa Apocalipsis mababasa natin na sa mga kongregasyon sa Pergamo at Tiatira, may mga sekta, idolatriya, at imoralidad. (Apocalipsis 2:14, 15, 20-23) Anong laking pagkakamali sa paggamit ng kalayaang Kristiyano!

21. Ano ang naghihintay sa mga nag-aabuso sa kanilang kalayaang Kristiyano?

21 Ano ang naghihintay sa mga nag-aabuso sa kanilang kalayaang Kristiyano sa ganitong paraan? Alalahanin ang nangyari sa Israel. Ang Israel ang piniling bansa ng Diyos, ngunit sa wakas ay tinanggihan siya ni Jehova. Bakit? Sapagkat ginamit ng mga Israelita ang kanilang kaugnayan sa Diyos bilang pantakip sa kasamaan. Kanilang ipinagmalaki na sila’y mga anak ni Abraham ngunit tinanggihan nila si Jesus, ang Binhi ni Abraham at piniling Mesiyas ni Jehova. (Mateo 23:37-39; Juan 8:39-47; Gawa 2:36; Galacia 3:16) “Ang Israel ng Diyos” sa kabuuan ay hindi tutulad sa gayong kawalang-pananampalataya. (Galacia 6:16) Subalit sinumang indibiduwal na Kristiyano na pinagmumulan ng espirituwal o moral na polusyon ay sa wakas lalapatan ng disiplina, kahit pa nga ng hatol sa masasama. Lahat tayo ay mananagot sa kung papaano natin ginamit ang ating kalayaang Kristiyano.

22. Anong kagalakan ang nakakamit ng mga gumagamit ng kanilang kalayaang Kristiyano upang paalipin sa Diyos?

22 Mas mabuting magpaalipin sa Diyos at sa gayo’y maging tunay na malaya. Tanging si Jehova ang nagbibigay ng kalayaan na talagang may halaga. Ang kawikaan ay nagsasabi: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Ang ating kalayaang Kristiyano ay gamitin natin sa ikapagbabangong-puri ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, ang ating buhay ay magkakaroon ng kabuluhan, tayo’y magdudulot ng kaluguran sa ating makalangit na Ama, at sa wakas tayo ay makakabilang sa mga nagtatamasa ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Sino lamang ang talagang malaya?

◻ Anong mga kalayaan ang tinamasa nina Adan at Eva, at bakit nila naiwala iyon?

◻ Anong mga kalayaan ang tinamasa ng mga Israelita nang kanilang tuparin ang kanilang tipan kay Jehova?

◻ Anong mga kalayaan ang nakamit niyaong mga tumanggap kay Jesus?

◻ Papaano iniwala o inabuso ng iba noong unang siglo ang kanilang kalayaang Kristiyano?

[Larawan sa pahina 13]

Ang kalayaan na ibinigay ni Jesus ay higit na mabuti kaysa anumang kalayaan na maibibigay ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share