Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/15 p. 4-7
  • Isang Pantubos na Kapalit ng Marami

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pantubos na Kapalit ng Marami
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtatakip at Pagpapalaya
  • Isang Katumbas na Pantubos
  • Isang Tao na Kapalit ng Marami
  • Ang Kaayusan ng Pantubos at Ikaw
  • Isang Katumbas na Pantubos Para sa Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Ang Pantubos—Ang Pinakamahalagang Regalo ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang Pantubos—Pinakamahalagang Regalo ng Diyos
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/15 p. 4-7

Isang Pantubos na Kapalit ng Marami

NOONG Marso 31, 1970, isang jetliner ang hinarang malapit sa Bundok Fuji sa Hapón. Siyam na miyembro ng isang grupong kilala bilang Japanese Red Army Faction ang humarang sa mahigit na 120 pasahero at mga tauhan upang gawing mga bihag na panagot at humiling ng isang ligtas na paglalakbay patungo sa Hilagang Korea.

Nang lumapag ang eroplano sa Seoul, Republika ng Korea, ang Hapones na pangalawang-ministro ng transportasyon na si Shinjiro Yamamura ay nagboluntaryong isapanganib ang kaniyang buhay alang-alang sa mga bihag. Pagkatapos pumayag na tanggapin siya na isang garantiya ng kanilang sariling kaligtasan, lahat ng binihag ng mga manghaharang ay pinalaya maliban sa mga tauhan na nag-aasikaso sa biyahe. Pagkatapos sila ay lumipad patungong Pyongyang, na kung saan sila’y sumuko sa mga autoridad ng Hilagang Korea. Si G. Yamamura at ang piloto nang bandang huli ay bumalik sa Hapón nang walang pinsala.

Dito, isang tao ang nagsilbing kapalit ng buhay ng mahigit na 120 bihag. Marahil ito ay tutulong sa atin na makita kung papaanong ang isang tao ay makapagbibigay ng kaniyang buhay bilang isang pantubos na kapalit ng marami. Subalit upang maunawaan ang turo ng Bibliya tungkol sa pantubos, kailangang suriin natin ang paksang ito nang lalong puspusan.

Unang-una, kailangang taluntunin natin ang pinagmulan ng kasalanan. “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala,” ang paliwanag ng Bibliya. (Roma 5:12) Papaanong nangyari iyan? Ang taong binanggit dito ay si Adan, ang unang taong nilalang. Mababasa mo ang kasaysayan ng pagkalalang sa kaniya at ang umakay sa kaniya upang lumihis sa pamantayan ng Diyos. Ito ay inilalahad sa unang tatlong kabanata ng aklat na Genesis sa Bibliya.

Isinisiwalat ng kasaysayang iyan na may isang nag-udyok na lingid sa madla nang unang magkasala si Adan. Upang matupad ang kaniyang sariling pagkagahaman sa kapangyarihan, ang nag-udyok na iyon ay nagpakana na isailalim ng kaniyang kapangyarihan si Adan at ang magiging supling niya. Ang nag-udyok na ito ay si Satanas na Diyablo. Siya’y tinatawag din na “ang matandang ahas” sapagkat gumamit siya ng isang ahas sa pag-akay kay Adan na magkasala. (Apocalipsis 12:9) Bagaman ang maibiging Maylikha ng sangkatauhan ay nagsabi kay Adan na igalang ang Kaniyang karapatan na magpasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, inakit ng ahas ang asawa ni Adan, si Eva, upang sumuway sa Diyos. Pagkatapos ay ito ang humikayat naman sa kaniyang asawa upang sumuway. Sa gayong ginawa, ipinahayag ni Adan na siya’y hindi dumidipende sa Diyos, kusang nagkasala, at walang ibang maipamamana sa kaniyang supling kundi ang gayong uri ng buhay.

Dinaranas pa rin natin ang naging bunga niyaon. Sa papaano? Bueno, matuwid naman na ipasiya ng Diyos na kung kusang pinili nina Adan at Eva ang sumuway, ang resulta ay kamatayan. Samakatuwid, sa pamamagitan ng pagkakasala ay ipinagbili ni Adan ang lahat ng tao sa kasalanan at kamatayan.​—Genesis 2:17; 3:1-7.

Papaano matutubos ang tao sa ganiyang pagkamakasalanan? Si Jesu-Kristo ay naparito sa lupa “upang ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang isang pantubos na kapalit ng marami,” at ito ang nagbukas ng daan upang matubos ang tao.​—Mateo 20:28.

Pagtatakip at Pagpapalaya

Ipinakikita ng Bibliya na ang pagtubos sa tao ay may dalawang hakbang: (1) pagbiling muli at (2) pagpapalaya. Tungkol sa salitang Griego (lyʹtron) na isinaling “pantubos,” ang iskolar ng Bibliya na si Albert Barnes ay sumulat: “Ang salitang pantubos ay nangangahulugang literal na isang halagang ibinayad para sa pagtubos sa mga bihag. Sa digmaan, pagka ang mga preso ay kinuha ng isang kaaway, ang salaping hinihingi para sila makalaya ay tinatawag na pantubos; samakatuwid nga, iyon ang paraan na sa pamamagitan niyaon sila ay pinalalaya. Samakatuwid ang anumang bagay na nagpapalaya sa kaninuman buhat sa parusa, o pagdurusa, o kasalanan, ay tinatawag na isang pantubos.”

Oo, “ang anumang bagay na nagpapalaya sa kaninuman” ay maaaring tukuyin na lyʹtron. Samakatuwid ang salitang Griegong ito ay nagtatampok sa gawa o paraan ng pagpapalaya.a

Ginamit ni apostol Pablo ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron upang idiin ang halaga ng ibinayad bilang ang pantubos. Sa 1 Timoteo 2:6, siya’y sumulat na “ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang sarili” bilang “isang katumbas na pantubos para sa lahat.” Sa pagkokomento rito, ang Greek and English Lexicon to the New Testament ni Parkhurst ay nagsasabi: “Ito’y tumpak na nangangahulugang isang halaga na sa pamamagitan niyaon ang mga bihag ay tinutubos buhat sa kaaway; at ang gayong uri ng pagpapalitan na kung saan ang buhay ng isa ay tinutubos ng buhay ng iba.” Ang idiniriin dito ay ang kaukulang kalikasan o ang pagkamabisa ng halagang pantubos na ibinayad upang maging balanse ang timbangan ng katarungan. Papaano maituturing na “isang katumbas na pantubos” ang inihandog ni Jesus na haing pantubos?

Isang Katumbas na Pantubos

Lahat ng tao, kasali na tayo, ay ipinagbili ni Adan sa kasalanan at kamatayan. Ang halaga, o multa, na kaniyang ibinayad ay ang kaniyang sakdal na buhay-tao, taglay ang potensiyal na mabuhay magpakailanman. Upang matakpan ito, isa pang sakdal na buhay-tao​—isang katumbas na pantubos​—​ang kailangang ibayad. Subalit, walang sinuman na anak ng di-sakdal na mga tao ang makapaglalaan ng kinakailangang sakdal na buhay ng tao. (Job 14:4; Awit 51:5) Gayunman, sa kaniyang karunungan ay nagbukas ang Diyos ng daan upang makaahon sa ganitong mga kalagayan. Ang sakdal na buhay ng kaniyang bugtong na Anak buhat sa langit ay inilipat niya sa bahay-bata ng isang dalaga, na hinayaang siya’y ipanganak na isang sakdal na tao. (Lucas 1:30-38; Juan 3:16-18) Ang turong ito tungkol sa panganganak kay Jesus ng isang dalaga ay hindi isang kuwentong binuo upang dakilain ang nagtatag ng isang relihiyon. Bagkus, ito’y nagpapaliwanag ng tungkol sa isang makatuwirang hakbang sa paglalaan ng Diyos na pantubos.

Upang maisakatuparan ang pantubos, kinailangan na si Jesus ay may isang malinis na rekord sa buong panahon na siya’y narito sa lupa. At gayon nga ang ginawa niya. Pagkatapos ay namatay siya ng isang kamatayang lipos ng pagpapakasakit. Sa ganitong paraan, ibinayad ni Jesus ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos na tutubos sa sangkatauhan. (1 Pedro 1:19) Kaya tumpak na masasabi natin na “isang tao ang namatay para sa lahat.” (2 Corinto 5:14) Oo, “kung papaano kay Adan lahat ay namamatay, gayundin sa Kristo na lahat ay mabubuhay.”​—1 Corinto 15:22.

Isang Tao na Kapalit ng Marami

Sa kasong panghaharang na binanggit sa bandang una, ang mga binihag ay walang paraan upang palayain ang kanilang sarili, kahit na kung sila ay mayaman. Kailangan ang tulong ng isang tagalabas, at ang taong nagsisilbing pampalit ay kailangang makatugon sa itinakdang mga kondisyon. Ganiyan din sa isang lalong malawak na paraan may kaugnayan sa pantubos na kailangan upang matubos ang sangkatauhan. Isang salmista ang sumulat: “Silang . . . naghahambog sa karamihan ng kanilang kayamanan, walang isa man sa kanila ang makatutubos sa ano pa mang paraan kahit sa isang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya; (at ang halagang pantubos sa kanilang kaluluwa ay pagkamahal-mahal kung kaya naglilikat magpakailanman).” (Awit 49:6-8) Oo, kinailangan ang panlabas na tulong para sa tao. Ang buhay ng isang tao ay sapat na makatutubos sa lahat ng tao kung kaniyang matutugunan ang mga kalagayan na kailangan upang maging balanse ang timbangan ng katarungan ng Diyos. Si Jesu-Kristo ang tanging sakdal na tao na makatutugon sa mga kahilingan.

Ang Diyos na Jehova ay naglaan para sa ikatutubos ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbabayad ng pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo. Subalit higit pa ang ginawa ng Diyos. Kaniyang sinintensiyahan ng kamatayan si Satanas na Diyablo, na umakay sa tao sa kasalanan. (Apocalipsis 12:7-9) Hindi na magtatagal at ibibilanggo ni Jehova ang nagkasalang iyan at sa wakas ay isasakatuparan ang inihatol sa pamamagitan ng ‘pagbubulid sa kaniya sa dagat-dagatang apoy at asupre,’ na sagisag ng walang-hanggang pagkapuksa. (Apocalipsis 20:1-3, 7-10, 14) Pagka nailigpit na ang balakyot na espiritung nilalang na ito at nagkabisa na ang pantubos, ang tao ay lalaya na hindi lamang buhat sa mahigpit na pagkapigil sa kaniya ng kasalanan at kamatayan kundi pati sa impluwensiya ni Satanas. Sa gayong pagkalaya at sa bisa ng haing pantubos ni Kristo na ginamit na lubusan, ang masunuring sangkatauhan ay susulong sa kasakdalan bilang mga tao.

Ang Kaayusan ng Pantubos at Ikaw

Nang malaman ang tungkol sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, marami sa Silangan ang lubhang nagpahalaga sa ginawa ng Diyos para sa kanila. Si Kazuo ay isang halimbawa. Ang kaniyang buhay ay nakasentro sa paglanghap at pagkalango sa paint thinner. Pagka siya’y nagmamaneho na nasa ilalim ng impluwensiya niyaon, ulit at ulit na kaniyang naipahamak ang kaniyang mga kotse. Tatlo sa kaniyang mga kaibigan ang nagpatiwakal pagkatapos na kanilang maipahamak naman ang kanilang kalusugan. Si Kazuo ay sumubok din na magpatiwakal. Nang bandang huli, siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya. Palibhasa’y napukaw ng katotohanan na kaniyang natutuhan, kaniyang ipinasiya na linisin ang kaniyang pamumuhay. Siya’y nakipagpunyagi sa kaniyang kinaugalian na pag-abuso sa kaniyang katawan sa pamamagitan ng paint thinner, at nagkaroon ng maraming hadlang. Siya’y napalagay sa alanganin dahilan sa pita ng kaniyang laman sa isang banda at sa paghahangad na gawin ang matuwid sa kabilang banda naman. Anong tuwa niya na siya’y nakapanalangin sa Diyos na patawarin siya sa pamamagitan ng bisa ng haing pantubos ni Jesu-Kristo! Sa pamamagitan ng panalangin at sa tulong ng mga kaibigang Kristiyano, nadaig ni Kazuo ang kaniyang bisyo at ngayon ay naglilingkod kay Jehova bilang isang maligayang ministro na may malinis na budhi.

Natatandaan mo ba si Chisako, binanggit sa pasimula ng naunang artikulo? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, siya man ay nakaunawa ng maibiging kaayusan ng pantubos. Lubhang naantig ang kaniyang damdamin nang mapag-alaman niya na ibinigay ng Diyos ang kaniyang Anak upang matubos ang sangkatauhan buhat sa kasalanan. Inialay ni Chisako ang kaniyang buhay kay Jehova. Kahit na ngayon, sa edad na 77, siya’y gumugugol ng mga 90 oras buwan-buwan sa pagsasabi sa iba tungkol sa dakilang pag-ibig ni Jehova at sa kaniyang ipinakikitang di-sana-nararapat na kagandahang-loob.

Ang pantubos ay dapat na maging mahalaga rin sa iyo. Sa pamamagitan nito, bubuksan ng Diyos ang daan tungo sa tunay na kalayaan para sa sangkatauhan​—kalayaan buhat sa kasalanan at kamatayan. Isang dakilang kinabukasan ng walang-hanggang buhay sa isang lupang paraiso ang nakalaan para sa mga tatanggap sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Pakisuyong makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova at suriin para sa iyong sarili kung papaano ka magtatamasa ng kalayaan buhat sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng maibiging kaayusan ng pantubos.

[Talababa]

a Sa Kasulatang Hebreo, ang pa·dhahʹ at mga kaugnay na salita ay isinaling “tubusin” o “pantubos na halaga,” anupat itinatampok ang pagpapalaya na kasangkot.​—Deuteronomio 9:26.

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Sa kagandahang-loob ng Mainichi Shimbun

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share