Pagsasalita ng mga Wika—Nauuso
“ISANG lakas ang umawat sa aking dila at ang mga salita’y mistulang tubig na umagos. Anong laking kagalakan iyon! Labis na kalinisan ang nadama ko. Magbuhat noon ay hindi na ako gaya ng dati,” ang bulalas ng isang nagkaroon ng pambihirang karanasan ng pagsasalita sa isang “di-kilalang wika.”
Iyan ang paglalarawan ng isang tao ng kaniyang unang karanasan ng pagsasalita sa isang “di-kilalang wika.” ‘Ngunit ano ba iyon?’ marahil ay may katuwirang maitatanong ng iba. Iyon ay tumutukoy sa isang kinaugalian o paniniwala sa ilang relihiyon na kung saan ang mga lalaki at mga babae ay nagsasabing sila’y pinakilos ng espiritu ng Diyos na magsalita sa banyaga o kakatuwang mga wika na hindi nila alam.
Ito ay isang lumalaganap na kausuhan sa relihiyon. Minsan ay itinuturing na ang mga miyembro ng Pentecostal lamang ang nakararanas nito, ngayon ang pagsasalita ng mga wika ay lumalabas na sa tradisyonal na hangganan ng mga denominasyon kasali na ang mga Baptist, Episkopalyano, Lutherano, Metodista, Presbiteryano, at Romano Katoliko. Ang kalagayan ng isang tao pagka nasa ganitong katayuan ay tinutukoy na lubos na kagalakan, matinding pagkabalisa, parang nangangarap, at hinihipnotismo. Ito ay tinatawag pa man din ng iba na isang karanasang histerikal. May isang hiwaga at karisma na kaugnay ang pagsasalita ng mga wika, o glossolalia.
Kung Bakit May Paghahangad sa Ngayon ng Kaloob na mga Wika?
Sa kaniyang aklat na Tongues of the Spirit, ipinahiwatig ni Cyril G. Williams na marahil may “kaugnayan sa pagitan ng pagkadama ng kabiguan, at ng paghahangad ng ‘mga wika.’ ” Kaniyang tinutukoy ito na isang paraan ng pagpapaginhawa na may “nagagawang pagpapagaling upang mabawasan ang tensiyon” at isang “nagpapagaan ng panloob na pagkabalisa.” Ang kabiguan sa gawain sa simbahan, kaigtingan ng emosyon, pagkabigo sa isang karera, pagkaulila, mga tensiyon sa tahanan, o karamdaman sa pamilya ang binabanggit bilang mga dahilan kung kaya mayroon ng gayong pananalita.
Gayundin, sa The Psychology of Speaking in Tongues, si John P. Kildahl ay nagsasabi na “ang pagkabalisa ay isang kahilingan para mapasulong ang abilidad na magsalita ng mga wika.” Sa pamamagitan ng personal na pananaliksik at maingat na pakikipagpanayam, natuklasan na “mahigit na 85% sa mga nagsasalita ng wika ang nakaranas ng malinaw na krisis ng pagkabalisa na bunga ng kanilang pagsasalita ng mga wika.” Halimbawa, ang isang ina ay ibig magsalita ng mga wika upang kaniyang maipagdasal ang kaniyang anak na lalaki na may sakit na kanser. Isang lalaki ang nagsimulang magsalita ng mga wika sa panahon na hindi siya makapagpasiya tungkol sa isang promosyon na iniaalok sa kaniya sa trabaho. Isang babae naman ang nagsimulang magsalita ng mga wika hindi lumampas sa isang linggo pagkaraang ang kaniyang asawa ay sumali sa Alcoholics Anonymous.
Ano ba ang Nararanasan ng Isang Tao?
Ang isa pang nagsalita ng mga wika sa unang-unang pagkakataon ay nag-ulat: “Nakaramdam ako ng isang nag-aapoy na silakbo ng damdamin sa buong katawan, at nangatog ako at butil-butil na pawis ang nalaglag sa akin, nanginig at nanghina ang aking mga bisig.” Kaugnay ng karanasang pagsasalita ng wika, kadalasan ay may di-karaniwang paggawi na gumagambala sa iba. Halimbawa, “isang batang babae ang halos nahirinan ng kaniyang sariling laway habang siya’y nakaunat na nakaupo sa isang silya, ang kaniyang leeg ay nakasandal sa likod nito, ang kaniyang mga sakong ay nakasayad sa sahig, ang kaniyang mga paa ay naninigas.” Samantalang nagpupulong ang isang kongregasyon “isang lalaki ang paulit-ulit na nagsirko buhat sa isang dulo ng simbahan patungo sa kabilang dulo.”
“Para sa mga ibang tao,” isinulat ni Propesor William J. Samarin, “ang pagsasalita ng mga wika ay isang kalagayan para sa pagbabautismo sa Espiritu Santo.” Kung wala ito, sila’y “nakadarama ng bahagyang kakulangan.” Ito’y itinuturing din na “kasagutan sa panalangin, isang katiyakan ng banal na pag-ibig at pagtanggap.” Sabi naman ng iba na iniiwanan sila nito na taglay ang pagkadama ng panloob na pagkakasuwato, kagalakan, at kapayapaan, at may isang “lalong dakilang pagkadama ng lakas” at “isang lalong matibay na diwa ng pagkakakilanlan.”
Ang pagsasalita ba ng mga wika ay talagang katunayan ng pagpapakilos ng banal na espiritu? Ito ba ay nagpapakilalang ang isang tao ay isang tunay na Kristiyano? Ang pagsasalita ba ng mga wika ay bahagi ng katanggap-tanggap na pagsamba sa ngayon? Ang mga katanungang ito ay nangangailangan ng hindi lamang isang pahapyaw na kasagutan. Bakit? Sapagkat ibig natin na ang ating pagsamba ay magkaroon ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos.