Saganang Nagpapatawad si Jehova
“Lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, . . . sapagkat siya’y saganang magpapatawad.”—ISAIAS 55:7.
1. Anong pagpapala ang natatamo ng mga tumatanggap ngayon ng pagpapatawad ni Jehova?
PINATATAWAD ni Jehova ang nagsisising nagkasala at ngayon ay tinatamasa nila ang kapayapaan ng isip sa isang espirituwal na paraiso. Gayon nga sapagkat sila’y nakatutugon sa mga kahilingang ito: “Hanapin ninyo, ninyong mga tao, si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo samantalang siya’y malapit. Lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, na mahahabag sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y saganang magpapatawad.”—Isaias 55:6, 7.
2. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘paghahanap kay Jehova’ at ‘panunumbalik sa kaniya,’ gaya ng binabanggit sa Isaias 55:6, 7? (b) Bakit ang mga Judiong itinapon sa Babilonya ay kailangang bumalik kay Jehova, at ano ang nangyari sa ilan sa kanila?
2 Upang ‘mahanap si Jehova’ at makatawag sa kaniya sa paraang tinatanggap niya, kailangang lisanin ng isang taong balakyot ang kaniyang masamang lakad at ang anumang kaisipan na pinsalain ang iba. Ang pangangailangan na “manumbalik siya kay Jehova” ay nagpapakita na humiwalay sa Diyos ang nagkasala, na dati ay may matalik na kaugnayan sa Kaniya. Ganiyan ang nangyari sa mga taga-Juda, na ang di-katapatan sa Diyos ay sa wakas humantong sa pagkatapon sa Babilonya. Ang mga Judiong napatapon ay kailangang manumbalik kay Jehova sa pamamagitan ng pagsisisi sa masasamang gawa na ang resulta’y ang kanilang pagkabihag sa Babilonya at ang inihulang 70-taóng pagkagiba ng kanilang sariling lupain. Noong 537 B.C.E., ang lupaing iyon ay muling tinahanan ng may takot sa Diyos na nalabing mga Judio na pinalaya buhat sa Babilonya ng utos ng pamahalaan. (Ezra 1:1-8; Daniel 9:1-4) Totoong malawak ang naging epekto ng pagbabalik na iyon anupat ang lupain ng Juda ay nakahalintulad ng Paraiso ng Eden.—Ezekiel 36:33-36.
3. Papaanong ang nalabi ng espirituwal na Israel ay nakaranas ng katulad ng sa may takot sa Diyos na mga itinapon na nagsibalik sa Juda?
3 Ang espirituwal na mga Israelita ay nagkaroon ng karanasan na katulad niyaong sa mga Judiong maytakot sa Diyos na nagbalik sa Juda pagkatapos ng pagkatapon nila sa Babilonya. (Galacia 6:16) Ang nalabi ng espirituwal na Israel ay gumawa ng ilang pagbabago sa kanilang lakad at sa kanilang kaisipan agad pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Noong taóng 1919 natapos ang kanilang pagkahiwalay buhat sa buong paglingap ng Diyos sa sakop ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Dahilan sa sila’y nagsisi sa mga kasalanang pagkatakot sa tao at paghinto sa paglilingkod kay Jehova, sila’y kaniyang pinalaya mula sa Babilonyang Dakila, ibinalik sila sa kanilang matuwid na kalagayan sa espirituwal, at ipinagpatuloy ang paggamit sa kanila sa pangangaral ng balita ng Kaharian. Isang espirituwal na paraiso ang umunlad sa gitna ng bayan ng Diyos magbuhat noon, sa karangalan ng kaniyang banal na pangalan. (Isaias 55:8-13) Kung gayon, sa sinaunang tipo at sa modernong antitipo ay mayroon tayong malinaw na katibayan na mga pagpapala ang kasunod ng banal na kapatawaran at na saganang pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisisi.
4. Ano ang ikinatatakot ng ilang lingkod ni Jehova?
4 Ang kasalukuyang mga lingkod ni Jehova ay makapagtitiwala nga sa kaniyang pagpapatawad. Gayunman, ang ilan sa kanila ay nawawalan ng pag-asa tungkol sa nakaraang mga kamalian, at ang pagkadama ng kasalanan ay nananaig sa kanila. Hindi nila itinuturing na sila’y karapat-dapat manirahan sa espirituwal na paraiso. Sa katunayan, ang ilan ay natatakot na baka sila’y nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran at hindi sila patatawarin ni Jehova. Maaari bang mangyari iyan?
Ilang Mga Kasalanan na Walang Kapatawaran
5. Bakit masasabing ang ilang kasalanan ay walang kapatawaran?
5 May ilang mga kasalanan na walang kapatawaran. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang bawat kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao, datapuwat ang kapusungan laban sa espiritu ay hindi ipatatawad.” (Mateo 12:31) Kung gayon, ang kapusungan laban sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, ay hindi patatawarin. Ipinahiwatig ni apostol Pablo ang gayong kasalanan nang siya’y sumulat: “Tungkol sa mga minsang naliwanagan na, . . . ngunit tumalikod, sila’y hindi na makapagsisising muli, sapagkat kanilang ibinabayubay-muli sa ganang kanila ang Anak ng Diyos at ibinibilad siya sa pangmadlang kahihiyan.”—Hebreo 6:4-6.
6. Ano ang nagpapakilala na ang isang kasalanan ay mapatatawad o hindi?
6 Ang Diyos lamang ang nakaaalam kung ang isang tao ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran. Gayunman, nagbigay-liwanag si Pablo sa bagay na ito nang kaniyang isulat: “Kung ating sinasadya ang pamimihasa sa pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan, kundi isang tiyak na kakila-kilabot na paghihintay sa paghuhukom.” (Hebreo 10: 26, 27) Ang taong sutil ay kumikilos nang sinasadya, o “may katigasan ang ulo at kadalasan ipinagmamatigas ang sariling kalooban.” (Webster’s New Collegiate Dictionary) Sinumang sadya at may katigasan na nagpapatuloy sa pamimihasa sa kasalanan matapos na makaalam ng katotohanan ay hindi pinatatawad. Kaya hindi gaano ang kasalanan mismo kundi ang kalagayan ng puso, kung hanggang sa anong antas sinadya iyon, ang nakaaapekto kung ang kasalanan ay mapatatawad o hindi. Sa kabilang banda, malamang na ano naman pagka ang isang nagkasalang Kristiyano ay lubhang naliligalig sa kaniyang pagkakasala? Ang kaniyang malaking pagkabahala ay marahil nagpapakita na, sa katunayan, hindi isang walang kapatawarang kasalanan ang kaniyang nagawa.
Hindi Mapatatawad ang Kanilang Kasalanan
7. Bakit natin masasabing ang ilan sa mga relihiyosong sumalansang kay Jesus ay gumawa ng kasalanang walang kapatawaran?
7 Ang ilang Judiong pinunong relihiyoso na sumalansang kay Jesus ay gumawa ng sinasadya, at sa gayo’y di-mapatatawad, na kasalanan. Bagaman kanilang nakita na gumagawa ang banal na espiritu ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus sa kaniyang paggawa ng mabuti at pagpapakita ng mga himala, ang mga klerigong iyon ay nagsabing nanggaling ang kaniyang kapangyarihan kay Beelzebub, o kay Satanas na Diyablo. Sila’y nagkasala samantalang kitang-kita ng kanilang mga mata ang di-maitatatwang pagkilos ng espiritu ng Diyos. Samakatuwid, sila’y gumawa ng kasalanang walang kapatawaran, sapagkat sinabi ni Jesus: “Sinumang nagsasalita laban sa banal na espiritu, iyon ay hindi ipatatawad sa kaniya, hindi, hindi sa sistemang ito ng mga bagay ni sa darating man.”—Mateo 12:22-32.
8. Bakit ang kasalanan ni Judas Iscariote ay walang kapatawaran?
8 Ang kasalanan ni Judas Iscariote ay wala ring kapatawaran. Ang kaniyang pagkakanulo kay Jesus ay sadya, kinusa na kasukdulan ng landasin ng pagpapaimbabaw at pandaraya. Halimbawa, nang makita ni Judas na binuhusan ni Maria si Jesus ng mamahaling pabango, ito’y nagtanong: “Bakit nga ang pabangong ito ay hindi ipinagbili ng tatlong daang denario at ibinigay sa mga dukha?” Isinusog ni apostol Juan: “Subalit, sinabi ito [ni Judas] hindi dahil sa siya’y may pagtingin sa mga dukha, kundi dahil sa siya’y isang magnanakaw at may hawak ng kahon ng salapi at namihasa na tangayin ang salaping inihuhulog doon.” Hindi nagtagal pagkatapos, ipinagkanulo ni Judas si Jesus sa halagang 30 piraso ng pilak. (Juan 12:1-6; Mateo 26:6-16) Totoo, si Judas ay mataos na nagsisi at nagpatiwakal. (Mateo 27:1-5) Subalit siya’y hindi pinatawad, yamang ang kaniyang kinusa, ipinagpatuloy na masamang gawa at ang kaniyang pagtataksil ay nagbabadya ng kaniyang kasalanan laban sa banal na espiritu. Angkop na angkop nga na si Judas ay tawagin ni Jesus na “ang anak ng kapahamakan”!—Juan 17:12; Marcos 3:29; 14:21.
Pinatawad ang Kanilang Kasalanan
9. Bakit pinatawad ng Diyos ang mga kasalanan ni David may kaugnayan kay Bath-sheba?
9 Ang sinasadyang kasalanan ay tuwirang kabaligtaran ng mga pagkakasalang pinatatawad ng Diyos. Kuning halimbawa si Haring David ng Israel. Siya’y nagkasala ng pangangalunya kay Bath-sheba, na asawa ni Uriah, at nang bandang huli ay kaniyang ipinamaneobra kay Joab ang kamatayan ni Uriah sa digmaan. (2 Samuel 11:1-27) Bakit nagpakita ang Diyos ng awa kay David? Unang-una dahilan sa tipan sa Kaharian ngunit dahilan din sa pagkamaawain ni David at sa kaniyang tunay na pagsisisi.—1 Samuel 24:4-7; 2 Samuel 7:12; 12:13.
10. Bagaman nagkasala nang malubha si Pedro, bakit siya pinatawad ng Diyos?
10 Isaalang-alang din si apostol Pedro. Siya’y nagkasala nang malubha sa paulit-ulit na pagtatatwa kay Jesus. Bakit pinatawad ng Diyos si Pedro? Di-gaya ni Judas Iscariote, si Pedro ay tapat sa paglilingkod sa Diyos at kay Kristo. Ang kasalanang ito ng apostol ay dahilan sa kahinaan ng laman, at siya’y tunay na nagsisi at “nanangis na mainam.”—Mateo 26:69-75.
11. Ano ba ang ibig sabihin ng “pagsisisi,” at ano ang dapat gawin kung tunay na nagsisisi ang isang tao?
11 Ipinakikita ng binanggit na mga halimbawa na kahit na ang isang taong nagkakasala nang malubha ay maaaring magtamo ng kapatawaran sa Diyos na Jehova. Subalit anong saloobin ang kailangan upang mapatawad? Ang tunay na pagsisisi ay kailangan upang ang isang nagkasalang Kristiyano ay patawarin ng Diyos. Ang ibig sabihin ng magsisi ay “tumalikod ang isa sa pagkakasala dahil sa ikinalulungkot niya ang nakaraang mga pagkakasala” o “malungkot o manghinayang dahil sa nagawa o hindi nagawa ng isa.” (Webster’s Third New International Dictionary) Ang isang tunay na nagsisisi ay dapat na magpakita na kaniyang ikinalulungkot ang anumang upasala, kalumbayan, o mga suliranin na naidulot ng kaniyang pagkakasala sa pangalan at organisasyon ni Jehova. Ang nagsisising nagkasala ay kailangan ding magsibol ng katumbas na bunga, na gumagawa ng mga bagay na karapat-dapat sa pagsisisi. (Mateo 3:8; Gawa 26:20) Halimbawa, kung siya’y nandaya sa kaninuman, siya’y gagawa ng makatuwirang mga hakbang upang mabayaran ang nawalang halaga. (Lucas 19:8) Ang gayong nagsisising Kristiyano ay may matuwid na mga dahilan sa Kasulatan upang magtiwala na siya’y saganang patatawarin ni Jehova. Ano ba ang mga ito?
Mga Dahilan ng Pagtitiwala sa Pagpapatawad ng Diyos
12. Salig sa ano ipinakikita ng Awit 25:11 na ang taong nagsisisi ay makapananalangin na patawarin siya?
12 Ang isang nagsisising nagkasala ay may pagtitiwalang makapananalangin para patawarin salig sa pangalan ni Jehova. Nagsumamo si David: “Alang-alang sa iyong pangalan, Oh Jehova, patawarin mo ang aking kasamaan, sapagkat malaki ito.” (Awit 25:11) Ang gayong panalangin, lakip ang pagsisisi dahil sa anumang kasiraan na naidulot ng nagkasala sa pangalan ng Diyos, ay dapat magsilbing isang panghadlang sa malubhang pagkakasala sa hinaharap.
13. Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pagpapatawad ng Diyos?
13 Sinasagot ng Diyos na Jehova ang taus-pusong mga panalangin ng kaniyang nagkasala ngunit nagsising mga lingkod. Halimbawa, si Jehova ay hindi sadyang nagwalang-bahala kay David, na taus-pusong nanalangin matapos matalos ang kalubhaan ng kaniyang mga kasalanan may kaugnayan kay Bath-sheba. Sa katunayan, ang mga salita ni David sa Awit 51 ay nagpapahayag ng damdamin ng maraming nananalangin. Siya’y nagsumamo: “Maawa ka sa akin, Oh Diyos, ayon sa iyong kagandahang-loob. Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan. Ang mga hain sa Diyos ay isang bagbag na kalooban; ang isang pusong bagbag at nagsisisi, Oh Diyos, ay hindi mo hahamakin.”—Awit 51:1, 2, 17.
14. Papaano nagbibigay ng katiyakan ang Kasulatan na pinatatawad ng Diyos ang mga sumasampalataya sa haing pantubos ni Jesus?
14 Pinatatawad ng Diyos ang mga sumasampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan niya’y may katubusan tayo dahil sa pantubos sa pamamagitan ng dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakasala.” (Efeso 1:7) May nahahawig na kahulugan, si apostol Juan ay sumulat: “Mumunting mga anak ko, isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang huwag kayong magkasala. Gayunman, kung magkasala ang sinuman, tayo’y may isang katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isang matuwid. At siya’y pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.”—1 Juan 2:1, 2.
15. Upang patuloy na magtamasa ng awa ng Diyos, ano ang kailangang gawin ng isang nagsisising makasalanan?
15 Ang awa ni Jehova ay nagbibigay sa isang nagsisising nagkasala ng saligan para sa pagtitiwala na siya’y maaaring patawarin. Sinabi ni Nehemias: “Ikaw ay Diyos na madaling magpatawad, mapagbiyaya at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.” (Nehemias 9:17; ihambing ang Exodo 34:6, 7.) Mangyari pa, upang patuloy na magtamasa ng awa ng Diyos, ang makasalanan ay kailangang magsikap na sumunod sa kautusan ng Diyos. Gaya ng sinabi ng salmista, “dumating nawa sa akin ang iyong mga kaawaan, upang ako’y patuloy na mabuhay; sapagkat ang kautusan mo ay aking kaaliwan. Dakila ang iyong malumanay na mga kaawaan, Oh Jehova. Ayon sa iyong matuwid na mga kahatulan, Oh ingatan mo akong buháy.”—Awit 119:77, 156.
16. Anong kaaliwan ang dulot ng bagay na isinasaalang-alang ni Jehova ang ating makasalanang kalagayan?
16 Ang bagay na isinasaalang-alang ni Jehova ang ating pagkamakasalanan ay nagbibigay rin sa nagsisising nagkasala ng kaaliwan at dahilan na manalangin na may tiwala na siya’y patatawarin ng Diyos. (Awit 51:5; Roma 5:12) Ang salmistang si David ay nagbigay ng nakaaaliw na katiyakan nang kaniyang ipahayag: “Siya [ang Diyos na Jehova] ay hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan; ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan. Sapagkat kung papaanong ang mga langit ay mas mataas kaysa lupa, gayon kalaki ang kaniyang maibiging-awa sa mga natatakot sa kaniya. Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilayo niya sa atin ang mga pagsalansang natin. Kung papaano ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang naaalaala na tayo’y alabok.” (Awit 103:10-14) Oo, ang ating Ama sa langit ay lalong maawain at mahabagin kaysa isang magulang.
17. Ano ang kaugnayan ng nakaraang ulat ng tapat na paglilingkod sa Diyos kung tungkol sa kapatawaran?
17 Ang isang nagsisising makasalanan ay makapananalangin na patawarin siya taglay ang pagtitiwala na hindi kaliligtaan ni Jehova ang kaniyang nakaraang ulat ng tapat na paglilingkod. Si Nehemias ay hindi nagsusumamo na patawarin siya sa kaniyang kasalanan, kundi ang kaniyang sinabi: “Alalahanin mo ako, Oh Diyos ko, sa ikabubuti.” (Nehemias 13:31) Ang isang nagsisising Kristiyano ay makasusumpong ng kaaliwan sa mga salitang: “Hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 6:10.
Tulong Buhat sa Nakatatandang mga Lalaki
18. Ano ang dapat gawin kung dahil sa kasalanan ng isang Kristiyano ay may sakit siya sa espirituwal?
18 Ano kung ang isang Kristiyano ay nag-iisip na siya’y di-karapat-dapat manatili sa espirituwal na paraiso o di-makapanalangin dahilan sa ang kaniyang kasalanan ay sanhi ng pagkakasakit niya sa espirituwal? “Ipatawag niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, pahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. “At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at ibabangon siya ni Jehova. At, kung nagkasala siya, ipatatawad iyon sa kaniya.” Oo, ang matatanda sa kongregasyon ay mabisang makapananalangin kasama ang isang nagsisising kapananampalataya at ukol sa kaniya sa pag-asang maipanumbalik siya sa mabuting espirituwal na kalusugan.—Santiago 5:14-16.
19. Kung ang isang tao ay natiwalag, ano ang kailangang gawin niya upang patawarin at maibalik?
19 Kahit na kung ang isang di-nagsisising makasalanan ay itinitiwalag ng isang lumitis na komite, hindi ibig sabihin na siya’y nakagawa ng kasalanang walang-kapatawaran. Gayunman, upang mapatawad at maibalik, siya’y kailangang mapakumbabang sumunod sa mga kautusan ng Diyos, magsibol ng mga bungang karapat-dapat sa pagsisisi, at lumapit sa matatanda para maibalik. Pagkatapos na ang isang mapakiapid ay maitiwalag sa kongregasyon sa sinaunang Corinto, sumulat si Pablo: “Sapat na sa gayong tao ang kaparusahang ito na ibinigay ng karamihan, upang, kabaligtaran ngayon, may kabaitang patawarin at aliwin ninyo siya, upang sa anumang paraan ang gayong tao ay huwag madaig ng kaniyang labis na kalumbayan. Dahil dito’y ipinamamanhik ko sa inyo na pagtibayin ninyo ang pag-ibig sa kaniya.”—2 Corinto 2:6-8; 1 Corinto 5:1-13.
Nagbibigay ng Lakas ang Diyos
20, 21. Ano ang makatutulong sa isang taong may pagkabalisa dahil sa baka siya’y nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran?
20 Kung ang mga salik na gaya ng pagkamasasakitin o kaigtingan ay nagiging sanhi ng pagkabalisa tungkol sa nagawang kasalanang walang kapatawaran, ang sapat na pamamahinga at pagtulog ay maaaring makatulong. Gayunman, ang lalo nang dapat ninyong tandaan ay ang mga salita ni Pedro: “Ilagak ninyo [sa Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.” At huwag hayaang sirain ni Satanas ang loob ninyo, sapagkat isinusog ni Pedro: “Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila. Ngunit labanan ninyo siya, nang matatag sa pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang ganoon ding mga hirap ay dinaranas sa buong kapatiran ninyo sa sanlibutan. Ngunit, pagkatapos na kayo’y magbata nang sandali, ang Diyos ng lahat ng di-sana nararapat na awa . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, kaniyang pagtitibayin kayo, kaniyang palalakasin kayo.”—1 Pedro 5:6-10.
21 Kaya kung ikaw ay nagsisisi ngunit nangangamba na baka nagkakasala ka ng kasalanang walang kapatawaran, tandaan na ang mga daan ng Diyos ay pantas, makatarungan, at maibigin. Kaya, manalangin sa kaniya na taglay ang pananampalataya. Patuloy na kumuha ng espirituwal na pagkain na kaniyang inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Makisama sa mga kapananampalataya at makibahagi sa ministeryong Kristiyano nang palagian. Ito’y magpapatibay sa iyong pananampalataya at makalalaya ka buhat sa anumang pangambang baka hindi ka pa pinatatawad ng Diyos sa iyong kasalanan.
22. Ano ang susunod na isasaalang-alang natin?
22 Ang mga nasa espirituwal na paraiso ay maaaliw ng kaalaman na saganang nagpapatawad si Jehova. Gayunman, ang kanilang buhay ay hindi libre sa mga pagsubok ngayon. Baka sila ay nanlulumo dahilan sa kamatayan ng isang mahal sa buhay o malubha ang isang minamahal na kaibigan. Gaya ng ating makikita, dito at sa iba pang mga kalagayan, si Jehova ay tumutulong at pinapatnubayan ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.
Ano ang mga Sagot Mo?
◻ Ano ang patotoo na si Jehova ay ‘saganang nagpapatawad’?
◻ Anong kasalanan ang hindi pinatatawad?
◻ Sa ilalim ng anong mga kalagayan pinatatawad ang mga kasalanan ng isang tao?
◻ Bakit ang nagsisising mga nagkasala ay makapagtitiwala sa pagpapatawad ng Diyos?
◻ Anong tulong ang maaaring matamo ng nagsisising mga nagkasala?
[Larawan sa pahina 10]
Alam mo ba kung bakit pinatawad sina David at Pedro ngunit si Judas Iscariote ay hindi?
[Larawan sa pahina 12]
Ang pagtulong ng matatanda sa kongregasyon ay malaki ang magagawa upang matulungan sa espirituwal ang isang Kristiyano