‘Ako ba’y Dapat Pabautismo?’
SA LAHAT ng mga pasiya na kailangang gawin natin sa buhay, marahil wala nang mas mahalaga pa kaysa rito: ‘Ako ba’y dapat pabautismo?’ Bakit lubhang napakahalaga niyan? Sapagkat ang ating pasiya may kaugnayan sa katanungang ito ay may tuwirang epekto hindi lamang sa ating landasin sa buhay ngayon kundi gayundin sa ating walang-hanggang ikabubuti.
Ikaw ba’y napapaharap sa pasiyang ito? Marahil ikaw ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova nang ilang panahon. O marahil ikaw ay tinuturuan ng iyong mga magulang buhat sa Kasulatan mula pa sa pagkasanggol. Ngayon ikaw ay sumapit na sa punto na kung saan kailangang magpasiya ka tungkol sa kung ano ang dapat mong gawin. Upang ikaw ay makagawa ng tamang pasiya, kailangang maunawaan mo kung ano ang kasangkot sa bautismo at sino ang dapat pabautismo.
Kung Ano ang Kasangkot sa Bautismo
Halos kahawig ng isang kasal, ang bautismo ay isang seremonya na gumaganap ng isang relasyon. Sa kasal, ang lalaki at ang babaing ikakasal ay nakabuo na ng isang malapitang relasyon. Ginagawa lamang ng seremonya ng kasal na pampubliko ang mga bagay na pinagkasunduan na nang sarilinan, samakatuwid nga, na silang dalawa ay pumapasok na ngayon sa aktuwal na kaayusan ng pag-aasawa. Ito’y nagbubukas din ng mga pribilehiyo na tatamasahin ng magiging mag-asawa at may dalang mga pananagutan na kailangang magampanan nila sa kanilang buhay na magkasama.
Ganiyan din kung tungkol sa bautismo. Samantalang pinag-aaralan natin ang Bibliya, natututuhan natin ang maibiging mga paglalaan ni Jehova para sa atin. Ibinigay niya sa atin hindi lamang ang ating buhay at lahat ng kailangan natin upang ito’y magpatuloy kundi pati na ang kaniyang bugtong na Anak upang magbukas ng daan para ang makasalanang sangkatauhan ay magkaroon ng kaugnayan sa Kaniya at magkamit ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. Kung ating pag-iisipan ang lahat ng ito, hindi ba tayo’y nagaganyak na kumilos?
Ano ang maaari nating gawin? Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo ay nagsasabi sa atin: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Oo, tayo’y maaaring maging mga alagad ni Jesu-Kristo, na tumutulad sa kaniya sa paglilingkod sa mga kapakanan ng kaniyang Ama, si Jehova. Gayunman, ang paggawa ng gayon ay humihiling na ating “itakwil” ang ating sarili, samakatuwid nga, kusang ipinagpapasiya na ang kalooban ng Diyos ang unahin kaysa ating sarili; kasangkot dito ang paghahandog, o pag-aalay, ng ating buhay sa paggawa ng kaniyang kalooban. Upang ipaalam ang kusa at pansariling pasiyang ito, isang pampublikong seremonya ang ginaganap. Ang seremonyang iyon ay ang bautismo sa tubig upang sagisagan sa publiko ang ating pag-aalay sa Diyos.
Sino ang Dapat Pabautismo?
Itinagubilin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na ‘humayo at gawing alagad ang mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na kaniyang iniutos sa kanila.’ (Mateo 28:19, 20) Maliwanag, kailangan ang isang antas ng pagkamaygulang ng isip at puso para sa mga babautismuhan. Sa pamamagitan ng kanilang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos, kanilang natatalos ang pangangailangan na ‘magsisi at magbalik-loob’ buhat sa kanilang dating landasin ng buhay. (Gawa 3:19) Pagkatapos, kanilang nakikita ang pangangailangan na makibahagi sa gawaing pangangaral ng ebanghelyo na ginawa ni Jesu-Kristo, na maging kaniyang mga alagad. Lahat ng ito ay naganap bago ang hakbangin ng bautismo.
Ikaw ba ay sumapit na sa yugtong ito sa iyong espirituwal na pag-unlad? Nais mo bang maglingkod sa Diyos? Kung gayon, isaalang-alang na may kalakip na panalangin ang ulat ng Bibliya tungkol sa bating na Etiope, na nasusulat sa Mga Gawa kabanata 8. Nang ang mga hula tungkol kay Jesus na Mesiyas ay ipaliwanag sa taong ito, ang kaniyang isip at puso ay sinuri niya at pagkatapos ay nagtanong: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” Maliwanag na walang anumang humahadlang sa kaniya; kaya siya’y nabautismuhan.—Gawa 8:26-38.
Sa ngayon marami ang nagtatanong ng ganiyan ding katanungan: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” Bilang resulta, 300,945 kaaalay ang nabautismuhan noong 1991. Ito’y nagdulot ng malaking kagalakan sa lahat ng lingkod ni Jehova, at ang matatanda sa mga kongregasyon ay nagagalak na tulungan ang iba pang mga taong may matuwid na puso upang sumulong at makatugon sa mga kahilingan para sa bautismo.
Gayunman, baka ang matatanda sa inyong kongregasyon ay magmungkahi na maghintay ka pa. O, kung ikaw ay isang kabataan, baka hilingin sa iyo ng iyong mga magulang na maghintay ka. Ano kung gayon? Huwag kang masiraan ng loob. Alalahanin na ang pagpasok sa isang personal na kaugnayan sa Kataas-taasan ay isang napakaselan na bagay. Kailangang matugunan ang matataas na pamantayan at magpatuloy roon. Kaya pakinggan ang mga mungkahi at ikapit nang buong puso. Kung hindi mo lubusang nauunawaan ang ibinigay na mga dahilan, huwag kang mahiya, kundi magtanong hanggang sa talagang maunawaan mo kung anong paghahanda ang dapat gawin.
Sa kabilang panig, may mga taong maaaring nag-aatubili na gumawa ng gayong kalaking hakbang, gaya ng tawag nila roon. Ikaw ba’y isa sa kanila? Kung sa bagay, baka may tiyakang mga dahilan kung bakit kailangang ipagpaliban mo ang pag-aalay at bautismo. Subalit kung ikaw ay kuwalipikado na at nag-aatubili pa, mabuting tanungin ang iyong sarili: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” Kasabay ng panalangin na suriin mo ang iyong kalagayan at alamin kung talagang may makatuwirang dahilan ang pagpapaliban ng pagtugon sa paanyaya ni Jehova na pumasok sa isang personal na relasyon ng pakikipag-ugnayan sa kaniya.
‘Bata Pa Ako’
Kung ikaw ay isang kabataan, marahil ay iniisip mo, ‘Bata pa ako.’ Totoo na habang ang mga kabataan ay nananatiling masunurin at tumutugon sa kahilingan ng kanilang Kristiyanong mga magulang at ikinakapit ang Kasulatan sa abot ng kanilang kaya, makapagtitiwala sila na sila’y itinuturing na “banal” ni Jehova. Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Bibliya na sakop ng banal na pagsang-ayon sa matuwid na mga magulang pati ang mga anak na menor de edad. (1 Corinto 7:14) Gayunman, ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng edad kung hanggang kailan natatapos ang panahong ito ng pagkamenor de edad. Samakatuwid, mahalaga para sa mga kabataang Kristiyano na matamang isaalang-alang ang tanong: ‘Ako ba’y dapat pabautismo?’
Hinihimok ng Bibliya ang mga kabataan na ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylikha sa mga kaarawan ng kanilang kabataan.’ (Eclesiastes 12:1) Sa bagay na ito, mayroon tayong halimbawa ng batang si Samuel, “na naglilingkod na sa harap ni Jehova, bilang isang bata.” Nariyan din ang halimbawa ni Timoteo, na sapol sa pagkasanggol ay natanim sa puso ang katotohanan na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina at ng kaniyang lola.—1 Samuel 2:18; 2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.
Gayundin sa ngayon, maraming kabataan ang nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova. Si Akifusa, isang 15-taóng-gulang, ay nagsabi na isang bahagi sa Pulong sa Paglilingkod ang tumulong sa kaniya na magpasiya na pabautismo. Si Ayumi ay nabautismuhan nang siya’y sampung taóng gulang. Ibig niyang maglingkod kay Jehova dahil siya’y talagang mahal niya. Ngayon siya’y 13 at nakaranas kamakailan na makita ang kaniyang inaaralan ng Bibliya, na umiibig din kay Jehova, na nabautismuhan sa edad na 12. Ang nakababatang kapatid ni Ayumi na si Hikaru ay nabautismuhan din sa edad na sampung taon. “Ang sabi ng iba ako ay napakabata,” naalaala pa niya, “ngunit alam ni Jehova ang damdamin ko. Ako’y desididong pabautismo minsang ipasiya ko na ialay sa kaniya ang aking buhay kasama ng lahat ng mayroon ako.”
Ang halimbawa ng mga magulang ay isa ring salik, gaya ng makikita buhat sa karanasan ng isang kabataang sister. Binawalan ng kaniyang ama ang kaniyang ina na mag-aral ng Bibliya kasama niya at ng kaniyang kapatid na lalaki at babae. Kaniyang sinasaktan sila at sinusunog ang kanilang mga aklat. Subalit dahilan sa pagtitiis at pananampalataya ng ina, nakita ng mga anak ang kahalagahan ng paglilingkod sa Diyos na Jehova. Ang batang babaing ito ay nabautismuhan sa edad na 13, at ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki at babae ay sumunod sa kaniyang halimbawa.
‘Ako’y Totoong May Edad Na’
Sinabi ng salmista: “Kayong matatandang lalaki pati mga batang lalaki . . . purihin ninyo ang pangalan ni Jehova.” (Awit 148:12, 13) Oo, ang mga may edad na ay dapat ding makadama ng pangangailangan na manindigan sa panig ni Jehova. Gayunman, may mga taong may edad na, na umiiwas sa paggawa ng mga pagbabago. Kanilang inaakala na “hindi mo matuturuan ng mga bagong pamamaraan ang isang matanda nang aso.” Gayunman, alalahanin na ang tapat na si Abraham ay 75 taóng gulang nang sabihan siya ni Jehova: “Umalis ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anakan at pumaroon ka sa lupain na ituturo ko sa iyo.” (Gawa 7:3; Genesis 12: 1, 4) Si Moises ay 80 taon nang iutos sa kaniya ni Jehova: “Ang aking bayan . . . ay ilabas mo sa Ehipto.” (Exodo 3:10) Ang mga lalaking ito at ang iba pa ay matatag na sa kanilang pamumuhay nang hilingin ni Jehova na ipakita ang kanilang pag-ibig at pag-aalay sa kaniya. Sila’y hindi nag-atubili na tumugon sa panawagan ni Jehova.
Kumusta naman sa ngayon? Si Shizumu ay naging isang Buddhista nang 78 taon nang siya’y magsimulang mag-aral ng Bibliya. Ang kaniyang pamilya ay sumalansang sa kaniya, hindi man lamang siya pinayagang mag-aral sa kaniyang sariling tahanan. Pagkaraan ng iisang taon, kaniyang natanto ang pangangailangan ng pag-aalay ng kaniyang sarili kay Jehova, at siya’y napabautismo. Bakit siya gumawa ng pagbabago? Sinabi niya: “Sa loob ng maraming taon ako’y nadaya ng huwad na relihiyon, at ibig kong magpatuloy ng pagtanggap ng katotohanan buhat kay Jehova magpakailanman.”
‘Na Ngayon ay Nagliligtas sa Iyo’
Ang panahon ay paubos na. Ang mga buhay, kasali na ang sa iyo, ay nakataya. Lubhang kailangan na matamang isaalang-alang mo ang hinggil sa pag-aalay kay Jehova at sagisagan iyon ng bautismo sa tubig. Ito’y idiniin ni apostol Pedro sa pagsasabing: “Iyan . . . ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid nga, ang bautismo.” Kaniyang patuloy na ipinaliwanag na ang bautismo ay “hindi ang pag-aalis ng karumihan ng laman” (nagawa na iyan ng isang tao bago maging kuwalipikado para sa bautismo) “kundi ang paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi.”—1 Pedro 3:21.
Ngayong nakaabot na sa mga kahilingan ni Jehova, ang bautismadong alagad ay nagkakaroon na ng isang mabuting budhi. Sa patuloy na paggawa ng kaniyang pinakamagaling na magagawa sa paglilingkod kay Jehova, siya’y nagtatamasa ng kapayapaan ng isip at pagkakontento. (Santiago 1:25) Higit sa lahat, siya’y may pagtitiwalang makaaasa na tatanggap ng walang-hanggang pagpapala buhat kay Jehova sa bagong sistemang darating. Harinawang kamtin mo iyan habang ikaw ay tumutugon sa positibong paraan sa tanong na: ‘Ako ba’y dapat pabautismo?’
[Larawan sa pahina 21]
Bilang isang bata, si Samuel ay naglingkod sa harap ni Jehova
[Larawan sa pahina 22]
Si Moises ay 80 taon nang siya’y suguin ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 23]
Sa ngayon kapuwa ang mga bata at ang mga may edad na napababautismo ay makaaasang magtatamo ng walang-hanggang pagpapala sa bagong sistema ng Diyos