Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 10/15 p. 8-13
  • Ang Maibiging Kaayusan ni Jehova sa Pagpapamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Maibiging Kaayusan ni Jehova sa Pagpapamilya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pamilya sa Panahon ng Bibliya
  • Ang Papel na Ginagampanan ng Kristiyanong mga Asawang Lalaki
  • Ang Matulunging mga Kristiyanong Asawang Babae
  • Nagpapahalagang mga Anak
  • Kung Paano Magiging Maligaya ang Iyong Buhay Pampamilya
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Matalinong Patnubay Para sa mga Mag-asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Lalaki
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 10/15 p. 8-13

Ang Maibiging Kaayusan ni Jehova sa Pagpapamilya

“Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, na sa kaniya kinuha ang pangalan ng bawat pamilya [sambahayan] sa langit at sa lupa.”​—EFESO 3:14, 15.

1, 2. (a) Sa anong layunin nilalang ni Jehova ang yunit ng pamilya? (b) Ano ang dapat na maging bahagi ng pamilya sa ngayon sa kaayusan ni Jehova?

NILALANG ni Jehova ang yunit ng pamilya. Sa pamamagitan nito, higit pa ang ginawa niya kaysa sapatan lamang ang pangangailangan ng tao ng kasama, alalay, o matalik na kaugnayan. (Genesis 2:18) Ang pamilya ang paraan na sa pamamagitan nito ang maluwalhating layunin ng Diyos na punuin ang lupa ay matutupad. Sinabi niya sa unang mag-asawa: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Ang masigla at kinalakhang kapaligiran ng magkakasambahay ay makabubuti sa maraming magiging supling nina Adan at Eva at ng kanilang mga inapo.

2 Gayunman, ang landasin ng pagsuway ang pinili ng unang mag-asawang iyan​—na nagbunga ng pinsala para sa kanilang sarili at sa kanilang mga supling. (Roma 5:12) Ang buhay pampamilya sa ngayon ay isang paglihis samakatuwid sa ibig ng Diyos na kalabasan nito. Sa kabila nito, ang pamilya ay nagpapatuloy na may mahalagang dako sa kaayusan ni Jehova, nagsisilbing isang saligang yunit ng lipunang Kristiyano. Ito’y hindi sinasabi na taglay ang kawalang pagpapahalaga sa mainam na ginagawa ng maraming di nag-aasawang mga Kristiyano na kasama natin. Bagkus, kinikilala natin ang malaking bahagi na nagagawa rin naman ng mga pamilya sa espirituwal na kalusugan ng organisasyong Kristiyano sa kabuuan. Ang matitibay na pamilya ay pinagmumulan ng matitibay na kongregasyon. Subalit, papaano makapananatili ang iyong pamilya sa harap ng kasalukuyang mga kagipitan? Bilang sagot, ating suriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaayusan ng pamilya.

Ang Pamilya sa Panahon ng Bibliya

3. Anong mga papel ang ginampanan ng asawang lalaki at asawang babae sa pamilya ng mga patriyarka?

3 Sina Adan at Eva ay kapuwa tumanggi sa kaayusan ng Diyos sa pagkaulo. Subalit ang mga taong may pananampalataya, tulad halimbawa ni Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Job, ay matuwid na lumagay sa kani-kanilang dako, bilang mga ulo ng pamilya. (Hebreo 7:4) Ang pamilya ng mga patriyarka ay katulad ng isang maliit na pamahalaan, ang ama ang nagsisilbing relihiyosong lider, tagapagturo, at hukom. (Genesis 8:20; 18:19) Ang mga asawang babae ay mayroon ding mahalagang papel na ginagampanan, hindi gaya ng mga alipin kundi gaya ng pangalawang mga manedyer ng sambahayan.

4. Papaano nagbago ang buhay pampamilya sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ngunit anong papel ang patuloy na ginagampanan ng mga magulang?

4 Nang ang Israel ay maging isang bansa noong 1513 B.C.E., ang kautusang pampamilya ay napasailalim ng Kautusang pambansa na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. (Exodo 24:3-8) Ang autoridad na magpasiya, kasali na ang mga bagay na kinasasangkutan ng buhay at kamatayan, ay ibinigay na ngayon sa hinirang na mga hukom. (Exodo 18:13-26) Ang mga saserdoteng Levitico ang binigyan ng tungkuling gumanap ng mga paghahain na bahagi ng pagsamba. (Levitico 1:2-5) Gayumpaman, ang ama ay patuloy na gumanap ng mahalagang papel. Ipinayo ni Moises sa mga ama: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasaiyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumalakad sa lansangan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Ang mga ina ay may malaking impluwensiya. Ang Kawikaan 1:8 ay nag-uutos sa mga kabataan: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong itakwil ang kautusan ng iyong ina.” Oo, samantalang hindi siya lumalampas sa saklaw ng autoridad ng kaniyang asawa, ang babaing Hebreo ay makagagawa​—at makapagpapatupad​—​ng kautusang pampamilya. Siya’y kailangang igalang ng kaniyang mga anak kahit na sa pagtanda niya.​—Kawikaan 23:22.

5. Papaano itinakda ng Kautusang Mosaiko ang dako ng mga anak sa kaayusang pampamilya?

5 Ang dako ng mga anak ay malinaw na itinakda rin ng Kautusan ng Diyos. Ang sabi ng Deuteronomio 5:16: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ni Jehova mong Diyos; upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova mong Diyos.” Ang hindi paggalang sa mga magulang ay isang napakabigat na pagkakasala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Exodo 21:15, 17) “Sinumang tao na lumalait sa kaniyang ama at sa kaniyang ina,” sabi ng Kautusan, “ay walang pagsalang papatayin.” (Levitico 20:9) Ang paghihimagsik laban sa mga magulang ay katulad na rin ng paghihimagsik laban sa Diyos mismo.

Ang Papel na Ginagampanan ng Kristiyanong mga Asawang Lalaki

6, 7. Bakit ang mga salita ni Pablo sa Efeso 5:23-29 ay waring bago sa kaniyang mga mambabasa noong unang siglo?

6 Ang Kristiyanismo ay nagbigay ng higit pang impormasyon sa kaayusang pampamilya, lalo na sa papel ng asawang lalaki. Sa labas ng kongregasyong Kristiyano, karaniwan na para sa mga lalaki noong unang siglo na makitungo sa kani-kanilang asawa sa marahas, mapaniil na paraan. Ang mga babae ay pinagkaitan ng saligang mga karapatan at karangalan. Sinasabi ng The Expositor’s Bible: “Ang edukadong Griego ay nag-aasawa para sa pagkakaroon ng mga anak. Bagaman may mga karapatan [ang babae] hindi napipigil nito ang pagkagahaman sa mga pita ng sekso [ng lalaki]. Ang pag-ibig ay wala sa kasunduan sa pag-aasawa. . . . Ang babaing-alipin ay walang mga karapatan. Ang kaniyang katawan ay nasa kapasiyahan ng kaniyang asawa.”

7 Sa ganiyang kalagayan, isinulat ni Pablo ang mga salita ng Efeso 5:23-29: “Ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siyang ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. . . . Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung papaano inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon . . . Sa ganito rin dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya, sapagkat wala pang lalaking napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya at inaalagaan ito.” Sa mga mambabasa noong unang siglo, ito ay mga salitang naiiba. Sinasabi ng The Expositor’s Bible: “Sa Kristiyanismo ay walang bagay na minalas na higit na bago at higit na mahigpit, kung ihahambing sa mahalay na mga asal noong panahong iyon, kaysa Kristiyanong mga pangmalas sa pag-aasawa. . . . [Ito] ay nagbukas ng isang bagong kapanahunan para sa sangkatauhan.”

8, 9. Anong tiwaling mga saloobin tungkol sa mga babae ang karaniwan sa mga lalaki, at bakit mahalaga na huwag magkaroon ng gayong mga pananaw ang mga lalaking Kristiyano?

8 Ang payo ng Bibliya para sa mga asawang lalaki ay hindi bago sa ngayon. Sa kabila ng lahat ng bukambibig tungkol sa paglaya ng mga babae, ang mga babae ay itinuturing pa rin ng maraming lalaki bilang mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa pita ng sekso. Sa paniniwala sa alamat na ang mga babae ay nasisiyahan pa nga na sila’y madominahan, masupil, o takutin, maraming mga lalaki ang gumagawa ng pisikal at emosyonal na pag-abuso sa kani-kanilang asawa. Anong laking kasiraan para sa isang lalaking Kristiyano na mahikayat ng makasanlibutang kaisipan at mang-abuso ng kaniyang asawa! “Ang aking asawa ay isang ministeryal na lingkod at nagpapahayag pa sa madla,” sabi ng isang babaing Kristiyano. Gayunman, kaniyang ipinagtapat, “Ako’y naging biktima ng pambubugbog ng aking asawa.” Maliwanag, na ang ganiyang mga kilos ay hindi kasuwato ng kaayusan ng Diyos. Bagaman isang uring pambihira ang lalaking iyon; siya’y nangangailangan ng tulong upang masupil ang kaniyang galit kung ibig niyang kamtin ang pabor ng Diyos.​—Galacia 5:19-21.

9 Iniuutos ng Diyos sa mga lalaki na ibigin ang kani-kanilang asawa gaya ng kanilang sariling katawan. Ang pagtangging gawin iyan ay paghihimagsik laban sa mismong kaayusan ng Diyos at maaaring makasira ng kaugnayan ng isa sa Diyos. Ang mga salita ni apostol Pedro ay maliwanag: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila [ng inyu-inyong asawa] ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, . . . upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” (1 Pedro 3:7) Ang mabagsik na pakikitungo sa asawang babae ay maaaring makapinsala sa kaniyang espirituwalidad at sa espirituwalidad ng kaniyang supling.

10. Ano ang ilang paraan na magagampanan ng mga asawang lalaki ang pagkaulo sa isang kaparaanan na tulad-Kristo?

10 Mga asawang lalaki, ang inyong pamilya ay uunlad sa ilalim ng inyong pagkaulo kung inyong gagampanan ito sa isang tulad-Kristong paraan. Si Kristo ay hindi kailanman naging mabagsik o mapang-abuso. Sa kabaligtaran, sinabi niya: “Matuto kayo sa akin, sapagkat ako ay maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:29) Masasabi kaya ng inyong pamilya ang ganiyan tungkol sa inyo? Ang kaniyang mga alagad ay pinakitunguhan ni Kristo na gaya ng mga kaibigan at pinagtiwalaan sila. (Juan 15:15) Ang inyo bang asawang babae ay inyo ring binibigyan ng ganiyang karangalan? Ang Bibliya ay nagsabi tungkol sa “mahusay na asawang babae”: “Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya.” (Kawikaan 31:10, 11) Iyan ay nangangahulugan ng pagbibigay sa kaniya ng katamtamang kalayaan at, hindi siya kinukulong ng walang katuwirang mga paghihigpit. Gayundin, pinatibay-loob ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipahayag ang kanilang damdamin at opinyon. (Mateo 9:28; 16:13-15) Ganiyan din ba ang ginagawa ninyo sa inyu-inyong asawa? O ang pananaw ninyo sa taimtim na naiibang opinyon ay isang hamon sa inyong autoridad? Sa pagsasaalang-alang sa damdamin ng iyong asawa imbes na ipagwalang-bahala ito, aktuwal na pinatitibay mo ang kaniyang paggalang sa iyong pagkaulo.

11. (a) Papaano maaasikaso ng mga ama ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga anak? (b) Bakit ang matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ay kailangang magpakita ng mabuting halimbawa sa pag-aasikaso ng kanilang sariling pamilya?

11 Kung ikaw ay isang ama, hinihilingan ka rin na manguna sa pag-aasikaso ng espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangailangan ng iyong mga anak. Kasali na riyan ang pagkakaroon ng isang mabuting espirituwal na rutina para sa iyong pamilya: paggawang kasama nila sa paglilingkod sa larangan, pagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pagtalakay ng teksto sa araw-araw. Kapansin-pansin, ipinakikita ng Bibliya na ang isang matanda o isang ministeryal na lingkod ay dapat na “isang lalaking namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sambahayan.” Ang mga lalaking naglilingkod sa ganitong mga tungkulin ay dapat na maging ulirang mga ulo ng pamilya. Bagaman sila ay may mabibigat na pananagutan sa kongregasyon, ang kailangang unang asikasuhin nila ay ang kanilang sariling pamilya. Ipinakita ni Pablo kung bakit: “Kung ang sinuman ngang lalaki ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan, papaano siya makapamamahala sa kongregasyon ng Diyos?”​—1 Timoteo 3:4, 5, 12.

Ang Matulunging mga Kristiyanong Asawang Babae

12. Anong bahagi ang ginagampanan ng asawang babae sa kaayusang Kristiyano?

12 Ikaw ba ay isang Kristiyanong asawang babae? Kung gayon ay kailangang gampanan mo rin ang isang mahalagang bahagi sa kaayusan ng pamilya. Ang mga Kristiyanong asawang babae ay pinapayuhan na “ibigin ang kani-kanilang asawa, ibigin ang kanilang mga anak, magpakatino, magpakalinis, magpakasipag sa tahanan, magpakabuti, magpasakop sa kani-kanilang asawa.” (Tito 2:4, 5) Dapat kang magsikap na maging isang ulirang ginang ng tahanan, na pinananatili ang isang malinis at kaayaayang tahanan para sa iyong pamilya. Ang gawaing-bahay kung minsan ay nakapapagod, ngunit ito’y hindi nagpapababa ng uri ni isang bagay man na walang kabuluhan. Bilang asawang babae, ikaw ay “namamanihala ng isang sambahayan” at maaaring may hawak na malaki-laking kalayaan sa bagay na ito. (1 Timoteo 5:14) Ang “mahusay na asawang babae,” halimbawa, ay namili ng mga gamit sa bahay, gumawa ng mga transaksiyon sa pagbili ng bukid, at kumita pa nga sa pamamanihala sa isang munting negosyo. Hindi nga kataka-takang siya’y purihin ng kaniyang asawa! (Kawikaan, kabanata 31) Natural, ang ganiyang mga gawain ay ginawa kaayon ng mga alituntunin na ibinigay ng kaniyang asawa bilang kaniyang ulo.

13. (a) Bakit kaya nahihirapang magpasakop ang ibang babae? (b) Bakit kapaki-pakinabang para sa mga babaing Kristiyano na pasakop sa kani-kanilang asawa?

13 Gayunman, ang pagpapasakop mo sa iyong asawa ay hindi madali sa tuwina. Hindi lahat ng lalaki ay kagalang-galang. At baka ikaw ay mas mahusay kung tungkol sa paghawak ng pananalapi, pagpaplano, o pag-oorganisa. Baka ikaw ay may sekular na trabaho at may malaki-laking bahagi sa kinikita ng pamilya. O ikaw ay nakaranas na madominahan ng lalaki noong nakaraan at marahil nahihirapan na pasakop sa isang lalaki. Gayunman, ang pagpapakita ng “matinding paggalang,” o “takot,” sa iyong asawa ay nagpapakita ng iyong paggalang sa pagkaulo ng Diyos. (Efeso 5:33, Kingdom Interlinear; 1 Corinto 11:3) Ang pagpapasakop ay kailangan din sa ikapagtatagumpay ng iyong pamilya; tinutulungan ka nito upang ang iyong pag-aasawa ay hindi mapalagay sa maiiwasan namang mga kagipitan at kaigtingan.

14. Ano ang maaaring gawin ng isang babae kung siya’y tutol sa pasiya ng kaniyang asawa?

14 Subalit, ibig bang sabihin na ikaw ay dapat na manahimik pagka naramdaman mong ang iyong asawa ay gumagawa ng isang pasiya na laban sa pinakamagaling na kapakanan ng iyong pamilya? Hindi naman. Ang asawa ni Abraham na si Sara ay hindi nagsawalang-kibo nang kaniyang mahalata ang isang nagbabantang panganib sa kapakanan ng kaniyang anak, na si Isaac. (Genesis 21:8-10) Gayundin, marahil ay madarama mo ang obligasyon na magpahayag ng iyong mga damdamin paminsan-paminsan. Kung ito’y ginagawa sa paraang magalang at sa “tamang panahon,” ang isang maka-Diyos na lalaking Kristiyano ay makikinig. (Kawikaan 25:11) Ngunit kung sakaling ang iyong mungkahi ay hindi pinakikinggan at wala namang nasasangkot na malubhang paglabag sa isang simulain ng Bibliya, hindi baga ang pagsalungat sa mga kagustuhan ng iyong asawa ay pagkilos sa ikabibigo ng iyong sariling layunin? Tandaan, “ang talagang pantas na babae ay nagpapatibay ng kaniyang sambahayan, ngunit binubunot iyon ng mangmang ng kaniyang sariling mga kamay.” (Kawikaan 14:1) Ang isang paraan upang mapatibay ang iyong sambahayan ay maging matulungin ka sa pagsuporta sa pagkaulo ng iyong asawa, na pinupuri ang kaniyang mga gawa habang mahinahong nakikitungo sa kaniya sa kabila ng kaniyang mga pagkakamali.

15. Sa anu-anong paraan makababahagi ang isang asawang babae sa pagdisiplina at pagsasanay ng kaniyang mga anak?

15 Ang isa pang paraan upang mapatibay ang sambahayan ay ang makibahagi sa pagdisiplina at pagsasanay sa inyong mga anak. Halimbawa, magagampanan mo ang iyong bahagi upang mapamalaging regular at nakapagpapatibay ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. “Huwag mong iurong ang iyong kamay” kung tungkol sa pamamahagi ng katotohanan ng Diyos sa iyong mga anak sa bawat pagkakataon​—pagka naglalakbay o kaya’y namimili na kasama sila. (Eclesiastes 11:6) Tulungan sila na ihanda ang kanilang mga komento para sa mga pulong at mga bahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Maging mapagbantay tungkol sa kanilang mga kahalubilo. (1 Corinto 15:33) Kung tungkol sa maka-Diyos na mga pamantayan at disiplina, hayaang ipaalam sa iyong mga anak na kayong mag-asawa ay nagkakaisa. Huwag mong payagang magawa nilang paglabanin kayong mag-asawa para makuha lamang ang ibig nila.

16. (a) Anong halimbawa sa Bibliya ang nagsisilbing pampatibay-loob sa nagsosolong mga magulang at sa mga may asawang di-sumasampalataya? (b) Papaano matutulungan ng mga iba sa kongregasyon ang gayong mga tao?

16 Kung ikaw ay isang nagsosolong magulang o may asawang di-sumasampalataya, baka makabubuting ikaw ang manguna sa espirituwal. Ito ay mahirap at kung minsan ay nakasisira ng loob. Subalit huwag kang hihinto ng pagsusumikap. Ang ina ni Timoteo, si Eunice, ay nagtagumpay sa pagtuturo sa kaniya ng banal na Kasulatan “mula sa pagkasanggol,” bagaman siya’y may asawang di-sumasampalataya. (2 Timoteo 1:5; 3:15) At marami sa mga kasamahan natin ang nagtatamasa ng katulad na tagumpay. Kung nangangailangan ka ng tulong sa bagay na ito, maaaring ipabatid mo sa matatanda ang iyong mga pangangailangan. Baka makapagsaayos sila na may tumulong sa iyo sa pagdalo sa mga pulong at sa paglabas sa paglilingkod sa larangan. Baka kanilang mahimok ang iba na isali ang iyong pamilya sa libangang mga pagliliwaliw o mga pagtitipon. O baka maisaayos nila na isang may karanasang mamamahayag ang makatulong upang makapagpasimula ng isang pampamilyang pag-aaral.

Nagpapahalagang mga Anak

17. (a) Papaano may maitutulong sa ikabubuti ng pamilya ang mga kabataan? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa bagay na ito?

17 Ang mga kabataang Kristiyano ay makatutulong sa ikabubuti ng pamilya sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Efeso 6:1-3: “Mga anak, maging masunurin sa inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mabuhay ka nang matagal sa lupa.’ ” Sa pakikipagtulungan sa iyong mga magulang, ipinakikita mo ang iyong paggalang kay Jehova. Si Jesu-Kristo ay sakdal at madaling makapangangatuwiran na alangan sa kaniya na pasakop sa di-sakdal na mga magulang. Gayunman, “siya’y nagpatuloy na nagpasakop sa kanila. . . . At si Jesus ay patuloy na lumaki sa karunungan at sa pangangatawan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao.”​—Lucas 2:51, 52.

18, 19. (a) Ano ang ibig sabihin ng igalang ang mga magulang? (b) Papaano magiging isang dako ng kapahingahan ang tahanan?

18 Hindi ba dapat mo ring igalang ang iyong mga magulang? Dito, ang ibig sabihin ng “igalang” ay kilalanin ang kinauukulang hinirang na autoridad. (Ihambing ang 1 Pedro 2:17.) Sa karamihan ng situwasyon ang gayong paggalang ay nararapat kahit na kung ang mga magulang ay hindi sumasampalataya o hindi nagpapakita ng isang mabuting halimbawa. Lalong dapat mong igalang ang iyong mga magulang kung sila ay ulirang mga Kristiyano. Tandaan din na ang pagdisiplina at patnubay buhat sa iyong mga magulang ay hindi nilayon na higpitan ka nang walang dahilan. Kundi, ito ay upang mabigyan ka ng proteksiyon para ikaw ay “patuloy na mabuhay.”​—Kawikaan 7:1, 2.

19 Anong maibiging kaayusan, kung gayon, ang pamilya! Pagka ang mga mag-asawa, at mga anak ay pawang sumusunod sa mga alituntunin ng Diyos para sa buhay pampamilya, ang tahanan ay nagiging isang kanlungan, isang dako ng kapahingahan. Gayumpaman, maaaring bumangon ang mga suliranin tungkol sa komunikasyon at pagsasanay sa anak. Ang aming susunod na artikulo ang tatalakay kung papaano malulutas ang ilan sa mga suliraning ito.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Anong halimbawa ang ipinakita ng maytakot sa Diyos na mga asawang lalaki, mga asawang babae, at mga anak sa panahon ng Bibliya?

◻ Anong higit pang impormasyon ang ibinigay ng Kristiyanismo sa papel na ginagampanan ng asawang lalaki?

◻ Anong papel ang dapat gampanan ng asawang babae sa pamilyang Kristiyano?

◻ Papaano may maitutulong ang mga kabataang Kristiyano sa ikabubuti ng pamilya?

[Larawan sa pahina 9]

“Sa Kristiyanismo ay walang bagay na minalas na higit na bago at higit na mahigpit, kung ihahambing sa mahalay na mga asal noong panahong iyon, kaysa Kristiyanong mga pangmalas sa pag-aasawa. . . . [Ito] ay nagbukas ng isang bagong kapanahunan para sa sangkatauhan”

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga Kristiyanong asawang lalaki ay nagpapatibay-loob sa kani-kanilang asawa na ipahayag ang kanilang damdamin, na isinasaalang-alang ang damdaming iyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share