Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 11/1 p. 4-7
  • Isang Sanlibutan na Walang Kasalanan—Papaano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Sanlibutan na Walang Kasalanan—Papaano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Kasalanan?
  • Pinagmulan ng Kasalanan
  • Mga Pagsisikap ng Tao na Pawiin ang Kasalanan
  • Paglaya Buhat sa Kasalanan
  • Kapag Wala Nang Kasalanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kasalanan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Bakit Namamatay ang mga Tao?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Iniligtas sa Pamamagitan ng “Mahalagang Dugo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 11/1 p. 4-7

Isang Sanlibutan na Walang Kasalanan​—Papaano?

MGA tili ng paghingi ng saklolo ang bumasag sa katahimikan ng mag-uumaga isang araw ng taglamig sa mapayapang pamayanan ng Tokyo. Sa loob ng lima hanggang sampung minuto, isang dosenang katao ang nakarinig sa desperadong mga tili ng isang babaing nagrarasyon ng mga pahayagan at hinahabol habang paulit-ulit na sinasaksak. Wala isa mang tao ang may sapat na pagkabahala upang alamin kung ano nga ang nangyayari. Ang babae ay namatay sa labis na pagtagas ng dugo. “Kung sana isa sa mga taong ito ay nag-ulat agad sa pulisya ng pangyayaring iyon sa sandaling narinig nila ang kaniyang pagtili,” sabi ng isang imbestigador, “disin sana’y nailigtas ang kaniyang buhay.”

Bagaman yaong mga nakarinig sa babaing naghihingalo ay walang ginawang masama kundi sila’y basta nagwalang-bahala, sila kaya ay matuwid na makapagsasabi na wala silang kasalanan? “Pinahirapan ako ng aking budhi noong maghapon ng Biyernes matapos na mabalitaan ko ang tungkol sa pagpatay,” ang sabi ng isang lalaki na nakarinig ng kaniyang mga pagpapagibik. Dahil dito ay ipinagtataka natin ang bagay na, Ano nga bang talaga ang kasalanan?

Ano ba ang Kasalanan?

Sa pagtukoy sa kamalayan ng pagiging makasalanan, si Hideo Odagiri, kritiko sa literatura at propesor emeritus sa Hosei University sa Tokyo, Hapón, ay nagsabi, ayon sa pagkasipi sa pahayagang Asahi Shimbun: “Hindi mapawi sa akin ang buong linaw na alaala ng kamalayan sa mga kasalanan, tulad halimbawa ng mahalay na pagka-makaako na taglay ng isang bata, nakahihiyang pananaghili, pagsasalita nang talikuran. Ang kamalayang ito ay naitatak sa aking isip nang ako’y nag-aaral sa elementarya at nagpapahirap pa rin sa akin.” Kayo ba ay nakaranas na nang ganiyan? Wari bang may bumubulong sa inyo na humahatol kung kayo ay gumagawa ng isang bagay na alam ninyong mali? Marahil walang krimen na nangyari, subalit hindi kayo mapakali at may nagpapabigat sa inyong isip. Ito ang inyong budhi na kumikilos, at tinutukoy ito ng Bibliya nang ganito: “Kung ang mga tao ng bansa na walang kautusan sa katutubo ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ang siyang kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagtatanghal ng bagay na ang kautusan ay nasusulat sa kanilang mga puso, samantalang pinatototohanan ito ng kanilang budhi at, sa kanilang sariling pag-iisip, sila’y pinararatangan na may kasalanan o kaya’y pinawawalang-sala pa nga.” (Roma 2:14, 15) Oo, natural naman na karamihan ng tao ay gambalain ng mga gawang gaya ng pangangalunya, pagnanakaw, at pagsisinungaling. Ang kanilang budhi ay nagpapatotoo sa kasalanan.

Subalit, pagka ang tinig ng budhi ay paulit-ulit na ipinagwawalang-bahala, ito ay hindi na nagsisilbing isang nagliligtas na patnubay. Maaaring ito’y mawalan na ng pandamdam at sumamâ. (Tito 1:15) Nawawala na ang pagkadama na ang isang bagay ay masama. Ang totoo, ang budhi ng karamihan ng tao ay patay na kung tungkol sa pagkakasala.

Ang budhi ba ang tanging panukat ng kasalanan, o mayroon pa bang isang bagay na makapagsisilbing lubos na pamantayan tungkol sa kung ano nga ang kasalanan at kung ano ang hindi? Mahigit na 3,000 taon na ngayon ang lumipas, ang kaniyang piling bayan ay binigyan ng Diyos ng isang kautusan, at sa pamamagitan ng Kautusang ito, ang kasalanan ay “nakikilala bilang pagkakasala.” (Roma 7:13, New International Version) Maging ang asal man na dating medyo inaayunan ay nahayag ngayon kung ano nga iyon​—pagkakasala. Ang piling bayan ng Diyos, ang mga Israelita, ay napabilad bilang mga makasalanan at sa gayo’y nasa ilalim ng sumpa.

Ano ba ang mga kasalanang ito na ipinadarama sa atin ng ating budhi at isa-isang tinutukoy ng Kautusang Mosaico? Sa pagkagamit sa Bibliya ng salitang iyan, ang ibig sabihin ng kasalanan ay ang hindi pag-abot sa pamantayan kung tungkol sa Maylikha. Anumang hindi kasuwato ng kaniyang personalidad, mga pamantayan, mga paraan, at kalooban ay kasalanan. Hindi siya magkakaloob ng patuloy na pag-iral sa anumang nilalang na hindi nakaaabot sa pamantayan na kaniyang itinatag. Kaya isang dalubhasa sa batas noong unang siglo ang nagbabala sa mga Kristiyanong Hebreo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, baka ang sinuman sa inyo ay tubuan ng isang masamang puso na kulang ng pananampalataya, sa pamamagitan ng paghiwalay ninyo sa Diyos na buháy.” (Hebreo 3:12) Oo, ang kakulangan ng pananampalataya sa Maylikha ay isang malaking kasalanan. Sa gayon, ang saklaw ng kasalanan ayon sa paliwanag sa Bibliya ay lalong malawak kaysa karaniwang itinuturing na kasalanan. Ang Bibliya ay nagsasabi pa rin: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—Roma 3:23.

Pinagmulan ng Kasalanan

Ibig bang sabihin na ang tao ay nilikha na isang makasalanan? Hindi, ang Diyos na Jehova, na Pinagmulan ng buhay ng tao, ay gumawa sa unang tao na isang sakdal na nilikha. (Genesis 1:26, 27; Deuteronomio 32:4) Subalit, ang unang mag-asawa ay hindi nakaabot sa pamantayan nang suwayin ang tanging ibinawal ng Diyos, nang sila’y kumain ng ipinagbawal na bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:17) Bagaman sila’y nilalang na sakdal, sila ngayon ay hindi nakaabot sa pamantayan ng lubos na pagsunod sa kanilang Ama, naging makasalanan, at sa gayo’y hinatulan na mamatay.

Ano ba ang kaugnayan ng sinaunang kasaysayang ito sa kasalanan ngayon? Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayo’y lumaganap ang kasalanan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Walang sinumang itinatangi na lahat tayo ay mga makasalanan dahilan sa pagmamana; kaya naman, tayo ay napasailalim ng hatol na kamatayan.​—Eclesiastes 7:20.

Mga Pagsisikap ng Tao na Pawiin ang Kasalanan

Ang kasalanan ay ipinasa ni Adan sa kaniyang mga supling, ngunit kaniya ring ipinasa ang bigay-Diyos na pakultad ng budhi. Ang kasalanan ay baka magbangon ng damdaming di-mapalagay. Gaya ng binanggit na, ang mga tao ay gumawa ng sari-saring pakana upang maibsan ang gayong mga damdamin. Subalit, ang mga iyan ba ay talagang epektibo?

Sa Silangan at sa Kanluran, sinikap ng mga tao na makitungo sa epekto ng kasalanan sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang mga pamantayan o pagtatatwa sa mismong pag-iral ng kasalanan. (1 Timoteo 4:1, 2) Ang makasalanang kalagayan ng sangkatauhan ay maihahalintulad sa kalagayan ng isang pasyenteng may lagnat. Ang kasalanan ay maihahambing sa mikrobyo na sanhi ng mga sintomas, samantalang ang naliligalig na budhi ay maihahambing naman sa di-komportableng lagnat. Ang pagbasag sa termometro ay hindi bumabago sa katotohanan na ang pasyente ay may mataas na lagnat. Ang pagwawaksi sa pamantayang moral, gaya ng ginagawa ng marami sa Sangkakristiyanuhan, at pagwawalang-bahala sa patotoo ng budhi ng isang tao ay hindi makatutulong sa pagpawi sa kasalanan mismo.

Ang isang tao ay maaaring gumamit ng isang bolsa de yelo upang maibsan ang kaniyang lagnat. Ito’y gaya ng pagsubok na maalis ang kirot ng budhi sa pamamagitan ng hindi isinasaloob na pagsasagawa ng mga ritwal ng Shinto tungkol sa paglilinis. Ang bolsa de yelo ay maaaring pansamantalang magpaginhawa sa nilalagnat, ngunit hindi inaalis nito ang pinagmumulan ng lagnat. Ang mga saserdote at mga propeta noong kaarawan ni Jeremias ay sumubok na gumawa ng isang pagpapagaling para sa mga Israelita noong panahong iyon. Kanilang “bahagyang” pinagaling ang espirituwal at moral na mga sugat ng mga tao, na nagsasabi, “Ayós ang lahat, ayós ang lahat.” (Jeremias 6:14; 8:11, An American Translation) Ang wala sa loob na pagsasagawa ng relihiyosong mga bagay at pag-usal ng “mahusay ang lahat” ay hindi nagpagaling sa pagguho ng moral ng bayan ng Diyos, at ang mga ritwal na paglilinis ay hindi bumabago sa mga asal ng mga tao sa ngayon.

Sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot sa lagnat baka ang lagnat ng isang tao ay humupa, subalit naroon pa rin sa kaniyang katawan ang mikrobyo. Ganiyan din kung tungkol sa paraan ni Confucio ng pakikitungo sa masama sa pamamagitan ng pag-aaral. Sa panlabas ay baka makatulong ito sa mga tao upang tumalikod sa masama, subalit ang pamimihasa ng paggawa ng li ay sumusugpo lamang sa makasalanang asal at hindi inaalis niyaon sa isang tao ang kaniyang likas na pagkahilig sa kasalanan, ang pinagmumulang sanhi ng masamang asal.​—Genesis 8:21.

Kumusta naman ang turo ng Buddhista na pagpasok sa Nirvana upang ang isa ay mawalan ng mga hilig sa kasalanan? Ang kalagayan ng Nirvana, na nangangahulugan daw na “pagpatay,” ay ipinagpapalagay na di-mailalarawan, ang pagpatay sa lahat ng pita at hangarin. Ang sabi ng iba ito raw ay paghinto ng pag-iral ng isang indibiduwal. Hindi ba parang pagsasabi iyan sa isang taong may lagnat na siya’y mamatay na upang makasumpong ng ginhawa? Higit sa riyan, ang pagsapit sa kalagayan ng Nirvana ay itinuturing na napakahirap, imposible pa nga raw. Ang turo kayáng ito ay makatutulong sa isang binabagabag na budhi?

Paglaya Buhat sa Kasalanan

Maliwanag na ang mga pilosopiya ng tao tungkol sa buhay at hilig sa kasalanan ay maaaring, sa pinakamagaling, tagapayapa lamang ng budhi ng isa. Ito’y hindi nag-aalis ng makasalanang kalagayan. (1 Timoteo 6:20) Mayroon bang paraan na magawa ito? Sa Bibliya, isang sinaunang aklat na isinulat sa Malapit na Silangan, makikita natin ang susi sa paglaya buhat sa kasalanan. “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay mapatunayang matingkad na pula, yaon ay magiging kasimputi ng niyebe . . . kung kayo’y magkukusa at makikinig, kayo’y magsisikain ng kabutihan ng lupain.” (Isaias 1:18, 19) Dito si Jehova ay nakikipag-usap sa mga Israelita, na, bagaman kaniyang piniling bayan, ay hindi nakaabot sa pamantayan ng katapatan sa kaniya. Subalit, ang ganiyan ding simulain ay kumakapit sa buong sangkatauhan. Ang pagkukusang makinig sa mga salita ng Maylikha ang susi sa mga kasalanan ng isa upang malinis, mahugasan, wika nga.

Ano ba ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos kung tungkol sa paghuhugas sa mga kasalanan ng sangkatauhan? Kung papaano sa kasalanan ng isang tao ang lahat ng tao ay naging makasalanan, sa pamamagitan ng sakdal na pagsunod naman sa Diyos ng isa pang tao, ang masunuring sangkatauhan ay palalayain buhat sa kanilang kaabahan, ang sabi ng Bibliya. (Roma 5:18, 19) Papaano? “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig upang, samantalang tayo’y makasalanan pa, si Kristo ay namatay alang-alang sa atin.” (Roma 5:8) Si Jesu-Kristo, na isinilang bilang isang taong sakdal at walang kasalanan, na katumbas ng unang Adan bago ang isang ito ay nagkasala, ay nasa kalagayang makapag-alis ng mga kasalanan ng sangkatauhan. (Isaias 53:12; Juan 1:14; 1 Pedro 2:24) Sa pagkamatay sa isang pahirapang tulos na para bang isang kriminal, pinalaya ni Jesus ang sangkatauhan sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. “Sapagkat, tunay,” ang paliwanag ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, “si Kristo, samantalang tayo’y mahihina pa, ay namatay ukol sa masasamang tao sa itinakdang panahon. . . . Kung papaanong ang mga kasalanan ay naghari kasama ng kamatayan, sa ganoon din ang di-sana-nararapat na awa ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran na buhay na walang-hanggan ang tinatanaw na pag-asa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.”​—Roma 5:6, 21.

Ang pagkamatay ni Kristo para sa buong sangkatauhan at pagbabalanse sa timbangan na sinira ni Adan ay tinatawag na ang kaayusan ng “pantubos.” (Mateo 20:28) Ito’y maihahalintulad sa isang gamot na lumalaban sa mikrobyo na sanhi ng lagnat. Sa pagkakapit ng bisa ng pantubos ni Jesus sa sangkatauhan, ang may-sakit na kalagayan ng sangkatauhan na likha ng kasalanan​—kasali ang kamatayan mismo​—​ay mapagagaling. Ang pagpapagaling na ito ay inilalarawan sa makasagisag na paraan sa huling aklat ng Bibliya: “Sa dakong ito ng ilog at sa kabilang ibayo ay naroon ang punungkahoy ng buhay na namumunga sa labindalawang pag-aani, nagbubunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng punungkahoy ay pampagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:2) Gunigunihin! Isang makasagisag na ilog ng tubig ng buhay na umaagos sa pagitan ng mga punungkahoy ng buhay na may mga dahon, pawang sa pagpapagaling sa sangkatauhan. Ang kinasihan ng Diyos na mga sagisag na ito ay kumakatawan sa paglalaan ng Diyos ukol sa pagsasauli ng sangkatauhan sa kasakdalan salig sa haing pantubos ni Jesus.

Ang makahulang mga pangitain ng aklat ng Apocalipsis ay kaylapit-lapit nang matupad. (Apocalipsis 22:6, 7) Pagkatapos, sa lubos na pagkakapit ng bisa ng haing pantubos ni Jesus sa sangkatauhan, lahat ng may matuwid na pusong mga tao ay magiging sakdal at “palalayain sa pagkaalipin sa kabulukan at magkakaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Ang katuparan ng mga hula sa Bibliya ay nagpapakita na ang maluwalhating paglayang ito ay malapit na. (Apocalipsis 6:1-8) Hindi na magtatagal at aalisin ng Diyos sa globo ang kabalakyutan, at ang mga tao ay magtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. (Juan 3:16) Iyan nga ay magiging isang sanlibutan na walang kasalanan!

[Larawan sa pahina 7]

Dahil sa haing pantubos na inihandog ni Jesus ang mga pamilyang katulad nito ay magtatamasa ng walang-hanggang kaligayahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share