Sino ang mga Ipinanganganak na Muli?
LAHAT ba ng mabubuting tao ay umaakyat sa langit? Marami ang nag-aakala ng ganiyan, ngunit hindi iyan ang paniniwala ni Jesu-Kristo. Sa pakikipag-usap sa pinunong Judio na si Nicodemo, na lihim na naparoon sa kaniya noong gabi, sinabi ni Jesus: “Walang taong nakaakyat sa langit.”—Juan 3:13.
Gayunman, ipinakita ni Jesus kay Nicodemo na darating ang panahon na may mga taong magkakaroon ng pagkakataon na pumasok sa Kaharian ng langit. Tungkol sa mga ito ay sinabi ni Jesus: “Maliban na ang sinuman ay ipanganak ng tubig at ng espiritu, siya’y hindi makapapasok sa Kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak ng laman ay laman nga, at ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu nga. Huwag kayong manggilalas sapagkat sinabi ko sa inyo, Kayong mga tao ay kailangang ipanganak na muli.” Subalit ang ipinagtaka ni Nicodemo ay kung papaano maipanganganak na muli ang sinuman.—Juan 3:1-9.
Marahil ikaw man ay nagtataka kung ano nga ba ang ibig sabihin ni Jesus. Ang kaniya bang mga salita ay kumakapit sa biglaang mga karanasan ng pagkakumberte na inangkin ng marami na sila’y napuspos ng banal na espiritu ng Diyos?
Mga Emosyon at ang Isip
Sinasabi ng iba na upang matiyak kung ang isang tao ay ipinanganak na muli, ang mahalaga ay maramdaman ang kapangyarihan ng espiritu. Gayunman, ang ating puso at isip ay maaaring magligaw sa atin, lalo na kung naimpluwensiyahan ng matinding emosyon.—Jeremias 17:9.
Si William Sargant, isang mananaliksik sa mga epekto ng emosyon sa isip, ay bumabanggit ng pangangailangan na “maging mapagbantay tayo laban sa mga paniwalang nakamtan samantalang napupukaw ang emosyon pagka ang ating utak ay maaaring nagkakanulo sa atin.” Ayon kay Sargant, ang isang halimbawa ay ang epekto ng pangangaral ng mga revivalist at pagbabanta ng parusa sa apoy ng impiyerno. Sino ba ang hindi naghahangad na ipanganak na muli upang makaakyat sa langit kung ang tanging pagpipilian ay ito o ang walang-hanggang parusa? Sinasabi ni Sargant na sa ilalim ng ganiyang emosyonal na kaigtingan, “ang katuwiran ay isinasaisang-tabi, ang normal na computer ng utak ay pansamantalang ipinapahinga, at ang bagong mga idea at mga paniwala ay tinatanggap nang walang tanung-tanong.”—The Mind Possessed.
Kung gayon, papaano masasabi ng isa kung ang isang paniwala tungkol sa pagiging ipinanganak na muli ay “tinatanggap nang walang tanung-tanong”? Ang landas ng tunay na karunungan ay ang paakay sa lahat ng pinapangyari ng banal na espiritu ng Diyos na isulat ng mga manunulat ng Bibliya. Hinihimok ang mga Kristiyano na sambahin ang Diyos ‘sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan sa pangangatuwiran’ at tiyakin na ang kanilang pinaniniwalaan ay totoo.—Roma 12:1, 2; 1 Tesalonica 5:21.
Ang pagiging isang ipinanganak na muli ay nagbubukas sa isa sa pinakamahalagang pribilehiyo na nakamit kailanman ng mga tao. Ito ay kaugnay ng isang tunay na kahanga-hangang pag-unlad sa katuparan ng layunin ng Diyos. Bagaman lahat ng ito ay totoo, mga katanungan na gaya nito ang bumabangon: Sino ang mga ipinanganganak na muli? Papaano ito nagaganap? Anong mga pag-asa ang nasa harap ng gayong mga tao? At sila nga ba lamang ang maliligtas?
[Larawan sa pahina 3]
Ang ipinagtaka ni Nicodemo ay kung papaanong sinuman ay maipanganganak na muli