Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa Hebreo 11:26, si Moises ba ang tinutukoy bilang ‘ang Kristo,’ o bagkus siya ba ay isang tipo ni Jesu-Kristo?
Sa pagtalakay ng pananampalataya ni Moises, sumulat si apostol Pablo na “ang kadustaan ng Kristo ay inari [ni Moises] na mga kayamanan na nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto; sapagkat doon siya nakatitig sa gantimpalang kabayaran.” (Hebreo 11:26) Waring tinutukoy ni Pablo si Moises bilang ‘ang Kristo,’ o pinahiran, sa isang diwa.
Tinatanggap natin, na sa iba’t ibang paraan si Moises ay nagsilbing isang halimbawa ng darating na Mesiyas. Bagaman si Moises mismo ay isang propeta, siya’y humula tungkol sa isang darating na lalong dakilang propeta na ’katulad niya.’ Nadama ng maraming Judio na si Jesus “Ang Propeta,” na pinatunayan ng kaniyang mga tagasunod. (Deuteronomio 18:15-19; Juan 1:21; 5:46; 6:14; 7:40; Gawa 3:22, 23; 7:37) Si Moises din ang tagapamagitan ng tipang Kautusan, subalit si Jesus ay tumanggap ng “isang lalong magaling na pangmadlang paglilingkuran” bilang “ang tagapamagitan ng isang katumbas na lalong mabuting tipan,” ang maningning na bagong tipan. (Hebreo 8:6; 9:15; 12:24; Galacia 3:19; 1 Timoteo 2:5) Kaya sa ilang paraan masasabi na si Moises ay isang tipo ng darating na Mesiyas.
Gayunman, waring hindi ganiyan ang pangunahing kahulugan ng Hebreo 11:26. Walang ipinakikita na si Moises ay may kabatiran sa mga detalye tungkol sa Mesiyas, na sadyang alam ang kaniyang pinagdaanan sa Ehipto bilang bahagi ng mangyayari sa Mesiyas o sa kinatawan Niya.
Iminungkahi ng iba na ang mga salita ni Pablo sa Hebreo 11:26 ay may diwa na nahahawig sa kaniyang komento na ang mga Kristiyano’y dumanas ng “kahirapan alang-alang sa Kristo.” (2 Corinto 1:5) Batid ng pinahirang mga Kristiyano na nagdusa si Jesu-Kristo at na kung sila’y ‘nagdusang sama-sama sila ay luluwalhatiing sama-sama’ sa langit. Subalit hindi batid ni Moises kung ano ang daranasing kahirapan ng darating na Mesiyas, ni si Moises man ay may makalangit na pag-asa.—Roma 8:17; Colosas 1:24.
May isang mas simpleng pag-unawa sa kung papaano “ang kadustaan ng Kristo ay inari [ni Moises] na mga kayamanan.”
Nang isulat ni Pablo “ang Kristo” sa Hebreo 11:26, ginamit niya ang salitang Griego na Khri·stouʹ, na siyang katumbas ng Hebreong Ma·shiʹach, o Mesiyas. Kapuwa ang “Mesiyas” at ang “Kristo” ay nangangahulugan ng “pinahiran.” Kaya isinulat ni Pablo ang tungkol kay Moises na ‘inaaring kadustaan ng pinahiran.’ Si Moises ba ay matatawag na “isang pinahiran”?
Oo. Noong mga panahon ng Bibliya ang isang tao ay maaaring makumpirma sa isang natatanging tungkulin sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa kaniyang ulo. “Nang magkagayo’y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos iyon sa ulo [ni Saul].” “Kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran [si David] sa gitna ng kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang magpakilos kay David.” (1 Samuel 10:1; 16:13; ihambing ang Exodo 30:25, 30; Levitico 8:12; 2 Samuel 22:51; Awit 133:2.) Subalit, ang iba tulad halimbawa ni propeta Eliseo at ang hari ng Syria na si Hazael, ay tinutukoy na mga “pinahiran” bagaman walang patotoo na sila’y binuhusan ng literal na langis. (1 Hari 19:15, 16; Awit 105:14, 15; Isaias 45:1) Samakatuwid, ang isang indibiduwal ay maaaring maging “isang pinahiran” kung siya’y pinili o pantanging hinirang.
Sa diwang ito si Moises mismo ay pinahiran ng Diyos, at may mga Bibliya na ang pagkasalin pa nga ay “Pinahiran ng Diyos” o “ang Isang Pinahiran” sa Hebreo 11:26. Si Moises ay hinirang bilang ang kinatawan ni Jehova at ang isa na mangunguna sa Israel sa paglabas sa Ehipto. (Exodo 3:2-12, 15-17) Bagaman si Moises ay lumaki sa gitna ng kayamanan at kaluwalhatian ng Ehipto, higit niyang pinahalagahan ang kaniyang pagkahirang, na kaniyang tinanggap at tinupad. Kaya naman, maisusulat nga ni Pablo na “ang kadustaan ng Kristo ay inari [ni Moises] na mga kayamanan na nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto.”