Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 12/1 p. 7-12
  • Ang Pagpapala ni Jehova ay Nagpapayaman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagpapala ni Jehova ay Nagpapayaman
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinakamahalagang Kaunlaran
  • Ang Espirituwal na Kayamanan sa Ngayon
  • Mga Ikapu at mga Handog
  • “Ilagak Ninyo ang Inyong Puso sa Inyong mga Lakad”
  • Pagnanakaw kay Jehova
  • Hinatulan ng “Tunay na Panginoon”
  • “Dalhin Ninyo sa Kamalig ang Buong Ikasampung Bahagi”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Aklat ng Bibliya Bilang 39—Malakias
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Isang Panahon ng Pagsubok at Pagsalà
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • “Isang Pagpapala Hanggang sa Wala Nang Kakulangan”
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 12/1 p. 7-12

Ang Pagpapala ni Jehova ay Nagpapayaman

“Ang pagpapala ni Jehova​—iyan ay nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kalungkutan.”​—KAWIKAAN 10:22.

1-3. Bagaman marami ang palaisip sa materyal na mga bagay, anong katotohanan tungkol sa materyal na kayamanan ang dapat kilalanin ng lahat?

MAY mga taong hindi kailanman humihinto ng kasasalita tungkol sa salapi​—o sa kanilang kakapusan nito. Sa kanilang ikinalulungkot, noong nakalipas na mga taon marami ang naging paksa ng kanilang pag-uusap tungkol dito. Noong 1992 maging ang nakaririwasang Kanluran ay nakaranas ng pagbagsak ng ekonomiya, at ang mga tagapangasiwa ng negosyo at gayundin ang mga manggagawa ay nawalan ng trabaho. Marami ang nag-alala na baka hindi na nila masaksihan ang isang panahon ng matatag na kaunlaran.

2 Mali ba na maging palaisip tungkol sa ating materyal na kapakanan? Hindi, talagang natural ito. Kasabay nito, may isang saligang katotohanan na kailangang kilalanin natin tungkol sa kayamanan. Sa wakas, lahat ng materyal na mga bagay ay nanggagaling sa Maylikha. Siya “ang tunay na Diyos, si Jehova, . . . na Siyang nagpanukala ng lupa at ng ani nito, na Siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao rito, at ng espiritu sa mga nagsisilakad dito.”​—Isaias 42:5.

3 Bagaman hindi itinatalaga ni Jehova kung sino ang magiging mayaman at kung sino ang magiging mahirap, lahat tayo ay mananagot tungkol sa kung papaano natin ginagamit ang anumang bahagi natin sa ‘lupa at ng ani nito.’ Kung ating ginagamit ang kayamanan natin upang mag-astang panginoon sa iba, tayo’y mananagot kay Jehova. At sinumang magpapaalipin sa kayamanan imbes na kay Jehova ay sasapit sa kabatiran na “ang isang nagtitiwala sa kaniyang kayamanan​—siya mismo ay babagsak.” (Kawikaan 11:28; Mateo 6:24; 1 Timoteo 6:9) Ang may materyal na kayamanan na wala namang pusong mapagpasakop kay Jehova ay sa wakas walang kabuluhan.​—Eclesiastes 2:3-11, 18, 19; Lucas 16:9.

Ang Pinakamahalagang Kaunlaran

4. Bakit ang espirituwal na kaunlaran ay mas magaling kaysa materyal na kasaganaan?

4 Bukod sa materyal na kaunlaran, may binabanggit ang Bibliya na espirituwal na kaunlaran. Maliwanag na ito ang mas magaling. (Mateo 6:19-21) Ang espirituwal na kaunlaran ay may kinalaman sa isang kasiya-siyang kaugnayan kay Jehova na maaaring tumagal nang walang-hanggan. (Eclesiastes 7:12) Bukod dito, ang mga lingkod ng Diyos na mayayaman sa espirituwal ay hindi nawawalan ng kapaki-pakinabang na mga pagpapala sa materyal. Sa bagong sanlibutan, ang espirituwal na kayamanan ay makakaugnay ng materyal na kaunlaran. Ang mga taong tapat ay magtatamasa ng materyal na katiwasayan na hindi nakamit sa pamamagitan ng masaklap na pakikipagkompetensiya o sa pagkapariwara ng kalusugan at kaligayahan, na malimit na siyang nangyayari ngayon. (Awit 72:16; Kawikaan 10:28; Isaias 25:6-8) Kanilang mararanasan na sa lahat ng paraan “ang pagpapala ni Jehova . . . ay nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kalungkutan.”​—Kawikaan 10:22.

5. Ano ang pangako ni Jesus tungkol sa materyal na mga bagay?

5 Kahit na sa ngayon yaong mga nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ay nakadarama ng katiwasayan kung materyal na mga bagay ang pag-uusapan. Totoo naman, sila’y nagtatrabaho upang may maibayad sa kanilang mga pananagutan at mapakain ang kani-kanilang pamilya. O ang iba ay maaari pa ngang mawalan ng kanilang hanapbuhay kung panahon ng pagbagsak ng ekonomiya. Subalit sila’y hindi nadaraig ng gayong mga kabalisahan. Bagkus, sila’y naniniwala sa pangako ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Huwag kayong mabalisa at magsabi, ‘Ano ang aming kakanin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming daramtin?’ . . . Sapagkat talastas ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:31-33.

Ang Espirituwal na Kayamanan sa Ngayon

6, 7. (a) Ilarawan ang ilang mga pitak ng espirituwal na kaunlaran ng bayan ng Diyos. (b) Anong hula ang natutupad sa ngayon, at anong mga katanungan ang ibinabangon nito?

6 Kaya naman, pinili ng bayan ni Jehova na unahin sa kanilang buhay ang Kaharian, at anong laki ng pagpapalang tinatamo nila! Sila’y nagtatamasa ng saganang tagumpay sa kanilang gawaing paggawa ng mga alagad. (Isaias 60:22) Sila ay tinuruan ni Jehova, nagtatamasa ng walang-patid na agos ng espirituwal na mabubuting bagay na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; Isaias 54:13) Isa pa, ang espiritu ni Jehova ay sumasakanila, na hinuhubog sila upang maging isang nakalulugod na kapatirang pandaigdig.​—Awit 133:1; Marcos 10:29, 30.

7 Tunay na ito ay espirituwal na kaunlaran, na hindi mabibili ng salapi. Ito ay isang kapuna-punang katuparan ng pangako ni Jehova: “ ‘Dalhin ninyo sa kamalig ang buong ikasampung bahagi, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo na mga tao ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ ” (Malakias 3:10) Sa ngayon ay nasaksihan na natin ang katuparan ng pangakong ito. Bakit nga ba si Jehova, ang Pinagmumulan ng lahat ng kayamanan, ay humihiling na dalhin ng kaniyang mga lingkod ang ikasampung bahagi, o ang ikapu? Sino ang nakikinabang sa ikapu? Upang masagot ang mga katanungang ito, isaalang-alang kung bakit sinalita ni Jehova ang mga pangungusap na ito sa pamamagitan ni Malakias noong ikalimang siglo B.C.E.

Mga Ikapu at mga Handog

8. Sang-ayon sa tipang Kautusan, sa ano depende ang materyal na kaunlaran ng Israel?

8 Noong panahon ni Malakias ang bayan ng Diyos ay hindi umuunlad. Bakit? Sa isang panig ay may kinalaman iyon sa mga handog at mga ikapu. Noon, ang Israel ay nasa ilalim ng tipang Kautusang Mosaiko. Nang gawin ni Jehova ang tipang iyon, kaniyang ipinangako na kung tutuparin ng Israel ang kanilang bahagi, kaniyang pagpapalain sila sa espirituwal at sa materyal. Sa totoo, ang kaunlaran ng Israel ay depende sa kanilang pagiging tapat.​—Deuteronomio 28:1-19.

9. Noong mga kaarawan ng sinaunang Israel, bakit hiniling ni Jehova sa Israel na sila’y magbayad ng mga ikapu at magdala ng mga handog?

9 Isang bahagi ng obligasyon ng Israel sa ilalim ng Kautusan ang magdala ng mga handog sa templo at magbayad ng mga ikapu. Ang ilan sa mga handog ay sinusunog na lubusan sa dambana ni Jehova, samantalang ang iba naman ay pinaghahati-hati sa mga saserdote at sa mga naghahandog ng hain, na may natatanging mga bahagi na inihahandog kay Jehova. (Levitico 1:3-9; 7:1-15) Tungkol sa mga ikapu, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Bawat ikasampung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain at sa bunga ng punungkahoy, ay kay Jehova. Iyon ay banal kay Jehova.” (Levitico 27:30) Ang ikapu ay ibinigay sa mga Levitang manggagawa sa tabernakulo at nang malaunan ay sa templo. Pagkatapos, ang di-saserdoteng mga Levita ay nagbibigay sa mga saserdoteng Aaronico ng ikapu ng kanilang tinatanggap. (Bilang 18:21-29) Bakit hiniling ni Jehova sa Israel na magbayad ng mga ikapu? Una, upang kanilang maipakita sa isang aktuwal na paraan ang kanilang pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova. At ikalawa, upang sila’y makapag-abuloy ng panustos sa mga Levita, sa gayo’y nakapagbubuhos ng kanilang buong kaya sa kanilang mga obligasyon, kasali na ang pagtuturo ng Kautusan. (2 Cronica 17:7-9) Sa ganitong paraan ang dalisay na pagsamba ay suportado rin, at bawat isa ay nakikinabang.

10. Ano ang nangyari nang ang Israel ay hindi magdala ng mga ikapu at mga handog?

10 Bagaman ang mga ikapu at mga handog ay nang maglaon ginamit ng mga Levita, ang mga ito ay talagang mga kaloob kay Jehova at sa gayo’y kailangang mahusay na uri, karapat-dapat sa kaniya. (Levitico 22:21-25) Ano ang nangyari nang ang mga Israelita ay hindi nagdala ng kanilang mga ikapu o nang sila’y nagdala ng mababang uri ng mga handog? Wala namang kaparusahan na itinatakda ang Kautusan, subalit may mga ibinunga. Ipinagkait ni Jehova ang kaniyang pagpapala, at ang mga Levita, na wala nang materyal na panustos, ay umalis na sa kanilang mga gawain sa templo upang masuportahan ang kanilang mga sarili. Sa gayon, ang buong Israel ay nagdusa.

“Ilagak Ninyo ang Inyong Puso sa Inyong mga Lakad”

11, 12. (a) Ano ang resulta nang ang Israel ay magpabaya at hindi sumunod sa Kautusan? (b) Anong utos ang ibinigay ni Jehova sa Israel nang kaniyang ibalik sila buhat sa Babilonya?

11 Sa kaganapan ng kasaysayan ng Israel, ang iba ay uliran sa pagsisikap na makasunod sa Kautusan, kasali na ang pagbabayad ng mga ikapu. (2 Cronica 31:2-16) Datapuwat, sa pangkalahatan, ang bansa ay naging pabaya. Ulit at ulit na kanilang sinira ang pakikipagtipan kay Jehova, hanggang sa wakas sila ay kaniyang hinayaan na masakop at, noong 607 B.C.E., na mapatapon sa Babilonya.​—2 Cronica 36:15-21.

12 Iyon ay mahigpit na disiplina, subalit makalipas ang 70 taon ang kaniyang bayan ay ibinalik ni Jehova sa kanilang sariling lupain. Marami sa mga hula sa Isaias tungkol sa Paraiso ang nakatakdang magkaroon ng unang katuparan pagkatapos ng pagbabalik na iyon. (Isaias 35:1, 2; 52:1-9; 65:17-19) Subalit ang pangunahing dahilan kung bakit ibinalik ni Jehova ang kaniyang bayan ay, hindi upang magtayo ng isang makalupang paraiso, kundi upang muling itayo ang templo at isauli ang tunay na pagsamba. (Ezra 1:2, 3) Kung sinunod sana ng Israel si Jehova, materyal na mga pakinabang ang kasunod, at ang pagpapala ni Jehova ay magpapayaman sa kanila kapuwa sa espirituwal at sa materyal. Kaya naman, karaka-raka pagdating nila sa kanilang sariling bayan noong 537 B.C.E., ang mga Judio ay nagtayo ng isang dambana sa Jerusalem at nagsimulang gumawa sa templo. Gayunman, sila’y napaharap sa mahigpit na pananalansang at huminto. (Ezra 4:1-4, 23) Bilang resulta, hindi tinamasa ng Israel ang pagpapala ni Jehova.

13, 14. (a) Ano ang nangyari nang hindi maitayong-muli ng Israel ang templo? (b) Papaano sa wakas ay naitayong muli ang templo, ngunit ano pang pagkukulang ng Israel ang iniuulat?

13 Noong taóng 520 B.C.E., ibinangon ni Jehova ang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang himukin ang Israel na bumalik sa gawain na pagtatayo ng templo. Ipinakita ni Hagai na ang bansa ay dumaranas ng materyal na mga kahirapan at iniugnay niya ito sa kanilang kawalan ng sikap sa bahay ni Jehova. Sinabi niya: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ilagak ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad. Kayo’y naghahasik ng marami, ngunit nag-aani ng kaunti. Kayo’y nagsisikain, ngunit hindi nabubusog. Kayo’y nagsisiinom, ngunit hindi hanggang sa pagkalango. Kayo’y nagsisipagdamit, ngunit hindi nakapagpapainit ang sinuman; at siyang kumikita ng pinag-arawan ay kumikita ng pinag-arawan upang ilagay sa supot na may mga butas.’ Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Ilagak ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad. Magsiahon kayo sa bundok, at mangag-uwi kayo ng kahoy. At itayo ang bahay, upang aking kalugdan iyon at ako’y luwalhatiin.’ ”​—Hagai 1:5-8.

14 Palibhasa’y pinatibay-loob ni Hagai at ni Zacarias, ang kanilang mga puso ay inilagak ng mga Israelita sa kanilang mga lakad, at napatayo ang templo. Subalit mga 60 taon ang lumipas, si Nehemias ay dumalaw sa Jerusalem at nasumpungan niya na muli na namang nagpabaya ang Israel sa Kautusan ni Jehova. Kaniyang itinuwid ito. Subalit sa ikalawang pagdalaw, kaniyang nasumpungan na muli na namang sumamâ ang mga bagay. Siya’y nag-uulat: “Natuklasan ko na ang mga bahagi ng mga Levita ay hindi napabigay sa kanila, kung kaya ang mga Levita at ang mga mang-aawit na nagsisigawa ng gawain ay nangagsitakas, bawat isa sa kani-kaniyang bukid.” (Nehemias 13:10) Ang suliraning ito ay naituwid, at “dinala ng buong Juda ang ikasampung bahagi ng trigo at ng bagong alak at ng langis sa mga kamalig.”​—Nehemias 13:12.

Pagnanakaw kay Jehova

15, 16. Sa anong mga pagkukulang pinagsabihan ni Jehova ang Israel sa pamamagitan ni Malakias?

15 Malamang, ang panghuhula ni Malakias ay naganap sa ganito ring yugto ng panahon, at sinasabi sa atin ng propeta ang higit pa tungkol sa kawalang-katapatan ng Israel. Kaniyang iniuulat ang mga salita ni Jehova sa Israel: “ ‘Kung ako’y ama, nasaan ang dangal ko? At kung ako’y isang dakilang panginoon, nasaan ang takot sa akin?’ Sinabi sa inyo ni Jehova ng mga hukbo, Oh mga saserdoteng humahamak sa aking pangalan.” Ano ba ang nangyari? Ipinaliliwanag ni Jehova: “Pagka kayo’y naghahandog ng bulag na hayop na pinakahain [sinasabi ninyo]: ‘Walang masama riyan.’ At pagka kayo’y naghahandog ng hayop na pilay o may-sakit [sinasabi ninyo]: ‘Walang masama riyan.’ ”​—Malakias 1:6-8.

16 Sa ganitong malinaw na paraan, ipinakikita ni Malakias na bagaman nagdadala ng mga handog ang mga Israelita, nahahayag sa mababang uri ng mga ito ang lubhang kawalang-galang. Sumulat din si Malakias: “ ‘Mula nang mga kaarawan ng inyong mga ninuno kayo’y nagpakaligaw sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod. Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Naisip ng mga Israelita kung ano ang espesipikong kailangang gawin nila, kaya sila’y nagtanong: “Sa anong paraan kami’y manunumbalik?” Sumagot si Jehova: “Nanakawan ba ng makalupang tao ang Diyos? Subalit ninanakawan ninyo ako.” Papaano ninanakawan ng Israel si Jehova, ang May-ari ng lahat ng kayamanan? Sumagot si Jehova: “Sa mga ikasampung bahagi at sa mga abuluyan.” (Malakias 3:7, 8) Oo, sa hindi pagdadala ng kanilang mga ikapu at mga handog, ninanakawan ng Israel si Jehova!

17. Ano ang layunin sa paghingi ng mga ikapu at mga handog sa Israel, at ano ang pangako ni Jehova tungkol sa mga ikapu?

17 Ang makasaysayang pag-uulat na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng mga ikapu at mga handog sa Israel. Ang mga ito’y isang pagtatanghal ng pagpapahalaga ng nagbibigay. At sila’y tumulong sa materyal na paraan sa pagtustos sa tunay na pagsamba. Kaya naman, nagpatuloy si Jehova ng pagpapatibay-loob sa Israel: “Dalhin ninyo sa kamalig ang buong ikasampung bahagi.” Upang ipakita kung ano ang resulta kung gagawin nila iyon, nangako si Jehova: “Aking . . . ihuhulog sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.” (Malakias 3:10) Ang pagpapala ni Jehova ang magpapayaman sa kanila.

Hinatulan ng “Tunay na Panginoon”

18. (a) Sino ang darating na ibinabala ni Jehova? (b) Kailan naganap ang pagdating sa templo, sino ang kasangkot, at ano ang resulta para sa Israel?

18 Sa pamamagitan ni Malakias si Jehova ay nagbabala rin na siya’y paparito upang hatulan ang kaniyang bayan. “Narito! Aking isinusugo ang aking sugo, at siya ang maghahanda ng daan sa harap ko. At biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na inyong hinahanap, at ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan. Narito! Siya’y tiyak na darating.” (Malakias 3:1) Kailan naganap ang ipinangakong pagdating sa templo? Sa Mateo 11:10, sinipi ni Jesus ang hula ni Malakias tungkol sa isang sugo na maghahanda ng daan at ikinapit iyon kay Juan Bautista. (Malakias 4:5; Mateo 11:14) Kaya naman noong 29 C.E., ang panahon para sa paghatol ay sumapit! Sino ba ang ikalawang sugo, ang sugo ng tipan na kasama ni Jehova, “ang tunay na Panginoon,” sa templo? Si Jesus mismo, at sa dalawang pagkakataon siya’y dumating sa templo sa Jerusalem at sa dramatikong paraan ay nilinis niya iyon, pinalayas ang magdarayang mga mamamalit ng salapi. (Marcos 11:15-17; Juan 2:14-17) Tungkol sa panahong ito ng paghatol noong unang siglo, makahulang itinanong ni Jehova: “Sino ang makatatagal sa araw ng kaniyang pagparito, at sino ang makatatayo pagka siya’y nagpakita na?” (Malakias 3:2) Ang totoo, ang Israel ay hindi nakatayo. Sila’y siniyasat, nasumpungang may pagkukulang, at noong 33 C.E., sila’y itinakwil bilang piniling bansa ni Jehova.​—Mateo 23:37-39.

19. Sa papaano nanumbalik kay Jehova ang isang nalabi noong unang siglo, at anong pagpapala ang kanilang tinanggap?

19 Gayunman, isinulat din ni Malakias: “[Si Jehova] ay uupong gaya ng mga mandadalisay at tagapaglinis ng pilak at kaniyang lilinisin ang mga anak ni Levi; at kaniyang pakikinisin na parang ginto at parang pilak, at tunay na sila’y magiging isang bayan kay Jehova na naghahandog ng handog sa katuwiran.” (Malakias 3:3) Kasuwato nito, bagaman karamihan ng mga nag-aangking naglilingkod kay Jehova noong unang siglo ay itinakwil, ang ilan ay nilinis at naparoon kay Jehova, naghandog ng kaaya-ayang mga hain. Sino? Yaong mga tumugon kay Jesus, ang sugo ng tipan. Noong Pentecostes 33 C.E., 120 ng mga nagsitugong ito ang tinipong sama-sama sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Palibhasa’y pinatibay ng banal na espiritu, sila’y nagsimulang maghandog ng handog sa katuwiran, at sila’y mabilis na dumami. Hindi nagtagal, sila’y lumaganap sa buong Imperyong Romano. (Gawa 2:41; 4:4; 5:14) Sa gayon, isang nalabi ang bumalik kay Jehova.​—Malakias 3:7.

20. Nang mapuksa ang Jerusalem at ang templo, ano ang nangyari sa bagong Israel ng Diyos?

20 Ang nalabing ito ng Israel, na masasabing nahaluan ng mga Gentil na ikinatnig, wika nga, sa likas na Israel, ay isang bagong “Israel ng Diyos,” isang bansang binubuo ng pinahiran ng espiritung mga Kristiyano. (Galacia 6:16; Roma 11:17) Noong 70 C.E., isang “araw . . . na nagniningas na gaya ng hurno” ang sumapit sa Israel sa laman nang ang Jerusalem at ang kaniyang templo ay puksain ng mga hukbong Romano. (Malakias 4:1; Lucas 19:41-44) Ano ang nangyari sa espirituwal na Israel ng Diyos? Si Jehova ay “naawa sa kanila, gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.” (Malakias 3:17) Ang pinahirang kongregasyong Kristiyano ay nakinig sa makahulang babala ni Jesus. (Mateo 24:15, 16) Sila’y nakaligtas, at ang pagpapala ni Jehova ay patuloy na nagpayaman sa kanila sa espirituwal.

21. Anong mga tanong ang natitira pa tungkol sa Malakias 3:1 at 10?

21 Anong lubusang pagbabangong-puri kay Jehova! Subalit, papaano natutupad sa ngayon ang Malakias 3:1? At papaano dapat tumugon ang isang Kristiyano sa pampatibay-loob na ibinibigay ng Malakias 3:10 na dalhin sa kamalig ang buong ikapu? Ito’y tatalakayin sa susunod na artikulo.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Sa wakas, sino ang Pinagmumulan ng lahat ng kayamanan?

◻ Bakit ang espirituwal na kaunlaran ay mas magaling kaysa materyal na kayamanan?

◻ Ano ang layunin sa paghingi ng mga ikapu at mga handog sa Israel?

◻ Kailan dumating sa templo si Jehova, “ang tunay na Panginoon,” upang humatol sa Israel, at ano ang resulta?

◻ Sino ang nanumbalik kay Jehova pagkatapos na siya’y dumating sa kaniyang templo noong unang siglo C.E.?

[Larawan sa pahina 10]

Ang sugo ng tipan, si Jesus, na kumakatawan kay Jehova, ay dumating sa templo para sa paghatol noong unang siglo C.E.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share