Ano Bang Talaga ang Ebanghelyo?
SA PANAHON ng Kapaskuhan, ang mga tao sa maraming lupain ay nakaririnig, at personal pang nakapagsasalita tungkol sa, Ebanghelyo. Ang salita ay karaniwang-karaniwan na, subalit ito ba’y may higit na kahulugan kaysa naguguniguni ng karamihan? Ang Ebanghelyo kaya ay nangangahulugan ng isang bagay na lubhang mabuti para sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay?
Ang “Ebanghelyo” ay nangangahulugan ng “mabuting balita,” at tiyak, ang mabuting balita ay tinatanggap hindi lamang kung panahon ng Kapaskuhan kundi anumang panahon. Gayunman, ang Ebanghelyo ay hindi lamang anumang mabuting balita. Ito ay isang espesipikong mabuting balita galing sa isang tiyak na pinagmumulan tungkol sa isang partikular na paksa. Sa katunayan, ito ay isang mensahe na itinalaga ng Diyos na maibalita sa lahat ng tao.
Si Eugênio Salles, arsobispo ng Rio de Janeiro, Brazil, ay nangusap tungkol sa mabuting balitang iyan nang kaniyang sabihin: “Tayo’y dapat kumilos na kasuwato ng Ebanghelyo at hindi ng ayon sa mga ideolohiya.” Tama naman ang arsobispo. Subalit, upang makakilos na kasuwato ng Ebanghelyo, kailangan na alam natin kung ano ang Ebanghelyo. Papaano natin matututuhan iyan? At papaanong ang pagkilos na kasuwato ng Ebanghelyo ay tutulong sa atin?
Ano ba ang Ebanghelyo?
Ang kalikasán ng Ebanghelyo ay kalimitang mali ang pagkaunawa. Noong 1918 ang Federal Council of the Churches of Christ sa Amerika ay nagbunyi sa ngayo’y patay nang Liga ng mga Bansa bilang ang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa at nagpahayag na ito ay “nag-ugat sa Ebanghelyo.” Ang kapulungang iyan ay bigung-bigo sa kaniyang tunguhin na maingatan ang kapayapaan. Maliwanag, ang konsilyo ay nagkamali. Ang Liga ng mga Bansa ay walang kinalaman sa Ebanghelyo.
Noong nakalipas na mga taon ang mga promotor ng kalayaan sa teolohiya ay malayang bumanggit ng tungkol sa ebanghelyo sa pagsasalita tungkol sa kanilang mga idea ukol sa makapulitika o panlipunang pagbabago. Sa paggawa ng gayon ay kanilang niwalang-bahala ang tunay na Ebanghelyo. Ang magasin ng Brazil na Veja ay nagkumento: “Ang Iglesya Katolika ay nagsimulang sumang-ayon sa panlipunang kaharian, na hindi inaalintana ang espirituwal na pangangailangan ng mga mananampalataya nito. Yaong mga humahanap sa salitang Diyos sa isang sermon ay kalimitang nakasusumpong lamang ng retorikal na mga argumento laban sa mga pang-aapi sa lipunan.”
Ang pagbuti sa mga kalagayan ng pamumuhay o ang isang pagbabago sa makapulitikang pamamalakad ay marahil mabuting balita sa iba. Gayunman, hindi iyon ang mabuting balita, ang Ebanghelyo. Pagkatapos aminin ang kabiguan ng kaniyang simbahan na ipangaral ang tunay na Ebanghelyo, isang obispo ang nagsabi: “Ating napapabayaan ang espirituwal na turo ng ating kapananampalataya sapol noong dekada ng 1960-1969 dahilan sa isang materyalistikong hadlang sa ating doktrina.”
Ang isang ulat sa U.S. news magazine na Time ay nagpapahiwatig na ang mga Protestante rin ay nalito tungkol sa Ebanghelyo. May ganitong puna ang magasin: “Ang tradisyunal na denominasyon ay hindi lamang nabibigo na ipatalastas ang kanilang mensahe upang maunawaan; sila’y patuloy na nawawalan ng kasiguruhan kung ano nga ba ang mensaheng iyon.” Ano ba ang dapat na maging mensahe nila? Ano ba ang Ebanghelyo?
Kung Ano ang Ebanghelyo
Sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang “Ebanghelyo” ay “ang mensahe tungkol kay Kristo, sa kaharian ng Diyos, at kaligtasan.” Ang salitang “ebanghelyo” ay binibigyang katuturan din na “isang interpretasyon ng mensaheng Kristiyano (ang panlipunang ebanghelyo)”; “ang mensahe o mga turo ng isang guro sa relihiyon.” Lahat ba ng katuturang ito ay kumakapit? Hindi, kung ang tinutukoy natin ay ang Ebanghelyo. Ang tunay na Ebanghelyo ay nasasalig sa Bibliya; samakatuwid, iyon lamang una sa tatlong katuturang iyon ang tumpak. Ang huling dalawa ay nagbabadya lamang ng paraan ng pagkagamit sa ngayon ng salitang “ebanghelyo.”
Kasuwato ng ganitong kaisipan, ang Vine’s Expository Dictionary of New Testament Words ay nagsasabi na sa Kasulatang Griego Kristiyano (ang “Bagong Tipan”), ang Ebanghelyo ay “tumutukoy sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo, na tinatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, salig sa Kaniyang kamatayan na nagsilbing pambayad.” Mahalagang maunawaan ito sapagkat ang tamang pagkaunawa sa tunay na mabuting balita ay may malaking kinalaman sa ating kasalukuyang kapakanan at kaligayahan sa hinaharap.
Isang Naiibang Mensahe
Gaya ng ipinakikita ng naunang reperensiya, ang Ebanghelyo ay may malapit na kaugnayan kay Jesu-Kristo—kung kaya ang apat na pag-uulat ng Bibliya ng kaniyang buhay sa lupa ay tinatawag na ang apat na Ebanghelyo. Sa mismong pasimula ng kaniyang buhay bilang tao, ang balita tungkol kay Jesus ay isang mabuting balita. Nang ianunsiyo ang kaniyang kapanganakan, isang anghel ang nagsabi: “Narito! Ako’y naghahayag sa inyo ng mabuting balita [o, ebanghelyo] ng malaking kagalakan sa lahat ng tao, sapagkat may ipinanganak sa inyo sa araw na ito na isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.”—Lucas 2:10, 11.
Ang bagong silang na si Jesus ay lálakí upang maging ang Kristo, ang ipinangakong Mesiyas. Kaniyang isisiwalat ang layunin ng Diyos ukol sa kaligtasan, ihahandog ang kaniyang sakdal na buhay-tao alang-alang sa sangkatauhan, bubuhaying-muli, at pagkatapos ay magiging ang piniling Hari ng Kaharian ng Diyos. Mabuting balita nga! Kaya naman ang mensahe tungkol sa kaniya ay tinatawag na ang Ebanghelyo.
Sa panahon ng kaniyang maikling ministeryo sa lupa, si Jesus ay totoong masigasig sa pangangaral ng mabuting balita. Mababasa natin sa Ebanghelyo ng Mateo: “Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 9:35) Ang kaniyang pangangaral ay hindi lamang upang aliwin ang mga tao. Iniulat ni Marcos ang pagsasabi ni Jesus na: “Ang itinakdang panahon ay natupad na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Mangagsisi kayo, kayong mga tao, at manampalataya sa mabuting balita.” (Marcos 1:15) Oo, yaong mga nagsitugon at tumalima sa mabuting balita ay nabago ang mga buhay.
Pagkamatay ni Jesus, ang kaniyang mga tagasunod ay nagpatuloy na mangaral ng Ebanghelyo. Hindi lamang sila nagsalita tungkol sa Kaharian kundi kanila pang idinagdag ang masayang balita na si Jesus ay binuhay na sa kanan ng Diyos sa langit at inihandog ang bisa ng kaniyang sakdal na buhay-tao alang-alang sa sangkatauhan. Bilang ang pinili ng Diyos upang magpunò sa buong lupa bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, siya ang magiging Kinatawan ng Diyos sa paglipol sa mga kaaway ng Diyos at sa pagsasauli sa lupa sa isang paraiso.—Gawa 2:32-36; 2 Tesalonica 1:6-10; Hebreo 9:24-28; Apocalipsis 22:1-5.
Sa ngayon, kasali sa mabuting balita ang isa pang elemento. Ayon sa lahat ng ebidensiya ng katuparan ng hula, si Jesus ay nakaluklok na ngayon, at tayo’y nabubuhay sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:7-12) Ang panahon ng pagkilos ng Kaharian laban sa mga kaaway ng Diyos ay mabilis na lumalapit. Ano pang mabuting balita ang hihigit diyan?
Makikita natin sa susunod na artikulo kung gaano kabisa ang Ebanghelyo. Tumulong ito sa isang babaing nasilo ng madyik na may kaugnayan sa masasamang espiritu na makasumpong ng kalayaan. Tumulong ito sa isang lalaking nakabilanggo dahil sa pagnanakaw na makasumpong ng kaligayahan. At ito’y lubhang pakikinabangan mo rin naman—kung ikaw ay makikinig at tatalima sa mabuting balita.