Hindi Nalilimutan ng Diyos “ang Pag-ibig na Inyong Ipinakita sa Kaniyang Pangalan”
“HINDI liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan, sa paglilingkod ninyo sa mga banal at patuloy kayong naglilingkod.” (Hebreo 6:10) Ang mga salitang ito ni apostol Pablo ay totoo para sa mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa. Buong katapatang naglilingkod sa kapakanan ng pangalan ng Diyos, sa loob ng deka-dekada ay gumawa sila nang matagal at nang may kahirapan sa ilalim ng mga paghihigpit na ipinataw ng dating mga pamahalaan na kontrolado ng mga Sobyet. Tinatandaan ni Jehova ang kanilang mabubuting gawa at pinauulanan sila ng mga pagpapala ng Kaharian. Halimbawa, malasin natin ang ulat noong nakaraang taon ng paglilingkod buhat sa tatlo lamang sa mga lugar na iyon.
Mga Teritoryo ng Dating Unyong Sobyet
Ang mga teritoryo ng dating Unyong Sobyet ay nag-uulat na noong 1992 taon ng paglilingkuran, ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag ng Kaharian ay sumulong ng 35 porsiyento—mula sa 49,171 hanggang 66,211! Subalit hindi pa iyan ang lahat, yamang ang mga mamamahayag na iyon ay lubhang aktibo, gaya ng makikita sa maiinam na pagsulong sa mga naipasakamay na literatura sa Bibliya, kasali na ang mga magasin. Mainam din ang pagkagamit nila ng mga brosyur at mga buklet, nakapaglagay sila ng 1,654,559. Iyan ay higit sa triple kaysa bilang noong nakaraang taon na 477,235! Ano ba ang naging tugon sa lahat ng mga naipasakamay na ito? Nadoble ang bilang ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ngayon ay may 38,484 pag-aaral sa Bibliya na idinaraos.
Gayundin, 94 na porsiyento ang itinaas ng mga nakibahagi sa paglilingkurang auxiliary pioneer. Maliwanag na ito’y may nagawa sa malaking pagsulong ng bilang ng bagong kababautismong mga alagad, 26,986, kung ihahambing sa bilang noong nakaraang taon na 6,570, isang nakapanggigilalas na 311-porsiyentong pagsulong!
Papaano unang naging interesado sa mabuting balita ang ilan sa mga bagong bautismo? Kung minsan ang matinding pagkabahala ng Saksing nagdaraos ng pag-aaral ay isang salik. Isang punong tagapangasiwa na taga-Moldova ang naglalahad:
“Kami ng aking maybahay ay dumalaw sa isang babae na nagpakita ng interes noong una sa katotohanan sa Bibliya. Pinasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Subalit, ang kaniyang asawang lalaki ay hindi nagpakita ng interes. Isang araw nang kami ay patungo sa kanila upang ipagpatuloy ang pag-aaral, ang panahon ay totoong malamig at mayelo. Halos walang taong lumalakad sa kalye, subalit kami’y nakarating sa kanilang tahanan sa mismong oras na pinagkasunduan. Sinabi nito sa kaniyang asawang lalaki: ‘Nakita mo na kung gaano ang pagmamalasakit sa atin ng mga taong ito? Sila’y dumarating sa tamang oras sa kabila ng pagkakaroon ng yelo.’ Ang nangyaring ito ay umakay sa kaniyang asawang lalaki na mag-isip. Nagbago ang kaniyang isip at sumali na sa pag-aaral, at ngayon silang mag-asawa ay bautismado nang mga Saksi.”
Sa ibang pagkakataon naman ang pagiging magalang ng Saksi ay maaaring pumukaw ng interes sa mabuting balita. Isang matanda, na taga-Moldova rin, ang may ganitong karanasan:
“Isang lalaking dinalaw ko sa aking teritoryong pinangangaralan ang hindi interesado sa mga Saksi ni Jehova. Siya raw ay isang Ortodokso, kapareho ng kaniyang ama at lolo. Kaya sinabihan niya ako na umalis na roon. Datapuwat, bago ako umalis, binigyan niya ako ng pagkakataon na sabihin sa kaniya ang dahilan ng aking pagdalaw. Binanggit ko sa kaniya ang Mateo 28:19, na nagsasabi: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama, ng Anak at ng banal na espiritu.” Pagkatapos ay ibinigay ko sa kaniya ang direksiyon ng aming dakong pinagtitipunan at saka ako lumisan. Sa laki ng aking pagtataka, makalipas ang isang linggo ang taong ito ay dumating sa aming pagtitipon! Siya’y hindi umalis hangga’t hindi natatapos ang programa. Kaniyang ipinaliwanag na sa buong sanlinggo, siya’y nagsisisi dahilan sa hindi siya naging mabait sa akin. Isang pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan agad, at ngayon siya’y isa sa ating mga kapatid.”
Ang isa pang litaw na katangian ng taon ng paglilingkod ay ang lubusang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kapatid sa lugar na iyan. Sa kahabaan ng tagyelo ng 1991/92, humigit-kumulang mga 400 tonelada ng pagkain at maraming kasuutan para sa mga lalaki, babae, at mga bata ang ipinadala sa mga nangangailangan. Ang mga paglalaang ito ay ipinamahagi sa halos lahat ng bahagi ng dating teritoryo ng Unyong Sobyet, hanggang sa kasinlayo ng Irkutsk sa Siberia at Khabarovsk, malapit sa Hapón. Tunay na isang kahanga-hangang patotoo na hindi nakalimutan ni Jehova ang pag-ibig na ipinakita ng ating mga kapatid sa kaniyang pangalan! Ang katunayang ito ng pag-iibigang magkakapatid na pinukaw ng espiritu ni Jehova ay nagbunga rin ng pagbubuklod sa kanila bilang bahagi ng kanilang pambuong daigdig na pamilya. Halimbawa, isang sister sa Ukraine ang sumulat sa tanggapang sangay:
“Ang naitulong ninyo sa amin ay pumukaw sa amin sa kaibuturan ng aming mga puso. Kami’y napaluha at nagpasalamat sa Diyos na Jehova na kami’y hindi nakalimutan. Totoo, kami ay dumaranas ng kahirapan sa materyal sa ngayon, subalit dahil sa tulong na nanggaling sa ating mga kapatid sa Kanluran, kami’y muling nakabangon sa materyal na paraan. Ngayon, dahil sa inyong tulong, ang aming pamilya ay makagugugol ng higit na panahon sa paglilingkod kay Jehova. Kung kalooban ni Jehova, kami ng aking anak na babae ay mag-a-auxiliary pioneer sa mga buwan ng tag-araw.”
Bukod dito, ang pagtulong ay nagsilbing isang patotoo sa mga tagalabas sapagkat nakikita ng mga nagmamasid na ang mga Saksi ay nagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Isang pamilya buhat sa isa pang kongregasyon ang sumulat: “Aming tinanggap ang materyal na tulong na pagkain at pananamit. Sobra-sobra na iyon! Ang inyong pagtangkilik at pampatibay-loob ay isang aral para sa amin na kami man ay dapat na gumawa ng mabuti sa iba. Ang ganitong gawa ng pag-ibig ay napansin ng mga di-kapananampalataya, pati ng mga taong interesado at ng kani-kanilang pamilya; ito ay nagsilbing isang malaking patotoo tungkol sa tunay na kapatiran.”
Ang limang pandistritong kombensiyon at ang isang internasyonal na kombensiyon na ginanap nitong nakaraang Hunyo at Hulyo, na ang tema ay “Mga Tagapagdala ng Liwanag,” ay isa pang katunayan ng pagpapala ni Jehova sa pagpapagal ng kaniyang mga Saksi at sa pag-ibig na kanilang ipinakita sa pamamagitan ng pagpapakilala ng kaniyang pangalan. Ang mga kombensiyon ay dinaluhan ng 91,673 katao, at 8,562 ang nabautismuhan. Ang pinakamaraming dumalo ay sa St. Petersburg, ang pinagdausan ng internasyonal na kombensiyon, na kung saan 46,214—kasali na ang mga delegado buhat sa mga 30 bansa sa palibot ng daigdig—ang nagkatipon sa Kirov Istadium.
Sa Siberia isang lalaking mga 60 anyos ang dumating sa pinagkukombensiyunan sa Irkutsk upang magmasid lamang. Sinabi niya: “Lahat ng mga dumalo ay bihis na bihis, nakangiti, at mabait sa isa’t isa. Ang mga taong ito ay mistulang isang nagkakaisang pamilya. Nadarama ng isa na sila ay magkakaibigan hindi lamang sa istadyum kundi pati na sa araw-araw na gawain. Tumanggap ako ng napakaiinam na literatura sa Bibliya at lalo kong nakilala kung anong uri ng organisasyon ito. Nais kong laging makipagtalastasan sa mga Saksi ni Jehova at makipag-aral sa kanila ng Bibliya.”
Sa kombensiyon ding iyon sa Irkutsk, na may 5,051 dumalo, isang babaing interesado na taga-Yakut Republic, Siberia, ang nagkomento: “Pinagmamasdan ko ang mga tao, at nais kong humiyaw sa kagalakan. Ako’y lubhang nagpapasalamat kay Jehova na ako’y tinulungan niya upang makilala ang gayong mga tao. Dito sa kombensiyon, ako’y tumanggap ng literatura, at nais kong makipag-usap sa iba tungkol dito. Gustung-gusto ko na maging isang mananamba kay Jehova.”
Ang direktor ng Central Stadium sa Alma Ata, Kazakhstan, na kung saan 6,605 ang dumalo sa kombensiyon, ay nagsabi ng ganito: “Tuwang-tuwa ako sa inyong iginagawi. Ngayon ako’y kumbinsido na lahat kayo, bata at matanda, ay mga taong kagalang-galang. Hindi ko masasabing ako’y naniniwala sa Diyos, subalit ako’y naniniwala sa banal na mga bagay na itinuturo ng inyong kapatiran, sa inyong saloobin tungkol sa espirituwal at materyal na mga pamantayan.”
Isang opisyal ng pulisya sa kombensiyon sa Alma Ata ang may puna: “Kayo’y makalawang nakahalubilo ko, laging sa isang kombensiyon. Lubhang nakalulugod na gumawang kasama ng mga Saksi ni Jehova.”
Romania
Hindi nakakalimutan ni Jehova ang pag-ibig na ipinakita ng mga kapatid sa Romania sa kaniyang pangalan. Nitong nakaraang taon ng paglilingkuran ay nasaksihan ang maraming masasayang okasyon para sa mga Saksi. Una, isang tanggapang sangay ang muli na namang itinayo sa Bucharest. Ang huling legal na gawain ay natapos noong 1949. Ang tanggapan ay may mga 20 kapatid na lalaki at mga babae na gumagawa sa bagong mga pasilidad. Ang tanggapang sangay ay naglilingkod sa 24,752 mamamahayag—isang buong-panahong peak na kumakatawan sa isang 21-porsiyentong pagsulong sa aberids noong nakaraang taon.
Makalipas ang mga taon ng lihim na pangangaral, ang mga mamamahayag ay patuloy na nasasanay sa pangmadlang bahay-bahay na pagpapatotoo. Isang karanasan buhat sa Mureş County ang nagpapakita kung papaano ang ibang mga Saksi ay gumagamit ng anumang pagkakataon upang mangaral sa iba, kahit na kung sila ay naglalakbay. Sumulat ang tanggapang sangay:
“Isang mamamahayag ang nagpasiyang mangaral sa iba’t ibang kuwarto ng tren. Ang epekto sa mga tao ay karaniwan nang mabuti, subalit sa huling kuwarto, may bumangong ilang suliranin. Walang isa man sa mga naglalakbay ang ibig tumanggap ng isang sipi ng ating mga magasin. Sa wakas, isang lalaki, na medyo nayamot na, ang tumindig at sumigaw: ‘Itatapon ko sa bintana ang lahat ng inyong mga magasin! Bakit ba ninyo kami laging kinukulit sa inyong relihiyon?’ May kabaitang tumugon ang mamamahayag na kung itapon man niya ang mga magasin, may isa na makikinabang sa kaniyang ginawa—yaong pupulot sa mga magasin. Sa pagkapansin sa kahinahunan ng mamamahayag, ang lalaki ay lubhang humanga anupat kaniyang kinuha ang mga magasin at nagsimulang siya na rin mismo ang mamahagi niyaon sa ibang mga naglalakbay sa tren. Nakapagtataka, lahat sila ay kumuha ng isang magasin. Pagkatapos maipahamagi ang mga iyon, ang lalaki ay hindi naiwanan ng anumang kopya para sa kaniyang sarili. Kaya, tinanong siya ng mamamahayag: ‘Ginoo, ayaw ba kayo ng anumang mga kopya para sa inyong sarili?’ Kapagdaka’y sinunggaban ng lalaki ang isa sa mga magasin buhat sa isang manlalakbay na may dalawang kopya at nagsabi: ‘Ngayon ay narating din ako ng kahit isang kopya!’ ”
Sa maraming bansa ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay kung minsan nakapukaw ng pananalansang ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Sa Romania, ang mga pari ng Iglesya Ortodokso kadalasan ay napopoot sa mga Saksi. Subalit ito’y hindi makapagpapahinto kay Jehova sa pagpapala sa kaniyang bayan dahilan sa pag-ibig na kanilang ipinakita sa kaniyang pangalan. Isang tagapangasiwa ng sirkito ang sumulat:
“Kasama ng lokal na kongregasyon, kami ay lumabas para maglingkod sa mga kabukiran. May isandaang kapatid. Umarkila kami ng isang bus at nagbiyahe ng mga 50 kilometro sa bandang lalawigan, patungo sa isang munting bayan. Kami’y nag-anyaya ng marami sa pahayag pangmadla na idaraos sa Cultural Home. Sa mismong pagsisimula ng miting, ang paring Ortodokso ay dumating upang guluhin ang aming miting. Ang mga opisyales ng pulisya ay nagsikap na patigilin ang pari. Subalit, siya’y tumangging tumahimik. Siya’y nagtagumpay sa pagpapahinto sa miting nang kaniyang basagin ang salamin sa malaking pintuan na pasukan. Gayunman, marami sa lokal na tagaroon ang tumutol sa iginawi ng pari. Isang lubos na patotoo ang naibigay sa lahat ng dumalo, at maraming literatura ang naipamahagi.”
Malungkot sabihin, sa ilang panig ng bansa, kakaunti ang mga Saksi. Nang isang regular pioneer ang unang dumating sa county ng Olt, siya’y nakatagpo ng siyam lamang na mga kapatid sa buong county at isang malaking teritoryo na mapangangaralan. Makalipas ang isang taon ang bilang ng mga Saksi ay umabot sa 27, na lima ang mamamahayag na natulungan upang muling maging aktibo. Ang payunir ay nakatagpo ng matutuluyan sa siyudad ng Corabia, na doo’y wala kahit isang Saksi. Pagkatapos na ang mga Saksi ay lumagi roon nang 45 araw lamang, ang paring direktor ng parokya ay nagprotesta sa radyo Craiova laban sa kanilang gawain. Sinabi niya na sila’y “lumusob” sa siyudad ng Corabia dala ang kanilang mga turo, na pinagsisikapang baguhin ng mga tao ang kanilang relihiyon. Ang mga pag-atake ay nagpatuloy, na ang layunin ay pahintuin ang gawain at sirain ang mabuting pangalan ng mga Saksi sa lugar na iyon. Ito’y umabot sa sukdulan nang ang mga kapatid ay nasa Bucharest para sa pandistritong kombensiyon. Ang Ortodoksong rektor ng Corabia ay nagbigay ng matinding patalastas pagkatapos ng kaniyang serbisyo sa simbahan: “Tayong lahat ay gaganap ng isang demonstrasyon sa kalye upang pukawin ang pulisya na gumawa ng mga hakbang laban sa mga Saksi, na nilaganapan ang buong lugar ng kanilang mga publikasyon at nilason ang mga mamamayan.” Subalit nang mismong gabi bago sana idaos ang miting, may naganap na isang di-karaniwang bagay. Isang grupo ng maninira ang nagwasak sa katedral at sa City Cultural Home. Sa gayon, ang protestang miting ay hindi kailanman naganap!
Mga Teritoryo ng Dating Yugoslavia
Ang 1992 taon ng paglilingkod ay naging isang napakahirap na taon para sa mga kapatid sa lugar ng Yugoslavia. Gayunman, sila ay nagkaroon ng ilang masasayang karanasan. Salamat naman, hindi nakakalimutan ni Jehova ang kanilang gawain at ang pag-ibig na ipinakita nila sa kaniyang pangalan.
Ang digmaan ay nagsimula muna sa Slovenia, pagkatapos ay sa Croatia, at nang malaunan ay sa Bosnia at Herzegovina. Hindi natatapos ang isang taon, sa isang republika, limang bagong Estado ang nagsisikap na itatag ang kanilang sariling mga hangganan, mga batas, at mga pananalapi. Daan-daang Saksi ang kinailangang tumakas sa kanilang mga tahanan at manganlong na kasama ng kanilang mga kapatid sa ibang mga lugar. Nahahawig sa ibang mga bansa sa Silangang Europa, pangkagipitang mga komite ang inatasan sa malalaking siyudad, na nag-aasikaso ng matutuluyan, pagkain, at pananamit ng ating nangangailangang mga kapatid. Sa taon ng paglilingkod, mga 55 tonelada ng pagkain ang naipamahagi sa mga kapatid sa mga kongregasyon na nasa maliligalig na mga lugar. Tumanggap ng maraming liham ng pasasalamat.
Ang mga kapatid sa Dubrovnik ay naglahad kung gaano kalaki ang kanilang pasasalamat sa naitulong sa kanila. Nang isang sister ang pauwi na dala ang kaniyang balutan ng pagkain, isang kapitbahay ang nagtanong kung saan niya binili ang mga itlog. Sinabi sa kaniya ng sister na ang kaniyang espirituwal na mga kapatid sa ibang lugar ang nagpadala ng mga iyon. Takang-taka ang kapitbahay. Sa isa namang kaso isang di-kilalang lalaki buhat sa Slovenia ang tumawag sa isang matanda at nagsabi: “Nabalitaan ko na ang mga Saksi ni Jehova ay namamahagi ng pagkaing tinanggap buhat sa kanilang mga kapatid sa isang wastong paraan. Ako’y nagpadala ng maraming balutan sa mga tao; subalit, ang mga ito ay hindi nakarating. Maaari kayang ang gayong mga tulong ay ipadala ko sa inyo, at kayo na ang mamahagi ng mga iyon?” At, ang mga pahayagan at ang radyo ay nagbigay ng mabuting ulat tungkol sa ating ginagawang pagtulong.
Isang kapatid na nabautismuhan sa internasyonal na kombensiyon sa Zagreb noong 1991 ang nakahalata sa bumabangong mga kahirapan at bumili ng isang buong tindahan ng pagkain. Ang pagkain ay dinala niya sa kaniyang bahay malapit sa lugar ng digmaan. Habang tumitindi ang kakulangan sa pagkain, ang panustos na ito ay napatunayang isang pagpapala sa mga kapatid.
Posible na makakuha ng permiso para sa isang malaking trak upang maghatid ng mga pangunahing pagkain para sa nakukubkob na mga kapatid sa Sarajevo. Kami’y nalulugod na magbalitang nagtagumpay ang pagpapadalang iyon.
Sa labanan ay maraming nasawing mga sibilyan. Nakalulungkot sabihin, nang may katapusan ng taon ng paglilingkod, anim sa ating mga kapatid na lalaki at babae at dalawang taong interasado ang nasawi, at ang iba naman ay nasugatan.
Gayunman, ipinakikita ng maraming karanasan na sa pangkalahatan, isang proteksiyon ang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Minsan ang mga kapatid ay naglalakbay patungo sa isang pandistritong kombensiyon sa Belgrade nang ang bus ay pahintuin ng mga sundalo, at tinanong kung mayroon ba sa kanila na miyembro ng isang relihiyon. Ang mga kapatid ay tumugon na wala. Kinailangan na ipakita ang kanilang mga tarhetang pagkakakilanlan, at ang ilan sa kanila ay may mga pangalan na nagpapakitang sila nga’y maaaring miyembro ng relihiyong iyon. Sila’y inakusahan ng mga sundalo ng pagsisinungaling, subalit dala ng mga kapatid ang patotoo na sila’y nagsilabas na sa relihiyong iyon; bagaman sila ay ipinanganak sa relihiyong iyon, sinabi nila, na sila ngayon ay mga Saksi ni Jehova na, na naglalakbay patungo sa kanilang kombensiyon. At agad namang pinayagan sila ng mga sundalo na magpatuloy sa kanilang paglalakbay.
Ang mga payunir ay nagpapatuloy sa kanilang paglilingkod na taglay ang walang lubay na sigasig, at ito’y napatunayang pampasigla sa gawain. Ang Bantayan, na may kaaya-ayang mga pabalat na may kulay, ay sabay-sabay na isinasalin sa lahat ng pangunahing wika ng rehiyon. Ito’y regular na nagbibigay sa mga umiibig sa katotohanan at katuwiran ng kanilang espirituwal na “dami ng mga panustos na pagkain sa tamang panahon.” (Lucas 12:42) Sa 1992 taon ng paglilingkuran, 674 na bagong mga kapatid na lalaki at babae ang nabautismuhan.
Tiyak, hindi nalilimutan ng Diyos ang gawain ng mga kapatid sa Silangang Europa at ang pag-ibig na kanilang naipakita sa kaniyang pangalan. Isa pa, nais niya na lahat ng sumasamba sa kaniya, saan man sila nakatira, ay sumunod sa mainam na payo na sumunod na ibinigay ni Pablo, sa Hebreo 6:11, na nagsasabi: “Ibig naming bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang katapusan.”