Ikaw ba ay Aagawin Tungo sa Langit?
MARAMI ang naniniwala na sila ay aakyat sa langit pagkamatay nila. Subalit may nag-iisip na sila’y aagawin tungo sa langit sa tinatawag na rapture. Ganiyan ba ang inaasahan mo?
Ang rapture ay “ang biglang pagkawala ng milyun-milyong mga tao anupat walang anumang bakas ng kung saan sila pumunta!” Ganiyan ang sabi ng isang ebanghelistang Protestante. Sang-ayon sa The Evangelical Dictionary of Theology, ang terminong “rapture” ay tumutukoy sa “iglesya na nakipagkaisa kay Kristo sa kaniyang ikalawang pagparito.”
Ang iba’y naliligalig na isiping kanilang lilisanin ang mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya upang salubungin si Jesu-Kristo. Gayunman, marami ang naniniwala na kailangang maganap ang rapture. Ito ba’y mangyayari? Kung gayon, kailan?
Sari-saring Opinyon Tungkol sa Rapture
Ipinakikita ng Bibliya na bago magsimula ang ipinangako ni Kristo na Sanlibong Taóng Paghahari, magkakaroon ng isang panahon na tinatawag na “malaking kapighatian.” Sinabi ni Jesus: “Kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21; Apocalipsis 20:6) Para sa iba ang rapture ay mauuna sa malaking kapighatian. Ang iba ay umaasang magaganap ito sa panahong iyan. Ang iba ay may paniwala na darating ang rapture pagkatapos ng walang katulad na kahirapang iyan.
Ang pangmalas na magaganap ang rapture pagkatapos ng kapighatian ay malaganap hanggang noong maagang bahagi ng ika-19 na siglo. Nang magkagayon, sa Inglatera ay may umunlad na isang kilusan na pinamumunuan ng isang dating klerigo ng Iglesya ng Irlandya, si John Nelson Darby. Siya at ang mga Anglikanong may kasing-kaisipan niya ay nakilala bilang ang mga Brethren. Buhat sa kaniyang himpilan sa Plymouth, si Darby ay naglakbay upang mangaral sa Switzerland at sa iba pang dako sa Europa. Kaniyang sinabi na ang pagbabalik ni Kristo ay magaganap sa dalawang yugto. Ito ay magsisimula sa isang lihim na rapture, na kung saan ang “mga santo” ay aagawin bago wasakin ang lupa ng pitong-taóng panahon ng kapighatian. Pagkatapos si Kristo ay pakikita, kasama itong mga “santo”, at sila’y sama-samang maghahari sa lupa nang isang libong taon.
Idiniin ni Darby ang pangangailangan na maging hiwalay sa sanlibutan, at yaong mga may paniwalang katulad ng sa kaniya ay sa wakas nakilala bilang ang Exclusive Brethren. Si B. W. Newton ay nangulo sa isang naiibang grupo na naniniwala sa rapture subalit hindi sa isa na magaganap bago mangyari ang kapighatian. Si Alexander Reese na tagapagtaguyod ng paniwalang magaganap ang rapture pagkatapos ng kapighatian ay nanindigan na “ang Secret-Rapture na mga teorya ay sumisira sa pag-asa sa Pagparito ni Kristo.”
Ang mga pretribulationist ay naniniwala na ang ganitong pagkakaiba ng punto de vista ay maselan nga upang maapektuhan “ang kalikasan ng [kanilang] pag-asa may kaugnayan sa pagparito ni Kristo.” Ang pagtitiwala ng iba ay nasa isang “partial rapture theory,” sa paniniwala na yaong pinakatapat kay Kristo ang unang aagawin at ang higit na mga makasanlibutan ay saka na lamang sa bandang huli.
Maraming grupong ebangheliko ang nagbabalita tungkol sa isang napipintong rapture ng tapat na mga Kristiyano. Gayunman, palibhasa’y may iba’t ibang opinyon, isang pulyetong lathala ng Elim Pentecostal Church ng Britanya ang nagsasabi: “Bagaman kami ay naniniwala sa isang malawak na balangkas ng mga pangyayaring may kaugnayan sa pagbabalik ng Panginoong Jesus . . ., may kalayaan sa interpretasyon ng hula ayon sa matibay na paniniwala ng isa. Marami ang tumatanggap sa paninindigang hindi dogmatiko, matiyagang naghihintay na ang mga pangyayari ang maganap ayon sa inihulang kaayusan.”
Ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay ang pamantayan na kailangang gamitin natin sa pagsukat sa pagiging totoo ng lahat ng paniniwala. (2 Timoteo 1:13; 3:16, 17) Kung gayon, ano ba ang sinasabi nito tungkol sa rapture?